Browse stories

THE DAY WE FOUND LOVE

Language: fil

Ang pagiging raketera ang naging hanapbuhay ni Thea para itaguyod ang apat niyang mga kapatid. Dahil maaga silang naulila sa mga magulang ay sa kaniya naatang ang malaking responsibilidad na naiwan ng mga ito sa kanila. Pati ang lovelife niya ay kinalimutan niya dahil mas prayoridad niya ang magandang kinabukasan ng mga kapatid. Not until she met Richard Anthony Morales, ang guwapong business icon na pumakyaw ng paninda niya. Sa unang pagkikita pa lamang nila ay nakadama na siya ng matinding paghanga sa lalaki. Si Richard na yata ang pinakaguwapong nilalang na nakilala niya sa buong buhay…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

TODo-kayOd si Althea nang hapong iyon. Hapon ang tamang oras na mabenta ang paninda niyang mga barbeque. Kailangan niyang kumayod dahil siya ang tumatayong nanay at tatay sa apat niyang kapatid. Kinse anyos pa lamang siya nang maulila sila sa mga magulang. Masyado pa siyang bata para akuin ang malaking responsibilidad na iyon. Ngunit wala siyang magagawa kundi kayanin ang lahat para sila mabuhay.
Namatay ang mga magulang niya nang masunog ang bahay nila. Pinalad na kasalukuyan silang nasa school ng mga kapatid niya nang maganap ang sunog. Pag-uwi nila, ang nadatnan na lang nila ay ang kalunus-lunos na labi ng kaniyang mga magulang. Isa ang bahay nila sa mga natupok dahil sa isang squatter’s area lang sila nakatira sa Tondo, kung saan ay hindi maiwasang magkadikit-dikit ang mga barung-barong. Isa ang nanay at tatay niya sa mga nasawi sa nasabing sunog.
Pumapatak ang luha niya sa tuwing babalikan niya ang masalimuot na trahedyang iyon. Ilang taon na ang lumipas ngunit parang kahapon lamang nangyari ang lahat. Napakabata pa nila noon para mawalan ng mga magulang na mag-aaruga sa kanila. Ngayon ay masasabing matatag na siya dahil nalampasan niya ang pagsubok na iyon na hindi niya inakalang darating sa buhay nila.
Dumating mula sa pinapasukang university ang kapatid niyang si Aileen, nakangiwi. “Salamat at dumating ka na. Magbihis ka muna ‘tapos tulungan mo ‘ko dito. Parami na kasi nang parami ang bumibili.” wika niya habang pinapaypayan ang ihaw-ihaw na nakasalang sa parilya. Nakakangalay pero parte na iyon ng pagiging raketera niya.
Nakita niyang nagsidatingan na rin ang iba pa niyang kapatid galing ng school. Ngunit hindi na niya pinatutulong ang mga ito. Ang paggawa ng takdang-aralin ang agad na haharapin ng mga ito. Sa sipag at tiyaga niya ay napag-aral niya ang mga kapatid sa tulong ng pagtitinda. Third year college na sa kursong Journalism ang sumunod sa kanya na si Aileen. Fully scholar ito kaya nakapagpapatuloy pa sa kolehiyo. Grade nine naman si Venice. Si Jerick ay Grade seven at ang bunsong si Bianca ay nasa ika-limang baitang na. Mababait at masunurin sa kaniya ang mga kapatid niya, bagay na ikinatutuwa niya.
Kalalabas pa lamang ng paninda niyang barbeque ay sandamakmak na ang mga bumibili. Iyon ang pangunahing pinagkakakitaan niya bukod sa iba pang raket niya na pagtitinda pa rin. Karamihan sa mga suki niya ay mga lalaki na halatang nagpapalipad-hangin at nagpapa-impress sa kanya.
Maganda raw siya, ang sabi ng ilan. Pero maliit lamang siyang babae. Noong high school siya ay siya ang naging muse ng paaralan nila. Dahil sa hirap ng buhay nilang magkakapatid ay wala pa sa isip niyang makipagrelasyon. Isinumpa niya iyon sa sarili, na hindi siya mag-aasawa hangga’t hindi napapabuti ang buhay ng mga kapatid niya.
“Sige, Ate. Pupunta lang ako ng CR. Parang sasabog na ang pantog ko.” wika ni Aileen na nagmamadali nang makapasok sa loob ng bahay nila. Hindi niya kayang patayuan ang lupang dating kinatitirikan ng bahay nila kaya nangupahan na lamang sila sa lugar ding iyon. Sa tapat lang ng bahay nila sila nagtitinda.
“Sige, basta bilisan mo. Madaming bumibili at kailangan ko ang tulong mo.” sabi ni Thea na abalang-abala sa pagpaypay. Si Aileen ang madalas niyang katuwang sa pagtitinda. Ito palagi ang kanyang ka-teamwork. Close na close sila sa isa’t isa kahit ilang taon ang tanda niya rito.
Ilang sandali lamang ay agad na itong nakabalik, nakapambahay na. Tinulungan siya nito sa pag-iihaw. Pagdating sa ganoong bagay ay tulong-tulong silang magkakapatid. Maaasahan niya ang mga ito dahil hindi lamang sa pag-aaral masisipag ang mga ito. Madaling madisiplina ang mga kapatid niya bukod sa may pangarap din ang mga ito. Isa na roon ay ang makaahon sila sa hirap.
“Magkano lahat?” tanong ng babaeng bumibili ng limang pirasong isaw.
“Singkuwenta lang.” nakangiting sagot niya dito. “Salamat.” sabi niya pagkatapos nitong magbayad.
Eksaktong eight o’clock ng gabi nang matapos sila. Tinulungan din siya ni Aileen sa paglilinis ng mga ginamit nila sa pagtitinda. Pagkatapos ay naligo na siya at nagpahinga. Nanatili siyang nakahiga sa papag na kawayan na nalalatagan lamang ng lumang banig. Hindi kaagad siya makatulog. Sumagi sa isipan niya ang buhay nilang magkakapatid niya. Maayos-ayos na ang pamumuhay nila kumpara noon. Kaysarap isiping kahit paunti-unti ay naigagapang niya ang pag-aaral ng mga ito.
Lagi niyang pinaaalalahanan ang mga kapatid, lalo na si Aileen na iwasan muna ang magpaligaw at pakikipagrelasyon. Dahil maganda ito ay alam niyang may mga nanliligaw dito sa pinapasukan nitong pamantasan. Kaya lagi niyang pinagsasabihan ito na pag-aaral muna ang atupagin. Sumusunod naman ito at pilit na umiiwas sa pakikipagbarkada. Pag-aaral talaga ang priority nito at labis niya iyong ikinatutuwa.

Sanay nang gumising ng maaga si Althea, gayundin ang mga kapatid niya. Papasok na ang mga ito sa eskuwela at siya ang nag-aasikaso ng pangangailangan ng mga ito. Siya ang naghahanda ng almusal nila.
Pagkatapos magsialis ang mga kapatid niya ay ang pamamalengke naman ang haharapin niya. Iyon ang routine niya sa araw-araw. Pagdating ng bahay ay isinalang na niya ang mga lamang-loob ng baboy at manok upang palambutin. Inihanda na niya ang ilang lata ng condense milk. Iyon ang isa pa sa mga raket niya, ang paggawa ng yema. Madali iyong pagkakitaan at masarap siyang magluto ng yema dahil hindi niya ‘yon tinitipid sa sangkap. Matapos ang lahat, ni-repack at inilako na niya ang mga iyon. Mga tindahan sa kanilang lugar ang binabagsakan niya. Isinasabay na niya sa pagtitinda ang Glutathione soap na hinahango niya sa isang kakilala. Dumaan muna siya sa pinakamalapit na tindahan mula sa kanila, ang tindahan ni Nanay Maring.
“Nanay Maring, ito na po ‘yong order ninyong yema.” nakangiting wika niya sa may-ari ng tindahan.
Si Nanay Maring ay ina ng matalik niyang kaibigan na si Aya. Mabait ito sa kaniya at anak na kung ituring siya. Kaibigan ito ng nanay niya noong nabubuhay pa.
“Salamat, Thea. Mabuti at dinalhan mo ako ng yema. Ubos na kasi ‘yong huling dinala mo sa akin n’ong isang araw.” sabi naman nito. Abala ito sa pag-aayos ng mga paninda sa sari-sari store nito.
“Mabenta po ba?” nakangiting tanong niya.
“Naku, anak! Sobrang mabenta, lalo na sa mga bata. Masarap kasi kaya sulit na sulit sa mga bumibili.” Kaya masarap ang kaniyang yema ay dahil sinasahugan niya iyon ng langka kaya malasa.
“Matanong nga kita, Thea.” pagdaka’y seryosong wika ni Nanay Maring. “Ikaw ba ay walang balak na makipag-boyfriend?”
“Nanay Maring, matatagalan pa siguro bago ako makipagrelasyon. Marami pa kasi akong pinag-aaral. Makapaghihintay naman ang pag-ibig, ‘Nay. Hindi po ako nagmamadali.” When she thought of romance, ang artistang si Alfred Vargas ang nabubuong imahe sa isip niya. Idol na idol kasi niya ito. Kung magkaka-boyfriend siya, sana ay hindi nalalayo sa hitsura at built ng nasabing actor. Hiling lang naman niya.
“Naiintindihan kita Thea. Ang sa akin lang, kahit papaano ay may tutulong sa iyo para sa mga kapatid mo. Hindi ka na bumabata. Huwag kang tumulad kay Aya na hanggang ngayon ay wala pang ipinakikilalang boyfriend sa akin. Malapit na ngang mawala ang edad ng babaeng ‘yon sa kalendaryo.” tukoy nito sa anak. Nasasabik na raw kasi itong magkaapo. Mas matanda si Aya sa kanya ng tatlong taon. Beinte-singko anyos siya samantalang ito ay beinte-otso na. Sabay silang lumaki sa lugar na iyon at higit pa sa isang magkapatid ang turingan nila sa isa’t-isa.
Bumili sa kaniya si Nanay Maring ng dalawang piraso ng sabong ginagamit ni Aya. Sa Laguna pa kasi nagtatrabaho ang kaibigan niyang iyon. Tuwing payday lang ito nakakauwi. Madalang na silang magkita mula nang madestino ito sa Laguna. Kaya sa tuwing nagkikita sila ay parang sampung taon silang naghiwalay. Kanya-kanya sila ng kwentuhan ng mga escapades nila sa buhay, lalo na kapag pinagsama-sama silang tatlo nina Aileen. Siya si Althea, the Raketera. Aya, the Office Girl. At si Aileen naman ay news anchor to max in the future. Happy sila kapag magkakasama.

“OKAY, Miss Rona. Add that appointment in my schedule.” Kinakausap ni Richard sa kabilang linya ang sekretarya niya.
“Yes, Sir. Ako na ‘pong bahala dito.” sagot ng sekretarya niya.
“Thank you.” aniya at ibinaba na ang kanyang cellphone.
Nadagdagan na naman ang schedule sa organizer niya. As usual, his company’s clients. Napakadami rin niyang kailangang kausapin na kapwa importanteng personalidad na kilala rin sa pagnenegosyo.
He was running their family business because he was the sole heir of a business tycoon Enrico Morales. Siya ang CEO at Presidente ng Asian Blue Realty Estate, a progressing one in the field of realty estate. They were modelling modern houses. After that, construction overtook. Then, promotion in the market. Hindi mumurahing mga bahay ang itinatayo nila. The least price they built worth five million. Bale dalawa ang kompaniya nila. The other one was managed by his own father, an advertising company. Sa ibang kompaniya ng mga tiyuhin niya ay stockholder na lang sila. Pinili niya ang pamamahala sa real estate dahil mas nakaka-relate siya roon kaysa sa advertising.
Nag-iisa lamang siyang anak. Ang masaklap ay hiwalay na ang mga magulang niya for three years at may iba nang kinakasama ang ama niya. Kaya nagkaroon siya ng kaunting sama ng loob sa Papa niya, lalo na ngayong may malalaking sakit na iniinda ang Mama niya. Pero anong magagawa niya? Gustuhim man niyang magkabalikan ang mga magulang ay hindi na maaari. Lulong na lulong ang ama sa kinakasama nito. Mabait lang ang ina niya kaya hindi na ito nagrereklamo pa. Ang katwiran nito ay naroon naman daw siya para alagaan ito.
Quarter to eight na. Medyo tinanghali siya ng gising. Hatinggabi na nang makauwi siya sa condo niya. Pagkauwi niya galing ng opisina ay dumiretso siya sa isang sikat na cold bar. Kasama niya ang malapit na kaibigan at mapagkakatiwalaang business partner na si Miguelito, Miguel for short. Kababata niya ito. Halos sabay silang lumaki at palaging sila ang magkalaro noong sila ay mga musmos pa lamang. Mas matanda ito sa kanya ng ilang taon at halos pareho lang din sila ng height, six flat.
Matinik ito pagdating sa babae. Napaka-chickboy ng kaibigan niyang ito. At babae ang pakay nito sa bar kagabi. Gusto lang niyang mag-relax kaya sumama siya kay Miguel. Masyado na siyang subsob sa trabaho kaya pinagbigyan na niya ang sariling mag-unwind muna kahit sandali lang.
Hindi boring ang pagsama niya kay Miguel kahit first time niyang nakapunta sa bar na iyon. Bagong tayo ang establismiyento sa kahabaan ng Tomas Morato. He was starting to enjoy the night because of the local band performing at the stage. The song was something metallic that could be dragged anyone to be alive. Maging ang mga performers sa entablado ay— to the highest level ang energy. At higit sa lahat, hindi boring ang partner niya.
Yes, he had a partner, a sexy and a beautiful lady. Dalawang babaeng naggagandahan ang kusang nagpakilala sa kanilang dalawa ni Miguel. Pagkatapos ng pag-iintroduce sa isa’t-isa ay pinaupo nila ito at naki-join na rin ang mga ito sa inuman nila.
Napag-alaman niyang sikat na international model si Amarie Gonzaga. Palibhasa ay hindi siya madalas manood ng mga fashion show kaya hindi niya ito nakikita kahit pa mayroon silang advertising company. Kahit ganoon ay nabighani agad siya sa ganda at sa mahubog na katawan nito. Kilala pala siya ni Amarie at iyon daw ang unang pagkakataon na nagkaharap sila. Good chance to be with her because she was really a pretty woman and nice to be bonding with.
Ang kasama ni Miguel na si Margarette ay isa ring ramp model, kasamahan ni Amerie. Pagsapit ng hatinggabi ay nawala ang dalawa. Saan pa ba pupunta ang mga ito? Knowing, Miguel, hindi na siya magtataka. Inihatid niya si Amarie sa tinutuluyang condo nito sa Makati nang walang nangyari sa kanila bagama’t hindi ito nangiming magparamdam sa kaniya na gusto siya nito. Hindi naman sa hindi niya type ang modelo. Kung hindi niya mahal ang isang babae ay hindi niya ito ikinakama.
Heto siya ngayon. Puyat pero kailangang bumangon at magtrabaho. Kung tutuusin ay siya ang boss at maaaring hindi na siya pumasok sa umagang iyon. Pero hindi ganoon ka-iresponsable ang ugali niya. Hindi rin siya sanay na walang ginagawa. Nang magtapos siya ng Business Administration ay agad na siyang sumabak sa training sa mismong kompanya nila. Hanggang sa ibigay sa kanya ng Daddy niya ang posisyon nito bilang Presidente ng Asian Blue. Nagmana nga siya sa Daddy niya pero hindi sa pagiging babaero nito. Stick-to-one lang siya.
Ibinalik niya sa pagda-drive ang atensiyon. Pero naramdaman niyang malambot ang isang gulong ng kotse niya. Kung itutuloy niya ang pagmamaneho ay tiyak na ma-pa-flat iyon ng tuluyan. Sasaglit muna siya sa suki niyang auto shop.
Nang lumiko siya sa isang pagliko sa kanan ay isang babae ang nakita niyang nakatayo sa tabi ng kalsada. Malayo pa lamang siya ay naagaw nito ang pansin niya. Dahan-dahan siyang nagmenor. Hindi dahil sa naka-all white ang babae—a blouse and a culduroy short, kundi sa nakakahalinang facial features nito na umakit sa kaniya. He was used to see some beautiful women around. But this one was odd from others. Kay amo ng mukhang iyon na tila noon lang siya nakakita ng tunay na maganda sa tanang buhay niya. At hindi niya agad magawang iiwas ang paningin dito.
Itinigil niya ang kotse sa tabi ng daan at pinagmasdan itong mabuti. No doubt, the woman was naturally beautiful without the benefit of make-up. Tinted ang salamin ng bintana ng kotse kaya hindi siya nito nakikita. Nasa tapat lang niya ito at hindi niya alam kung may hinihintay itong tao o nag-aabang ng traysikel. Ilang dipa lang ang layo niya sa magandang babae kaya malaya niyang nakikita ang magandang hubog ng katawan nito na tila nililok ng isang iskultor. Her small waist could fit a man’s hands perfectly. The woman’s face matched the body.
Abala na ito ngayon sa pag-aayos ng kung anumang nasa basket nito. Tila may binibilang doon. Hindi niya alam kung bakit siya bumaba ng sasakyan at dinala ng kaniyang mga paa sa kinaroroonan ng babae. Napansin siya nito kay nagtama ang kanilang mga mata.
Her beautiful almond-shaped eyes widened when she saw him as if she recognized him. How did the woman know him? Hindi niya alam kung gaano siya kasikat para makilala nito. Minsan na kasi siyang na-interview na mag-guest sa isang TV talk show as one of the most-sought-after bachelor figure.
“Alfred Vargas?” natutuwang tanong nito na ikinakunot ng kaniyang noo. Bumaba ang mga mata nito mula sa kaniyang ulo hanggang paa.
Nagtatakang itinuro niya ang sarili. “Ako ba ang tinutukoy mo?” Lumingon siya. Baka nasa likuran lang niya ang kinakausap nito.
“Oo, hindi ba’t ikaw si Alfred Vargas, ‘yong artista?” sabi pa nito, nakangiti.
Napagkamalan pala siya nito sa ibang tao at sa isang artista pa. “Sorry, but I’m not him. Kamukha ko lang siguro.” Ngumiti siya. Ngayong nakikita na niya ito nang walang nakaharang na salamin sa pagitan nila ay lalo siyang napahanga sa sobrang ganda nito. Mas maganda pa ito sa isang anghel. Mistula itong diyosa o isang diwata na naligaw sa mundo ng mga tao.
Nakita niyang nawalan ng kislap ang mga mata nito nang sabihin niyang hindi siya si Alfred Vargas. “Akala ko, ikaw na ‘yong idol ko. Hindi pala.” Aktong tatalikod ito nang pigilan niya ito sa braso.
“Wait!” Hindi niya maipaliwanag sa sarili kung bakit ayaw niyang umalis ito. Kung bakit nanghihinayang siya na hindi ito makilala. Napatingin ito sa kamay niyang nakahawak sa braso nito. Napapahiyang inalis niya iyon.
Pinasadahan siya nito ng nagdududang tingin. “Sino ka? Paano kang napunta sa lugar na ito? ’Yang ganda ng suot mong iyan, napadpad ka rito?”
He was looking intently at her lips while she was talking. Her lips opened in a beautiful curve. Naisip niya kung gaano ba katamis ang mga labing iyon kapag hinalikan niya.
“Sa bahaging ito ako dumadaan kapag pinupuntahan ko ‘yong suki kong auto shop.” He explained.
“Bakit ganyan ka kung makatitig sa akin?” Nakasalubong ang mga kilay na sinita siya nito. Napakaganda ng babae pero hindi niya inaasahan na may katarayan ito. But he understood her for that. Isa kasi siyang estranghero rito.
“G-gusto ko sanang makipagkilala sa iyo, Miss, kung puwede lang.” Kabado siya pero hindi naman mahahalata. First time niyang kabahan sa ganitong klase ng babae na isang simple lamang.
“At bakit naman ako magpapakilala sa iyo? Eh, hindi naman kita kilala.” pagtataray nito.
“Kung puwede lang naman, miss.” kakamut-kamot sa ulong wika niya. Ewan ba niya kung bakit natotorpe yata siya.
“Sinabi nang hindi nga kita kilala, mister. Excuse me, marami pa ‘kong ilalako. Puwede bang tumabi-tabi ka muna sa daraanan ko?” Medyo lumakas na ang bibig nito kaya nakaagaw na sila ng atensyon sa mga taong dumadaan sa kalsada.
Nilakasan niya ang loob. Willing talaga siyang malaman ang pangalan at tirahan nito at hindi siya titigil hangga’t hindi niya nakukuha iyon. Ngayon lang siya nagka-interes ng ganito sa isang babae. Mabilis niyang hinarangan ang dadaanan nito.
“Ano ba? Marami pa akong ititinda. Utang na loob! Marami na kong nasasayang na oras kaya pwede bang huwag kang humarang diyan?” anitong nakataas ang isang kilay.
Napansin niya ang ilang supot ng yema sa basket nito. “Binibenta mo iyan?” tanong niya.
“Oo, bakit?” masungit na sagot nito.
“Papakyawin ko na. Bibilhin kong lahat pero sasabihin mo sa akin ang pangalan mo at kung saan ka nakatira.” Bahala na kung magalit man ito.
Lihim siyang napangiti nang mapakunot-noo ito. Ang cute kasi nito sa hitsura nito. Ang ganda pa rin nito kahit naiinis. Ano ba ‘tong nangyayari sa akin? Bakit ganito ang epekto sa akin ng babaeng ito?
Sa pagtataka niya ay biglang umamo ang mukha nito.

Chapter 2

Nice offer. Sa kabila ng kakulitan ng lalaking bigla na lang sumulpot sa harapan niya ay lihim na napangiti si Althea. Papakyawin nito ang tinda niya? Oo naman. Payag siya pero sinabi nitong gagawin lang nito iyon kapag nagpakilala siya. Bina-blackmail ba siya nito? Sayang ang guwapo sana nito pero hindi niya yata type ang ugali nito. Saan ka nakakita na gigipitin ka makuha lang ang pangalan mo?
But in all fairness, mukha namang mabait ang lalaki. Helpless lang siguro itong malaman ang pangalan niya at iyon ang naisip nitong paraan na makilala siya. Was the guy implying he liked her? Gusto nga siya nito! Ang sarap lang sa pakiramdam na ma-realize na may pagtingin sa kaniya ang ka-look-alike ni Alfred Vargas. Feeling niya ay siya si LJ Reyes na naging girlfriend noon ng iniidolo. Kinilig tuloy siya sa isiping iyon.
Sa totoo lang, nang makita niya ito ay napatanga siya rito. The good looking guy in front of her was wearing a black pair of slacks and a black coat with matching blue long sleeved inside it and a necktie. Sobrang linis din ng gupit ng buhok nito na bumagay sa outfit nito. Bibihira lang siyang maka-encounter ng isang gaya nito sa buong buhay niya.
All in all, naka-business suit ito kaya naisip niyang mayaman ito. Kamukha talaga ito ni Alfred Vargas sa tindig at sa katawan, isali na ang guwapong mukha. Ngunit di hamak na mas maputi nga lang ito. Hindi na masama, lalo pa’t nag-offer ito na bibilhin ang natira niyang yema. Instant money agad ang hawak niya.
“Okey, payag na akong bilhin mo ang mga yema ko.” deklara niya.
Sobrang natuwa ito. “Pasensiya na sa iyo. Gusto ko lang talagang malaman ang pangalan mo at kung saan ka nakatira para makilala ka nang lubusan. Gusto kitang maging kaibigan. Wala akong masamang intensiyon sa iyo.” Nabasa niya ang katapatan sa mga mata nito na hindi ito masamang tao. Lumambot ang kalooban niya. Parang may mahika sa boses nito na nagpagaan ng pakiramdam niya.
“Sure ka? Iyon lang talaga ang dahilan mo? Pakikipagkaibigan?” Naging mahinahon na ang kanyang boses. Bakit parang nadismaya siya na kaibigan lang ang dahilan ng pakikipaglapit nito sa kaniya?
“Oo, iyon lang talaga.” nakangiti nitong sagot. Mas lalo itong gumuwapo nang lumabas ang magkabilang dimples nito. Ang lakas ng personalidad at karisma nito.
Nabulabog yata nito ang mga kababaihan sa lugar nila. Dumami ang mga umuusyoso dito na parang isang artista ang nakikita ng mga kalapitbahay niya. Kaya nagpasya siyang dalhin ito sa bahay nila. “Halika. Malapit lang dito ang bahay namin.” yaya niya. Mas mauuna pa yatang maglaway ang mga usisera kaysa sa kanya.
Ito na ang nagdala ng basket niya. Hindi na siya pumalag. Kanina pa siya nangangalay sa pagbibit niyon. Animo kinuryente ang buong katawan niya nang hindi sinasadyang magkadikit ang mga kamay nila. Mukhang natalo pa niya ang Meralco sa lakas ng impact niyon.
Ano’ng nangyari? May supply na ba ng kuryente sa katawan ko?” Hindi niya alam kung bakit pero kakaiba talaga ang kanyang naramdaman. Bumilis ang pintig ng puso niya, lalo na nang malanghap niya ang gamit nitong man’s cologne. Mukhang mamahalin ang pabango at bagay ang amoy sa lalaking-lalaking personalidad nito.
Sandali pa ay narating na nila ang bahay na tinutuluyan nilang magkakapatid. Pinatuloy niya ito sa loob at pinaupo. Pero hindi muna ito umupo. Iginala nito ang paningin sa kabuuan ng bahay. Maliit lang iyon at may kalumaan na pero ipinagmamalaki niya iyon kahit dukha lang sila.
“So, it must be your house. Nice one.” anito.
“Pasensiya na kung makalat. Hindi pa kasi ako nakakapaglinis.” aniyang humihingi ng dispensa. Nasa mesa pa ang mga wrapper ng yema na ginamit niyang pambalot.
“Malinis naman at cute ang bahay mo.” Nginitian siya nito. Lumitaw muli ang malalalim na dimples nito. “By the way, I’m Richard Anthony Morales. You can call me simply Richard. What’s yours?” Ang ganda pala ng pangalan nito. Pang screen name ang dating.
“My name is Althea Sabel Diaz.” proud niyang tugon. Tunog-artista din ang pangalan niya. “Thea na lang ang itawag mo sa akin. Palayaw ko iyon.” Inabot niya ang kamay niya rito.
Nagulat siya nang hindi inaasahang halikan nito ang kamay niya. Gusto niyang tumili pero itinikom niya ang bibig. Ramdam niya ang mga labi nito na lumapat sa kanyang balat kahit sandali lang ang itinagal niyon. It felt like magic with his frantic kiss. Parang may init na bumuga mula sa bibig nito at tumulay sa himaymay niya.
Ganito ba ang pakiramdam ng nahahalikan sa kamay? May saya siyang naramdaman sa kanyang dibdib sa maigsing sandaling dumikit ang labi nito sa balat niya. Lalong lumakas ang tibok ng kanyang puso. At kailangan na niya ng makakapitan dahil dumadagundong na iyon. Niyayanig ang buong katawan niya. Nadama pa niya ang pag-iinit ng kaniyang mga pisngi.
“You’re blushing.” Naaaliw na minasdan nito ang pamumula ng mga pisngi niya.
​My Gosh! Ibinuking siya ng sarili niyang mga pisngi! Madali siyang mahalata kung nag-ba-blush siya dahil maputi siya. Mukhang nahahalata na siya nito na kinikilig dito kaya mabilis siyang nag-isip ng palusot. Ayaw niyang maging transparent. Nakakahiya! Baka mahalata nito ang matinding epekto sa kanya ng ginawa nito.
“Punta lang ako ng CR, Richard. Iwan muna kita diyan.” paalam niya. Pasado kaya ang palusot niya?
Dumiretso siya sa banyo at pinakalma niya ang sarili. Huminga siya ng pagkalalim-lalim at tumingin sa nakasabit na salamin. Namumula nga ang pahamak na mga pisngi niya. Hindi makakailang si Richard ang dahilan ng pamumula niyon.
Bakit ka nagkakaganiyan, Thea? Huwag ka ngang paapekto diyan! Hindi ba’t nangako ka na hindi ka muna magkakagusto sa isang lalaki?, usig ng tinig sa isang bahagi ng kanyang isip.
Natauhan siya at inayos ang kaniyang sarili. Naghilamos siya. Kahit paano ay nabawasan ang pamumula ng mga pisngi niya. Hindi na iyon halata bagama’t natural na mapupula ang mga pisngi niya. Inihanda niya ang kanyang sarili sa paglabas ng banyo. Pagkabukas niya ng pinto ay ang likuran si Richard agad ang nakita niya. Malayo-layo naman ito sa harap ng pintuan pero sadyang hinihintay talaga siyang lumabas.
Nang lingunin siya nito at magtama ang kanilang mga mata ay napatanga siya. May kakaibang pang-akit ang profile nito na nasisinagan ng araw mula sa bintana ang isang bahagi ng mukha nito. She felt highly nervous again. Hindi niya alam ang tamang gagawin. Nakaharang ito sa lalabasan niya at maliit lang ang daanang iyon patungo sa sala nila. Ang lapit ng agwat nila sa isa’t-isa at pabilis nang pabilis ang tibok ng puso niya.
“R-Richard. Excuse me.” mahinang usal niya. Pinilit niyang huwag ipahalata dito ang kaba niya. Nabasa naman nito ang iniisip niya. Nagbigay ito ng espasyong pwede niyang daanan. Agad niya itong nilampasan.
Nagpunta siya sa tabi ng bintana at sumagap ng hangin. Napawi niyon ang bahagyang nerbiyos niya. Kinapusan siya ng hininga nang magkalapit sila kanina. At alam niyang habang nakatalikod siya ay nakamasid ito sa kanya.
“Ahm, Richard?” tawag niya. Siya na ang unang bumasag ng katahimikan. “Nandiyan na ‘yong mga yema, bitbitin mo na. Bayad mo na lang ang hinihintay ko.” sabi niya. Malakas pa din ang kabog ng kanyang dibdib.
“Thea, pwede ba akong dumalaw sa iyo rito?” pag-iiba nito ng usapan.
Hindi na siya nagulat sa tanong nito. Sa mga kakaibang titig nito sa kaniya, alam niyang gusto siya nito. Iyon ang pakay nito kaya inalam nito ang bahay nila. Sa dinami-dami ng babae, bakit siya pa? Alam naman siguro nito ang agwat ng pamumuhay nila. Hindi sila bagay sa isa’t-isa.
“Tatapatin na kita, Richard. Pakikipagkaibigan ba talaga ang pakay mo sa akin?” Naisip kasi niya ang mga kapatid. Nangako siya sa sarili na hindi makikipagrelasyon hangga’t hindi nakakatapos sa pag-aaral ang mga ito.
Bahagyang natigilan ito. “Magagalit ka ba kung sasabihin kong iba ang pakay ko sa iyo?
“Pakikipagkaibigan lang ang kaya kong ibigay sa iyo, Richard. Hindi pa ako handa sa isang pakikipagrelasyon. Inuuna ko muna ang kapakanan ng mga kapatid ko dahil ako na lang ang mag-isang bumubuhay sa kanila.”
“Nasaan ang mga parents mo?” curious na tanong nito.
“Patay na sila. Kaya ulila na kaming lubos. Ang focus ko ngayon ay makapagpatuloy sila sa pag-aaral upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan sa hinaharap. Iyon ang pangarap ko para sa kanila. Kaya maging magkaibigan na lang tayo. Pero kung ayaw mo—”
“Okey. Let’s be friends.” Nabasa niya sa expression nito na tila natakot itong hindi niya tanggapin ito kahit kaibigan man lang.
“Friends.” sabi niyang nakangiti na rito. Muli, malaya niyang nakikita ang mukha nito. Kahit saang anggulo ay lumalabas ang taglay nitong kaguwapuhan.
Lumuwang naman ang pagkakangiti nito. “Thanks, Thea.” mababakas sa mukha nito ang kasiyahan.
Lumapit ito sa kanya at kinuha ang isang kamay niya. Napasinghap siya nang halikan nito iyon sa ikalawang pagkakataon. Pumayag siyang kaibiganin ito dahil nararamdaman niyang mabait ito. Pero ganito ba ito magpasalamat sa isang babaeng gusto nitong maging kaibigan?
“Walang anuman, Richard. Eh, ‘yong kamay ko.” Hindi pa kasi nito binibitiwan ang kamay niya. Naramdaman niya ang paggaan ng paghawak nito kaya agad na niyang binawi ang kamay niya dito.
“Sorry, Thea. Nadala lang ako dahil magkakaroon ako ng bagong kaibigan na kagaya mo. Alam kong magiging magandang simula ito para sa ating dalawa.” patuloy nito. Inilabas nito ang wallet at kumuha ng ilang lilibuhin. “Keep the change.”
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang halagang inilagay nito sa kaniyang palad. Ibinalik niya ang pera dito. “Richard, hindi ko matatanggap. Akin na ang eksaktong kabayaran.”
“Thea, tanggapin mo na. Maliit na bagay lang ito kompara sa ginawa mong pagpapasaya sa akin ngayon.” Kinuha nitong muli ang kanang kamay niya at inilagay roon ang limang libong piso. Ibinalik na naman niya iyon dito. Masyadong malaki ang halagang iyon sa presyo ng yema.
Pero ito pa rin ang nanalo sa huli. “Salamat Richard. Matanong ko lang, saan ba talaga ang punta mo?”
Napatingin ito sa wrist watch nito. “Actually, meron. Medyo late na ako. Matapos kong mapaayos ang kotse ko sa talyer, sa opisina na ang tuloy ko. I have to go, Thea. But promise, I’ll be back.”
Nasa pinto na ito nang tawagin niya ito. “Nakalimutan mo ang mga yema.”
“Ah, oo nga pala.” Binitbit na nito ang paper bag na may lamang mga yema.
“Ingat ka sa pagmamaneho.” Iyon lamang ang kanyang nasabi.
Masaya at magaan ang kanyang pakiramdam sa pagkikita nilang iyon. Ngayon lang niya naranasang parang buong-buo ang araw niya. Hindi naglalaho ang kanyang ngiti hanggang sa kumilos siya sa kusina. Kung araw-araw lang sanang ay ganoon siya kasaya. Tiningnan niya ang palad. Hanggang ngayon ay hindi pa siya makapaniwalang hinawakan at hinagkan ni Richard iyon.
​
Tahimik na nakaupo si Richard sa kanyang swivel chair. Nagpo-process pa rin sa isipan niya ang lahat ng nangyari kanina lang. Hindi niya akalaing nagawa niyang mag-exert ng ganoong effort para sa isang babae, sa isang babaeng pumukaw ng interes niya. Kailanman ay hindi pa niya nagawa iyon. Kadalasan ay ang mga babae ang nagpapapansin sa kaniya, ang humahabol sa kaniya like Amarie Gonzaga. Makalas talaga ang tama niya kay Thea.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang pinsan niyang si Clarenz. Nakakatandang kapatid ng Papa niya ang Daddy nito. Ito ang pinsan niyang sobrang lapit sa kanya. Minsan ay napagkakamalan pa nga silang magkapatid. Wala kasi siyang kapatid kaya ganoon na lamang sila kung magkasundo.
“Sigurado akong may kailangan ka kaya naligaw ka rito.” aniya. Prenteng umupo ito sa tapat ng kanyang executive desk.
“Richard, come to think of it.” makahulugang sabi ni Clarenz.
“What do you mean, Dude?” kunot-noo niyang tanong. Nakakapagtaka kasi ang sinabi nito.
“The big issue. Don’t deny it, Chard. It’s a scoop. But no! It’s trending.” Lalong nalukot ang noo niya. Hindi niya ito maintindihan.
“What’s that all about?” Naiinis na siya dito. Hindi pa siya diretsahin nito. Ayaw niya sa lahat ay iyong binibitin pa siya.
“Everybody knows about your new girl now and that is Amarie Gonzaga, Richard.” lahad nito. Sa wakas ay nalaman din niya ang ibig nitong sabihin.
“And?” walang kalatoy-latoy niyang tanong dito.
“Headline kayo ngayon.”
Napaunat siya ng upo. “Anong headline ang sinasabi mo? Nothing happened something promiscuous.What’s wrong with our first meeting?”
Tumawa ito, astang hindi naniniwala. “Nakailang round ka, Dude? Kung maka-react ka parang walang nangyari sa inyo. Napakaganda ni Amarie Gonzaga. Imposibleng hindi ka naakit sa kagandahan niya.”
“Baliw!” Binato niya ito ng nilamukos niyang papel. “Huwag mo akong igaya sa iyo. Headline ba agad? Oh, people!” Napailing-iling siya. Bakit masyadong marumi ang pag-iisip ng ibang mga tao? Isama na ang lokong pinsan niyang ito at si Miguel.
“Richard, sa panahon ngayon madali nang pakalatin ang mga bagay-bagay kaya huwag ka nang magtaka kung makikita mong tumatagingting ang pangalan ninyong dalawa ni Amarie sa naglipanang diyaryo sa tabi-tabi. Alam mo nang sikat ni Amerie pero dumikit-dikit ka pa rin sa kaniya kung saan maraming sikat na personalidad at naglipana pa ang mga paparazzi.”
Hindi na lang niya pinansin ang sinabi nito. Ano naman kung may kumakalat na hindi magandang tsismis sa kanila ni Amarie? Walang mawawala sa kaniya. Lalaki siya. Pero malinis ang konsiyensya niya na wala siyang ginawa kay Amarie. Ni halik ay hindi niya ito pinagbigyan. Kung i-interview-hin siya at itanong na may relasyon sila ni Amarie ay i-di-deny niya dahil iyon naman talaga ang totoo.
As usual, kapag ganoong naroon si Clarenz ay gumagawa ito ng kape sa maliit na pantry at bumalik na sa harap ng mesa niya. “Speaking of Miguelito Salvador, talagang sobrang daldal ng kolokoy na ‘yon.” anito. “Kahit na nabasa ko na sa newspaper ang article ninyo ni Amarie ay nagtext pa rin siya sa akin. Kay Miguel ko nalaman na medyo nagkakamabutihan na daw kayo ni Amarie.”
Napailing siya para sa business partner niya. Ito ang gumawa ng kalokohan pero siya ang nakasalang ngayon sa hot seat. “It’s not a matter really, Dude. The truth is, wala akong gusto kay Amarie. She’s just a plain acquaintance.”
“Okey, if you say so.” Nagkibit ito ng mga balikat. “Coffee?” pag-aalok nito sa kaniya.
“No, thanks.” Mahilig talaga ito sa kape. “Tanghaling-tapat na, kape pa rin ang iniinom mo. Hindi ka kaya ma-overdose sa caffeine niyan?”
“You know my preferences. By the way here’s the newspaper.”
Inilapag nito ang cup and saucer sa table niya at binuklat ang folder nito na noon niya napansing dala pala nito. Inilabas ang diyaryo na nakaipit doon. Nakabukas na iyon sa mismong pahina. Tumambad sa kanya ang main caption ng intertainment section: Richard Morales’ new girl: Amarie Gonzaga. May insert pang photo na papasok sila ni Amarie sa kotse niya. Iyon ang sandaling ihahatid niya ang modelo sa condo nito. Wala talagang magawa ang taong nagsulat ng artikulong iyon. Anyway, si Amarie ang nakakaalam kung ano ang totoong nangyari.
Ibinalik niya ang kanyang paningin kay Clarenz na ngayon ay kampanteng humihigop ng kape. Napuna nito ang ilang supot ng yemang inilapag niya sa executive desk niya. “Mahilig ka pala sa yema, Dude? Can I have some?”
Walang pag-aatubiling tinapik niya ang kamay nito nang akmang dadampot ito ng isang supot. Parang hindi niya magawang ipamigay ang yemang galing kay Althea. “Hey! Hindi ko ipinamimigay ‘yan.”
“Kaya nga nagpapaalam ako, eh.”
“Kahit na. Bawal. Mayroon nang may-ari niyan. Pasalubong ko kay Hannah. Alam mo naman ang inaanak kong iyon, mahilig sa matatamis.” pagdadahilan niya kahit hindi naman iyon totoo. Ngunit hindi pa rin maalis-alis sa yema ang mga mata ni Clarenz.
“Dude, kailan ka pa naging maramot?” nakangising sabi nito. “Gaano ba kaimportante ang mga candies na iyan sa iyo at ayaw mong mamigay? Sobra-sobra pa iyan kay Hannah.”
“Leave me alone, Clarenz. Gusto ko ng katahimikan.”
“Sure!” Ngumisi ito sa kaniya. “Not unless you give me one packed.”
“Get one and buy outside. But not my yema. Ang dami mong pera, bro. Bawas-bawasan mo naman.” Sino kaya ang mas maramot sa kanilang dalawa?
Naiiling na inubos na nito ang kape at tumalikod. “Hindi talaga ako manalo-nalo sa iyo. Anyway, thanks for the coffee.” Then, he shut off the door.
Natatawang napatingin siya sa mga yemang nasa desk niya. Kumuha siya ng isang balot, binutas at tumikim ng isa. Masarap, malasa at mabango iyon. Amoy imported at mukhang talo pa ang Snickers. Hindi na niya binigyang pansin ang newspaper sa desk niya. May reporter palang kumuha sa kanila ng litrato. Hindi niya iyon nalaman o naramdaman.

Chapter 3

KUNG hindi nakakapagluto ng yema si Thea ay ang pagtitinda naman ng turon at banana que ang pinagkakaabalahan niya. Maaga siyang nakaubos niyon kaya inihanda na niya ang gagamitin sa pagtitinda ng barberque. Mabilis niyang naayos ang mga iyon. Unti-unti nang dumadagsa ang mga suki niya. Nagsidatingan na ang kanyang mga kapatid kaya naging madali sa kanya ang pagtitinda. Maging ang bibong si Bianca ay tumutulong sa kaniya. Tagatawag ito ng mga costumers habang binabanatan ng paypay ang ihawan.
Seven o’clock nang matapos sila sa pagtitinda. Tinulungan siya ng mga ito sa pagliligpit ng mga kasangkapan. “Venice, Jerick, may assignment ba kayo?” Sabay na tumingin sa kanya ang dalawang kapatid.
“Wala, Ate.” duweto ng dalawa. Binalingan naman niya ang kanilang bunso. “Eh, ikaw Bianca. Meron ba?”
“Ate, meron. Tinutulungan lang muna kita bago ko gawin. Madali lang naman kasi. Mani lang sa akin ‘yon. Kayang-kaya ko ‘yon!” Ngiting-ngiti ito habang nagsasalita.
Hinihintay na lamang nilang maluto ang sinaing. Medyo mabagal iyon dahil kalang de uling ang gamit nila. Binalingan naman niya si Aileen. Abalang-abala ito sa pagbibilang ng mga napagbentahan nila. Sa ganoong paraan nila nairaraos ang pamumuhay nila sa araw-araw.
“Ikaw, Aileen. Kumusta ang pag-aaral mo?”
“Ayos naman, Ate. Hangga’t maaari ay iniiwasan ko ang pakikipagbarkada. Gusto kong matupad ang pangarap kong maging newscaster o news anchor.”
“Baka naman may boyfriend ka na, ha? Alalahanin mo muna ang mga kapatid mo.” paalala niya.
“Ate, wala pa akong boyfriend. Mas inuuna ko ang thesis at project ko kaysa sa mga lalaking ‘yan. May panahon para diyan. ‘Pag nakatapos na ako, magpapahinga ka na. Ako na ang bahala sa mga kapatid ko. Kung gusto mo magpatuloy ka sa pag-aaral, Ate.” sabi nito. Umayos ito ng upo nang matapos magbilang. Halos pareho sila ng katwiran ni Aileen, ang maitaguyod ang magandang kinabukasan ng mga kapatid niya. High school lamang ang tinapos niya dahil kailangan niyang mag-concentrate sa pagtitinda para mabuhay sila.
“Mabuti naman kung gan’on. At least, mas alam ko na hindi ka gagaya sa iba d’yan. Hindi naman sa pinagbabawalan kita sa pakikipagrelasyon. Ang sa akin lang ay isipin mo muna ang kapakanan ng mga kapatid mo at magtulungan tayong maihanda ang kinabukasan nila.” Naging seryoso na siya sa pagsasalita.
“Ate, naiintindihan kita. Alam kong lahat ng ‘yon kahit ‘di mo sabihin. Hinding-hindi ako lalagpas sa guhit dahil alam kong kapag lumampas ako ay posibleng hindi na matupad ang pangarap ko. Hindi ko sasayangin ang pagpapaaral mo sa akin. Salamat, Ate.” Mamasa-masa na ang mga mata nito habang nagsasalita. Nilapitan niya ito at niyakap. Wala siyang masasabi rito. Hanga siya sa disiplinadong pag-uugaling ipinakita nito at alam niyang hindi malayong makamit nito ang mga pangarap.
“Mga ate, kakain na po.” magalang na anunsyo ng kapatid nilang si Jerick.
Pagharap niya dito ay nakita niyang nakahain na ang lahat. Nakadulog na din ang mga kapatid niya at sila na lamang ni Aileen ang hinihintay. Paupo na sana siya nang may biglang may kumatok. Siya na ang tumayo para pagbuksan ang kumakatok.
Tumambad sa kanyang paningin ang guwapong si Richard. Naka T-shirt lamang ito at nakatokong na dark blue ang kulay. Nagmukhang bata itong tingnan kaysa sa unang pagtatagpo nila nito na naka-business suit noon. Nakatsinelas lang din ito. Pero mapaghahalatang mamahalin ang halaga ng mga suot nito.
“Pasok ka.” Nagpaskil siya ng maluwang na ngiti.
Binalingan niya ang mga kapatid. Kapwa natigilan ang mga ito sa pagkain. Nakabahid sa mga mukha ang pagtataka. Nagtatanong ang tinging ipinukol sa kanya ni Aileen.
“Magandang gabi sa inyo.” nakangiting bati ni Richard. Ngiti din ang naging tugon ng mga kapatid niya.
“Kumain ka na?” hindi nakatiis na tanong niya dito.
“Not yet. Pagdating ko kasi sa condo ko ay nagpalit lang ako saglit ng casual na damit. Dumaan muna ako sa restaurant ng kaibigan ko at nagpa-take-out para sa ating lahat.” sabi nito. Ngayon lang niya napansin ang bitbit nitong malaking paper bag na mukhang maraming laman.
“Nag-abala ka pa.” aniya.
“Wala ‘yon.”
“Kakain na sana kami ng hapunan nang bigla kang dumating. Tara, sabay-sabay na tayo.” Iniabot nito sa kanya ang paper bag. Inilabas niya isa-isa ang laman niyon sa mesa at kumuha siya ng isa pang pinggan para kay Richard.
Nakaramdam siya ng gutom nang makita niya ang tatlong kinulob na manok na nakabalot sa textile plastic. May kasama pang kanin na nakalagay naman sa anim na styropore. Halatang ipinasadya talaga iyon.
Dumako ang tingin niya kay Aileen. Tila hindi ito makapaniwala base sa ekspresyon ng mukha nito. Siguro ay dahil ngayon lang nito nakita si Richard. Kanina pa niya ito napapansin na parang may gustong sabihin.
Tumayo pa ito sa kinauupuan at hinarap si Richard. “Richard Morales?” Kumurap-kurap ito.
Balot ng pagtataka ang kanyang mukha. “Aileen, kilala mo siya?” tanong niya.
“Oo ate, kilalang-kilala at hindi ako makapaniwalang nandito siya sa pamamahay natin at sa mismong harapan ko pa.” Mababa naman ang tono ng pananalita nito. Hindi pa din nawawala ang nakikita niyang pagkalito sa mukha nito.
“Paano mo siya nakilala?” usisa niya sa kapatid.
“Ate, kung hindi ako nagkakamali, siya nga talaga si Richard Morales.”
Nilingon niya si Richard. Walang mababakas na expression sa mukha nito. Prenteng nakatayo lamang ito.
“Siya ang CEO ng Asian Blue Realty. Naging ka-date niya si Amarie Gonzaga na super sikat na international model. Hindi mo ba nabasa sa diyaryo, sa magazine o kahit sa TV? Sikat na sikat ang pangalan nila sa showbiz ngayon.” patuloy ni Aileen. Wala itong kakurap-kurap habang nagsasalita.
Hindi siya nakapagsalita. Sobrang yaman pala ni Richard. At ka-date nito ‘yong sinasabi ni Aileen na modelo, si Amarie Gonzaga. Bakit nakakaramdam siya ng selos?
“Dinig na dinig ko ang pinag-uusapan ng mga classmate ko.” dugtong pa ni Aileen. Ipinakita niya sa akin ‘yong magazine na nag-featured sa kanila ni Amarie Gonzaga. Siya nga iyon, Ate. Si Richard Morales. Kalat na kalat ang balitang may namamagitan na sa kanilang dalawa.” sabi nito habang nakatutok sa kaniya ang mga mata nito.
Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Maniniwala ba siya o hindi? Alam niyang kahit kailan ay hindi nagawang magsinungaling ni Aileen sa kanya kaya malaki ang posibilidad na nagsasabi nga ito ng totoo. Hindi niya maiwasang magtaka. May Amarie Gonzaga na pala ito na modelo at tiyak na maganda. Pero bakit parang nagpakita ito ng interes sa kaniya? At hinalikan pa nito ang kamay? Naguguluhan siya sa mga nalaman mula kay Aileen.
“Trending na nga talaga ang pangalan ko.” sabi ni Richard na napapailing. Nakangiti lamang ito na parang balewala ang lahat. “Hindi totoo ang balita. Hindi ko ka-date si Amarie. Nagkakilala lang kami sa bar at nagkakuwentuhan. ‘Yon lang. Pero pinalaki ng mga reporter ang issue. Wala talagang namamagitan sa amin ni Amarie.”
Hindi rin niya alam kung bakit siya nakahinga ng maluwag. May bahagi sa puso niya na naniniwala rito. Hindi siya magtataka kung dumugin man ito ng mga babae dahil talaga namang malakas ang taglay nitong pang-akit sa mga kabaro niya.
“Hindi ko naman nilalahat pero may mga taong makikitid ang utak.” Napapangiti pa ito habang patuloy sa pagpapaliwanag. “Pakiramdam ko nga grounded ako. Parang lahat na lamang ng ginagawa ko ay alam ng lahat. Maraming nagbigay ng malisya sa simpleng pakikipaglapit sa akin ni Amarie. Alam kong kalat na kalat na ang isyu pero hindi ko na lamang pinapansin. Hindi ako naapektuhan dahil wala namang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa amin. Mag-aaksaya lang ako ng oras kung papatulan ko pa iyon.” Kampante lamang ito at halatang hindi talaga apektado.
Narinig rin niya ang panig nito at ramdam niya na nagsasabi ito ng totoo. Mas gumanda ang impresyon niya rito. Na mapagkakatiwalaan niya ito. Kung tutuusin ay kahapon pa lamang niya ito nakilala pero heto na sila, magkakaharap sa hapag-kainan na kung titingnan ay parang matagal na niya itong kakilala.
Dumating si Aya na may dalang nakatakip na mangkok. “Ay! May bisita pala kayo. Pinadalhan kayo ni nanay ng ulam.” Isinama nito sa mga pagkaing nasa mesa ang mangkok. “Sino siya, Thea?” tukoy nito kay Richard.
“Siyanga pala, Richard. Si Aya, bestfriend ko.” Ang kaibigan naman ang binalingan niya. “Aya, si Richard.” Nagkamay ang dalawa.
“Magkaanu-ano kayo? Magkamag-anak?” Nakulangan ito sa impormasyon niya sa lalaki.
“Bagong kakilala at kaibigan.” sagot niya.
Bumulong sa kaniya si Aya. “Magkaibigan lang talaga? Bakit ang lagkit ng tingin niya sa iyo?”
Bumulong din siya rito. “Ikaw talaga. Lahat na lang pinapansin mo.” Kukurutin sana niya ito pero ngingiti-ngiting nagpaalam na ito.
“Aalis na ako. Richard, nice to see you.” paalam nito sa bisita nila.
“Nice to see you too, Aya.”
Lumayas na rin sa wakas ang mahadera niyang kaibigan. Tapos nang kumain ang tatlo niyang kapatid kaya nagpaalam ang mga ito na matutulog na. Sila na lang tatlo ang natira sa hapag. Tahimik silang kumain pero lihim niyang tinitingnan si Richard. Naramdaman siguro nitong nakatingin siya rito kaya nilingon siya nito. Nagkatitigan sila. Kaya napatigil siya sa akmang pagsubo. Parang nahihipnotismo siya sa paraan ng pagtitig nito. Siya na ang unang nagbaba ng tingin dahil tila napapaso siya sa mga titig nito.
Aminado siyang ginising nito ang kanyang natutulog na puso. Mahirap man isipin pero sa maikling oras na magkakilala sila ay mayroon na siyang naramdamang kakaiba rito. Hindi na iyon simpleng paghanga. Alam niyang hindi iyon ang tamang panahon dahil ang tanging priority niya ay ang kanyang mga kapatid. Ngunit hindi niya mapigilan ang pagtibok ng puso para rito. Tila hindi na niya mapapanindigan pa ang salitang binitiwan niya noon na hindi muna siya iibig. Kaya nababahala siya.
“Ate, ire-rewrite ko lang ‘yong research paper ko. Mauna na ako kasi medyo marami-rami ‘yon. Kuya Richard, salamat nga pala sa masarap na pagkain.” baling nito kay Richard.
“You’re welcome, Aileen.” sabi nito.
“ Sige, mauna ka na at ako na ang bahala dito.” aniya na ang tinutukoy ay ang kanilang pinagkainan. Pumasok na ng nag-iisang silid si Aileen. Doon ito madalas mag-review. Sinimulan niyang ligpitin ang mga pinggan. Sa kaniyang pagkabigla ay tinulungan siya ni Richard.
“Ako na ang bahala rito. Alam kong hindi ka sanay sa ganitong gawain.” sabi niya rito habang pinipigilan ito sa pagkuha ng mga pinggan. Nahihiya siya dahil napakayaman nito, tapos ay magiging tagahugas lang ng pinagkainan nilang magkakapatid.
“Thea, wala ‘to. Who said boys don’t wash dishes? I can do it myself. Hindi porke lalaki ako ay hindi ako puwedeng gumawa ng ganitong bagay.” sabi nito at pinagpapatong-patong ang mga pinggan na kailangan nang hugasan.
“Pasensiya na. Ang alam ko kasi sa mayayamang tulad mo ay sila ang pinaglilingkuran. Saka sa itsura mong iyan, hindi ka bagay na maghugas ng plato. Kaya ako na d’yan. Kayang-kaya ko na ‘yan.” sabi niya.
Pero hindi niya napigilan ito sa gustong gawin. “Mayaman? Paano mo naman nalaman na mayaman nga ako?” tanong nito. Dinala nito ang mga pinggan sa lababo.
“Kotse at pananamit pa lamang, masasabi nang mayaman ka na. At saka ano yong sinabi ni Aileen? CEO ka ng Asian Blue Realty?”
“Nagbibiro lang ang kapatid mo.” sabi nito na magkibit lamang ng mga balikat. Alam niyang nagsisinungaling lang ito. “Ipaubaya mo na sa akin ‘to, Thea. Pagod ka. Marunong din naman akong maghugas kahit papaano.”
Nakaramdam siya ng tuwa sa narinig. Pinagmamalasakitan siya nito? Pagod daw siya at gusto nitong akuin ang gawain niya. Nakaka-touched pala na mayroong lalaking nagpapahalaga at nag-iingat sa kaniya. At mukhang disidido talaga itong tulungan siya. Sinimulan na nito ang paghuhugas ng mga pinggan. Mabuti na lang at may gripo ang lumang apartment na inuupahan nila kaya naging komportable ito. Kinuha niya ang malinis na basahan sa pasimano ng lababo. Pinunasan niya ang mesa.
Nagpunas ito ng mga kamay nang makatapos at muli siyang hinarap. Hindi sinasadyang nagkatitigan na naman sila. Muli ay naramdaman niya ang matinding init na bumabalot sa pagkatao niya tuwing nagkakasalubong ang kanilang mga paningin.
Tumikhim ito at unti-unting lumapit sa kaniya. Parang napako siya sa kinatatayuan ng mga sandaling iyon. Hindi niyang magawang umatras. Hanggang sa magkalapit na magkalapit na sila at isang dangkal na lamang ang distansya nila. Dama niya ang maiinit nitong hininga na humahaplos sa mukha niya at ang gamit nitong panlalaking pabango. Nakatingala siya rito dahil sa sobrang tangkad nito. Hindi siya makagalaw.
Waring umurong ang dila niya sa kawalan ng sasabihin. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Nakakabingi ang malakas na tibok ng kaniyang puso. Sa haba ng panahon, sa dalawampu’t limang taon niyang nabubuhay sa mundo ay ngayon lang niya naranasan ang ganoong klase ng pakiramdam na tanging si Richard lang ang nakapagpadama sa kanya.
Matiim itong nakatitig sa kaniyang mukha. Ramdam niya ang paggapang ng init sa kanyang mga pisngi. Ikinurap niya ang mga mata kung totoo bang nangyayari iyon. At kung sakaling panaginip man iyon ay mas pipiliin niyang huwag munang gumising. Sa lahat ng panaginip niya ay iyon talaga ang pinakagusto niya, ang makaharap ang lalaking unang nagpatibok ng puso niya.
Kahit napatunayan niyang hindi iyon isang panaginip ay hindi pa rin niya makumbinsi ang sarili. Gaya niya ay umurong din yata ang dila nito. Narinig niya ang malalim na paghinga nito. Sinalubong niya ang mga titig nito.
“Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na narito ka sa harapan ko, Thea. Salamat sa pagtitiwala na kahit estranghero lang ako ay nagtiwala ka sa akin. Na kahit hindi mo pa ako lubos na kilala ay nagawa mo akong papasukin sa bahay ninyo.” wika nito sa seryosong tinig.
Kahit siya ay hindi niya akalaing magtitiwala siya rito. Noong una ay tinanong niya ang sarili tungkol doon. Pero iisa ang isinagot ng puso’t isipan niya, na magtiwala siya ng buong-buo rito. Alam niya, sa kaibuturan ng puso niya na mabuti ang intensyon nito sa kaniya.
“Nararamdaman ko namang maganda ang hangarin mo kaya hindi ako nagdalawang-isip na tanggapin ka bilang kaibigan.” Kaibigan nga kaya? She knew right from this moment that there was a hidden special feeling she felt for him. She couldn’t deny it. The feeling of falling in-love. Umibig na ba siya rito sa unang pagkakataong nasilayan niya ito?
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at bigla na lamang siyang hinalikan sa mga labi. Sa bilis ng pangyayari ay hindi siya nakahuma. Aminado siyang gustung-gusto niya ang pagsasanib ng kanilang mga labi kaya hindi niya nagawang magpumiglas. Umawang nang kusa ang kanyang mga labi upang tanggapin ang halik nito. It was her first kiss. Aminado rin siyang hindi siya marunong humalik. May kalakip na gentleness ang bawat galaw ng labi at dila nito.
Nadala siya ng kaniyang damdamin. Kusang naglambitin ang dalawang braso niya sa leeg nito. Ramdam niya ang init ng katawan nito. Maging siya ay ganoon din. Habol nila kapwa ang hininga nang maghiwalay ang mga labi nila. Napayuko siya sa hiya dahil nagpahalik siya rito.
Marahil ay pinagmamasdan lang siya ni Richard dahil nakatayo lang ito sa harapan niya. Nag-angat siya ng tingin. Nakita niya ang malambot na anyo ng mukha nito. Tumaas ang isang kamay nito at hinawakan ang kanyang pisngi.
“You make me happy, Thea. Sana ay magustuhan mo ako hindi bilang isang kaibigan lang kundi isang lalaking nagmamahal sa iyo.”
“Mahal mo ako?” aniyang hindi makapaniwala. Totoo kaya ang sinabi ni Richard?
“Oo, Thea. Nagkaroon ka na ng espayo sa puso ko sa unang kita ko pa lamang sa iyo.”
Iyon ang isang bagay na kinatatakutan niya. Hindi na rin niya mapipigilan ang sariling umibig rito. Pero kailangan niyang pangatawanan ang ipinangako niya sa sarili. Paano na ang mga kapatid niya kung mahahati ang atensiyon niya sa dalawa?
“Lumalalim na ang gabi. Uuwi na ako at babalik na lang ako bukas, Thea.”
“S-sige.” Hindi niya maiwasang hindi mag-stammer sa sobrang kaba.
Halo-halo ang mga emosyong nadarama niya. Hindi niya magawang maka-recover agad sa katatapos na halik na pinagsaluhan nila. Pinasaya nito ang gabi niya at alam niyang babaunin niya ang matamis na halik na iyon hanggang sa pagtulog. Nagpapaalam na ito. Sumingit ang panghihinayang sa kanyang dibdib dahil hindi na niya uli ito masisilayan.
Inihatid niya ito sa labas, sa kinapaparadahan ng Volvo nito kung saan ay nakita niyang may mangilan-ngilang umuusyosong mga kapitbahay niya. Hindi na katakataka kung headline siya bukas sa lugar nila. Hinalikan muna siya nito sa noo bago sumakay sa kotse nito. Nagawa pa nitong buksan ang bintana sa tabi nito. Binigyan siya ng matamis na ngiti. Kumaway siya rito. Kumindat pa ito bago isinara ang bintana ng kotse. Nasundan na lang niya ng tingin ang papalayong sasakyan nito.
Pumasok siya sa bahay na may ngiti sa mga labi. Dala niya ang ngiting iyon hanggang sa pagtulog. Hinding-hindi niya malilimutan ang gabing iyon. Nasa isipan niya ang unang halik na naranasan niya at ang lalaking gumawa niyon sa kanya.