Browse stories

Captivasyon: Walang Gusto Kundi Ikaw

Language: fil

Ang kanyang fiance at ang kanyang matalik na kaibigan ay nagtrabaho at nag-set up sa kanya. Nawala niya ang lahat at namatay sa kalye. Gayunpaman, muling isinilang siya. Sa sandaling imulat niya ang kanyang mga mata, sinusubukan siyang sakalin ng kanyang asawa. Sa kabutihang palad, nakaligtas siya. Pinirmahan niya ang kasunduan sa diborsiyo nang walang pag-aalinlangan at handa na para sa kanyang miserableng buhay. Sa kanyang pagtataka, ang kanyang ina sa buhay na ito ay nag-iwan sa kanya ng malaking pera. Inikot niya ang mga mesa at naghiganti sa sarili. Naging maayos ang lahat sa kanyang…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

"Rachel, ikaw, walang kuwentang babae ka. PUMUNTA KA SA IMPYERNO!"

Tila nakasuot ng maskara ng galit ang lalaki sa king-size na kama. Ang kanyang mga mata'y nagliliyab sa poot. Samantala, gigil na gigil ang kanyang mga ugat sa noo at bisig habang sinasakal ang payat na leeg ng babae.

Inaantok at wala pa sa ayos ang babae, ngunit nararamdaman niyang may mali. Hindi siya makahinga!

Napadilat si Rachel Bennet, pagod pa mula sa pagtulog. May isang pares ng kamay sa kanyang leeg, sinasakal siya hanggang sa mawalan siya ng buhay. Habang siya ay nalilito, nilalamon din sya ng takot at pagkataranta

Nang malapit nang maubusan ng hangin ang kanyang mga baga, nagising ang kanyang diwa at nagsimulang magsipa-sipa. Itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinilit na kumawala sa nananakit sa kanya.

Ngunit hindi niya maitulak man lang ang lalaki. Sa halip, nihigpitan pa nito ang hawak sa kanyang leeg na naging sanhi ng pagkamula at pagkalabo ng paningin ni Rachel.

Bam!

Bumukas ang pinto at mabilis na pumasok ang mayordomo. Namutla ang kanyang mukha sa kanyang nakita, ngunit hindi niya sinayang ang oras. Nagmadali siyang pumunta sa kama, hinawakan ang braso ng lalaki habang sumisigaw, "Mr. Sullivan! Mr. Sullivan! Bitawan mo siya! Mapapatay mo siya!"

"Karapat-dapat siyang mamatay!" Naglalaway at tila nasisiraan na ng bait ang lalaki habang nagsasalita.

Alam ng mayordomo na hindi niya mapipigilan ang lalaki sa pisikal na paraan, kaya't lumuhod siya sa tabi ng kama at nagmakaawa para sa buhay ni Rachel. "Mr. Sullivan, maawa ka! Kapag pinatay mo siya, magugulumihanan ang iyong lola sa kanyang libingan. Hindi siya makakapagpahinga nang payapa!"

Lola?

Nang marinig ang sinabi ng mayordomo, bahagyang lumuwag ang pagkakasakal ni Victor Sullivan.

Sinamantala ito ni Rachel upang makatakas sa kanyang pagkakahawak at gumapang palayo. Bumangga ang kanyang likod sa headboard at nanatiling nakayakap sa sarili. Nakatitig siya kay Victor, nanlalaki ang mga mata sa takot.

Nang makita ng mayordomo ang pagbabago sa kilos ni Victor, nagpatuloy siya sa kanyang sinasabi. "Mr. Sullivan, huminahon ho kayo! Magiging opisyal na ang inyong diborsyo ngayong araw. Hindi mo na siya muling makikita! Pakiusap, maawa ka sa kanya, alang-alang sa kanyang ina. Siya ang nagligtas sa iyong lola nang minsan itong manganib, hindi ba? Kaya pakiusap, kumalma ka!"

Nakuha ni Victor ang punto ng mayordomo. Kaya't tumayo siya mula sa kama at tahimik na isinuot ang kanyang damit pantulog. Sunod, tumalikod siya kay Rachel at nagsalita gamit ang boses na kasing lamig ng yelo.

"Sasabihan ko si Ivan na ipadala rito ang mga papeles ng diborsyo. Pirmahan mo ito, at pagkatapos ay lumayas ka na. Ayaw ko nang makita pa ang iyong pagmumukha kailanman."

Pagkatapos niyang mag-iwan ng isang huling tingin na puno ng galit, umalis na siya sa silid kasama ang mayordomo.

Sumakit ang mga tainga ni Rachel sa ingay ng pagbagsak ng mga pinto. Tinakpan niya ang kanyang sarili ng kumot, nananatiling gulat na gulat. Namumutla ang kanyang mukha. Samantala, ang kanyang puso'y tila kumakalabog sa kanyang dibdib.

Yumuko siya at tiningnan ang kanyang katawan. Siya ay ganap na hubad, at puno ng maiitim na pasa ang kanyang walang kapintasang balat.

Dahil sa adrenaline na dumadaloy sa kanyang mga ugat, hindi siya nakaramdam ng kahit anong sakit o kirot hanggang ngayon. Ngunit ngayong nalampasan na niya ang paghihirap, naramdaman na rin niya ang pananakit ng buong katawan. Masakit ang lahat sa kanya.

Sinubukan niyang maghanap ng maisusuot pero wala siyang makitang anumang pambabaeng damit sa aparador. Tanging mga pang-lalaking kamiseta at itim na mga amerikana lamang ang laman nito.

Pinili niyang kumuha ng isang kamiseta at pares ng pantalon upang suotin. Dahil pang-lalaki ang laki ng pantalon, sumasayad ito sa sahig habang siya'y naglalakad.

Dagdag sa sakit ng kanyang katawan, naramdaman din ni Rachel ang paparating na matinding sakit ng ulo. Habang dumadaing ay pumunta sya sa sofa upang makaupo. Isinandal niya ang kanyang ulo at pumikit. Unti-unting pumasok sa kanyang isipan ang mga alaala na alam niyang hindi kanya.

Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang iminulat ang kanyang mga mata. Ang mga alaala na iyon ay pag-aari ng dating may-ari ng katawang ito, ang babaeng nagngangalang Rachel. Matapos niyang tahimik na intindihin ang mga bagay-bagay, sa wakas ay nakarating siya sa dalawang konklusyon.

Mula sa pagiging Shelia Davis patungo sa pagiging Rachel Bennet, siya'y muling isinilang.

Ang dating may ari ng katawang ito ay isang walang kwentang babaeng baliw na baliw kay Victor. Ang kanyang ina ay nagkasakit at namatay kamakailan lang, habang ang kanyang ama ay isang miserableng taong walang silbi.

Noong sandaling iyon, may kumatok sa pinto.

Naputol ang pagninilay-nilay ni Rachel. Isang malamig na tinig ang nagsalita mula sa labas ng kwarto. "Maaari ba akong pumasok?"

Agad itinaas ni Rachel ang laylayan ng kanyang pantalon at nagmadali upang buksan ang pinto. Nakatayo sa labas ang isang matangkad at nanlulumong lalaki. May hawak itong bungkos ng mga papel.

"Ivan." Mabilis na nahanap ni Rachel sa kanyang alaala ang pangalan ng lalaki.

Iniabot sa kanya ni Ivan Chaves ang mga dokumento at isang panulat. Walang ekspresyon ang kanyang mukha. "Inutusan ako ni Mr. Sullivan upang ihatid ka palabas sa oras na pirmahan mo ang mga papeles ng diborsyo."

Tiningnan ni Rachel ang mga dokumento habang inaalala ang sinabi ng mayordomo kanina. Ngayon ang ikalawang anibersaryo ng kasal nila Victor at Rachel. Ngunit simula ngayon, ito rin ang magiging wakas ng kanilang pagsasama.

Naiplano ba ang kasunduan sa diborsyo ng wala pa sa isang oras? Talaga yatang kinamumuhian ni Victor si Rachel.

Kinuha niya ang kasunduan at inisa-isa ang bawat pahina, maayos na pumipirma ng "Rachel Bennet" kung saan kailangan. Natapos siya sa loob ng wala pang tatlumpung segundo.

"Heto na," sabi ni Rachel habang ibinabalik ang mga papel kay Ivan at kinlik ang bolpen.

Tiningnan siya ni Ivan, gulat at nakataas ang mga kilay. Hindi niya inasahan na magiging ganoon lang iyon kadali. Nang hilingin ni Victor na dalhin niya ang kasunduan, sinabihan siya nito na ayaw ni Rachel pumirma kaya baka kailangan niya itong puwersahin.

"Ayaw mo bang basahin muna ito?" tanong ni Ivan. Hindi pa rin niya kinukuha pabalik ang mga papel.

Tumaas ang kilay ni Rachel at walang pakialam na sinagot, "Huwag na."

"Hindi ka ba interesado sa kung ano ang makukuha mo mula sa diborsyong ito?" Nakakunot na ang noo ni Ivan, patindi nang patindi ang pagkalito.

Nakataas pa rin ang kilay ni Rachel habang inaayos ang kanyang pantalon. Binigyan niya si Ivan ng isang matamis na ngiti. "Hindi ko na iyan kailangan pang basahin. Alam ko na may dalawa lamang na maaaring mangyari. Una, malulubog ako sa utang at kaagad na mawawalan ng pera. Pangalawa, aalis ako sa kasal na ito na walang dalang pera. Sigurado ako na bumuo si Victor ng isang grupo ng mga natatanging abogado upang bumalangkas ng pinakamainam na opsyon para sa kanya."

Dumilim ang mga mata ni Ivan. Sa wakas, kinuha niya ang mga papel ng diborsyo at sinabing, "Hinihiling lamang ni Mr. Sullivan na umalis ka na walang dalang kahit ano mang ari-arian niya."

"Kung gayon, siguraduhin mong pasalamatan mo siya sa ngalan ko." Tunay na walang pakialam si Rachel. Ang nagmahal kay Victor ay ang dating may-ari ng katawang ito, hindi siya. Balewala sa kanya kung mamatay man o hindi ang lalaki.

Hindi naman niya gusto ang isang marahas na lalaking katulad ni Victor bilang asawa, isang lalaking kayang sakalin hanggang sa mamatay ang kanyang maybahay. Ngayon ay nagkaroon siya ng isa pang pagkakataon upang mabuhay, at balak niyang gamitin ito ng wasto.

Napatingin si Ivan sa leeg ni Rachel.

"Nais mo bang tumawag ako ng doktor para sa iyo?"

Panandaliang naguluhan si Rachel bago maalala ang mga pasa sa kanyang leeg. Itinaas niya ang kanyang kamay upang damhin ang mga ito. Nagbalik sa kanya ang pakiramdam na sinasakal siya at kinailangan niyang umiling para makalimutan ito.

"Huwag na. Salamat. Ayos lang ako. Hindi naman ganoon kasakit," sagot niya, sabay kibit-balikat.

"Kung gayon, paki-ligpit na ng iyong mga gamit." Bumalik sa normal ang tono ni Ivan: malamig at pormal.

Tumango si Rachel at umalis ng kwarto ni Victor nang nakapaa, patuloy pa ring hinihila ang kanyang pantalon. Mahaba-haba ang kanyang lalakarin bago makarating sa sarili niyang kwarto. Labis na kina-iinisan ni Victor si Rachel, kaya't ayaw na ayaw niyang makasalubong ito sa pasilyo. Dahil doon, nasa kabilang dulo ng malaking bahay na ito ang kanyang kwarto.

Kailangan niya ng halos dalawang minuto upang makarating doon.

Dating silid-imbakan ang kanyang kwarto. Ngunit hindi nagtagal matapos ang kanilang kasal ay lumipat na si Rachel dito. Itinulak niya ang pinto at mabilis na pumasok sa makitid na daanan.

Napakaliit ng kwarto. Mayroon lamang itong laman na isang kama at isang tokador. Masyado pang magkalapit ang mga ito, kaya't halos wala nang puwang para makalakad ng maayos.

Wala rin masyadong gamit na kailangang i-empake si Rachel. Maliban sa kanyang mga koloreteng nakakalat sa ibabaw ng mesa at ilang mga damit, wala na siyang ibang mga gamit. Nagpalit muna siya ng sariling damit bago isinilid ang iba sa isang maleta.

"Ayan, na-empake ko na ang lahat. Aalis na ako. Sana hindi na kita muling makita, Ivan! Paalam!" pahayag ni Rachel, malamig at tunog walang pakialam ang kanyang boses, habang hinihila ang kanyang maleta sa kahabaan ng pasilyo.

"Rachel, saan ka sa tingin mo pupunta?" Biglang bumukas ang mga pintuan ng elevator at lumantad ang isang babaeng naka-business suit. Rinig ang malutong at matalas na tunog ng kanyang mataas na takong sa bawat hakbang niya sa marmol na sahig. Akmang-akma ito sa kasing-talas niyang boses.

Chapter 2

Huminto si Rachel upang tingnan ang babaeng papalapit sa kanya.

"Alice?" Kapatid niya sa ama si Alice Jenkins, isang tunay na doble-karang bruha.

Nang malapitan na niya ng harap-harapan si Rachel, ngumisi si Alice. "Ang aking minamahal na kapatid, aalis ka na ba?"

Umirap si Rachel at nagpeke ng ngiti. "Ang tagal na mula nang huli tayong magkita pero bakit nagtatanong ka pa rin ng mga walang kakwenta-kwentang tanong? Kung saan-saan ka lang ba dumudumi?"

Napikon si Alice, ngunit mabilis siyang nagtimpi at muling nagpakita ng inosenteng ekspresyon.

"Gusto ko lang naman ipakita ang aking malasakit. Paano mo ako nagawang pag-isipan nang ganyan?"

Malasakit?

Nakakatawa. Ang totoo ay nais niya lamang pagtawanan si Rachel.

Sumingit si Ivan sa kanilang pag-uusap, walang bakas ng emosyon sa kanyang mukha. Paalala niya, "Mrs. Sullivan, oras na para ika'y umalis. Pabalik na si Mr. Sullivan."

Kumibot ang mga sulok ng bibig ni Rachel. Tinuro niya si Alice at sinabi kay Ivan, "Hindi sa ayaw kong umalis. Ang problema ay may asong ulol na humaharang sa aking daanan. Natatakot ako na baka kagatin niya ako."

Napipi si Ivan.

Samantala, nagsimulang umiyak si Alice ng mapagkunwaring mga luha. "Rachel, alam ko na ngayong araw ang iyong diborsyo. Nag-alala ako na baka malungkot ka, kaya't umalis ako ng trabaho ng maaga para puntahan ka. Paano... Paano mo naisip na sabihin sa'kin iyan? Kapatid mo ako."

"Tumahimik ka! Wala akong kapatid na aso." Mabilis na lumayo si Rachel mula kay Alice at muling humarap kay Ivan. "Ivan, tara na?"

Sumakit ang mga sentido ni Ivan, at sandali siyang nabigo na panatilihin ang kanyang seryosong ekspresyon. Wala siyang ibang nagawa kundi pagsabihan si Alice, "Miss Jenkins, pakiusap, hayaan mo kaming umalis."

Kinagat ni Alice ang kanyang ibabang labi. Sa sandaling ito, nagliyab ang kanyang mga mata sa galit sa ilalim ng kanyang bangs.

"Ivan, hindi makakaintindi ng wikang tao ang isang asong walang pagsasanay," sinabi ni Rachel upang mang-asar.

Nag-umapaw ang galit ni Alice dahil sa pangungusap na iyon. Kinuyom niya ang mga kamao at tinitigan si Rachel.

Nang makita niya na nagpipigil si Alice ng galit, bahagyang tinagilid ni Rachel ang kanyang ulo at ngumiti upang lalong mang-asar.

Ikinainis ni Alice ang mapagmataas na ngiti sa mukha ni Rachel.

Ano ba talaga ang nangyayari? Karaniwang tahimik lamang si Rachel. Lagi rin siyang masunurin at mapagpasalamat sa akin. Bakit biglang nagbago ang kanyang ugali?

"Miss Jenkins," tawag ni Ivan, may bakas ng pagka-inip sa kaniyang boses.

Itinikom ni Alice ang kanyang mga labi at itinago ang kanyang pagtataka. "Ivan, hindi sa ayaw kong umalis ang kapatid ko. Kaya lang, inutusan ako ni Victor na tingnan kung ano na ang kalagayan dito."

Parehong nagulat sina Ivan at Rachel nang marinig iyon.

"Alam ni Victor na pupunta ako rito, kaya't partikular niyang sinabi sa akin na bantayan si Rachel mag-empake at umalis. Ayon sa kasunduan sa diborsyo, hindi niya raw pinahihintulutan si Rachel na kumuha ng anumang bagay na pag-aari ng pamilya Sullivan. Nandito lang ako para siguraduhin na tutuparin niya ang kasunduan." Pagkatapos magpaliwanag ni Alice ay tiningnan niya ang maleta sa tabi ni Rachel.

"Kaya, Rachel, maaari mo bang buksan ang iyong maleta? Kailangan kong tingnan kung may kinuha kang hindi sa'yo."

Napakunot-noo si Rachel. "Mayroon lamang itong iilang mga damit. Wala akong kinuha na pagmamay-ari ng mga Sullivan!"

Sa kabila nang sinabi ni Rachel, hinablot ni Alice ang maleta at sinabing, "Pasensya na pero hindi ikaw ang magpapasya niyan. Kung wala kang kinuha na hindi iyo, bakit ka natatakot ipakita sa akin ang laman ng iyong maleta?"

Pagkatapos noon, inilapag niya ang maleta sa sahig at binuksan ito.

Sa loob nito, nagkalat ang iilang damit na magulo ang pagkaayos. Mukhang wala talagang kinuhang mahalagang bagay si Rachel.

Nagngalit ng ngipin si Alice. Hindi niya inasahan na magsasabi ng totoo si Rachel. Dahil ayaw niyang pakawalan si Rachel nang ganoon kadali, hinalungkat niya lalo ang kanyang mga damit. Para bang hindi siya titigil hangga't wala siyang nakikitang ebidensya na makapagpapatunay na may ninakaw siya mula sa mga Sullivan.

Tanging mga damit at pampaganda lamang ni Rachel ang laman ng maleta, ngunit patuloy sa paghahanap si Alice sa loob ng mahigit sampung minuto.

"Tapos mo na bang tingnan?" Sumulyap si Rachel kay Alice.

"Sinusunod ko lang ang utos ni Victor. Mas mabuti nang suriin ito nang mabuti," mahina niyang sagot.

"Sige. Tingnan mo ang mga damit na iyan kung talagang gusto mo. Hindi ko na kailangan ang mga damit na iyan ," sabi ni Rachel, umiiling. Hindi pa gumagaling ang mga pasa sa kanyang leeg. Ayaw niyang mag-aksaya pa ng oras kay Alice at maabutan si Victor na bumalik. Baka subukan ulit nitong sakalin siyang muli.

Matapos niyang masabi ang kanyang saloobin, dinaanan ni Rachel si Alice patungo sa elevator at pinindot ang pindutan. Sumunod sa kanya si Ivan.

Ding!

Hindi nagtagal, dumating ang elevator sa ikatlong palapag at dahan-dahang bumukas ang mga pinto. Bago makapasok si Rachel, bigla siyang nakaramdam ng lamig. Biglang bumaba ang temperatura sa kanyang paligid ng ilang antas, dahilan upang siya'y manginig at huminto sa kanyang paglalakad.

Ang una niyang nakita ay isang pares ng makinang na sapatos na gawa sa leather. At nang itaas niya ang kanyang ulo, nasilayan niya ang malamig na mukha ni Victor.

"Mr. Sullivan." Si Ivan ang unang kumilos, magalang na yumuko.

"Rachel, tila nakalimutan mo ang sinabi ko sa'yo kaninang umaga." May pagkislap ng babala sa mga mata ni Victor, at hindi maganda ang tono ng kanyang pagsasalita.

Sa sandaling makita niya si Victor, naalala ni Rachel kung paano siya sinakal nito kaninang umaga. Nanginig siya sa takot, nag-aalala sa posibleng gawin nito sa kanya.

Nakatindig nang maayos, sinabi niya, "Hindi, naaalala ko."

"Oh, talaga? Kung gayon, bakit nandito ka pa rin?" Tanong ni Victor, habang dahan-dahang naglalakad papalapit sa kanya.

Umatras si Rachel hanggang tumama ang kanyang likod sa dingding. Panandalian siyang pumikit at pagkatapos ay handang hinarap ang mga mata ni Victor.

"Tanungin mo si Alice. Paalis na sana ako, ngunit bigla siyang sumulpot at pinatagal ako. Kaya nga..."

Nasa kalagitnaan ng pagpapaliwanag si Rachel nang sumingit si Alice.

"Paano mo nagagawang magsinungaling nang ganyan?" tanong niya na may mga luha sa mga mata.

"Hindi ako nagsisinungaling!" Hindi na napigilan ni Rachel na murahin si Alice sa kanyang isipan. Kung hindi dahil sa babaeng ito, isang oras na sana mula nang makaalis siya at hindi na niya nakasalubong si Victor.

Nakakainis talaga.

Halos mapaiyak na si Alice habang sinasabi, "Victor, hindi ko sinasadyang ma-antala ang pag-alis ni Rachel. Sinunod ko lamang ang utos mong suriin ang kanyang bagahe. Nag-alala ako na nanakawin nya ang iyong mga gamit. Mahilig pa naman magsinungaling ang kapatid ko. Ngunit hindi ko inakala na magsisinungaling ulit siya ngayon."

Dahil sa sinabi ni Alice, naalala ni Victor ang lahat ng mga ginawa ni Rachel at nandilim ang kanyang ekspresyon. "Tingin mo ba hindi kita kayang patayin?"

Bigla niyang itinulak sa pader si Rachel at muling sinakal. Hindi ito inaasahan ni Rachel, ngunit nagawa pa rin niyang mahawakan ang mga kamay ni Victor. Sa kabila noon, nahilo siya gawa ng sakit na mula sa likod ng kanyang ulo.

"Vic... Victor!" Hirap na binigkas ni Rachel.

"Paano mo nagagawang subukan at ubusin ang pasensya ko nang paulit-ulit?" sabi ni Victor.

Sa bawat lumilipas na segundo, nawawalan na ng malay si Rachel. Hindi na nya kayang makawala pa sa pagkakahawak ni Victor.

Nang makita ang sitwasyon, nagpasya si Ivan na manghimasok. Nagmamadali siyang lumapit at sinabi, "Mr. Sullivan, kapag may nangyari kay Mrs. Sullivan, gagamitin ito ng mga hunghang sa lupon ng mga direktor laban sa iyo. Kung mangyari iyon, maaantala ang iyong plano na pagtitipon ng mga pagmamay-ari."

"Lumayas ka!" mariing sigaw ni Victor. Sa sobrang lakas ng pagkakasakal niya kay Rachel ay namumuti na rin ang kanyang mga daliri.

Chapter 3

Bagama't labis ang kanyang pag-aalala kay Rachel, hindi naglakas-loob si Ivan na muling sumagot kay Victor.

Mabuti na lamang at hindi nais mamatay ni Rachel.

Ginamit niya ang natitira pa niyang kapirangot na lakas upang maitulak ang mga kamay ni Victor. Nang makahinga na siya ng kaunti, tinitigan niya ang lalaki habang nag-uumpisang mamula ang kanyang mga mata.

"Kung mamamatay ako ngayon dito, mamamatay ako bilang asawa mo, bahagi pa rin ng pamilyang Sullivan. Balang araw, kapag namatay ka, ililibing ka sa tabi ko at gagambalain kita kahit sa kabilang buhay!"

Hirap na sinambit ni Rachel ang mga salitang iyon. Namumula pa ang kanyang mukha dahil sa pagkakasakal sa kanya. Unti-unti nang nawawalan ng lakas si Rachel upang magpumiglas. Unti-unti, naramdaman niyang nawawalan na siya ng ulirat.

"Sino ka ba sa akala mo? Hindi ka karapat-dapat ilibing sa libingan ng pamilya ko," pahayag ni Victor na walang emosyon. "Kapag namatay ka, susunugin ko ang iyong katawan at itatapon ang iyong abo sa basurahan. Ang babaeng katulad mo ay nararapat mamahinga kasama ng basura!"

Walang anu-ano ay natawa si Rachel.

"Bakit ka tumatawa?" tanong ni Victor.

"Kahit itapon mo pa ang abo ko sa basurahan, hindi mababago ang katotohanan na legal mo akong asawa at bahagi ako ng iyong angkan. Kinamumuhian mo ako, hindi ba? Pasensya na, pero hinding-hindi mo ako matatanggal sa buhay mo, kahit mamatay pa ako!"

Tinitigan siya ni Victor nang masama habang lalong hinigpitan ang sakal at iniangat ang kanyang katawan. Dahil dito, napasigaw sa sakit si Rachel, at tumulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi.

Kung kailan maaalala na niya muli ang mag-asawang makakapal ang mukha mula sa kanyang nakaraang buhay, bigla siyang binitiwan ni Victor.

Bumagsak si Rachel sa sahig. Pakiramdam niya ay tila nabali ang bawat buto sa kanyang katawan. Kahit ang pinakamaliit na galaw ay nagdudulot ng matinding sakit.

"Ahem! Ahem!" Malakas siyang umubo at hirap na hirap na humabol ng hininga.

Sinulyapan ni Ivan si Rachel nang walang emosyon at yinuko ang kanyang ulo. "Mr. Sullivan, kasalanan ko ang lahat ng ito. Hindi ko siya sinabihan na umalis agad. Handa akong harapin ang anumang parusa."

Samantala, namutla si Alice sa takot habang pinapanood si Victor na bugbugin si Rachel. Lumuhod siya at nakiusap, "Victor, ako... Ako ang may kasalanan! Hindi ko agad natingnan ang maleta ni Rachel! Iyon ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng pagkakataon na magsinungaling at mag-aksaya ng oras."

Ramdam ni Rachel ang pananakip ng kanyang dibdib habang siya'y patuloy na umuubo.

Sa kabila noon, sinabi niya sa paos niyang boses, "Wala akong kinuha na pag-aari mo."

Kumuha si Victor ng basang tisyu upang linisin ang kamay niyang sumakal kay Rachel. Kitang-kita ang pagkasuklam sa kanyang mukha.

"Wala kang kinuha? Ginamit mo ang pera ko sa pagbili ng lahat ng damit mo. Ang kapal ng mukha mong sabihin na wala kang kinuha na gamit ko!"

Nagpigil magsalita si Rachel sapagkat hindi niya kayang kontrahin ang pangangatwiran ni Victor. Noong araw ng kanilang kasal, sinunog ni Alice ang lahat ng damit na binili ni Rachel para sa kanyang sarili. Sinabihan siya nito na masyadong mahalay ang kanyang mga damit at malamang ay hindi magugustuhan ni Victor na makita siyang suot ang mga ito.

"Hubaran niyo siya at itapon palabas!" Pagkasabi nito, walang anu-anong umalis na si Victor kasama si Ivan.

Nang tuluyan nang mawala ang dalawa, saka lang tumayo si Alice at lumapit kay Rachel. Ang kanina niyang pagkamalumanay ay ngayo'y naglaho na.

"Rachel, pinakasalan mo si Victor at nakipagtalik sa kanya, pero ano ngayon? Sa huli, pinalayas ka niya! Gusto mong mahulog ang loob niya sa'yo, hindi ba? Hinding-hindi iyon mangyayari! Sa tingin mo ba pinasuot kita ng makapal na make-up at hinayaang tumaba dahil gusto iyon ni Victor? Nakakatawa. Hindi ko akalain na maniniwala ka pala talaga. Walang lalaking magugustuhan ang isang mataba at hangal na babaeng katulad mo! Pinaglaruan lang kita. Nais ko lang na lalo ka niyang kasuklaman!"

Noong mga sandaling iyon, namutla na parang multo ang mukha ni Rachel. Nang marinig niya ang mga sinabi ni Alice, hindi niya ito binigyan ng tingin. Wala siyang pakialam sa kanya at tila hindi rin napuna ang panunukso nito.

Napansin ni Alice na hindi tumutugon si Rachel, kaya't napangalit siya ng ngipin sa galit. "Anong tinitingin-tingin mo dyan?"

"Ha! Nakakaawa ka." Napahagikhik si Rachel, pilit na iniinda ang sakit.

Sigurado siyang nagkaroon ng pinsala sa loob ng kanyang katawan. Nagsasalita lamang siya, ngunit sapat na ito upang maramdaman niya na tila pinipilipit ang kanyang mga laman-loob.

Gayunpaman, hindi siya maaaring magpakita ng kahit na anong kahinaan. Kung hindi, lalo lamang maeenganyo si Alice na pahirapan siya. Likas sa babaeng iyon ang kasamaan.

"Anong sinabi mo?" Nanlaki ang mga mata ni Alice sa pagkabigla. At tuluyan siyang napikon nang ngumisi si Rachel.

"Sabi ko," bungad ni Rachel. Pagkatapos ay huminga siya ng malalim upang maibsan ang sakit sa kanyang dibdib. "Nakakaawa at katawa-tawa ang buhay mo. Ikaw ang pinaka-kaawang-awa na taong nakilala ko! Tinatawag kang anak sa labas kaya naiinggit ka sa akin, hindi ba? Tinatiyaga mong agawin ang lahat ng mayroon ako mula pa noong mga bata tayo dahil ako ang tunay na anak ng pamilya Bennet. Samantala, isa ka lamang maruming anak sa labas! Hindi ka naging kaaya-aya kailanman!"

"Bruha! Tumahimik ka!" sigaw ni Alice. Mukhang nadali ni Rachel ang kahinaan niya.

Ngumiti siya at nagpatuloy, "Itong nakaraang dalawang taon, nagtiwala ako sa'yo. Ngunit niloko at ginamit mo lang pala ako upang makuha ang atensyon ni Victor. Inuto mo ako na gumawa ng kung anu-anong katangahan sa harap niya upang kasuklaman niya ako. Noong una, wala siyang nararamdaman para sa akin. Kinalaunan, nagsimula siyang kamuhian ako. At ngayon, kahit tingin lang sa akin, hindi na niya magawa dahil sobra niya akong kinasusuklaman. Dapat ka ngang maging masaya sa tagumpay na ito, hindi ba?"

Kinuyom ni Alice ang kanyang mga kamao, tinitingnan si Rachel nang puno ng galit. "Aba, sisihin mo ang iyong sarili kasi ang tanga mo!"

"Tama ka. Ang tanga ko nga," pag-amin ni Rachel. Ramdam na ramdam niya ngayon ang hiya dahil sa lahat ng ginawa niya nitong nakaraang dalawang taon.

Sa kabila ng pagiging anak ng isang mayaman at makapangyarihang pamilya, namuhay siya bilang isang kahabag-habag na tao. Paano siya nauwi sa ganitong kalagayan?

"Mabuti alam mo." Bakas sa mukha ni Alice na palagay niya ay siya ang nagwagi sa kanilang dalawa ni Rachel.

Ngunit hindi pa tapos magsalita si Rachel. "Halos mamatay na ako kanina, at sapat na iyon upang magising ako sa katotohanan. Patunay iyon na hindi ako kasing-tanga tulad mo." Nais siguraduhin ni Rachel na wala siyang nabaling buto, kaya't itinukod niya ang kanyang kamay upang makatayo. Gayunpaman, sobra-sobra ang sakit na nararamdaman niya. Muli siyang bumagsak dahil dito.

Pinagpapawisan ang kanyang noo habang siya'y umuungol sa sakit. Samantala, nakadiin ang kanyang mga kamay sa sahig. Ginagamit niya ang halos lahat ng lakas na inipon niya kaya naman namamaga na ang mga ugat sa kanyang palad.

Naging seryoso ang ekspresyon ni Alice.

"Papalapit na ang katapusan mo, Rachel," wika niya. "Saan ka kumukuha ng lakas ng loob para kausapin ako ng ganito? Tandaan mo, hindi ka na asawa ni Victor, kaya't hindi ka na bahagi ng pamilyang Sullivan! Patay na rin ang lola niya kaya wala nang magtatanggol sa'yo! Kung mayroon kang kahit kaunting utak dyan sa ulo mo, dapat kang lumuhod at magmakaawa sa akin na kumbinsihin ko ang ating ama na payagan kang umuwi!"

Nang banggitin ni Alice ang lola ni Victor, lumayo ang isipan ni Rachel.

Siya ang pumili sa kanya upang maging asawa ng kanyang apo. Ngunit hindi nagtagal matapos pumasok ni Rachel sa pamilya Sullivan, pumanaw ang matanda dahil sa karamdaman. Ang lola ni Victor ang kanyang tagapagtanggol noong siya'y nabubuhay pa. Kaya't noong mga panahong iyon, marangal ang pamumuhay ni Rachel sa tirahan ng pamilyang Sullivan.

"Tingin mo ba mapapakasalan mo si Victor at magiging kahati niya sa Sullivan Group pagkatapos ng diborsyo namin?"

Napa-taas noo si Alice. "Kung nagawa mo, malamang magagawa ko rin."

"Nagkakamali ka," mahina ngunit mariing sabi ni Rachel. "Paano ka nakasisiguro na papayag si Victor na pakasalan ka? Dahil ba pareho kayong anak sa labas kaya iniisip mong karapat-dapat ka na maging asawa niya?

Ang nanay mo ay isang kabit na sumisira ng pamilya! Hindi kayo pareho ni Victor. Ipinanganak siya bago pa man ikasal ang kanyang ama. At kailanman, hindi nagtangka ang kanyang ina na sirain ang relasyon ng kanyang ama!

Dahil dyan, hinding-hindi ka magiging karapat-dapat na maging asawa ni Victor."