Browse stories

Pancho Kit Del Mundo

Language: fil

BLURB: Ano nga ba ang basehan kapag ikaw ay umiibig sa isang tao? Katanyagan? Estado sa buhay? Pisikal na katangian? Pag-uugali? Edad? Kasarian? Para sa binatang si Kit, ang pagmamahal ay hindi nakikita sa rason, kung hindi ay sa kung ano ang nararamdaman mo sa iyong puso. For him, love is Ellie Saavedra, ang long time boyfriend niya simula pa kolehiyo na nagpaliko sa diretso niyang puso. He's not gay, he's not BI either. He was sure that he's straight not until Ellie invaded his world. They love each other and are sure that they will be forever not until Mr. Domingo Del Mundo –…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

Dati naiisip ko, paano kaya mamuhay sa isang bahay na malalaki at magagarbo? Iyon bang may tinatawag nilang swimming pool sa gilid at aircondition kapag tag-init at nais mong magpalamig. Iyong nakaupo lang na parang prinsipe at aasikasuhin lang ng mga katulong ang iyong mga pangangailangan nang hindi na pinagpapawisan. Ganoon ang buhay na minsan ay pinapangarap ko sa gitna ng pagtatrabaho. Sa buhay kasi na mayroon ang mga gaya namin, ni minsan kahit gusali ay hanggang sa telebisyon lang namin natatanaw. Maalat na dagat lang ang kaharap ng aming mga bahay na gawa sa pawid at lagi pang ni-re-renovate kapag napatutumba ng hagupit ng mga bagyo. Sariwang hangin lang, solve na ang tag-init namin at mga sarili lang din namin ang aming mga katulong para asikasuhin ang aming mga pangangailangan. Sa madaling salita, iyan ang buhay naming mga dukha.

Napabuntonghininga na lang ako habang ipinapalaot ang bangka na gamit ko lagi sa pangingisda at hinila ang lambat na may lamang maraming isda na nahuli ko sa magdamagan pakikipagbakbakan sa tirik na araw makakuha lang ng ikabubuhay at pangkain namin. Malapit na ako makarating sa amin nang makita kong marami ang naki-uusyoso sa harap ng munti naming bahay at mula rito ay tanaw ko ang isang maganda at magarbong itim na sasakyan na nakaparke sa tapat ng aming bahaykubo.

"Kuya Renz! Kuya Renz!" dinig ko ang boses ng bunso kong kapatid na si Buboy habang hingal na tumatakbo palapit sa akin.

"Boy? Anong meron? Sino ang mga bisita? " tanong ko sa kaniya.

"Hindi ko rin alam, kuya, eh! Basta amoy mayaman at kutis mayaman," malapad ang ngiti niyang ani, kita ang itaas at ibaba niyang bungi.

Kumunot ang noo ko bago inakbayan ang kapatid ko para tumungo na sa aming bahay. Pagkapasok ko ay narinig ko agad ang tawa ni Tatay na minsan ko lang marinig na ganoon kasaya.

"Naku, pare, naalala ko pa dati ay kinagagalitan ka pa ng Daddy mo kapag nakikita niya na madungis ka na kasasama sa akin sa laot. Hindi matanggap na ang anak niya ay nakisasalamuha sa gaya naming mga dukha," anito sabay tawa muli.

Lumapit ako kay Nanay na noo'y may dala na isang pitsel na inumin at dalawang baso.

"Nay, mano po." Mano ko sa kaniya sabay kuha ng mga bitbit niya para siya ay tulungan. "Ako na po."

Dala ang inumin, lumapit ako sa pwesto nina tatay sa maliit naming sala at doon ay nakita ko ng buo ang mukha ng aming bisita. Bigla-bigla ay na-excite ako sapagkat noon lang may bumisita sa amin na kutis mayaman, halatang taga-Maynila. Maputi, magarbo ang suot, may mga alahas na kulay ginto, maganda ang ayos maging ang buhok, at higit sa lahat sobrang bango.

"I really don't understand Dad at that time eventhough she married a woman who grew up here. Maybe I really took up my personality galing kay Mom," nakangiti niyang kwento at doon ay nasilayan ko ang mapuputi niyang ngipin, tila lagi ay nagpapadentista.

"Tay, inumin niyo po," magalang kong singit sa usapan nila at halos sabay pa silang napatingin sa akin. Nahiya naman ako bigla, amoy araw pa ako panigurado.

"Oh! Is he your first born? Si Terenz na ba ito?" Nanlaki talaga ang mga mata ko nang binanggit niya ng buo ang aking pangalan. Kilala niya ako?

Taka akong napatingin kay Tatay na noo'y tumawa na naman.

"Oo, pare. Iyan na pala ang inaanak mo. Binata na ano?" pagmamalaki niya rito. "O, Renz, anak, magmano ka sa Ninong Domingo mo," utos niya na mas kinagulantang ko.

Ninong ko ang tao na ito? Talaga namang medyo napanganga ako dahil doon. Mabilis kong pinunas ang dalawa kong kamay sa aking noo'y kupas nang pantalon. Nang mahawakan ko ang kamay niya para magmano ay talaga namang napakalambot noon. Nakahihiya sa mga kamay ko na magaspang at may sugat-sugat pa.

"M-Mano po," nahihiya at awkward kong sambit.

"Kinagagalak ko na makita kang muli, anak," aniya na kinatulala ko sa kaniyang mukha.

Grabe, nakalulula siya.

"Aba'y malaki na rin siguro ang unico ijo mo? Hindi naman yata nalalayo ang edad nila nitong binata ko," si Tatay at tila ay nalungkot naman ang ninong ko. Nanghihinayang siyang sumulyap sa akin.

"Yeah, he's grown, too, but Pancho is really a hard-headed one. I can't control him anymore, that kid," tila stress niyang ani at iiling-iling pa.

Kawawa naman pala si Ninong sa anak niya.

"Ay, siguro ay ganoon talaga. Baka magmula iyan nang mamatay si kumareng Kitarina," si Tatay at hinawakan naman siya sa balikat ng noo'y tumabi sa kaniya na si Nanay.

"Yeah tama ka, Renzo. Since Tina died, Pancho became really out of hand. He was really close with my wife dahil ako ay laging subsob sa trabaho at minsan na lang siyang nakasasama. Maybe he don't like me because of that at isa iyon sa mga pinagsisisihan ko," daing niya at pagod na ngumiti bago muli ay bumaling sa akin. "Saan ka nanggaling, ijo? Hindi kita nakita rito kanina pagdating ko," nakangiti niyang sambit.

Tumingin muna ako kina tatay at kay nanay na akay na rin si Buboy sa kaniyang kandungan. Ngumiti sila sa akin at tumango bilang pahiwatig na sagutin ko ang ninong sa kaniyang katanungan. Bumaling ako rito at nahihiyang ngumiti.

"S-Sa laot po, nangisda," kakamot-kamot sa pisngi kong sambit.

Natawa naman siya ng bahagya at may kislap sa mga mata na tumingin muli sa akin. Tumingin siya kina Nanay at Tatay at tila sa mga mata nila, sila ay nag-uusap-usap na. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanila, tila ba sila'y may alam na hindi ko alam.

"Renz, anak," si Nanay. Lumapit siya sa akin at ako ay hinawakan sa mga kamay. "Ani kasi ng ninong mo ay nais ka niyang isama sa Maynila at doon ay bigyan ng trabaho." Nakangiti maging ang mga mata niya, puno ng pag-asa.

"P-Po?" nagugulantang kong sambit. Tumingin ako kay Tatay at maging siya, may pag-asa rin akong kinakitaan sa mga mata.

"This will be a big help for you and your family, Renz. Your tatay is my friend and I would be glad to ba a help, anak," si Ninong Domingo.

"P-Pero hanggang highschool lang po ang tinapos ko at "

"That won't be a problem," aniya. "Sigurado ako na makakaya mo ang trabaho na ibibigay ko sa iyo. Consider this also to be a help for your younger brother's tuition fees," dagdag pa niya.

Bumagsak ang mga balikat ko at napabuntonghininga dahil alam ko na wala akong magagawa. Isa pa, may punto naman kasi. Malaking tulong ito para sa amin. Hindi ko lang akalain na ang kahapon kong pangarap ay mangyayari na sa kasalukuyan.

Chapter 2

Halos malula ako sa pamamahay na nasa aking harapan dala-dala ang bagahe na naglalaman ng aking mga kagamitan. Kanina, habang nasa daan kami nila Ninong Domingo papunta ng Maynila ay tila mababali ang leeg ko sa pakaliwa't kanang pagtitingin ko sa mga nagtatayugang building na nadadaanan namin. Napapanganga ako dahil nagtatayugang mga puno lang ang tanging kinamulatan ng aking mga mata. Nakamamangha. Sobrang daming tao sa paligid at tila dagat sila sa lawak. Tama lang ba na sumama ako rito? Tila ang umapak sa mundong ito ay hindi nararapat sa dukha na kagaya ko.

"Oh, Terenz, ijo? Ayos ka lang ba? Nahilo ka ba sa byahe?" ani Ninong na tinapik pa ako sa balikat.

Nahihiya naman akong ngumiti sa kaniya dahil hindi ko masabi na labis akong kinakabahan ngayon. Paano kung hindi ako matanggap ng mga kasamahan ko sa trabaho? Ibig kong sabihin ay ang probinsiyanong gaya ko. Malansa at halatang taong-araw.

"Ah, eh, ayos lang po ako. Medyo naninibago lang," ani ko, hindi makatingin sa kaniya.

Bumuntonghininga siya habang nakangiti. Akala ko ay pagtatawanan niya ako, pero mabait nga pala si Ninong.

"You'll adjust, son. Isa pa, maaasahan mo ang mga tauhan ko rito. They're with this family for years at nasisiguro ko na pakikisamahan ka nila nang maayos."

Sa sinabi niya ay medyo nakahinga naman ako nang maluwag. Ang anak na lang pala niya ang iisipin ko sa ngayon. Base kasi sa mga narinig ko kay Ninong, mukhang mahirap siyang pakisamahan. Spoiled brat, ika nga nila sa ingles na lenggwahe na kanilang nakasanayan.

Pumasok kami sa tahanan nila Ninong. Ngumiti pa ako sa ilang kasambahay nila na inabangan kami sa hamba ng pinto kahit pa may nagtatanong na tingin sila sa akin. Ewan ko ba, medyo gusto kong maluha sa ganda ng bahay nila. Ganitong-ganito kasi ang tahanan na gusto kong ibigay at maranasan ng pamilya ko. Sumasakit ang dibdib ko kapag naaalala ko ang pagsisiksikan namin sa maliit naming tahanan. Pero napapangiti dahil kahit ganoon, masaya pa rin kami. Iyon naman ang importante, hindi ba?

"Welcome to our home, ijo. I hope you'll feel at home here," si Ninong habang nakangiti sa akin. "Matilda, can you show Terenz around? At ituro mo sa kaniya ang kwarto sa pinakadulo ng second floor, iyong kwarto na hindi na nagagamit. Siya ang uukupa noon. Siya ang magiging bagong miyembro ninyo, pero he'll be exclusively assigned for Pancho only," aniya na may kakaibang ngiti na inilabas, hindi ko mawari kung ano iyon.

Nakarinig naman ako ng singhap at mumunting bulong sa iba. Ang iba pa ay iiling-iling, tila naaawa na kaagad sa akin. Napakagat ako sa aking labi. Bakit sa kaniya lang ako itinoka ni Ninong?

"Masusunod, ser," ani ng Matilda na sinabihan ni Ninong. May katandaan na siya, pero nagpabata sa kaniya ang palakaibigan niyang ngiti. She looked kind. "Ako nga pala ang mayordoma rito, ijo. Halika sumama ka sa akin, dadalhin kita sa magiging kwarto mo."

Tumingin ako kay Ninong at sinenyasan niya naman ako na sumama rito. Nag-aalangan na sumunod ako sa likuran ni Lola Matilda. Umakyat kami sa ikalawang palapag ng tahanan at halos manginig ang kamay ko nang sinubukan kong hawakan ang mga bagay na nadadaanan namin. Malilinis ang mga ito. Halatang hindi pinapabayaan sa kintab. Nawala lang ang aking atensiyon doon nang mapatingin ako sa baba at nakita na umalis si Ninong.

"Saan po ang punta ni Ninong? Sa trabaho po?" tanong ko dahil hindi manlang ba siya napagod? Galing pa kaming byahe. Ako nga gusto ko nang mahiga agad.

Tumawa naman si Lola Matilda at malakas akong pinalo sa aking balikat. Napahawak ako roon habang nagugulat sa kaniya.

"Kasi may sarili namang bahay si Ser Domi, Terenz apo," aniya na kinagulat ko. Sa pagtawag niyang apo sa akin at sa sinabi niyang may ibang bahay si Ninong.

"Po? Eh, hindi ba sa kanila ito?" nagtataka kong tanong.

Nakita kong lumungkot ang kaniyang mukha.

"Simula kasi nang mamatay si Ma'am Kitarina ay nawala na ang sigla sa pamamahay na ito. Masyado kasing workaholic si ser kung kaya nang lumaki si Ser Kit ay napalayo na rin siya sa kaniya. Hanggang sa hinayaan na lang ni ser ang pamamahay na ito kay Ser Kit at bumukod na lang ng tahanan. Doon siya ngayon nakatira sa vacation house nilang paborito ni Ma'am Tina."

Kit?

"Dalawa ang anak ni Ninong? Eh, yung Pancho po nasaan?" magkarugtong ang kilay ko na sabad. Tumawa na naman siya nang malakas at ilang beses na akong pinalo sa balikat. Grabe itong si Lola, nakailan na sa akin.

"Nakatatawa ka, ijo. Si Ser Kit at Ser Pancho ay iisa. Pancho Kit kasi ang pangalan ng alaga namin."

Ah. Pancho Kit pala ang pangalan niya. Ang tanga mo naman, Terenz.

Nakarating na kami sa pinakadulong pasilyo kung saan ang kwarto na sinabi ni Ninong at nagulantang ako kasi parang hindi pangkatulong ang kwarto. Maliit man, may kama naman at maayos na paliguan. Shower pa nga, eh, at may mababangong sabon at shampoo. May isang malaking tukador na pwede paglagiyan ng damit at isang glass sliding door na may mini veranda sa labas. Tanaw mula rito ang swimming pool nila na sa wakas nakita ko na sa personal. De-aircon pa!

"Sa akin po talaga ito?" ani ko.

"Maganda ano? Sa lahat ng pinagtrabahuhan ko, rito lang sa mga Del Mundo ka makakikita ng sosyal na mga katulong. Huwag kang mag-alala ganito rin kakumportable ang kwarto namin," tatawa-tawa niyang sambit.

Grabe. Parang gusto ko nang mag-dive sa kama at talon-talunan iyon. Ibinaba ko ang aking bagahe sa taas ng kama. Tinignan naman ako ni Lola Matilda na nag-aalangan.

"Bakit po?" kyuryosong tanong ko.

"Matagal na kasing hindi pinapagamitan ang kwarto na ito dahil ang huling gumamit nito na nakatoka rin kay Ser Kit ay halos mabaliw. Grabe kasi talaga ang pag-uugali ng batang iyon, ewan ko ba. Noong maliit siya ay malapit pa siya sa amin at sobrang mabait, malambing. Noong nagbinata na at nagbarkada ay labis siyang nag-iba." Bumuntonghining si Lola Matilda. "Hindi naman namin sinisisi si Ser Domi, pero labis din sigurong nasaktan ang batang iyong nang mamatay ang Mommy niya."

"Nakalulungkot naman po," ani ko. Dinig ko rin kasi na namatay sa aksidente si Ma'am Kitarina.

Hinawakan ako ni Lola sa magkabila kong balikat. May habag man sa mga mata ay pilit niya pa rin akong nginitian.

"Unang kita ko pa lang sa iyo kanina apo ay alam kong sanay ka sa trabaho. Napakagwapo mong bata. Simple lang at alam kong mabait," nahiya naman ako sa sinabi niya.

"Ikaw naman Lola, hindi naman po. Ang itim ko nga, oh," ani ko na ikinatawa niya ulit.

"Katapat mo pala ng kwarto sila Ser Kit at mamaya pang gabi ang uwi noon. Baka bukas mo pa siya makilala. Huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa iyo."

Sila? Bakit sila? May iba pa ba itong kasama sa kwarto niya?

"Sila po? May kapatid ba si Sir Kit?" taka ko ulit na tanong. Tila nagulat naman siya bigla.

"Ay, hindi mo pa pala alam? Kungsabagay, kahit si Ser Domi ay ayaw rin sana sa kanilang dalawa pero mabait naman kasi ang batang iyon. Nagulat nga rin kami noong una," iiling-iling niyang sabi. "Minsan kasi kapag bumabalik ng Pilipinas ang kasintahan ni Ser Kit na si Ellie ay dito iyon tumutuloy. Pagpasensiyahan mo na agad apo at hindi soundproof itong kwarto mo. Kapag nagkikita kasi sila ay dinadamba agad siya ni ser." Tumawa siya na kinakunot lang ng noo ko. "Mahal na mahal niya kasi iyon. Kahit sa amin sa baba nga ay rinig na rinig namin sila minsan." Natatawa pero hindi makatingin na ani sa akin ni Lola. Doon lang nag-sink-in sa akin ang pinapahiwatig niya.

Jusko. Tila gusto ko na agad yatang magpalit ng kwarto.

Chapter 3

Nakangiti akong napaupo sa aking hindi kalakihan pero komportableng kama habang nagpapatuyo ng aking buhok. Kanina ay buong araw akong inikot at i-n-orient ni Lola Matilda rito sa buong mansiyon. Nakapapagod na masaya. Iyon nga lang, hindi ko alam kung saan at paano uumpisahan ang magiging trabaho ko bilang personal housekeeper ni Sir Kit na hindi ko pa nakikita o nakikilala.

Malakas akong napabuntonghininga.

"Kaya mo ‘yan, Terenz, para sa pamilya mo," bulong ko sa aking sarili na nakapagbigay ngiti sa aking mga labi.

Naglakbay na naman ako sa aking pangarap para sa aking pamilya at sa mga planong nais kong buoin sa hinaharap. Kahit pa man may mga pangarap din ako para sa aking sarili, mas inuuna ko pa rin ang para sa aking pamilya. Ang tanging nais at hiling ko lang naman ay maging isang asensadong anak para sa kanila.

"Hay, ano ba yan. Nagdadrama na naman ako," natatawa kong sambit.

Nakadama ako ng pagkauhaw kung kaya ay napag-isipan kong bumaba muna para makainom ng malamig na tubig. Mamaya ko na siguro kukumustahin sina Nanay at Tatay pati na rin si Buboy gamit ang cellphone na pinahiram sa akin ni Ninong. Iyon daw ay kinalumaan na niya kung kaya ibinigay niya muna sa akin. Medyo nahirapan nga ako noong una kasi napakamoderno noon, iba sa alam ko na de-keypad at maliit lamang.

Dahan-dahan akong bumaba para hindi makalikha ng ingay dahil halos tulog na ang lahat. Napatitig pa nga ako sa katapat ko na pinto, nakauwi na kaya iyong amo ko? Eh, ano ba sa akin iyon? Hindi ko naman trabaho ang pagiging gwardiya niya.

Dumiretso na lang ako pababa hanggang makarating ako sa madilim nang kusina. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon na buksan ang ilaw, may liwanag namang pumapasok mula sa labas. Pakanta-kanta pa ako papunta sa tapat ng refrigerator, napalunok ako nang makakita ng matatamis na pagkain sa loob. Lalo na sa mga tsokolate na nandoon. Grabe, mahilig yata sa matatamis ang magiging alaga ko. Iniling-iling ko ang aking ulo at kinuha na lang ang pitsel na naglalaman ng malamig na tubig. Sinubukan kong hindi matemptar na kumuha ng ni isang tsokolate roon na napagtagumpayan ko naman. Tahimik lang akong naglalagok ng tubig nang makarinig ako ng langitngit. Dagli akong natigilan sabay nakiramdam.

"Sino 'yan? Sinong nandiyan?" Linakasan ko ng kaunti ang aking boses dahil baka isa sa mga kasambahay pala iyon at nakita akong natulala kanina sa mga tsokolate. Naku, wala po akong kinuha kahit isa kahit laway na laway na ako roon. Promise.

Maingat kong inilapag sa counter ang baso ng tubig na aking ininuman ng pagkatapos ng mga langitngit ay mga yabag ng mga paa naman ang aking narinig. Patay. Mukhang magnanakaw pa yata ito. Magnanakaw ba ito ng tsokolate rito? Teka, kanakaw-nakaw ba ang tsokolate rito sa Maynila? Kapag sa amin kasi, oo 'yan. Minsan lang may tsokolate sa aming mga dukha. Malay natin, dito rin pala. Naku.

Dahan-dahan akong naglakad sa dilim papuntang sala at halos muntik na akong mapatili nang nakakita ako ng bulto ng tao! Mabilis akong bumalik sa may pader sa kusina at nagmanman doon. Nakita ko sa orasan sa sala na alas-dyes na ng gabi. Grabe, kanina pa siguro naghihintay itong magnanakaw sa labas na mamatay ang lahat ng ilaw rito sa bahay. Takam na takam na siguro sa tsokolate at hindi na nakapaghintay pa ng hatinggabi.

Maingat akong lumabas mula sa pader nang nakita kong nakatalikod sa akin ang bulto. Pasuray-suray nga ang lakad nito, tila lasing pa. Nakasuot ng itim na jacket, itim na pantalon na tila butas-butas, nakakulay abo na parang bota na pangmayaman. Sosyal din pala ang mga mandurugas dito sa Maynila, yayamanin. Baka naman iyang mga suot niya ay nakaw rin? Naku.

Napasinghot ako ng kaunti at mula sa kakaunting layo ko sa bulto, amoy na amoy ko ang tila mamahalin at napakabangong pabango. Iyon lang, nakaamoy rin ako ng alak at usok ng sigarilyo mula rito. At infairness naman, matipuno ang katawan ni Kuyang magnanakaw. Tila bato-bato, malaki, macho.

Bumalik ako sa katinuan nang nakita ko na itong palapit sa hagdan ng mansiyon. Hindi! Baka sa kwarto ng alaga ko siya magnanakaw. Hala, baka kakilala ito ni Sir Kit? Patay, kailangan ko nang kumilos. Kumuha ako ng isang unan na maliit sa may sofa nila. Bahala na, ito na lang ang ipapalo ko sa kaniya. Mag-iingay na lang din ako pagkatapos para magising sina Lola Matilda.

Nasa may likuran na niya ako at bago pa siya makahakbang sa isang baitang ng hagdan ay pinagpapalo ko na siya ng unan.

"Magnanakaw! Ahh! Lola Matilda may magnanakaw! Magnanakaw!" hestirikal kong sigaw habang pinagpapalo pa rin si Kuyang macho ng unan.

"What the fuck! Who the hell " putol nitong ani pagkatapos ay mabilis na hinawakan ang mga kamay ko na pumapalo sa kaniya.

Napakalakas niya!

"Magnanakaw ka! Magnanakaw! Lola Ma-hmp!"

Natahimik ako. Nanlalaki ang mga mata ko na nakatingala sa mataas na hagdan. Nanghina maging mga tuhod ko. Ang kamay ko na nakahawak sa unan na pinapalo ko kanina sa Kuyang macho na ito ay agaran kong nabitawan. Hinahabol ko ang aking hininga at ang kaninang amoy ng alak na naaamoy ko sa kaniya ay tila nagpalasing din ngayon sa akin. Isang malambot at mainit na bagay ang ngayon ay nakadikit sa aking mga labi.

Hinila ako ni Kuyang macho sa aking bewang at mabilis akong hinalikan, nakapagpatahimik sa akin.

"That shut you up. Ellie, baby, it's me you know," tila lango niyang sambit habang nakatitig ako sa pares ng kulay abong mga mata na mapupungay, halos pumikit na, marahil ay dala ng kalasingan.

Doon ko natitigan ng mabuti si Kuyang macho. Mapaglaro ang abo niyang mga mata, may mumunti siyang mga balbas sa mukha na nakakikiliti sa akin kanina noong hinahalikan niya ako. Perpektong mga panga. Makapal ang paarkong mga kilay. Makapal pero mapulang hugis puso na mga labi. Hindi ko makalilimutan ang tamis at lambot noon sa akin. Nakahahalina ang tila preskong dagat niyang amoy, alam mo 'yun? Naaalala ko ang karagatan sa kaniya.

Bumukas ang ilaw sa paligid at doon ko lang naalala ang tinawag ni Kuyang macho sa akin na nakatulog na sa aking balikat. Ellie. Patay na, Terenz. Mukhang kilala ko na ang taong akay ko na ngayon.

"Terenz apo, ano bang " Natigilan si Lola Matilda at ilang kasambahay sa likuran niya na napagtagumpayan ko yatang gisingin. "Ay, jusko! Si Sir Kit, nauwi na namang lasing. Naku, itong batang ito nag-bar na naman siguro sila ng mga kabarkada niyang iyon. Sinundo nga pala siya rito kanina ni Sir Axel."

Hindi ako nakapagsalita kahit pa inakay na rin siya ni Lola at sabay namin siyang dinala sa kaniyang kwarto. Pinatanggal sa akin ni Lola ang suot niyang sapatos at hayaan na raw siyang matulog kahit nakasuot pa ng damit. Ganoon naman daw siya palagi kapag napapa-bar silang magbabarkada. Minsan nga raw ay sa sala na nila siya nakikita pagkaumaga.

Tinitigan ko pa siya na nahihimbing na bago ako lumabas sa kaniyang kwarto. Grabe.

Ang gwapo-gwapo pala ng magiging alaga ko.