Browse stories

Paalam, aking hindi mapaglabanan na pag-ibig

Language: fil

Tatlong taon na ang nakalilipas, tinutulan ng pamilya Moore ang pagpili ni Charles Moore na pakasalan ang kanyang pinakamamahal na babae at pinili si Scarlett Riley bilang kanyang nobya. Hindi siya mahal ni Charles. Sa katunayan, kinasusuklaman niya ito. Hindi nagtagal pagkatapos nilang ikasal, nakatanggap si Scarlett ng alok mula sa kanyang pinapangarap na unibersidad at tumalon dito. Pagkaraan ng tatlong taon, nagkasakit ng malubha ang pinakamamahal na babae ni Charles. Upang matupad ang kanyang huling kahilingan, tinawagan niya si Scarlett at binigyan siya ng isang kasunduan sa…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

POV ni Scarlett:

Muli akong tumingin ng oras at bumuntong hininga. Isa't kalahating oras na ang nakalipas mula nang lumapag ako, at nawalan na ako ng bilang kung ilang beses akong tumingin sa relo. Hindi ko makita ang aking asawa na si Charles Moore. Inaaasahan kong nandito siya sa airport para sunduin ako.

Pero kasama niya siguro ang girlfriend niya ngayon... Ako ay napailing at hindi napigilang ngumiti nang mapait nang maisip ito. Dahan-dahan, hinila ko ang sarili at bagahe palabas ng pinto.

Tatlong taon na ang nakalipas mula noong ikasal kami ni Charles. Ngunit di nagtagal matapos ang aming kasal, nakatanggap ako ng magandang balita mula sa aking pinapangarap na unibersidad sa ibang bansa. Tinanggap ako sa isa nilang programa, kaya't iniwan ko muna siya dito habang ako naman ay nag-aaral.

Tatlong taon na kaming hindi nagkikita. Habang malayo ako, inilaan niya ang oras niya sa babaeng minamahal niya nang totoo.

Sa wakas, natapos ko na ang pag-aaral ko at nakabalik na sa sariling bansa. Gusto ko nang wakasan ang aming pekeng kasal. Napagdesisyunan ko na panahon na upang itigil ang pag-asa sa mga bagay na kailanman ay hindi mangyayari.

Habang nasa taxi pauwi, nagpadala ako ng mensahe kay Charles: "Kailangan nating mag-usap."

Hindi nagtagal, nakarating na ako sa aming tahimik at abandonadong bahay. Itinabi ko muna ang bagahe at tumuloy sa sala. Pagkatapos, naupo ako sa sofa at naghintay.

Inaalikabok at amoy kulob ang loob. Mapapansing walang tumira sa bahay na ito sa mahabang panahon. Ang litrato ng aming kasal at nakasabit pa rin sa dingding. Labis akong nasaktan at nalungkot nang makita ang paligid.

Tiningnan ko ang aking cellphone. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sumasagot si Charles. Malaki ang tyansang hindi siya uuwi ngayong gabi.

Gayunpaman, nanatili akong nakaupo at nilunod ang sarili ko sa mga agam-agam. Ilang sandali lamang ay may narinig akong kotseng huminto sa labas. Napatayo ako sa aking kinauupuan at nakaramdam ng mabilis na pagkabog sa aking puso. Ako pa ba ay umaasa ng kahit ano mula sa asawa kong walang puso?

Siguro.

Siguro hindi.

Ngunit sa huling sandali, itinikom ko ang aking bibig at pinagdikit ang mga nanginginig na kamay. Pinaalalahanan ko ang sarili, "Nandito ako para wakasan ang lahat."

Ilang sandali lamang, umikot ang door knob at dahan-dahang bumukas ang pinto. Binuksan ni Charles ang ilaw, at ang bumbilya ay naghulma ng isang matangkad na anino niya sa pasilyo.

Pumasok na siya.

Nakasuot siya ng maitim na amerikana at sa ilalim nito ay puting kamiseta. Bagama't kitang-kita ang pagod sa kanyang mukha, hindi maitatanggi na ubod siya ng guwapo. Ang ilong niya ay matangos, at ang mga pisngi niya ay kapansin-pansin.

Hindi pa rin siya nagbabago. Kahit ilang dipa ang layo namin, ramdam ko pa rin ang lamig ng kanyang tingin.

Humakbang siya patungo sa'kin. Pakiramdam ko ay tatalon ang puso ko sa bilis ng pagtibok. Hindi ako makapaniwala na muntik ko nang makalimutan kung gaano siya kaguwapo. Mukha siyang anghel na hindi nababagay sa mundo ng mga mortal. Mayroon siyang alindog na kayang pasukuin ang sinuman.

Ang panahon ay nagbigay sa kanya ng mas makatangging-paningin at panalong anyo. Naramdaman kong uminit ang aking mga pisngi kaya naman iniwas ko ang aking tingin.

Lumapit si Charles sa sofa at naupo. Ako naman ay umupo sa tapat niya.

Tiningnan niya ako nang mariin gamit ang kanyang malamig at matalas na mata. Ang una kong naisip ay ibaba ang aking ulo at iwasang tumitig sa kanya, pero pinilit kong itaas ang aking baba. Nakita ko ang aking repleksyon sa kanyang madilim na mga mata.

"Bumalik ka." Saad niya sa karaniwang monotono. Ito sana ay makakapagpa-inis sa akin kung hindi ko lamang siyang kilala.

"Oo?" kalmadong sagot ko.

"Kaka-email lang sa'yo ng abogado ko." Niluwagan ni Charles ang kanyang kurbata habang nagsasalita. Dahil dito, ang matikas niyang dibdib ay bumakat sa kanyang damit.

"Sige. Titingnan ko." Napalunok ako at itinago ang aking reaksyon upang manatiling walang emosyon.

Kinuha ko ang aking telepono at binuksan ang email. Agad kong nakita sa inbox ang isang email na may subject na "Divorce Agreement". Kahit na inaasahan ko ito, nakaramdam pa rin ako ng kirot sa puso ko. Mabilis at nakakagulat ang sakit. At dahil dito, sandaling nawala ang pagkahumaling ko sa lalaking nasa harapan ko.

"Sige. Pipirmahan ko." Itinabi ko ang telepono ko at muling humarap sa aking magiging ex-husband. Sa ilang sandali lamang, hindi na siya magiging akin. Hindi bale, naging maayos naman ang pagpapapanggap ko bilang "Mrs. Moore". Ngunit kailangan na itong magtapos ngayon, at kailangan ko nang alisin si Mr. Moore sa aking mundo.

"Ayaw mo bang basahin muna ang kasunduan?" tanong ni Charles.

"Hindi na kailangan. Sigurado naman akong magiging patas ka sa ex-wife mo." Isang pilit na ngiti ang bumuo sa aking labi.

Ex-wife. Malapit na akong maging ex-wife niya, ngunit hindi ako sigurado kung matatanggap ko bang matawag na ganito.

"Huwag kang mag-alala. Ibibigay ko sa'yo ang bahay na ito sa Garden Street. At ang apartment sa bayan—"

"Kailan?" bigla kong tanong.

"Ano?" Sumimangot at tumingin si Charles sa aking nang mapanuri.

"Kailan natin pipirmahan ang mga papeles?" mahina kong tanong.

Bahagyang ibinaba ni Charles ang tingin. "Iskeskedyul ko sa abogado ko."

"Sige. Hihintayin ko ang tawag mo."

Pagkaraan ng ilang sandali ng katahimikan, muling tumingin siya sa akin.

"May sakit si Rita. Gusto ko lang tuparin ang huling kahilingan niya."

Isinara ko ang aking kamao at lumunok. Tila may nakabara sa lalamunan ko.

Tinutupad lang ni Charles ang huling huling hiling ni Rita? Napakagaling na tao!

Pero kailangan ba niyang gawin iyon sa aking kapahamakan?

Sa totoo lang, wala akong karapatang masaktan dito. Pagkatapos ng lahat, isa lang akong huwad na Mrs. Moore. Peke. Pamalit. Panakip-butas.

"Naiintindihan ko." Tumango lang ako, kahit sa totoo lang, puno ang loob ko ng mga bagay na gusto kong sabihin sa kanya.

"Kung kailangan mo pa ng iba, ipapasama ko na lang sa abogado ko sa kasunduan."

"Hindi, ayos lang ako. Sapat na sa'kin kung ano ang nakasulat sa kasunduan." Kahit masakit, pinilit kong ngumiti.

"Bisitahin mo si Rita bukas." Tumayo si Charles at nagsimulang humakbang patungo sa akin.

Matibay ang huling sinabi niya. Hindi niya ako iniimbitahan upang makita ang babae niya. Bagkus, inuutusan niya ako.

Ano ba ang tingin ni Charles sa akin? At bakit ko dapat makita ang babaeng niya? Gusto lang ba niyang dagdgan ang sakit ng sugat ko?

"At bakit ko gagawin 'yon?" Tinanong ko siya ng seryoso.

"Ayokong sisihin niya ang sarili niya sa paghihiwalay natin. Sabihin mo sa kanya na may mahal kang iba. Tiyakin mo na ang desisyon nating tapusin ang kasal ay walang kinalaman sa kanya." Huminto siya sa harapan ko at mariing tumitig sa aking mga mata.

"Ayun lang ba? Walang problema."

Gusto kong tumanggi. Bakit ba sobrang hirap siyang tanggihan? Kailangan niya lang tumingin sa aking mga mata at susuko na lang ako nang walang laban.

"Salamat. Susunduin kita bukas."

"Huwag na. I-text mo na lang sa akin ang address at pupunta ako."

Tumingin si Charles sa akin nang huling beses at nagsimulang maglakad palayo.

Pinanood ko ang kanyang papalayong anyo habang ang mga luha ay bumubukal sa aking mga mata. Itinago namin ang aming kasal nang tatlong taon. Walang nakakaalam dito maliban sa aming pamilya at malalapit na kaibigan. Ilang buwan na ang nakalimupas mula nang iulat ng media ang engagement nina Charles at Rita. Maging ang mga larawan ni Rita habang sinusukat ang kanyang wedding gown ay kumalat sa Internet. Kay ganda ng kanilang tambalan!

Ilang gabi kong tinitigan ang mga larawan na iyon. At sa bawat pagkakataon, awtomatikong lumilipat ang tingin ko kay Charles. Noong mga panahong iyon, naisip ko na hindi ako dapat mawalan ng pag-asa. Naniniwala ako na hangga't kasal kami, may pag-asa pa ring mamahalin niya ako at magiging totoo ang relasyon namin. Minahal ko siya at sapat na 'yon.

Hindi ko naisip na kailangan niya rin akong mahalin pabalik at hindi lamang saglit. Kay tagal kong pinangarap na mahalin niya rin ako tulad ng pagmamahal ko sa kanya.

Tatlong taon ang sinayang ko kakahintay sa kanya. Kahit malayo kami, sinikap kong ipakita ang pagmamahal at malasakit ko sa kanya. Subalit wala akong natanggap na kapalit. Isang araw, nagising na lang ako at hinayaan kong durugin ako ng katotohanan.

Nang araw na iyon, namatay ang dating Scarlett na malambing at mapagmahal. At mula sa kanyang bangkay ay bumangon ang bagong Scarlett. Ngayon, nakasuot siya ng baluting napakakapal na walang espada o sibat ang makakasira.

Hila-hila ang mga maleta, umakyat ako sa kuwarto at nagsimulang ilabas ang aking mga damit. Pagkatapos, naligo ako at nagpalit ng pangtulog. Kung titingnan, tila hindi nagalaw ang silid mula noong ako ay umalis. Walang kahit ano ang nabago sa puwesto, ni kulubot sa kumot. Halatang hindi namalagi si Charles dito kahit isang gabi. Marahil nandoon siya sa ibang lugar, kasama si Rita.

Hindi ko mapigilang mapangiwi nang maisip ito. Pumunta ako sa balkonahe upang lumanghap ng sariwang hangin. Sa aking pagkagulat, nakita kong nakaparada pa rin ang kotse ni Charles sa daanan.

Bakit nandito pa rin siya? Hindi ba nagmamadali siyang umalis kanina para makabalik sa mahal niyang Rita?

Habang nakatitig ako sa sasakyan at lumilipad ang isip, biglang tumunog ang telepono ko. Tumatawag ang matalik kong kaibigan na si Tiana. Agad kong sinagot ang tawag niya.

"Uy, Tiana!" bati ko sa kaibigan.

"Gaga ka! Maligayang pagbalik!"

"Salamat."

"Nasa business trip pa rin ako. Pasensiya na hindi kita nasundo sa airport kanina."

"Okay lang. Dapat naman talagang inuuna ang trabaho."

"Mamalagi ka na ba rito, o aalis ka agad ulit?"

"Dito muna ako sa ngayon."

"Aba, ayos! Halika't magtrabaho sa TV station namin. Bagay ka rito. Nagtapos ka sa kursong media, maganda ang boses mo, at napakaganda mo. Sigurado akong mamahalin ka ng mga tao. Sinasabi ko sa'yo, bagay na bagay ka rito. Ano sa palagay mo?"

"Bakit hindi?" natatawa kong sabi.

"Nakausap mo na ba si Charles?" Bigla na lamang humina ang kaninang masiglang boses ni Tiana. Para bang tinatantya niya ang magiging reaksyon ko.

"Oo." Muli kong tiningnan ang sasakyan ni Charles na nakaparada.

"Sinabi niya ba sa'yo ang tungkol sa babae niya?"

"Oo."

"Hay nako. Ang kapal ng pagmumukha niya! Sino ba siya para sabihan ka tungkol sa ahas na 'yon?"

"Relaks ka lang, Tiana. Alam mo bang sinabihan niya akong bisitahin si Rita bukas? Pumayag naman ako."

"Ha? Anong sabi mo? Pumayag kang makipagkita sa babaeng umagaw ng esposo mo? Scarlett, nababaliw ka na ba? Inakit ng babaeng 'yon ang asawa mo, at hinimok ang asawa mong makipaghiwalay sa'yo. Di ko talaga alam kung bakit siya nag-aaksaya ng lakas. Hindi siya tinanggap ng pamilya Moore para kay Charles sa loob ng tatlong taon. Bakit sa tingin niya tatanggapin na siya ngayon?" Halos sumisigaw na si Tiana sa kabilang linya.

"Tapos na ang usapan. Gusto ko na lang kalimutan ang lahat." Ngumiti ako nang bahagya.

"Kakalimutan mo na lang ang lahat? Scarlett, mahal mo pa rin siya, hindi ba?"

Hindi ako sumagot. Aminado ako sa sarili ko na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya. Walang segundong hindi ko siya inisip.

"Hoy, Scarlett!" Bigla akong natigilan nang marinig ang sigaw ni Tiana.

"Pagod na ako, Tiana. Bukas na lang ulit tayo mag-usap. Sana'y magkita tayo ulit."

Agad kong ibinaba ang telepono bago pa makasagot si Tiana at huminga nang malalim. Hanggang ngayon ay nakaparada sa labas ang sasakyan ni Charles, at mukhang wala siyang balak umalis. Pero ano nga ba ang paki ko?

Sa isang iglap, tila bibigay na ang katawan ko sa pagod. Bumalik ako sa kuwarto at nahiga. Hindi ko namalayan kung gaano katagal akong nakatitig sa kisame, naghihintay na dumapo ang antok. Ilang sandali pa, may narinig akong katok sa pinto.

Kinusot ko ang antok sa mata, bumangon mula sa pagkakahiga, at binuksan ang pinto. Nadatnan kong nakatayo si Charles sa labas.

Chapter 2

POV ni Scarlett:

"May iba pa ba?" tanong ko, hindi makapaniwala.

"Kailangan nating gumising nang maaga bukas para makita si Rita," malamig na tugon ni Charles.

"Sige."

Nalilito ako. Hindi ko maiwasang isipin na bumalik lang ba siya para ipakita na siya ang may punto.

"Matutulog ako ngayong gabi dito," dagdag niya.

Natauhan ako kaagad sa sinabi niya. Gusto ko sanang tanungin kung talagang ayos lang sa kanya ang manatili rito, pero pinili kong lunukin na lang ang aking mga salita.

"Baka mahirapan kang gumising dahil sa jet lag," paliwanag niya. Siguradong nabasa niya ang pagkabahala sa mukha ko.

"Oh. Sige. Mas mabuting linisin ko na lang ang kwarto ng bisita ngayon."

Pagkasabi ko noon, agad akong lumapit sa aking maleta, handang umalis.

Ngunit biglang lumapit si Charles at hinarangan ang aking daan.

"Iniiwasan mo ba ako?"

Tinitigan ko siya sa malamig niyang mga mata at ipinaalala sa kanya. "Ginagawa ko lang ang gusto mo. Tatlong taon na ang nakalipas noong hiniling mo sa akin na lumayo."

Pagkasambit ko ng mga salitang iyon, dahan-dahan siyang lumapit. May bahid ng galit sa kanyang tingin.

"Manatili ka rito."

Sa kanyang mariing mga salita, natulala ako. Nabitiwan ko ang hawak kong maleta, at bumagsak ito sa sahig. Lumapit siya paunti-unti, at bumilis ang tibok ng puso ko...

Ngunit sa ikinagulat ko, lumagpas lang siya sa akin at dumiretso sa sofa. Doon niya dahan-dahang binuksan ang butones ng kanyang damit para maging kumportable ang pakiramdam niya.

"Matutulog ako dito sa sofa," madiin niyang sabi.

Hindi ko napigilang batukan ang aking sarili at pagalitan ang aking imahinasyon. May maduming ideya ang sumagi sa aking isipan ngayon lang! Wala na akong sinabi. Kinuha ko ang maleta ko at inilagay ito sa tabi.

Tumalikod ako kay Charles habang naririnig ko siyang naghuhubad ng damit at nagbukas ng aparador upang kumuha ng malinis na kasuotan. Ilang sandali pa, pumasok na siya sa banyo.

Tatlong taon na kaming kasal. Ang lalaking minsan kong pinangarap, ang aking legal na asawa, ngayon ay nasa loob lang ng kwartong ito kasama ko. Kahit nasa banyo na siya, nananatili ang halimuyak niya sa hangin. Ang bango—nakakailang at parang may kung anong gumuguhit sa sikmura ko.

Naglakad ako patungo sa gilid ng kama at dahan-dahang humiga. Nakatagilid ako at nakakulubot ang aking katawan. Pinakiramdaman ko ang tunog ng umaagos na tubig mula sa banyo.

Nang huminto ang tunog, agad kong ipinikit ang mga mata ko at nagkunwaring tulog. Pati ang paghinga ko, sinadya kong gawing kalmado, para hindi niya mahalatang nagkukunwari lang akong tulog.

Napakaraming bakanteng kwarto sa bahay na ito. Bakit kailangan niya pang manatili sa kwartong ito kasama ko? Dahil ba sa matagal kaming hindi nagkita? Pero ang isang bagay ay sigurado—si Charles ay nananatiling mahirap basahin.

Pagkatapos ng mahabang sandali, isang nakakabinging katahimikan ang bumalot sa paligid. Muli kong iminulat nang bahagya ang mga mata at lihim na sinilip si Charles. Nakahiga siya sa sofa, nakatalikod sa akin. Habang pinagmamasdan ko siya, unti-unting bumigat ang mga mata ko. Pakiramdam ko, kahit papaano, nakahinga ako nang mas maluwag. Alam kong walang mangyayari ngayong gabi. Pero sa kabila ng lahat, hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting panghihinayang sa kaibuturan ng puso ko.

******

Pagkagising ko kinaumagahan ay wala na si Charles. Agad kong dinampot ang telepono ko at nanlaki ang aking mga mata sa gulat. Alas-diyes na ng umaga!

Mabilis akong tumalon mula sa kama at nagmamadaling nag-ayos. Pakiramdam ko ay masyado akong nahimbing kagabi. Paglabas ko ng kuwarto, nakita ko si Charles na nakaupo sa sopa, abala sa pagbabasa ng libro.

"Bakit hindi mo ako ginising?!" sigaw ko, may halong taranta at inis. Sigaw ko, may halong taranta at inis.

"Ginawa ko. Sa totoo lang, muntik na kitang buhusan ng malamig na tubig para lang magising ka." Hindi man lang inalis ni Charles ang tingin niya mula sa libro habang nagsasalita. Wala ni bahid ng emosyon sa boses niya.

"Pasensya na… siguro pagod lang talaga ako kahapon. Tara na," sabi ko, bahagyang nahihiya habang nakayuko. Mukhang napahimbing ang tulog ko kagabi.

"Kumain ka muna ng kahit ano," sagot niya, hindi man lang nag-abala na tumingin sa akin.

"Ano? Pero si Ri—"

"Huwag kang magmadali. Magkikita pa rin naman kayo sa tanghalian."

Natigilan ako. Hindi ba niya sinabing dapat akong gumising nang maaga? Nagkamali ba ako ng dinig? Baka pinaglalaruan lang niya ako.

Gayunpaman, wala akong nagawa kundi sumunod. Kumain ako ng magaan na agahan at pagkatapos ay pinilit ko siyang umalis agad. Hindi dahil sabik akong makita si Rita. Gusto ko lang matapos agad ang araw na ito.

Sa loob ng sasakyan papuntang restawran, nanatili akong tahimik. Wala ring sinabi si Charles. Tatlong taon na kaming kasal. Pero sa kung anong dahilan, pakiramdam ko'y para kaming estranghero sa isa't isa. Ang malala, sinasamahan ko ngayon ang asawa ko papunta sa kanyang fiancee.

Huminto ang sasakyan sa Rainbow Dream, isang Michelin three-star na restawran. Ito ang pinaka-marangyang restawran sa lungsod. Sa totoo lang, hindi pa ako nakapunta rito kahit kailan. Kahit naging Mrs. Moore ako, hindi man lang ako dinala rito ni Charles.

Pagpasok namin, agad kaming sinalubong ng isang waiter. "Mr. Moore, hinihintay na po kayo ni Miss Lively sa ikalawang palapag." Base sa tono niya, tila madalas na panauhin dito si Charles.

Tahimik akong sumunod kay Charles papunta sa elevator.

"Ngumiti ka pag nakita mo si Rita. Huwag kang sumimangot," malamig na utos ni Charles.

Napakuyom ako ng palad, pero pinilit kong ngumiti. "Oo, gagawin ko."

Sa sandaling bumukas ang pinto ng pribadong silid, isang pamilyar na tinig ang sumalubong sa amin."Scarlett! Matagal na tayong hindi nagkikita!" Masiglang ngiti ang bumungad sa akin—maliwanag at puno ng kumpiyansa. Parang hindi man lang siya tumanda sa loob ng mga taong ito. Sigurado akong gumagastos siya ng malaking halaga para mapanatili ang kanyang kabataan. Kahanga-hanga, ang kanyang mukha ay kasingganda ng mga artista sa mga pelikula. Tila wala siyang dinaramdam na sakit.

Pinilit kong ngumiti pabalik. "Oo nga, matagal na nga."

"Naka-recover ka na ba sa jet lag?" tanong niya, sabay kindat. "Nag-aalala ako na baka hindi ka magising ng maaga, kaya iniskedyul ko ito sa tanghali."

"Oo, salamat. Mahimbing ang tulog ko kagabi. Sa huli, ito pa rin ang bayan ko." Sagot ko.

"Marami kang tiniis nitong nakaraang tatlong taon. Kasalanan ko itong lahat. Mabuti na lang at nandito si Charles. Mas maganda ang pakiramdam ko ngayon kaysa dati." Umubo si Rita pagkatapos niyang magsalita. Para bang hudyat, inabot ni Charles sa kanya ang isang baso ng tubig.

Nang makita niya si Rita ngayon, pakiramdam niya ay natunaw ang yelo sa kanyang katawan, at agad siyang nagbago na parang ibang tao. Iba ang pagtrato niya kay Rita kumpara sa pakikitungo niya sa akin.

Ang pangunahing putahe ngayon ay steak. Maingat na hiniwa ni Charles ang steak sa plato ni Rita. Hindi pangkaraniwan na makita siyang ganito—banayad at maalalahanin.

"Ayos lang ako. Huwag kang mag-alala. Mabuti naman ako. Sa totoo lang, kakukuha ko lang ng diploma ko." Ngumiti ako kay Rita habang pilit kong hinihiwa ang steak gamit ang kutsilyo at tinidor.

"Nanatili ka sa France ng tatlong taon. May kasintahan ka ba?" tanong niya nang walang pasubali. "Pupunta kami sa France para sa honeymoon namin, sakto sa Cannes Film Festival ngayong taon."

Kasintahan? Bilang isang matapat na Mrs. Moore, hindi ko kailanman naisip ang makipagrelasyon sa ibang lalaki habang kasal pa ako. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, may natitira pang bahid ng pag-asa sa puso ko para kay Charles.

"Uh... oo, sa totoo lang," sagot ko, pilit na pinapanatili ang aking kumpiyansa. "May nakilala ko ang isang lalaki doon. Isa siyang artist." Agad akong nag-isip ng isang lalaking maari kong ipakita sa kanya. Tulad ng sinabi ni Charles kahapon, dapat kong tiyakin na panatag ang loob ni Rita.

Nakita ko siya sa gilid ng aking mga mata. Hinihiwa niya ang steak. Natigilan siya saglit.

"May mga litrato ka ba niya?" Tanong ni Rita, puno ng pagkamausisa.

Nabigla ako sa kanyang pagkamausisa. Napatingin ako kay Charles, umaasang tutulungan niya ako. Ngunit ni hindi man lang niya ako nilingon.

"Sa ngayon, hindi pa kami magkasama, kaya wala pa akong nai-save na litrato niya sa phone ko," paliwanag ko habang patuloy kong hinihiwa ang aking steak.

"May Facebook ba siya? Baka may larawan siya doon. Gusto ko siyang makita," iginiit ni Rita. Mukhang wala siyang balak tigilan ang paksa hangga't hindi niya personal na nakikita ang lalaki.

"Sige, tingnan ko." Habang nagsasalita ako, kinuha ko ang aking telepono at nag-isip kung aling kaklase ang maaari kong palabasing manliligaw ko. Ang unang pumasok sa isip ko ay si Pierre. Maganda ang aming samahan, kaya maaaring magtagumpay ang aking plano. Binuksan ko ang kanyang Facebook page at agad kong nakita ang kanyang larawan sa harap ng Eiffel Tower. Mahaba ang kanyang buhok, magulo ngunit may istilo. Mukha siyang bata at gwapo. Magkaibang-magkaiba sina Pierre at Charles. Ang una ay artistiko at sumasabay sa agos, samantalang ang huli ay malamig at seryoso. Inabot ko kay Rita ang phone ko, ipinapakita ang litrato ni Pierre sa screen.

Kumikinang ang kanyang mga mata sa tuwa nang makita niya ang litrato. "Oh diyos! Para siyang isang malikhain at malayang Parisian na lalaki. Talagang masaya ako para sa'yo, Scarlett. Pagkatapos ng lahat, si Charles at ako... Pasensya na." Pagkatapos, ipinakita niya ang litrato kay Charles.

Sandali lang niya itong tinignan. "Bagay kayong dalawa," malamig niyang sinabi.

Sa wakas ay binalik ni Rita sa akin ang aking telepono. "Pupunta ba siya sa Amerika para dalawin ka?" tanong niya nang may pananabik.

"Nasa Europa pa rin siya. Magkakaroon siya ng art exhibition sa Lyon. Pupunta siya rito sa susunod na buwan para simulan ang kanyang karera." Nagsinungaling ako. Lahat ng lumabas sa bibig ko ay pawang kathang-isip lamang. Ngunit, hindi naman iyon mahalaga. Ang pinakamahalaga sa akin ngayon ay mapasaya si Rita. Bukod pa diyan, baka hindi ko na siya muling makita pagkatapos kong pumirma sa kasunduan ng diborsiyo. Kung hindi, kailangan ko pang mag-isip kung paano mapapapunta si Pierre rito.

"Mahal mo ba siya?" Tanong ni Rita, kumikislap ang mga mata sa pananabik.

Nabigla ako.

"Siyempre." Sinikap kong manatiling kalmado at mahinahon, para hindi niya makita ang tunay kong nararamdaman.

"Napakaganda niyan! Charles, mukhang hindi na natin kailangang mag-alala pa tungkol kay Scarlett. Ipagdasal natin ang kaligayahan ni Scarlett!" Masiglang itinaas ni Rita ang kanyang baso.

Itinaas din ni Charles ang kanya.

"Scarlett, ipangako mo sa akin na magiging masaya ka." Tinitigan ako ni Rita habang nagsasalita siya. Pero alam kong lahat ng ito ay pagpapanggap lamang. Sa likod ng kanyang mapagkumbabang ngiti, may nakatagong pangit at madilim na layunin.

"Siyempre naman. Ikaw rin."

Sabay kaming uminom bilang tanda ng pangakong iyon.

Ngunit nang ibaba ko ang aking baso, biglang nanginig ang mga kamay ko. Hindi lang iyon, kundi parang nasusuka rin ako. Sana matapos na agad ang hapunang ito. Ayoko nang makita ang mapagpanggap na ito.

"Paumanhin, pupunta muna ako sa banyo." Nagpaalam ako, hindi ko na kayang tiisin pa. Gusto kong lumabas at huminga ng sariwang hangin para maibsan ang nakakabalisang pakiramdam sa aking tiyan.

Pagbalik ko sa mesa, nakita kong tinutulungan na ni Charles si Rita na isuot ang kanyang amerikana.

"Hindi maganda ang pakiramdam ni Rita. Ihahatid ko siya pauwi. Mamaya, gagawin ko—"

"Ayos lang. Kaya kong umuwi mag-isa," paniniguro ko.

Walang akong magawa kundi panoorin si Charles habang papalabas ng restawran, buhat si Rita sa kanyang bisig. Biglang lumuwag ang naninigas kong mga kalamnan.

Chapter 3

POV ni Charles:

Pagkatapos kong ihatid si Rita pauwi, bumalik ako sa opisina para tapusin ang ilang trabaho.

Kinagabihan, nakatanggap ako ng mensahe mula kay Spencer.

Nakasaad dito, "Charles, gusto mo bang sumama sa amin? Kumpleto na tayo."

Sagot ko, "Okay, sige. Agad akong pupunta diyan."

Nagtatype ako habang naglalakad palabas ng opisina.

Si Spencer ang nagmamay-ari ng Mint Bar. Isa ito sa pinakasikat na bar sa lungsod, at lalo itong matao ngayong gabi. Pagdating ko doon, nakita ko agad sina Spencer at David. Mula pagkabata ay magkakaibigan na kami.

"Nakita mo ba si Scarlett?" Agad na tanong ni Spencer pagkarating ko sa harapan niya.

"Oo," sagot ko at agad na iniutos sa bartender na dalhan ako ng isang baso ng whiskey.

"Talaga bang maghihiwalay na kayo?" tanong ni Spencer, habang papalapit sa akin.

"Oo," sagot ko nang may pagkainip, at nagsindi ako ng sigarilyo.

"Paano mo nagawa 'yon, bro? Si Scarlett, para na namin siyang kapatid. Kasama namin siyang lumaki. Labis kayong malupit sa kanya ni Rita."

Nagbuga ako ng usok habang inilalagay ng bartender ang inumin sa harap ko. Nagpasya akong huwag sagutin si Spencer at ininom ko na lang ang aking whiskey. Ngunit totoo ang kanyang mga sinabi.

Ang totoo, kinabahan ako kagabi noong kinausap ko si Scarlett tungkol sa hiwalayan namin. Samantala, siya naman ay nakaupo lang doon, kalmadong-kalmado. Hindi ko alam kung nakakainis ba ito o nakakabilib. Hindi namin nakita ang isa't isa sa loob ng tatlong taon. Hindi na siya ang dating batang babaeng madaling basahin ang damdamin. Malaki na ang ipinagbago niya.

Medyo nabagabag ako nang makita ko siyang muli na napakakalmado.

"Sumang-ayon ba siya?" tanong ni David nang may pag-uusisa.

"Oo, sumang-ayon siya."

Sa oras na ito, pinagsisisihan ko ang aking desisyon na lumabas at makipagkita sa mga kaibigan ko. Gusto ko lang sanang makipag-inuman sa kanila, pero heto sila, sunod-sunod ang tanong sa akin.

"Talaga bang pakakasalan mo si Rita?"

"Oo."

"Seryoso ka ba diyan? Talaga bang isasakripisyo mo ang kaligayahan mo dahil lang sa iniligtas ka niya?" Naging emosyonal si David sa sagot ko. Aksidenteng niyang natapunan ng alak ang damit ko.

"Tangina!" sabi ko nang galit.

"Hay naku! Sorry, pare," agad na nagpaumanhin si David.

Dahil ayaw kong umupo doon na mukhang magulo, nagpaalam ako at umuwi para magpalit ng damit. Lumabas ako ng bar at tumawag ng sasakyan. Balak ko sanang umuwi, pero pagkasakay ko sa kotse, bigla akong napaisip.

Pagkatapos, sinabi ko sa drayber na sa Garden Street na lang ako ihatid.

Pagdating ko, nakita kong maliwanag ang bahay, at naririnig ko ang tawanan sa loob. Isang pamilyar na Mercedes ang nakaparada sa garahe.

Mukhang dumalaw ang aking ina at lola.

Nagmadali akong pumunta sa pintuan, pero bago ko pa maipasok ang password, may nagbukas na mula sa loob.

"Saan ka nanggaling? Bakit hindi mo man lang sinasagot ang mga tawag ko?" Lumapit sa akin ang ina ko at pinagalitan ako.

"Nasa pagpupulong ako, Ma."

"Bakit ka amoy alak? Nag-inom ka ba? Diyos ko, ang kalat mo. Magpalit ka nga ng damit." Sumimangot siya at pinapasok ako sa loob.

Pumasok ako sa loob at nakita ko sina Lola at Scarlett na nag-uusap at nagtatawanan sa sala. May mga prutas at apple pie sa lamesa.

"Hi po, Lola." Lumapit ako para bumati at kukuha sana ng apple pie, pero hinampas ng lola ko ang kamay ko.

"Huwag mong galawin 'yan. Hindi 'yan para sa'yo. Para kay Scarlett 'yan."

"Charles, anong nangyari sa'yo? Halika, ikukuha kita ng malinis na damit." Tumayo si Scarlett at lumapit sa akin.

"Matagal na kayong mag-asawa. Bakit Charles pa rin ang tawag mo sa kanya?" Tinanong ni Lola si Scarlett at tumingin sa akin na parang naghihinala.

"May mali ba sa paraan ng pagtawag ko sa kanya?" Huminto si Scarlett at nagtanong.

"Hindi ba't ang mga batang mag-asawa tulad ninyo ay nagtatawagan ng honey, babe, o iba pang mga tawagan?"

Napatigil si Scarlett at napaisip. Pagkatapos, naglinis siya ng lalamunan upang magsalita. "Halika, honey. Tutulungan kitang magpalit."

Tinulungan niya akong hubarin ang aking suot at nginitian ako nang matamis.

"Iyan ang gusto ko," ngiti ni Lola, puno ng kasiyahan ang kanyang tono.

Gustong-gusto niya si Scarlett. Noong nasa ibang bansa si Scarlett nitong mga nakaraang taon, madalas akong tanungin ni Lola tungkol sa kanya. Sumasagot lang ako nang walang pakialam.

Hindi nagtagal, nagpalit ng paksa si Lola.

"Charles, nagpa-appointment ako sa doktor para sa iyo ngayong linggo. Huwag kang uminom hanggang sa araw na 'yon. Gusto kong magpatingin ka sa doktor."

Nagulat ako.

"Pero katatapos ko lang magpa-check up, Lola. Malusog ako."

"Ayaw kong magpa-physical examination ka ulit. Ito ay isang espesyal na pagsusuri. Ilang taon na rin. Nasaan na ang mga apo ko sa tuhod? At sigurado akong hindi ito kasalanan ni Scarlett. Ikaw ang may problema."

Itinikom ni Scarlett ang kanyang mga labi at tumingin sa akin. Umigting ang panga niya. Para siyang nagpipigil ng tawa.

Bago ko pa maipagtanggol ang aking sarili, tumunog ang aking telepono, at nakahinga ako nang maluwag. Habang hawak ni Scarlett ang dyaket ko, kinuha niya ang telepono ko sa bulsa at nakita ang pangalan ng tumatawag. Alam kong si Rita iyon dahil biglang nagbago ang mukha niya.

"Siya ba 'yung babae? Diyos ko!" bulalas ng aking ina.

Inagaw ko ang telepono kay Scarlett at binaba ang tawag.

"Si Rita ba iyan? May asawa ka na, Charles. Bakit may koneksyon ka pa rin sa babaeng iyon? Dapat manatili kang tapat kay Scarlett. At ano yung mga litrato ni Rita na nagsusukat ng damit pangkasal na nakita ko sa balita? Ano ba talaga ang nangyayari?" Nagbunganga si Lola.

"Hindi ito gaya ng iniisip niyo, Lola."

"Kung ganun, bakit hindi mo sinagot ang tawag niya? May pag-uusapan ba kayo na hindi namin dapat marinig?"

Hindi ko alam ang isasagot. Kaya kong magsinungaling sa iba, pero hindi kay Lola. Lagi niyang nababasa ang isip ko.

Nanginginig si Lola sa sobrang galit. Kumuha agad si Scarlett ng tubig.

"Sasagutin ni Charles ang tanong niyo, Lola, pero hayaan niyo muna siyang magpalit ng damit," sabi ni Scarlett, sabay tulak sa akin paakyat ng hagdan papunta sa kwarto.

"May mga puting kamiseta ako sa pangatlong kabinet."

Habang kumukuha si Scarlett ng malinis na damit para sa akin, hinubad ko ang damit na natapunan ng alak ni David. Sira na ito. Naku, po. Sa susunod, hindi ko na talaga siya patatawarin.

Pagkatapos, biglang tumahimik sa likod ko. Lumingon ako.

Nakatayo si Scarlett at nakatitig sa akin, hawak ang isa kong kamiseta. Yumuko ito, sinusubukang itago ang matinding pamumula sa kanyang mga pisngi.

"Gaano katagal ka nang nakatayo diyan?"

Hindi ito sumagot. Ipinikit niya agad ang kanyang mga mata. Pumunta ako sa kanya.

Sa pagkakataong ito, mas nakita ko ang pagbabago niya. Hindi na siya yung batang babae noon. Ang tatlong taon niya sa Pransya ang nagpabago sa kanya, mula sa isang simpleng usbong, naging isang marikit na rosas.

Nanginginig ang kanyang mahahabang pilikmata. Nakatikom ang kanyang mga labi, na parang may pinipigilan. Habang tumatagal, lalong namumula ang mukha niya.

Kinuha ko ang damit sa kanya at agad na sinuot.

Pagkatapos kong magpalit ng malinis na damit, bumalik kami sa sala.

"Wala na akong masyadong taon na natitira, Charles. Bakit hindi ka na lang mamuhay ng mapayapa kasama si Scarlett? Bakit mo ako laging iniinis, ha?" Sinisisi pa rin ako ni Lola.

"Lola, sa susunod na pupunta kayo dito, tawagan niyo lang ako at susunduin ko kayo, ha?" Hindi ko pa rin alam ang isasagot sa kanya, kaya nagdesisyon na lang akong ibahin ang usapan.

"Hindi na, salamat. Lagi kang abala. Ayokong makaabala sa iyo. Gusto ko lang malaman kung inaalagaan mo nang maayos ang iyong asawa."

"Lola, ayos lang po ako," sabat ni Scarlett.

"Mabuti naman kung ganon. Ay nga pala, huwag mong kalimutan ang ika-60 anibersaryo ng Moore Group bukas. Charles, inaasahan ko na bibilhan mo si Scarlett ng magandang damit para sa pagdiriwang. Gusto ko makita ng lahat kung gaano ka kapalad na nakuha mo siya. Huwag mo na akong paiiyakin ulit, ha, bata ka?"

"Siyempre naman, Lola."

Matapos makipagkwentuhan kay Lola at kay Mama ng matagal, nagawa ko rin silang kumbinsihin na magpahinga na sa gabi at inihatid ko sila pauwi.

Sa sitwasyon ngayon, talagang hindi ko pwedeng banggitin ang diborsyo sa kanila nang hindi nagkakagulo.