Browse stories

Taming The Brash Princess

Language: fil

Class A Troublemaker. That’s Nadine Baluarte for you. To the rescue naman palagi si Miller, ang pinagkakatiwalaang anak ng business partner ng tatay niya. Di man sinasadya subalit masaya siya kapag tumatayo itong hero niya. He actually loathed her. Sa palagay daw nito ay sayang lang ang pera ng ama sa kanya at walang patutunguhan ang buhay niya. Hanggang ipinamahala ng ama niya ang pagbabantay sa kanya sa binata sa loob ng dalawang buwan. Miller became her jailer. Gagawin daw nito ang lahat para lang disiplinahin niya. She loved her freedom and she had secrets she must guard well. At…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

“Is that Julio’s daughter?”
“You mean the girl whose mother is a whore from the slums?”
“Totoo ba na nang kunin siya nakakulong daw siya cabinet at takot na takot?
Nanliliit si Nadine habang pinakikinggan ang usap-usapan ng mga tao sa paligid niya. Isinama siya ng amang si Julio sa party sa isang magandang mansion na animo ay palasyo. Kaarawan ni Uncle Max, ang kaibigang matalik ng ama. Iyon ang una niyang pagharap sa publiko bilang anak ni Julio Baluarte. At hindi iyon maganda.
Pakiramdam niya ay isa siyang hayop sa zoo na pinagtitinginan ng mga ito. Sa kabila ng magandang peach dress na suot niya at mga alahas na ipinasuot sa kanya ng trainer niya para magmukhang mayaman, isang babae galing pa rin sa squatter ang tingin ng mga ito sa kanya.
Di naman niya ikinakaila na laki siya sa squatter’s area. Doon siya ipinanganak ng inang si Consuela, lumaki na kasa-kasama nito sa pagma-manicure at pedicure sa mga kapitbahay nila at siya naman ay naglalako ng paninda. Doon siya nabuhay sa loob ng labing anim na taon. Naulila siya tatlong buwan na ang nakakaraan nang pasukin ng adik nilang kapitbahay ang bahay nila. Subukan silang nakawan at muntik na siyang gahasain kundi lang dumating ang nanay niya para sagipin siya. Pinagtulung-tulungan naman na gulpihin ng mga kapitbahay nila ang adik na pumatay sa nanay niya.
Nabalita iyon sa TV kaya naman natunton siya ni Julio Baluarte, isang negosyante at dating nobyo ng nanay niya. Nawalan ng komunikasyon ang mga ito dahil ipinadala ang ama niya para mag-aral sa ibang bansa. Di nalaman ng ama niya na buntis ang nanay. Tulala siya nang mga panahon na iyon at ang ama niya ang nag-asikaso sa pagpapalibing sa ina. Ni hindi niya magawang umiyak dahil iyon ang bilin ng nanay niya. Kailangan daw niyang maging matatag.
Mas nahirapan pa siya sa pagkawala ng ina nang dalhin siya ng ama sa villa na pag-aari nito. Nakakalula na halos di sila magkakitaan, magagara ang damit, mas malaki pa ang kuwarto niya na pangprinsensa sa dati niyang bahay na may malaking TV, computer, banyo na may shower at bathtub pa at may swimming pool din sa labas. Pero pakiramdam niya ay di siya bagay sa lugar na iyon. Gaya nang di siya bagay sa party na iyon. Kahit gaano pa siya kaganda, basura pa rin ang tingin sa kanya ng mga tao.
Gusto niyang magbasag ng bote ng alak at pagsasampalin ang mga ito ng basag na bote o kaya ay pakainin ng bubog. Kamamatay lang ng nanay niya pero di magawang irespeto ng mga ito.
Nakangiti niyang hinarap ang mga tao. “Alam ninyo, akala ko ang mga mayayaman mga sosyal may magandang asal. Wala rin palang kaibahan sa mga tsismosa kong kapitbahay sa squatter’s area ‘no?”
Natigilan ang mga ito. Ang iba sa mga ito ay nagtaas ng kilay at ang iba ay umirap. “She has the temerity to answer back,” anang matandang babae na mukhang mannequin na ang mukha at di na gumagalaw.
“What do you expect from the daughter of an addict and a who…”
“Subukan ninyong tawagin na mababang klaseng babae ang nanay ko at papatulan ko kayo,” banta niya at akmang susugurin ito. Hinawakan niya ang wine glass nang mahigpit at ihinampas iyon sa mesa. Nabasag ang baso at handa na talaga siyang gurlisan ang mukha ng mga matrona na makakapal ang make up.
Nanginginig siya sa galit. Wala siyang pakialam kung mag-eskandalo siya doon pero di siya papayag bastusin ang alaala ng nanay niya.
Pahakbang na siya nang may pumigil sa braso niya. Matalim niyang tiningnan ang may-ari ng kamay. Si Miller Sebastian iyon, ang birthday celebrant. Beinte anyos na ito at ibang-iba sa mga kababata niya sa looban. Matangkad ito, matikas, guwapo at mukhang mabango. Nakasuot ito ng black coat habang naka-brush up ang buhok.
Naaalala niya dito ang bida sa anime na paborito niya - si Touya Kinimoto ng anime na Cardcaptor Sakura. Astig na astig ito. Kapag nasa paligid ito, di niya aalis ang tingin dito. Poetry in motion daw ang tawag sa kilos nito.
Ito rin ang dahilan kung bakit napapayag siya ng ama na sumama sa party na iyon. Si Miller lang kasi ang kilala niya na kaedad niya dahil di naman siya gaanong lumalabas ng bahay at nakikisalamuha sa mga tao sa village. Lagi siya nitong kinukumusta pero di ito mapilit o makulit. Di niya alam kung matipid lang itong magsalita o ayaw lang siyang kausapin. Basta di nito nakakalimutan na dalhan siya ng cake na nagpapasaya sa kanya. Pero nang mga oras na iyon, hindi niya alam kung kakampi ito o kalaban. Mayaman din kasi ito gaya ng iba.
“Huwag mo na silang patulan. Don’t ruin this party,” mariing saway ng lalaki.

Chapter 2

“Alam ko birthday mo ngayon pero pasensiya na. May nanay ka rin naman siguro. Gusto mo ba na bastus-bastusin na lang ang nanay mo? Kahit mahirap lang kami, hindi ibinenta ng nanay ko ang sarili niya para lang sa droga. Ni wala nga siyang boyfriend. Nagma-manicure at pedicure siya at nagbebenta ng kung anu-ano para lang buhayin ako. Alam n’yo kung bakit siya namatay?” Tumulo ang luha sa mga mata niya. “Kasi ipinagtanggol niya ako sa addict na gustong mang-rape sa akin. Kaya mga leche kayong lahat para pagsabihan ng masama ang nanay ko. Mabuti siyang tao. Ako ang higit na nakakaalam kung paano niya kayo binuhay. Sino ba kayo para manghusga na akala mo kaylilinis ninyo? At kung sinuman ang kukwestiyon sa pagkatao ng nanay ko, babasagin ko ang mukha ngayundin. Ipaglalaban ko ang nanay ko.” Dinuro niya ang mga ito. “Sino ang una kong babasagin ang mukha? Lapit na!” At saka inamba niya ang nakakuyom na kamao na may hawak na basag na wine glass.
Gigil na gigil na talaga siyang may masuntok o masampal o kahit ano para lang mailabas niya ang sakit at galit na kinikimkim niya sa loob. Lumaki siyang palaban. At wala siyang uurungan.
“Okay. That’s enough,” anang binata at hinila siya sa likuran nito. Bahagya itong yumukod sa mga bisita. “I apologize for her behavior. You have to understand that she’s new here and she’s going through a lot.”
Ngumisi ang babaeng pulang-pula ang lipstics at ang pisngi. “Her father should teach her some manners. Wag munang isama sa social functions kung di pa natuturuan ng kagandahang-asal. She’s a disgrace.”
Napamaang si Nadine at binatak ang manggas ng coat ni Miller. “Apologize? E bakit ikaw pa mag-a-apologize para sa akin? Sila itong mga burangas ang ugali. Pa-English-English nga pero burak naman ang lumalabas sa bibig. Basura kayo.”
Kinaladkad siya ni Miller at ipinasok sa pinakaunang kuwartong nakita nito. Puro iyon libro at may sariling computer. Saka lang siya nito binitawan. “Kilala mo ba ang mga taong iyon? Some of them are well-connected. Pwede nilang sirain ang negosyo ng pamilya ninyo.”
“Wala akong pakialam. Sila itong nanira sa nanay ko. Wala silang karapatan na tapak-tapakan ang nanay ko. Kung okay lang sa iyo, sa akin hindi.”
“Hindi rin ako papayag. Pero may ibang paraan para sabihin ang punto mo nang hindi sila binabastos.”
“Pero sila itong bastos. Akala naman nila gusto ko na maging parte ng mundo nila? Akala nila gusto ko dito? Hindi ko gustong mawalan ng nanay lalo na sa isang walang kwentang adik. Walang halaga sa akin ang karangyaan na napapaligiran ng mga tao na akala mo sila lang ang magaling. Kung ayaw nila sa akin, mas lalong ayoko sa kanila.”
Mas masaya siya sa barong-barong pero kasama niya ang nanay niya. At gagawin niya ang lahat para makabalik siya sa dati.
“Wala na ang nanay mo, Nadine. Hindi na siya babalik. Pero may tatay ka naman. Ito ang mundo niya.”
Napailing siya. “Mundo ng mga ipokrito? Gusto mo gayahin ko ang mga tao sa labas na masayang tapak-tapakan at husgahan ang mga tao na akala mo mas superyor sila? Kung ganoon lang din naman, tangna, huwag na lang.”
“Gusto mong ipakita na maganda ang pagpapalaki sa iyo ng nanay mo at mabuti siyang babae? Ipakita mo na mabuti kang tao. Na mabuti kang anak sa tatay mo. Hindi mo kailangang magpakababa para lang patunayan na tama ka o maging bayolente. Kapag sinaktan mo sila, pinatunayan mo lang na tama sila. At sa huli, si Tito Julio ang masisira, ang nag-iisang magulang mo. Gusto mo bang mangyari iyon?”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Nadine. Nawala ang nanay niya para sa kanya. Maaatim ba niyang masira rin ang tatay niya dahil sa kanya? Tama ang lalaki. Iba na ang mundo niya. Wala na siya sa barong-barong. Napahamak dahil sa kanya ang nanay niya.
Huminga siya ng malalim. “S-Sisikapin kong mabuting anak kay Tatay. Maging kagalang-galang gaya ng gusto mo.”
“Good,” sabi nito at nakangiting tumango. Hindi tipid na ngiti. Totoong ngiti iyon na nasisiyahan talaga ito sa kanya. Ngiti na mula sa puso.
Natigagal si Nadine. Biglang nawala ang init ng ulo niya. Nagliwanag ang nadidiliman niyang paningin. Kaaway ang turing niya sa lalaki kanina. Akala niya katulad di ito ng mga matapobreng manang kanina. Na gusto nitong tapak-tapakan lang din siya ng iba dahil mababang klaseng babae rin ang turing nito sa nanay niya. Pero hindi niya ito kalaban. Kakampi niya ito. Gusto siya nitong protektahan.
Kanina ay umurong ang puso niya. Ayaw na niya dito. Pero ngayon parang rumaragasang tsunami na sumalpok sa gusali ang pagkagusto niya dito.
“M-Magugustuhan mo ba ako kapag ginawa ko iyon?” nanulas sa dila ni Nadine.
“Ano?” bulalas ni Miller.
“Sabi ko magugustuhan mo ba ako kapag nagbago na ako? Kasi gusto kita,” walang gatol niyang sabi.
Mahabang sandali siya nitong pinagmasdan. Animo’y nag-iisip pa ito kung paano siya sasagutin. Ayaw ba nito sa kanya? Nabigla ba ito sa pagsasabi niya dito ng nararamdaman niya? Siguro naman may pag-asa siya dito lalo na’t nagmamalasakit ito sa kanya.
Biglang may kumatok sa pinto. “Miller! Miller, nandiyan ba si Nadine? Ayos lang ba kayo diyan? Gusto kong makita ang anak ko.”
Pinagbuksan ni Miller ng pinto ang ama niyang si Julio. Humahangos itong lumapit sa kanya at niyakap siya. “Anong nangyari sa labas? Sabi nila nagkasagutan daw kayo ng ibang bisita dahil binastos nila ang nanay mo. Totoo ba na pinagbantaan mo sila?”
Bumuka ang bibig niya para mangatwiran pero nakita niya ang babala sa mga mata ni Miller. “Patawarin po ninyo ako, Papa. Nagpadala po ako sa emosyon ko. Sila po kasi…”
Nakita niya na nakahinga nang maluwag si Miller at lumabas ng silid para iwan silang dalawa ng ama. Handa siyang magbago upang maging mabuting anak para sa ama niya at para sa wakas ay magustuhan siya ni Miller.

Chapter 3

“Gondo!” puri ng kaibigang si Tessa kay Nadine matapos siyang ayusan. “Sabi ko sa iyo di siya makakatanggi kapag nakita ka niya.”
Kumurap-kurap siya habang pinagmamasdan ang sarili sa vanity mirror. Ang kaibigan mismo ang nag-ayos sa kanya. In-emphasize lang nito ang mga mata niya sa pamamagitan ng eyeliner at mascara. Naka-loose braid ang buhok niya at nilagyan nito ng headband na may rhinestones.
“Parang di ako makahinga dito sa suot ko,” sabi niya at kinalas ang satin ribbon na nakatali sa leeg niya. Balot na balot naman kasi siya sa black Peter Pan collared dress na pinarisan ng Aztec-printed skirt na hanggang ibabaw ng tuhod at white strappy sandals.
Muling itinali ng kaibigan ang ribbon. “Uso iyan ngayon. Mukha kang Koreana. Saka siguro naman papayag na siyang makipag-date sa iyo dahil aalayan mo siya ng paella. Career na career mo ‘yung paella recipe ng nanay niya sa tulong ni Manang Estella,” tukoy ng kaibigan sa cook nila sa mansion.
Pasimple niyang hinatak ang buhok ng kaibigan. “Naghiwa naman ako ng gulay at karne. I am good with knife, you know.”
“Oo. Pero pagdating sa pagluluto mismo, waley ka talaga. Ilang beses mo na bang pinabula ang bibig ko sa attempt mong magluto? The best way to a man’s heart is through his stomach. Bagsak ka diyan.”
“Sinusubukan ko naman.” Di naman kaila sa kanya na isa nang nag-culinary school ang ex-girlfriend ni Miller. Bukod doon ay isa ring model. Nakipag-break ang babae dito dahil pinili nitong sa Paris na magtrabaho at bumalik naman ng Pilipinas si Miller para mamahala sa negosyo. “Hindi ako kasing galing magluto ng ex-girlfriend niya pero nandiyan naman si Manang Andeng.”
“E di si Manang na lang ang pakasalan ni Miller ‘no?”
“Mas bata at sariwa naman ako kay Manang saka kasal na siya. Iyon ang advantage ko.” Saka di na uso ‘yung pakakasalan ka dahil marunong magluto. Nanliligaw lang siya ngayon kay Miller kaya nag-e-effort siya. Nilagyan niya ng lipgloss ang labi. “Pwede na ito.”
Air cushion at powder lang ang inilagay niya sa mukha dahil mas bagay daw sa kanya ang natural look. Pareng kape na nilagyan ng creamer ang kulay ng balat niya. Filipina beauty. Ilan na ang nanligaw sa kanya pero basted lang ang mga ito dahil nakatuon lang ang atensyon niya sa isang lalaki - kay Miller.
He was twenty-two when he left for US. Nag-take up ito ng Masters in Business sa Wharton School of Business. Isang taon na ang nakakaraan mula nang bumalik ito sa Pilipinas at tumulong sa pamamahala sa investment company ng ama niya. Teenager pa lang siya, alam niyang malayo na ang mararating ng binata. Usap-usapan na rin na ito ang ginu-groom ng ama niya bilang susunod na CEO ng kompanya kapag nag-retiro ito. And with money and good looks, women flocked him. Pero di pa niya nababalitaang nakikipag-date ito. Busy ito sa trabaho. Kung may idine-date man ito nang sekreto, hindi niya alam. Pero ibig sabihin niyon ay matindi itong hokage dahil may mga matang nakamasid dito at nagre-report sa kanya.
Ilang beses na niyang niyayang lumabas ang binata - maging escort sa parties at events, magkape, pati mag-gym pero lagi itong umiiwas. He had his own gym and pool at home and he’d rather go to parties alone. Ang hirap nitong siluin. Walang epekto dito ang charm niya. Samantalang kapag ibang lalaki gustong-gusto siyang I-date kahit dine-deadma niya.
Oras na para ipakita niya dito na hindi na siya ang batang nakilala nito noon na galing sa squatters. She was not sophisticated and confident. Wala siyang balak na sukuan ito. Nagsisimula pa lang siya.
Ipinahatid niya sa family driver na si Mang Andong ang kaibigan at nag-drive naman siya ng sariling sasakyan papunta sa East Star Holdings. He was the Head of Acquisition. Ito ang bumibili ng properties na rare at mataas ang value para maipang-barter sa mga ka-deal ng kompanya. Tiniyak sa kanya ng sekretarya ni Miller na wala itong ibang appointment buong umaga hanggang lunchtime.
Eleven-thirty nang dumating siya sa opisina. “Nandiyan pa ba siya?” tanong niya sa personal assistant ni Miller na si Ruizmae.
“May nire-review lang na report si Sir. Pumasok ka na lang, Miss.”
Inilapag niya ang purple box sa ibabaw ng mesa nito. “For you.”
Nanlaki ang mata nito nang silipin ang laman ng kahon. It was an organic beauty set she inquired on her website. “Thanks. Basta wala ako dito nang dumating ka. Okay? Pupunta lang ako sa pantry sandali para sa coffee,” sabi nito at umalis ng desk matapos I-secure sa drawer ang regalo-slash-suhol niya dito.
Kinatok niya ang pinto ng private office ni Miller nang makaalis na si Ruizmae. “Come in!” narinig niyang sabi ng binata.
Marahan niyang binuksan ang pinto at isinilip ang ulo. “Hi!”
Inangat nito ang tingin sa hawak na tablet. Inalis nito ang reading glasses at nagsalubong ang kilay nang makita siya. “What are you doing here?”
“I decided to join you for lunch. Balita ko kasi ilang araw ka nang laging dito lang sa office kumakain ng lunch at puro trabaho.”
Mukhang malinis at very minimalistic ang interior ng opisina nito. Puti ang dingding, black and white din ang picture ng Batanes na nakasabit sa dingding, black na marmol ang sahig at nakikiterno din si Miller sa white long sleeve polo na suot nito habang nakasabit sa standing hook ang black suit nito. Ang tanging kulay lang yata ay ang view ng mga gusali at asul na langit na natatanaw sa wide window ng opisina nito.
“It is not even time for lunch,” angal ng lalaki. “Bakit di sinabi ni Ruizmae na nandito ka at bakit basta ka na lang niyang pinapasok?”
“Wala siya sa desk nang dumating ako.”
“At kailangan kong magtrabaho. Some of us are not exactly a princess like you, my dear. We don’t have people who will do the work for us.”
Muntik nang tumaas hanggang bumbunan ang kilay ng dalaga. Pinalalabas nito na di niya kailangang mamoroblema sa trabaho. That she was an heiress. Wala siyang responsibilidad. People wait for her hand and foot.
“It’s okay. Di naman natin kailangang umalis. Pwede namang dito lang tayo. Magtrabago ka pa rin habang nagla-lunch tayo. Inilabas niya ang picnic blanket at inilatag sa gitna ng opisina nito habang nagha-hum ng kanta.
Bigla itong tumayo. “What are you doing?”
Umupo siya sa pulang picnic blanket at inilabas isa-isa ang laman ng basket. “Naglalaro ng bahay-bahayan sa gitna ng office mo. Di pa ba obvious?” sarkastiko niyang tanong pero kuntodo ngiti sa dalaga. Feel na feel niya ang pagiging wife. “Nagluto ako ng paella. Kasi alam ko favorite mo ito,” masaya niyang sabi.
““And it is not even time for lunch. Wala pang alas dose. Matagal na akong di kumakain ng paella,” anito sa malamig na boses.
“E di kumain ka ngayon. Matagal ka na palang di nakakatikim. Ako ang nagluto niyan.”