Browse stories

Moonlight Bride (Filipino)

Language: fil

Villa Celesta was Callea’s sanctuary. It was a rundown’s 1920’s mansion that her family owns. Nanganib iyon na mawala sa pangangalaga niya dahil sa panganay na lalaking Lopez lamang ang maaring magmay-ari niyon ayon sa tradisyon. Isa lang ang paraan para makuha niya ang mansion – ang pakasalan si Deive Hontiveros. Deive was a handsome prince. Unang beses pa lang niya itong nasulyapan, nag- rambol na ang puso at lamang-loob niya. Nakikita siya nito bilang isang magandang prinsesa at di ito nagdadalawang-isip na pakasalan siya. At handa rin siyang protektahan nito mula sa mga kampon ng…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

Pumailanlang sa kalawakan ng Victorian style mansion ang musika ni Rachmaninoff mula sa ponograpo. Matapos kumain ng hapunan ay nakagawian na ni Callea na makinig ng klasikong musika habang nagbabasa. Umingit naman ang pusa niyang si Luna na masaya nang matulog sa kandungan niya.

Parang inaawitan ng musika ang itim na gabi at ang bilog na buwan maging ang mga elementong gumagala at nabubuhay lang tuwing gabi.

“Señorita, ang tsaa po ninyo,” anang si Marina, ang kubang katuwang niya sa mansion at nag-iisang taong kasama niya bukod kay Luna na para sa kanya ay pinakamagandang pusa sa buong mundo.

“Salamat, Marina.” Ngumiyaw si Luna na nagpapasalamat din dito. Saka muli nitong ihinilig ang ulo sa kandungan niya.

Perpekto na ang gabing iyon sa kanya na pinaganda pa ng kabilugan ng buwan. Mamaya ay yayayain niya si Marina na panoorin ang buwan. Ang kabilugan ng buwan ang pinakamagandang pagkakataon para sa kanila.

Naputol ang katahimikan nang tumunog ang lumang telepono. Dinampot niya iyon at sinagot. “Callea!” tawag agad sa kanya ng lolo niyang si Don Tomasino Lopez. “May maganda akong balita. Sa wakas ay makukuha mo na ang gusto mo.”

Kumislap ang maganda niyang mga mata. “Talaga po, Lolo? Ibibigay na ninyo sa akin ang Villa Celesta?”

Matagal na niyang pangarap na makuha ang Villa Celesta. Doon siya ipinanganak. Marami siyang magagandang alaala doon kasama ang mga magulang at kapatid niya. Iyon lang ang pinanghahawakan niya ng kaligayahan.

Subalit ang gusto ng Lolo niya ay mapunta lamang ang Villa Celesta sa panganay nitong apo na lalaki. Hindi sa isang babaeng tulad niya. Kaya isang magandang balita na malamang papaboran siya ng kanyang lolo.

“Sa isang kondisyon.”

Natigil ang pagsasaya niya. Kahit ang puso niya ay nabitin sa hangin nang marinig niya ang banta sa boses nito. “Ano po?”

“Kailangan mong pakasalan ang apo ng pinakamatalik kong kaibigan.”

Parang nauupos siyang kandila at sumandal sa malaking lumang queen’s chair. Kasal. Iyon ang isang bagay na pinakaiiwasan niya. Ang maikasal.

“S-Sino pong anak ng kaibigan ninyo?” tanong niya dahil napigil ang pagdaloy ng dugo sa utak niya. Umuugong ang tainga niya.

“Si Deive. Guwapo ang batang iyon, nakapag-aral sa ibang bansa at magaling sa negosyo. Tiyak na malaki ang maitutulong niya sa negosyo ng ating familia.”

“Opo, Lolo,” matamlay niyang sagot.

Si Deive Hontiveroz. Kilala niya ito. Wala itong nagustuhan kundi naggagandahang mga babae. Sa pagbiyahe nito sa iba’t ibang bansa sa mundo, di ito nawawalan ng babaeng naaakit. At ito ang uri ng lalaki na nanghuhusga lamang sa babae sa panlabas na kagandahan nito.

Naramdaman ni Luna ang pagkabalisa nito at ikiniskis ang leeg sa braso niya. Subalit naestatwa pa rin siya habang nakikinig. Kaya ba niyang pakasalan ang uri ng lalaki di katanggap-tanggap sa mundo niya?

“Gusto kong tanggapin mo siya nang maayos. Tiyakin mo na magugustuhan ka niya. Paparating na siya diyan bukas ng gabi.”

Bukas ng gabi? Napakabilis naman. Subalit isang “Opo, Lolo” lamang ang naisagot niya. Di iyon ang oras para tumutol.

“Paano po kung di niya ako magustuhan, Lolo?” tanong niya.

“Napakaganda mo, hija. Tiyak na mamahalin ka agad ni Deive.”

Di nagsisinungaling ang lolo niya. Sa black and white niyang larawan na nasa sala ay kahawig din ng painting ng lola niya sa tuhod na si Celesta Lopez. Isang kagandahan na ayaw na niyang taglayin pa.

“Hindi po tayo sigurado diyan, Lolo.”

“Tinututulan mo ba ang pag-iisang dibdib ninyo?” mataas ang tonong tanong nito. “Ngayon pa lang ay sabihin mo na para di mapahiya ang pamilya natin.”

“H-Hindi po, Lolo!”

“Kung hindi mo gustong pakasalan si Deive, mabuti pang umalis ka na diyan sa bahay ngayon. Lumipat ka na dito sa Maynila.”

“Huwag po, Lolo! Ayoko po! Maawa na po kayo!”

Ang mawala sa Villa Celesta ay kamatayan ang katumbas. Ang Villa Celesta na ang nagsilbing kanlungan niya. Iyon na ang kanyang mundo. Kung lalabas siya sa mundong iyon, parang di na rin siya nabubuhay pa.

Sa labas ng mundo, isang patay ang tingin sa kanya ng lahat. Isang multo. Mas gusto niyang manatili siyang isang multo sa lahat. Masaya na siyang mabuhay sa anino ng madilim na bahay na iyon. Siya at ang Villa Celesta ay iisa.

“Kung ganoon ay paghandaan mo na ang pagdating ng lalaking pakakasalan mo. Mas makabubuti kung makasal kayo sa lalong madaling panahon.”

“Gusto ko pa po sanang humingi ng mas mahabang panahon, Lolo,” pakiusap niya. Di pa siya handang magpakasal. Di pa siya handa na may isang estranghero na papasok sa buhay niya at babaligtarin ang mundo niya.

“Matanda na ako, Celesta. Di kita habambuhay na mababantayan at aalagaan,” anito sa pagod na boses. “Gusto kong bago ako mawala sa mundo ay may isang lalaking magmamahal at mag-aalaga sa iyo. Natitiyak kong si Deive ang lalaking iyon. Hindi ka niya pababayaan.”

Isang lalaking mag-aalaga sa kanya? Ang Lolo lang niya ang lalaking maaring mag-alaga sa kanya. Kontento na siya sa buhay kasama sina Luna at Marina.
Sa alaala niya, mala-anghel ang kaguwapuhan ni Deive. Kung akala ng lolo niya ay isang anghel ito na poprotekta at mag-aalaga sa kanya ay nagkakamali ito. Pare-pareho lang ang mga tao sa labas. Nasisilaw sa panlabas na kagandahan. Hindi matatanggap ng lalaking iyon ang tunay niyang katauhan.

“Mapupunta lang ang bahay na ito sa iyo kung kasal na kayo ni Deive. Kung di mo iyon magagawa, ipapadala kita sa Kuya Lee mo sa abroad.”

“Hindi po, Lolo! Susundin ko po ang lahat ng inuutos ninyo,” aniya sa nanginginig na boses.

Nanlalambot niyang ibinaba ang telepono at naglakad patungo sa malaking verandah ng bahay. Tinanaw niya ang bilog na buwan. Sumampa sa bisig niya si Luna at pilit na ikiniskis ang ulo sa mukha niya. Animo’y nakikisimpatya ito sa di magandang pangyayari sa buhay niya.

“Anong magagawa ko? Kundi ko susundin si Lolo, tiyak na mawawala sa atin ang bahay na ito. Ikamamatay ako iyon.”

Niyakap niya si Luna habang tahimik na umiiyak. Saksi ang buwan sa pagdadalamhati niya. Umihip ang malamig na hangin at hinangin ang puting mahabang gown niya at ang mahaba niyang buhok.

Mula sa nagdadaang mga tao ay nakarinig siya ng malakas na sigaw. “Multo! Multo! May multo!” sigaw ng tatlong kalalakihan na sa palagay niya ay mga lasing na napadaan lang galing inuman.

Pinahid niya ang luha at humagikgik. Kaya nga gusto niya ang lugar na iyon dahil di siya nagagambala ng sinuman. Ang kalawakan ng Villa Celeste na walang kahit anong bahay sa paligid ay sanktuwaryo niya at nais niyang manatiling kanlungan sa loob ng mahabang panahon.

Isa lamang siyang buhay na multo sa paningin ng marami. Tama. Gusto na lang niyang manatiling isang multo habambuhay.

Chapter 2

“WE will miss you, dude! Hindi talaga kami makapaniwala na ikakasal ka na.”

Muntik nang batukan ni Deive ang kaibigang si Sidney nang magsimula itong magdrama. Emosyonal ito kapag nakainom ng alak kahit gapatak lang.

It was in contrast with the party they threw for him. Puno ng naggagandahang babae ang condo ng kaibigan niyang si Lucian. That was heaven for four virile young men. Apat silang matatalik na magkakaibigan. Mga bata pa lang ay magkakasama na sila sa saya at maging sa kalokohan.

“Idinala ba ninyo ako dito para iyakan lang?” tanong niya.

“This is your stag party, dude!” sabi ni Averill at tinapik ang balikat niya.

Napailing na lang siya at uminom ng four seasons cocktail. Di siya pwedeng uminom dahil malayo pa ang ipagda-drive niya mamaya. At lalong di pwedeng makipag-flirt sa mga naggagandahang babaeng nandoon. Gusto lang niyang pagbigyan ang mga kaibigan.

“Hindi ko pa naman kasal. Bakit stag party agad?”

“Magkikita na kayo ng babaeng pinili ng lolo mo para sa iyo, di ba?” Nagsalin si Lucian ng brandy sa baso nito. “And you will stay with her for a couple of months or so. I am sure hindi ka na makakawala sa babaeng iyon.”

“Rock and roll, pare! Kung ganyan din kaganda ang babae, hindi ko na rin pakakawalan. Lalo ka na. Kailan ka ba naging gentleman?” kantiyaw ni Sidney.

Tuluyan na niya itong nabatukan. “Ungas ka pala! Parang maniac naman ang dating ko no’n.”

“You are not a maniac. You are just a lady killer.” Lalo lang tuloy siyang naibaon ng buhay dahil sa sinabi ni Averill.

He was constantly at the dating scene. Wala siyang naging permanenteng girlfriend at di pa sumagi sa isip niya ang mag-settle down at magpakasal. He just wanted to live his life to the fullest. Trabaho at pamilya lang ang sineseryoso niya. Kaya malaking hamon ang ibinigay ng Lolo Jorje niya. Kailangan niyang pakasalan ang apo ng matalik nitong kaibigan kung gusto niyang maitayo ang negosyong pinapangarap niya at makabawi sa mga “kapalpakan” niya noong nakaraan.

“Kaya nga nagulat kami nang sabihin mong magpapakasal ka na,” wika ni Lucian. “Seryoso ka na ba diyan?”

“I have to. Gusto kong makawala na kay Lolo at maitayo na natin ang floating hotel and restaurant na gusto natin.”

Matagal na nilang pangarap na apat na magkakaibigan na magtago ng floating hotel and restaurant. Pare-pareho silang nakatali sa mga family business nila. Siya nga ay nai-train na para mamahala sa Hontiveros Coco Industries, isang kompanya na nag-e-export ng mga coconut products sa abroad. Hindi iyon ang pangarap niya. Iyon lang ang gusto ng lolo niya. At ito na ang tsansa niya magawa ang gusto niya. Handa na ang nakababata niyang kapatid na si Keiran. Ayaw lang siyang pakawalan ng lolo niya. Di siya makakakuha ng magandang recommendation para makapag-loan sa mga bangko at maitayo ang negosyong gusto niya kundi siya papayag sa mga kondisyon nito.

“Do you think it is right? This is the new millenium!” angal ni Sidney. “Hindi na uso ang arranged marriage.”

“I think it is fitting,” wika ni Lucian. Then he glanced at him menacingly. “Your womanizing reputation nailed you down.”

He whispered an oath. Isa sa anak ng malaking kliyente nilang naka-base sa Argentina ang naghahabol sa kanya. He turned her down. Di nito matanggap kaya ipinagkalat nito na nabuntis niya ito. Muntik na siyang mapikot. Gusto ng kliyente nila na pakasalan niya ang anak nito. He refused. He didn’t even kiss that lunatic. Paanong mabubuntis niya? Dahil doon ay nawalan sila ng malaking kliyente.

Hindi niya kasalanan kung habulin siya ng mga babae. He was guilty about enjoying women’s company. Pero sa puntong ito ay inosente siya.

“Tumatakbo ka sa kasal tapos magpapakasal ka rin naman pala,” iiling-iling na sabi ni Sidney. “Hindi ko yata makuha iyon.”

“Any woman will do except Rubie Canales! And besides, Callea is so fine. She’s sweet and innocent and she has a face of an angel,” dugtong niya. Isa itong tagapagligtas. Huling beses niyang nakita si Callea ay noong fifteen years old ito bago siya naging busy sa pagbiyahe sa iba’t ibang bansa. And according to Tomasino Lopez, Sr. she’s still an angel. Sa mansion lang ito lagi ng mga Lopez sa Nagcarlan, Laguna. Ni hindi pa nagkaka-boyfriend. How lucky can he get?

“Hmmm… not your type!” maagap na wika ni Averill. “She’s too sweet for your taste.”

He liked his women wild and sophisticated. Iyong mga babaeng walang interes sa commitment. But he didn’t have a choice now, did he? Naniniwala siya na madadaan ang lahat sa magandang usapan. Makukuha niya ang gusto niya kung susundin niya ang lolo niya. He had to endure it.

Tumayo siya at tinapik isa-isa ang balikat ng mga kaibigan. “I have to go, guys! Don’t worry. I can handle this perfectly,” he declared with full confidence.

I am in total control of the situation.

Lumitaw ang malalim na dimples niya sa magkabilang pisngi nang maisip iyon. Kayang-kaya niyang mapasunod ang inosenteng si Callea sa anumang gustuhin niya.

Nakalinya na sa isang kontrata ang lahat ng gusto niyang mangyari. Idi-discuss niya iyon oras na makuha na niya ang loob nito. He could easily charm her.

Subalit unti-unting nabawasan ang kompiyansa niya nang ma-trap siya sa South Luzon Expressway ng ilang oras na papuntang Nagcarlan, Laguna. Pasado alas nuwebe na ng gabi nang makalagpas siya sa exit. Alas otso ang dinner na ihinanda ni Callea sa kanya. His grandfather said so. Minus pogi points ito.

Matapos ang mahigit isang oras ay papasok na siya ng bayan ng Nagcarlan. Napapitlag siya nang mag-ring ang cellphone niya. Muntik na niyang maibato iyon nang makitang tumatawag ang Lolo Jorje niya. Nag-ipon muna siya ng kompiyansa bago iyon sagutin. “Hello, Lolo!”

“Nasaan ka na, Deive? Alam mo ba kung anong oras na?”

Napalunok siya nang makitang ten thirty na ng gabi. “Alas diyes y media po.”

“At nasaan ka na?”

“Nandito na po ako sa Nagcarlan!” Pilit niyang pinasigla ang boses. “Malapit na po ako sa Villa Celesta.”

“Saan banda?”

“Ahhh…” Pilit niyang inaninaw ang mga establisimyento sa madilim na gabi. “Dito po ako sa may Neneng’s Sari Sari Store.”

“At saan banda iyan?”

“Dito po malapit sa puno ng dalawang mangga na may katabing puno ng sampalok.” Pero di siya sigurado kung puno ng sampalok dahil madilim.

“Pinaglololoko mo ba ako?” singhal nito na halos ikabingi niya. “Kanina pang alas otso ang usapan ninyo ni Callea. Anong oras na? Wala ka pa rin sa Villa Celesta. Saan ka galing? Sa mga babae mo?”

Napangiwi siya. “Hindi po. Na-traffic po ako sa SLEX kanina.”

“Sinusubok mo talaga ang pasensiya ko! Baka nakakalimutan mo. Your womanizing landed you into trouble in the first place. Magpasalamat ka dahil inaalala pa rin kita hanggang ngayon. Look what I got you. A perfect wife. Maganda si Callea at mabait. Marunong din siya ng mga gawaing bahay. And she’s very cultured with arts. She’s an artist.”

“Yes. I know. She’s perfect. Thanks for choosing well, Lolo.” Pilit niyang itinago ang sarkasmo. Di niya ma-imagine kung ano ang magiging future nila. Ni minsan kasi ay di sumagi sa isip niya ang mag-asawa. So many girls, so little time. At dahil kay Callea Lopez, matatapos na ang kaunting oras na nailaan para sa kanya.

“Mabuti at natatak iyan sa utak mo. Give my kisses to Callea.”

“Callea! Callea! Perfect siya kung kaya niyang tapatan ang ideas ko sa negosyo.” A naughty smile formed on his lips. “And if she’s scorching hot in bed.”

Napasipol siya. A lady in public but a vixen in bed. Now that’s the idea.

Nasa gitna siya ng pangangarap nang mapansin niyang may biglang tumawid sa sa harap ng sasakyan niya. “Whoa!”

His car screeched in a halt. Humangos ang ilang tambay mula sa kalapit na pondohan. “Pogi, ayos ka lang?”

“Huwag ako ang intindihin ninyo. Iyong nasagasaan ko.” Kailangan iyong dalhin sa ospital. Sana ay buhay pa.

“Wala ka namang nasagasaan. Iyong itim na pusa lang biglang tumawid.” At nakita niya ang itim na anino na kumakaripas ng takbo patawid.

“Pusa? Di ko agad nakita iyon.” He was worried about nothing.

“Kapag may dumaang itim na pusa sa harap mo ay mamalasin ka.”

Chapter 3

Maang na tiningnan ni Deive ang matandang babaeng nagsalita. Seryosong-seryoso ito at parang di mababali ang kasabihang iyon. Hanggang sa modernong panahon ay nabubuhay pa rin pala ang mga pamahiin.

“Hindi po ako naniniwala doon pero salamat po. Aalis na po ako.”

Mamalasin talaga siya kapag di pa siya nakarating ng Villa Celesta. Kahit na napipilitan siya sa kasal na iyon, ayaw niyang isipin ni Callea na ayaw niya dito. Baka lalong magalit ang lolo niya at pulutin siya sa kangkungan.

“Saan ba ang tungo mo, amang?” tanong ng matandang babae.

“Sa Villa Celesta po.”

Parang iisang tao na nagsinghapan at naghugutan ng hininga ang mga ito. Iisa lang ang mababakas sa mukha ng mga ito. Matinding takot.

“Ispiritista ka ba, hijo?” tanong ng matandang babae. “Gusto mo bang tulungan ang mga kaluluwang ligaw sa bahay na iyon para matahimik?”

Umiling siya. Na-imagine niya ang imahe ng traditional na matatandang albularyo. Malayo sa mga iyon ang itsura niya. “H-Hindi po. Pupuntahan ko po ang babaeng papakasalan ko.”

“O, Diyos ko!” bulalas ng matanda.

Napalunok ang pinakamalaki ang katawan sa mga lalaking nag-iinom. “Di mo ba alam na pinamumugaran iyon ng mga multo at maligno? Haunted house iyon.”
His face twitched when he tried not to laugh out loud. Multo? Maligno? Haunted house? Baka may tama na ang mga ito sa iniinom na alak.

“Kailangan ko na pong umalis. Salamat po!” aniya at tangkang isasara na ang bintana ng kotse niya.

“Sandali, amang.” Nagulat siya nang ilagay ng matandang babae ang kamay ulo niya. “Ilayo po ninyo ang binatang ito sa kapahamakan.”

Pinagsalikop din ng mga kalalakihan ang mga palad. “Amen,” sabay-sabay na sagot ng mga ito.

“Lagi kang mananalangin, amang,” wika ng matandang babae at ginagap ang kamay niya. “Huwag ka sanang iwan ng Diyos.”

“Maraming salamat po.”

Pusang itim na may dalang kamalasan. Haunted house? Maligno at multo? For Pete’s sake! Kung anu-ano nang technology ang nabubuo. May human cloning, plant and animal mutation. Di na uso ang mga multo at maligno. Hanggang sa mga pelikula, palabas sa TV at mga horror at fantasy books na lang iyon mababasa.

Mula sa tindahang iyon ay wala na halos bahay na nakikita. Puro mga bukirin na lang ang sinisikatan ng maliwanag na bilog na buwan. Ilang sandali pa ay natanaw na niya ang matayog na bahay na nag-iisa sa dilim.

Villa Celeste. It was an old house built during 1920s. It was Victorian inspired. Tatlong palapag ang naturang bahay. Mukha nga sigurong haunted house ang dating niyon sa mga karaniwang tao dahil luma na ang bahay. But for him, it was a fine and classy architecture. Parang isang kastilyo ang tutunguhin niya.

Pinabagal niya ang takbo ng kotse nang malapit na siya sa higanteng gate na bakal ng Villa Celeste. Bumusina siya at binuksan ng dalawang matanda ang gate.

“Maganda gabi po, Señorito Deive!” bati sa kanya ng matandang lalaki. “Ako po si Lito, ang tagalinis ng mansion. Ito naman po ang asawa kong si Poling.”

Kinamayan niya ang dalawa. “Magandang gabi po.”

“Kanina pa po kayo hinihintay ni Señorita Callea. Ano po ba ang nangyari at alas onse na ng gabi kayo dumating?” tanong ni Aling Poling.

“Na-traffic pa po ako sa SLEX. Pasensiya na po. Gising pa po ba si Callea?”

“Maaring tulog na. Wala nang ilaw sa kuwarto. Baka bukas na po kayo ng umaga magkita. Pero naghihintay po sa inyo si Marina sa may pinto.”

“Sino si Marina?” tanong niya. Ang nabanggit lang ng lolo niya ay may mag-asawang katiwala sa mansion. Wala siyang alam tungkol kay Marina.

“Siya po ang kasa-kasama ni Señorita Callea. Tumuloy na din po kayo nang makakain at makapagpahinga na po kayo.”

Sumakay na siya ng kotse. “Sumabay na po kayo sa akin pabalik sa mansion.” Palagay na ang loob niya sa dalawang matanda.

“Uuwi na po kami,” wika ni Mang Lito. “Dalawang beses sa isang linggo lang po kami pumupunta dito para maglinis ng bahay. O kaya po kung may ipapabili sa amin sa bayan si Señorita Callea o si Marina.”

“Ganoon po ba?” Kung ganoon ay dalawang babae lang ang kasama niya sa bahay. Hindi ba iyon delikado? Wala bang security doon?

“Huwag po kayong mag-alala, Señorito. Wala pong magtatangkang mangloob sa mansion. Takot lang po nila,” sabi ni Aling Poling.

Siniko ito ni Mang Lito. “Ang bibig mo! Baka ano ang isipin ni Señorito.”

“May problema po ba?” tanong niya.

“Ang ibig pong sabihin ni Poling tinitingala ang mga Lopez dito sa Nagcarlan. Kaya po kahit na walang bantay itong bahay noon ay wala pong magtatangkang magnakaw. Mauna na po kami!”

Nagmaneho na siya papunta sa mansion. He didn’t really like old houses but he admired Villa Celesta. Parang sinasamba kasi ng maliwanag na buwan ang kagandahan nito. The Lopezes tried their best to maintain its splendor. May appeal ang kalumaan ng bahay. Ayon sa Lolo Jorje niya ay mahal na mahal ni Callea ang bahay na iyon kaya dapat ay matuto rin siyang I-appreciate.

Malawak ang garden at may fountain sa gitna. May matayog din na puno ng camachile. Nang bumaba siya ng kotse at pinagmasdan iyon. Sanay siya sa ilaw at kinang ng lungsod. He was not a rural boy. Pero ngayon ay na-appreciate niya ang huni ng mga kuliglig at ang katahimikan ng gabi. Napakaganda rin ng liwanag ng buwan na di niya napapansin dahil sa sobrang liwanag ng mga ilaw kapag nasa lungsod siya. Kung ganoon ay ito ang mundo ng babaeng pakakasalan niya.

Very laidback. Very…

Napalingon siya nang umingit ang malaking pintong kahoy. Nanghilakbot siya nang makita ang babaeng kuba. Napaurong siya. Totoo nga ba ang multo?

“Sino ka?” tanong niya. Is the place really cursed?

“Ako po si Marina, Señorito Deive.”

“Ikaw ang pinagkakatiwalaan ni Callea?”

Marahan itong tumango. “Nakatulog na siya sa paghihintay sa inyo. Pero pwede pang iinit ang hapunan kung gusto ninyong kumain.”

Inilabas niya ang gamit niya mula sa backseat ng kotse niya. “Salamat na lang. Busog pa ako.” Hindi niya maintindihan kung paanong ang babaeng ito ang gugustuhing makasama ni Callea sa bahay na iyon. Di ito pwedeng bodyguard. Hindi kaya ito ang kinatatakutan ng mga tao sa bayan?

Ano bang kalokohan ito? Parang pati siya ay gustong takutin. Di siya mapanghusga sa panlabas na anyo ng isang tao. Pero ngayon ay naiintindihan na niya kung ano ang kinatatakutan ng mga tao. Isang lumang bahay at isang kuba ang nakikita doon. Nagsigawa na ng kwento ang mga ito. Minsan ay sadyang malupit at mapanghusga ang mundo.

“Kung ganoon ay dadalhin ko na kayo sa kuwarto ninyo,” anito at tinangkang kunin ang mga dala-dalahan niya.

“Hindi na kailangan. Ako na ang bahala. Saan ang kuwarto ko?”

“Pangalawa po mula sa dulo sa second floor,” sagot ni Marina. “Pumasok na po kayo at papalamig na ang gabi.”

Natigilan siya sa paghakbang papasok nang maramdaman niyang may nakatingin sa kanya mula sa ikalawang palapag. Parang isang anino ng babae ang nakita niya. Iniwas niya ang tingin. Baka imahinasyon lang niya iyon. Walang ibang tao sa bahay na iyon maliban sa kanilang tatlo. Tulog na rin si Callea.

Di siya dapat nagpapadala sa paglalaro ng imahinasyon niya. Pero paano niya ipapaliwanag ang kakaibang kilabot na nararamdaman niya?

HABOL ni Callea ang hininga habang mahigpit na yakap si Luna. Nakauklo siya sa tabi ng bintana, malayo sa paningin ng kahit sino. Maging ang liwanag ng buwan ay hindi siya nasisikatan. “Nakita kaya niya ako, Luna?”

Kanina pang hapon niya hinihintay ang pagdating Deive Hontiveros. Naghanda siya ng hapunan. Ayaw niyang mapahiya. Kahit na ayaw niya itong pakasalan, tinuruan siyang maging magiliw sa pagtanggap ng bisita. Kailangan din niyang kunin ang loob nito para maisakatuparan niya ang balak niya.

Pero inabot na siya ng siyam-siyam ay di pa rin ito dumadating. Naisip niyang baka magba-back out na ito sa pagpapakasal sa kanya. Ipinaligpit na niya ang hapunan kay Marina. Naghahanda na siya sa pagtulog nang marinig niya ang pagpasok ng sasakyan nito sa Villa Celesta.

Di niya ito sinalubong. Nagbilin siya kay Marina na sabihing tulog na siya. Sinabi niya sa sarili na di siya interesado dito. Pero may kung anong humila sa kanya palapit sa bintana at silipin ito. Hindi niya masyadong makita ang mukha nito. Pero sa tulong ng liwanag ng buwan, nabuo sa isip niya ang imahe ng isang makisig na lalaki.

Tumirik ang mata niya. “Makisig nga, wala namang kwenta. Sino bang matinong lalaki ang paghihintayin ang babae ng ilang oras? Matino ba iyon?”

Kundi lang may kailangan siya kay Deive Hontiveros, di niya ito patatapakin sa Villa Celesta. “Pero bakit ganoon? Mabilis pa rin ang tibok ng puso ko?” tanong niya kay Luna at hinaplos ito. Sinulyapan lang siya ni Deive, parang sasabog na ang dibdib niya. Ano ba ang nangyayari sa kanya?

Bumagsak ang mahabang buhok niya sa mukha. Kasabay niyon ay natakpan ng ulap ang buwan. Sa pagdating nito, nakatakdang magbago ang buhay niya. Kailangan niyang sundin ang lolo niya pansamantala. Mababawi din niya ang kalayaan niya sa Villa Celesta. Mawawala rin sa buhay niya si Deive Hontiveros.