Browse stories

PAG-IBIG SA LIKOD NG MASKARA

Language: fil

Isang simpleng babae si Irene, puno ng ambisyon para sa kaniyang pamilya na nagbunsod sa kanya upang magtrabaho sa ibang bansa. Subalit ang inaakala niyang maayos na trabaho ay ang nagdala sa kanya sa isang pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay. Niloko siya ng isang illegal recruiter at binalak na ibenta sa isang matandang milyonaryo, dahilan para siya ay tumakas. Sa kanyang pagtakas as isang trahedya ang nangyari sa kanya. Mabuti na lang at may isang taong nag-magandang loob na tumulong sa kanya—si Mr. Flores. One of the Asia’s young billionaire na nag-alok sa kanya ng tulong upang…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

“Andrew, babe!” isang malambing na tawag ng isang babae na pumasok sa penthouse ni Andrew. Nagtuloy-tuloy ito patungo sa silid ng lalaki. Hindi na nito ipinaalam sa lalaki ang kaniyang pagdating mula kanyang business trip dahil gusto nitong sorpresahin ang nobyo. Sabik na sabik na siya dahil dalawang buwan na lang ay ikakasal na sila ni Andrew.

“Babe!” pinihit nito ang seradura. Laking gulat nito nang makita si Andrew na natutulog pa sa kama at may kasama itong babae.

“Mga walanghiya kayo!” agad na sambit ni Hailey na dali-daling pumasok ng silid at hinablot ang kumot na nakabalot sa dalawa. Napabalikwas nang bangon si Andrew sa sobrang pagkagulat. Agad itong napatingin sa katabi.

“Wait…what happened?” usal nito na napahawak pa sa kaniyang sumasakit na ulo. Bigla namang napatakip ng kumot si Isabelle sa hubad na katawan nito. Dumilim ang mukha ni Hailey na nagpalipat-lipat nang tingin sa dalawa.



“What happened, huh? Nagmamang-maangan pa kayo! Ipaliwanag mo ang lahat ng ‘to, Andrew!” umiiyak sa galit na sabi ni Hailey.

“H-hailey, babe, I can explain—” pero bago pa maituloy ni Andrew ang kanyang sasabihin ay dumapo na sa kanyang pisngi ang sampal ni Hailey.

“Babe…” Nakatingin lang siya sa nobya at hindi rin alam kung ano ang ipaliliwanag niya gayong kahit siya ay hindi alam kung bakit katabi niya si Isabelle. Pilit niyang inaalala ang mga nangyari kagabi.

“Hindi ko akalain na magagawa mo ‘to, Andrew! Buong pagtitiwala ang binigay ko sa’yo pero niloloko mo lang pala ako! And you!” bumaling ito kay Isabelle na nakayuko lamang at tila hindi makatingin sa hiya, “I trusted you and treated you as my sister, pero ito pa ang ginawa mo?! Walanghiya ka!” Hindi nito napigil ang sarili at hinablot nito si Isabelle na noon ay nakaupo pa sa kama at binigyan ito ni Hailey ng dalawang magkasunod na sampal. Hindi nakaimik si Isabelle, napayuko lamang ito at umiiyak.

“Hailey, hindi ko alam ang mga nangyari kagabi, please pakinggan mo muna ako—”

“Liar!” dinuro nito si Andrew. Akmang hahawakan nito si Hailey sa balikat ngunit mabilis na tumalikod ito at tinungo ang palabas na pintuan. Nagmadaling nagsuot ng damit si Andrew at hinabol nito si Hailey na nakalabas na ng pintuan.

“Hailey!” tawag nito. Tumakbo si Hailey at pumasok sa pasarang elevator. Hindi na ito naabutan ni Andrew. Kung kaya’t lumabas siya sa hallway ng condominium at sumakay sa hiwalay na elevator. Wala sa kanyang hinuha na lokohin ang nobya, mahal na mahal niya ito. Unti-unti na niyang naalala ang nangyari kagabi. Nag-inuman sila sa bar kasama sina Isabelle at ang iba pang kaibigan. Hinatid siya ng isang kaibigan dahil hindi na niya magawang mag-drive pa. Pagdating niya sa penthouse, mayamaya lang ay dumating na rin si Isabelle. Naalala niyang may nangyari nga sa kanila. Lalaki lamang siya at natutukso rin. Maganda si Isabelle at hindi lingid sa kanyang kaalaman na matagal na itong may gusto sa kanya.

Humahangos siya nang lumabas sa elevator pagdating nito sa lobby. Nakita niya si Hailey na mabilis na naglalakad patawid ng kalsada tila wala ito sa sarili at hindi ito tumitingin kung may paparating na sasakyan. Agad niya itong hinabol at tinawag.

“Hailey!”

Napatingin siya sa mabilis na papalapit na sasakyan na tila hindi napansin ng babae.

“Look out, Hailey!” sigaw niya sa nobya. Ngunit huli na nang mapansin ng babae ang sasakyan. Tumilapon ito sa gilid ng kalsada. Nakita ni Andrew ang malakas na pagkabundol dito ng sasakyan kaya agad siyang tumakbo sa kinaroroonan nito.

“Hailey!” Umiiyak na dinaluhan niya ang duguang nobya. Kitang-kita niya ang pagtulo ng mga luha nito.

“Don’t worry dadalhin kita sa hospital!” tarantang sabi niya na hindi mapigil ang panginginig ng kanyang katawan sa sobrang takot sa nangyari sa babae.

“A-andrew…please save our b-baby…” nahihirapang sabi nito habang hawak-hawak ang tiyan.

“What?” hindi makapaniwala si Andrew sa narinig kung anong baby ang sinasabi ni Hailey.

“Please…Andrew…ang baby natin…” ulit na sabi nito na hirap na hirap na sa paghinga.
“No, please ‘wag ka na muna magsalita tatawag ako ng ambulansiya.”
“A-andrew…I’m…” hindi na nito naituloy ang pagsasalita dahil lumabas na ang dugo sa bibig nito.

“No!!!”

Hindi niya alam kung ano’ng gagawin. Wala siyang magawa habang tinitingnan lamang ang nobya na nahihirapang huminga.
“Save our …b-baby…”
“Hindi ka mamamatay, magpapakasal pa tayo, ‘di ba?” Umiiyak na siya at takot na takot. Noon lang niya napagtanto at naunawaan na ang tinutukoy ng nobya ay buntis ito. Lalo siyang natakot, hindi niya akalain na nagdadalantao ang kanyang fiancee.

“Okay, okay, don’t worry ‘wag ka nang magsalita, dadalhin kita sa hospital. I’m so sorry, babe...I’m so sorry…makakaligtas kayo ni baby, okay?” dinala niya ang kamay nito sa kaniyang labi at hinagkan habang hindi niya mapigil ang paglandas ng kaniyang mga luha.

Mayamaya pa ay agad namang dumating ang ambulasiya na siyang rumisponde agad.
Agad na isinakay sa ambulansiya si Hailey at sumama si Andrew sa hospital. Pagdating sa hospital ay hindi mapakali si Andrew. Iyak ito ng iyak at wala itong ibang naalalang tawagan kundi ang kanyang kaibigang si Brent na agad namang pumunta sa hospital.

“What happened, bro?” nagmamadaling lumapit si Brent sa kaibigan na noon ay panay na ang iyak.
Umiling si Andrew, “She’s dead.”
Kanina lang ay nagwawala siya at muntik na niyang suntukin ang doktor dahil hindi siya makapaniwal na sinabi nitong dead on arrival ang nobya.
Namutla si Brent sa narinig. Kahapon lang ay nagkuwentuhan pa sila tungkol sa nalalapit na kasal pero sadyang mapagbiro ang tadhana. Hindi halos maikuwento ni Andrew ang nangyari.


Hindi umaalis si Andrew sa tabi ni Hailey habang nakaburol ito. Tila gumuho ang kanyang mundo dahil wala na si Hailey, wala na rin ang kanyang anak. Muling lumandas ang kanyang mga luha.
“Magpahinga ka muna, hijo, wala ka pang tulog at hindi ka na rin kumakain,” anang ina ni Hailey na tinapik siya sa balikat.
“No, Tita, this is all my fault. Naging pabaya ako sa kanya…”
“Don’t blame yourself, hijo, wala namang may gusto sa aksidente,” anang ina ni Hailey na napaiyak na rin. Subalit mas lalo lamang nadudurog ang kanyang puso dahil alam niyang siya ang dahilan kung bakit namatay si Hailey. Hindi lang niya masabi sa pamilya nito ang totoong nangyari.

Chapter 2

"Ma, huwag kang umiyak. . . Lahat ay magiging maayos. ” Paniguro ni Irene sa kanyang ina habang nag-iimpake ito ng kanyang maleta. Sa wakas ay natanggap na siya ng isang recruitement agency upang magtrabaho sa ibang bansa. Iniwan niya ang kanyang trabaho sa bayan na may isang maliit na suweldo.

"Nag-aalala lang ako, anak. Ang Taiwan ay isang banyagang bansa at mag-isa ka lang doon."

"Ma, magaling ako. Maraming tao ang pumupunta sa ibang bansa at nagiging matagumpay naman, kaya gayon din ako. Sabi nga, think positive lang, Ma,” pagtitiyak ni Irene sa kanyang ina. Ngunit pinigil niya ang nagbabadyang mga luha. Alam niya kung gaano kalungkot at kahirap ang mag-isa sa ibang bansa. Tumango lamang ang kanyang ina at nagpatuloy sa paglalagay ng kanyang mga gamit sa maleta.

"Mama, kapag nakapasok na po ako sa trabaho hindi mo na kailangang manahi, hindi na rin aasa si Tatay sa ating sakahan at makakatapos na si Lyn sa kanyang pag-aaral," pagkukumbinsi niyang sabi. Gayunpaman, sa kaibuturan ng kanyang puso ay nakakaramdam siya ng takot dahil ito ang unang pagkakaton na malalayo siya sa kanyang pamilya.

Si Fiona ay ang nagmamay-ari ng recruitment agency. Ayon dito ay yearly itong umuuwi ng probinsiya upang tulungan ang kanyang mga kababayan. Hindi naman nagdalawang isip na sumama si Irene dahil kababayan nga nila si Fiona. Kung tutuusin ay napakasuwerte pa nga nila na mag-qualify sa dami ng mga aplikante.


SAKAY ng private van ni Fiona ay hindi biro ang biniyahe mula Bicol patungong Maynila. Nakakapagod dahil sa haba ng oras na nakaupo sila. Sa sandaling narating nila ang bungad ng Metro Manila ay ramdam ni Irene ang pangangawit ng kanyang balakang.

Sa wakas ay nasilayan din ni Irene ang Metro Manila. Ang kalangitan sa umaga ay mukhang mausok at hindi bughaw na kagaya nang nasa probinsiya. Mas matatayog na mga gusali ang kanyang nakikita habang papasok sila sa lungsod. Ito na ba ang Maynila? Pinagmasdan niya ang mga matataong lugar na halos nagsisiksikan at mga nagmamadali.

"Malapit na tayo," anunsyo ni Fiona na nakaupo sa front seat ng van. Hindi mapigilan ni Irene na makaramdam ng kalungkutan. Bukod sa kanya ay may kasama rin siyang dalawa pang babae na mas bata sa kanya. Si Mildred na labing-walo at si Rosanna na labing-siyam na taon. Sila ay mga bagong recruit din, na nangangarap din ng magandang buhay tulad niya.


Pumasok na ang kanilang sinasakyang van sa isang bahay na may malaki at mataas na gate. Pagkatapos ay isa-isa silang bumaba ng sasakyan at nag-inat dahil sa sakit ng kanilang mga balakang. Habang hila ang kanyang maleta ay bigla na lang siyang nalungkot, na-miss niya agad ang kanyang pamilya.

"Nasa second floor ang kuwarto ninyo. Magpahinga muna kayo at mamayang hapon ay magkakaroon tayo ng orientation," bilin ni Fiona.
"Opo, Ma'am," sumagot silang lahat.


NANATILI pa sila ng dalawang araw sa tirahan ni Fiona para sa orientation. Ngunit ang huling araw ng kanilang orientation ay pinag-make-up sila nito at kinuhanan ng mga litraro. Ang sabi nito ay kakailanganin iyon ng kanilang employer sa Taiwan. Ang sabi ni Fiona ay isang electronic company draw ang kanilang papasukan. Ngunit nitong mga huling araw ay sinabing umatras daw ang employer nila kung kaya’t ihahanap na lang daw sila ng panibago.


Nakaramdam siya ng pag-aalala. Paano kung hindi na sila makahanap ng panibagong employer? Ang pera niya ay nakay Fiona na. Walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng lakas ng loob para tanungin si Fiona.

Gusto na niyang ikuwento sa kanyang mga kasamahan ang hindi magandang kutob niya tungkol sa kanilang pinasok na trabaho, nang biglang pumasok si Fiona sa silid.

"Irene, maghanda ka, makikipagkita ka ngayon sa iyong employer," sabi ni Fiona. Bago pa buksan ni Irene ang kanyang bibig para magtanong ay tumalikod na si Fiona sa silid. Gulat na gulat si Irene, makikilala na niya ngayon ang kanyang bagong boss, biglang napawi ang kanyang hinala. Dali-dali siyang nag-ayos habang pinapanood siya ng dalawa pang kasamahan na hindi maitago sa mga ito ang inggit sa mga mata na sana ay sila ay magkaroon na rin ng employer.


Maya-maya pa ay sinusundan na niya si Fiona patungo sa pintuan. Bigla siyang napatigil, “Ma’am Fiona, ano pong uri ng trabaho ito at sino ang aking employer?" Naging matigas si Fiona at pagkatapos ay dahan-dahang lumingon sa kanya.

"Ngayon mo pa talaga naisip itanong ‘yan? Heto na nga at makikilala mo na, kaya magpasalamat ka na lang," sabi nito. Naguluhan si Irene at hindi alam ang sasabihin.

"Nasa labas ang kotse na magdadala sa’yo kay Mr. Tuason na iyong employer." Binigyang diin ni Fiona ang salitang employer.
"Bakit hindi naman mukhang Taiwanese ang pangalan? Akala ko ba’y Taiwanese ang magiging employer ko, Ma’am?" tanong pa niya.

Inikot ni Fiona ang kanyang mga mata, "Oo syempre! Makakakuha ka ng pagkakataon na pumunta sa Taiwan pagkatapos mong pakasalan siya. Nagmamay-ari siya ng maraming negosyo sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, kaya hindi lang Taiwan ang mararating mo!"


Napasinghap siya’t bahagyang napaatras. Ito na nga ‘yong masamang kutob niya. Ang totoo, pangarap niya talaga ang marangyang buhay kasama ang kanyang pamilya. Gusto niyang maiaahon ang mga ito sa kahirapan pero hindi sa ganitong paraan. Hindi niya pinangarap ang makapangasawa ng mayaman dahil lamang sa pera. Naniniwala pa rin siya na wala nang higit na sasaya pa sa pag-aasawa ng taong mahal mo.

“Nagsinungaling ka sa’kin…sabi mo makapagtatrabaho ako abroad?” sumbat niya.

“Ni minsan ay hindi ako nagsinungaling sa’yo o sa pamilya mo. Ang sinabi ko lang ay magkakaroon ka ng oppurtunity na makapag trabaho abroad. Bakit ayaw mo ba? Ang s’werte mo na nga, ganyan ka pa kung umasta sa harap ko! Nagbabalak si Mr. Tuason na pumunta sa Taiwan kasama ng kanyang mapapangasawa after the wedding at ikaw iyon, Irene. Hindi biro ang trabaho ng isang asawa kaya pagbutihin mo. Sa lahat ng babaeng kasama mo ikaw ang nirekomenda ko dahil ikaw ang pinaka maganda at huwag na huwag mo akong ipapahiya kay Mr. Tuason. Nagkakaintindihan ba tayo, Irene? Halika! Hinihintay ka na ng sasakyan.” Hinawakan siya ni Fiona sa braso at dinala sa sasakyan dahilan para hindi na siya nakatanggi pa.

Binuksan nito ang magarang sasakyan. Nakita niya ang isang lalaking naka-uniporme na nakaupo sa driver seat.
“Ikaw ba si Mr. Tuason?” tanong niya.
Ngumiti lang ito, “Hindi, driver lang niya ako.”

Ngayon lang naging malinaw kay Irene ang lahat ng mga ginagawa sa kanila ni Fiona. Sa unang araw pa lamang ay tila espesyal ang trato nito sa kanila. Ang spa at iba pang treatments, dental appointments at waxing. Pakiramdam niya ay kakaiba talaga ang lahat dahil kung DH lang naman at sa electronic company sila makakapasok palagay niya hindi naman iyon kailangan.

Inilagay na ng driver ang kanyang mga gamit sa gawing likuran ng sasakyan. Halos hindi maigalaw ni Irene ang kanyang katawan sa sobrang pagkabigla. Wala siyang lakas para tumakas. Natatakot siya.

Ilang sandali pa ay nakalabas na sa malaking gate ng bahay ni Fiona ang sasakyan habang si Irene ay halos nakatulala pa rin sa likuran ng sasakyan.
Napatingin sa rearview mirror ang lalaki sa kanya.
“Siguradong magugustuhan ka ni boss,” sarkastiko nitong ngiti. Mukha pa lang ng driver ay mukhang hindi na mapagkakatiwalaan, ano pa kaya ang sinasabing Mr. Tuason, sa loob-loob niya.


MALALIM ang iniisip ni Andrew habang nakaupo sa isang wicker chair malapit sa swimming pool ng kanilang ancestral home. Iniisip niya kung paano sila nagkaroon ng marangya ngunit malungkot na pamilya. Walang ibang mahalaga sa pamilyang kanyang kinalakihan kundi ang pera. Hindi na nga sila halos magkita sa sobrang kaabalahan ng kanilang mga parents. Kaya noong nagkaroon siya ng girlfriend ay sa Penthouse na siya nanatili na pag-aari din ng mga Flores. Mas lalo lamang naging madalang ang pagkikita nilang pamilya. Ang kanyang nakababatang kapatid na babae ay palaging wala rin sa mansion. Masasabing successful talaga ang kanyang ama sa construction firm dahil isa ito sa mga namamayagpag na kumpanya sa boung bansa. Ang kanyang ina naman ay sikat sa larangan ng negosyong fast-food chain.

Tila ang lahat ng iyon ang naging kapalit sa isipan ng kanilang parents sa halip na silang magkapatid. Kaya hindi nakapagtataka na malayo ang loob niya sa kanyang mommy at daddy. Salamat na lang dahil sa impluwensya ng kanilang yaman ay naging successful din si Andrew sa kahit anong investment na pasukin niya. Andrew is one of the young businessman sa edad na twenty-eight.

May naulinigan siyang mga yapak papalapit sa kanya, inakala niya ang kanyang daddy ngunit si Cecil pala. Dala nito ang tray at alak na hiningi niya kanina.

“Sir, ito na po ang wine,” maingat na nilapag nito sa mesa. Nagpasalamat siya at agad namang umalis na ang maid.

He expertly let the wine breathe before taking a sip. Aminado siyang hindi pa rin niya matatalo sa pagkilatis ng magandang alak na kagaya ng kanyang daddy.
Naalala pa niya isang buwan na ang nakalipas sa mismong lugar kung saan siya ngayon nakaupo, kung saan nagkaroon sila ng heart to heart talk bilang father and son. From the outside it looked like a sweet moment for a father and son but their conversation didn’t exactly make Andrew feel any better.

“If I knew you’d be here, I would’ve started drinking much earlier.” Ang naalala niyang sinabi ng kanyang daddy. Nang mga panahong iyon ay sariwang-sariwa pa ang pagdadalamhati niya sa pagkawala ng kanyang fiancee.
He even brought his father a bottle of wine, a thoughtful gesture.

“Where did you get that garbage?” tumawa si Alejandro at tinawag ang kanilang maid na si Cecil. Maya-maya ay dala na nito ang tray na may wine at dalawang baso.

“I hope you don’t mind, Son, but I just want to share with you the best one,” anitong nagsalin ng alak. Pagkuwa’y tumingin sa mukha ni Andrew.
Napabuntong-hininga ito. Si Alejandro ang taong hindi mo makikitaan ng kahinaan kahit sa matinding kabiguan. Pero nang makita nito ang mukha ni Andrew ay tila lumambot ang mukha nito. Alam nitong hindi pa rin nakakapag-move on ang anak sa pagkawala ng nobya. Napasandal ito sa upuan habang tila nilaro-laro ang baso ng alak sa kamay.

“You look terrible, Son. Is this the bearing of a man raised by a magnate?”
“It’s only been a month, Dad, let me be…” mahinang tugon niya.

“Don’t let anyone see you like this,” mahina ngunit mariin nitong sabi.
Napatayo ito sa kinauupuan, “If it’s the woman then go get yourself another woman!”

Napatingin si Andrew sa ama. Hindi man lang nito binanggit ang pangalan. Sino lang ba si Hailey sa palagay nito? Napailing siya. Mukhang nagkamali siya ng punta rito dahil mas lalong bumigat ang kalooban niya. Sa kabila ng pagiging halos perpekto ng kanyang nobya ay may naipipintas pa rin dito.

“Pursue other women, Andrew. You’re only torturing yourself at this point.”
Lalo lamang nanariwa ang sugat na dulot ng pagkawala ng kanyang nobya. Mahal na mahal niya ito at hindi niya kayang magmahal pa ng iba.

Tumayo siya at tinalikuran ang kanyang ama. Mas gusto na lang niyang umalis at mag-isa.

“Don’t you dare disrespect me by storming away, Andrew!” sigaw ni Alejandro.

“Get yourself a wife if you must but letting other people see you this way is just downright embarrassing!” pahabol na sigaw nito na lalong nagpagulo ng kanyang isipan. Pakiramdam ni Andrew ay lalo siyang tino-torture sa pangungulit ng kanyang ama na magpakasal na lang siya sa iba.


Ipinilig niya ang kanyang ulo at tila bumalik siya sa kasalukuyan. Sa halip na iyon ang kanyang isipin ay mas minabuti na lang niyang balikan ang magagandang alaala niya kay Hailey. Ipinangako niya sa kanyang sarili na kapag magkaroon siya ng mga anak ay hindi matutulad sa kanilang magkapatid na lumaki halos kasama ang mga maid at yaya.

Ipapakita niya sa kanyang ama na mabibigyan pa rin niya ng tamang atensiyon ang kanyang magiging anak kahit na gaano pa siya ka-busy.
Magkakaroon sila ng masayang pamilya. A loving mother and a caring father, just like what he had imagined when Hailey was still alive...

Bigla siyang may naalala dahilan para damputin niya ang kanyang cellphone at tumawag. Nakatanggap si Andrew ng police report. Ayon sa mga ito ay may natagpuang isa pang sasakyan malapit sa mismong lugar kung saan nangyari ang aksidente.

Lumalabas sa imbestigasyon na galing ang babae sa naturang sasakyan na bumangga sa malaking puno. Hindi nakita ni Dan na nagmula sa gilid ng kalsada. Sinubukan pa rin ng pulisya na hawakan ang may-ari ng kotse. Sa kasamaang palad ay hindi na nakaligtas ang driver, dead on arrival na ito nang isinugod sa hospital.
Hindi pa rin malinaw kung ang nagmamay-ari ng kotse ay siya ring nagmaneho at kung ano ang kaugnayan nito sa babae.


“Sir? Ano po ulit ang sabi niyo? P-pupunta ba kamo tayo sa hospital?” kumpirma ni Dan na bahagyang ikinagulat nang sabihin ng amo na bibisitahin nito sa hospital ang babaeng nabangga nila kamakailan.

“Have you gone deaf? Ang sabi ko pumunta tayo sa hospital. Gusto kong makita at malaman kung ano na ang lagay niya,” iritang pag-uulit nito habang nakaupo sa likuran ng sasakyan. Dahil sa takot sa amo ay agad na nagmaneobra si Dan at pinaharurot ang sasakyan papuntang hospital.

Chapter 3

HABANG nagmamaneho sila palayo sa tirahan ni Fiona, dahan-dahang nahimasmasan si Irene. Nag-iisip siya ng paraan kung papaano makakatakas sa kahila-hilakbot na bangungot na ito. Nananalangin siya sa kanyang isipan na huwag naman sanang ipahintulot ang kanyang kinatatakutan. Tila pinakinggan naman ang kanyang dasal nang marahang huminto ang kanilang sinasakyan. Sa isang masukal at maraming mga puno makikita ang isang maliit na portable toilet. Nagmadaling bumaba ang driver. Hindi yata nito napansing hindi naka-locked ang mga pintuan. Kinakabahan man pero mabilis na bumaba si Irene ng van. Ito na ang kanyang pagkakataon para makatakas. Ngunit tila naalala nang driver ang katangahan nito at agad na lumabas ng toilet. Nakita siya nitong nakalabas na ng pintuan.

“May balak ka pa palang tumakas, ah! Masuwerte ka ,Ma’am, dahil mahaba pa rin ang pasensya ko sa magiging asawa ni boss.” Akmang tatakbo na siya nang biglang nasa harap na niya agad ang lalaki at kinaladkad siya nito papuntang unahan ng kotse. Binuksan nito ang passenger seat at itinulak siya papasok.

“Pakawalan mo ako! Saan mo ako dadalhin! Maawa ka, kuya!” pagmamakaawa niya. Mabilis na pinaandar ng driver ang sasakyan.

“Hindi puwede! Sumusunod lang ako sa iniuutos sa’kin kaya kung ako sayo, Ma’am, mananahimik na lang ako!”

“Ihinto mo ang sasakyan! Palabasin mo ako!” patuloy ang pagsigaw at pag-iyak ni Irene habang hinahampas ang braso ng lalaki.

“Itigil mo ‘yan! Huwag mong subukang ubusin ang pasensya ko, Ma’am, binabalaan kita!” Sa kabila ng babala nito ay patuloy pa rin siya sa pagsigaw at paghampas sa braso nito. Mukhang walang balak itong huminto kung kaya’t tinangka niyang agawin ang manibela.

“Ihinto mo sabi!..” Dahil sa hindi na na-kontrol ng driver ang manibela ay bumangga sila sa malaking puno. Sa lakas ng pagkakabangga ay nagkadurog-durog ang windshield na tumama sa kanyang mukha. Saglit na nawalan nang malay si Irene. Nang dumilat siya ay kumikirot ang kanyang ulo at buong mukha. Napatingin siya sa kanyang paanan nakita niya ang isang tubong bakal. Wala man siyang lakas ay pinaghahampas niya ang bintana para mabasag ito upang sa ganoon ay makalabas siya.

Tiningnan niya ang driver na nakasubsob sa manibela, duguan at hindi niya alam kung buhay pa ito. Pilit niyang inilabas ang katawan kahit na wala na siyang lakas. Nang makalabas siya ay gumapang siya at pinilit na tumayo. Duguan siya at hinang-hina. Hindi niya alam kung mabubuhay pa ba siya. Andaming dugo na nakikita niya sa kanyang katawan. Pinilit niyang lumapit sa kalsada. Sa wakas ay may paparating na sasakyan.

“Tulong! Tulungan niyo ako!!” mahina na ang kanyang boses dahil hinang-hina na siya.


Hanggang doon na lang ang kanyang naaalala. Pilit sana niyang inaalala ang iba pang nangyari pero biglang kumirot ang kanyang ulo. Napadaing siya at napapikit ng mariin.


"Miss, ayos ka lang?" Isang lalaking naka black-suit ang nasa harap niya ngayon. Napakunot noo siya sa pagkalito.
"Nasaan ako?" tanong ni Irene.
"Nandito ka sa hospital, Miss, nakaaksidente ka. Sinabi sa amin ng pulisya ang tungkol sa imbestigasyon. Sakay ka ng kotseng bumangga ‘di kalayuan nang mapadaan kami. Ikinalulungkot ko pero hindi nakaligtas ang driver mo. ‘Tsaka tinanggihan ng nakarehistrong may-ari ng kotse ang anumang kaalaman o anuman tungkol sa iyo at ng driver mo. Ano ba’ng nangyari? Kaanu-ano mo ba ang driver? Bakit bumangga kayo sa malaking puno?" sunod-sunod na tanong nito.
Naalala na niya ang lahat. Mabuti na lang at nakaligtas siya.

“Hindi ko kilala ang taong iyon. Ang totoo, masamang tao siya. Teka, sino ka?” tanong niya sa kaharap.

"Ako si Dan, halos masagasaan ka ng kotseng minamaneho ko. Hindi kasi kita napansin nang bigla ka na lang sumulpot sa kalsada. Mabuti na lang at nadala ka agad namin dito sa hospital.”
Napangiwi siya nang muling makaramdam ng kirot sa ulo.

“Miss? Teka, tatawagin ko lang ang nurse,” bakas sa mga mata nito ang pagkataranta.

"Hindi na…ayos lang, nawala na ulit.” Napaluha siya sa kanyang sinapit.

“Gusto ko nang umuwi sa amin, gusto ko nang makita ang pamilya ko. Please tulungan mo ako…” lumandas ang kanyang mga luha.

“Ano ngapala pangalan mo?” tanong ni Dan.

“Irene,” tugon niya.

"Miss Irene, ganito, huwag mong alalahanin ang bayarin dito sa hospital ang boss ko na ang bahala sa lahat.”
“B-boss?”
“Oo, si Boss na ang bahala.”
“Sinong boss? Si Mr. Tuason ba ang tinutukoy mo?!” bumalik sa kanyang alaala ang sinabi ng driver, “si boss”. Napakunot noo si Dan.

“Hindi. Sinong Mr. Tuason ang sinasabi mo?” tanggi ng lalaki.
Medyo nawala ang kanyang pag-aalala at nakahinga ng maluwag.

“Akala ko kakilala mo rin ang taong ‘yon,” unti-unti na siyang kumalma akala kasi niya si Mr. Tuason ang tinutukoy nito.

“Si Mr. Flores ang amo ko. Siya ang kasama ko nang araw na mabangga ka,” paliwanag ni Dan.
"Amo mo?" medyo kalmado na siya ngayon.

"Oo. Si Mr. Flores, mabuting tao siya. Ngayon, kung hindi mo mamasamain, puwede ko bang malaman kung bakit nasabi mong masamang tao ang kasama mo sa kotse? At paano ka napunta roon?"


Sinalaysay ni Irene ang kanyang kuwento mula noong pag-alis niya sa Bicol at pagsama sa isang recruiter dito sa Maynila sa pag-asang makahanap ng trabaho sa abroad. Matiyagang nakinig si Dan sa kanyang kuwento hanggang sa sabihan ito ng nurse na pagpahingahin na muna ang pasyente. Umalis na si Dan. Pakiramdam ni Irene ay matutulungan siya ng lalaki para makauwi sa kanyang pamilya.


Minsan ay dinadalaw siya nito pero madalas ay mag-isa lang siya sa silid. Pasalamat na lang siya kapag may pumasok na nurse dahil may nakakausap siya kahit papaano.

Madalas ay naiisip niya kung ano ba ang mangyayari sa kanya kapag lumabas na siya ng hospital. Wala siyang kakilala sa Maynila maliban kay Dan at kay Fiona. Pero hindi na siya magpapakita pa kay Fiona. Nakaramdam siya ng takot. Paano kung mahanap siya nito? Paniguradong sa mga panahong ito ay nalaman na ni Mr. Tuason at ni Fiona ang nangyari sa kanila. Baka nga hinahanap na siya ng mga ito.


SA WAKAS, ngayon ay tinanggal na ng mga nurse ang kanyang mga bendahe sa mukha. Iniwanan siya ng mga ito ng isang salamin sa gilid ng mesa. Dumating si Dan nang palabas na ang mga nurse sa kanyang silid. Noon din ay isang ideya ang pumasok sa kanyang isipan. Tinanong niya si Dan kung maaari siyang makahanap ng trabaho. Ayaw niya kasing umuwi nang walang dalang pera para sa kanyang pamilya.

"Gusto mong magtrabaho sa kompanya ni Mr. Flores?" tila hindi makapaniwalang tanong ni Dan sa kanya. Nabanggit din kasi ni Dan na maraming negosyo si Mr. Flores at maari nga siyang mabigyan nito ng trabaho. Tumango siya.
"Oo, Dan, inaasahan kasi ako ng pamilya ko kaya gusto ko talaga makahanap ng trabaho ngayon. Ayokong umuwi sa amin nang walang laman ang bulsa ko. Ang alam kasi ng pamilya ko ay nasa abroad na ako," malungkot na sabi niya.

"Sige, tingnan ko kung anong magagawa ko tungkol d’yan, Miss Irene.”
Ngumiti si Irene, “Salamat Dan, tatanawin kong malaking utang na loob ito.”

“’Wag ka munang magpasalamat, kakausapin ko pa ang amo ko tungkol dito.”

“Thank you pa rin. At sana mabigyan ako ng pagkakataong makapagtrabaho kahit anong trabaho basta marangal.”
Tumango ang lalaki at bahagyang napangiti sa kanya bago ito umalis. Naikwento ni Dan sa kanya na ito pala ang inatasan ng amo para tumingin-tingin at bumisita sa kanya para alamin ang kalagayan niya sa hospital. Laking pasalamat pa rin niya dahil may mga taong tumulong sa kanya.


Mag-isa na lang ulit siya sa silid pero mas komportable na siya ngayon dahil natanggal na ang kanyang mga benda. Hindi pa rin niya tinitingnan ang kanyang mukha, natatakot siya baka kung anong itsura niya. Hindi pa siya handang makita ang sarili sa salamin. Hindi naman kasi lingid sa kanya na maraming nasugat sa kanyang mukha dahil sa pagtama ng mga nabasag na salamin. Mabuti na nga lang at hindi napinsala ang kanyang paningin.


MAKALIPAS ang ilang araw natanggap niya ang resulta ng kanyang mga laboratory test at sinabi sa kanya ng doktor na malapit na siyang makalabas. Pinilit niyang ngumiti at nagpasalamat sa mababait na doktor at nurse na nag-aalaga sa kanya.

Ngunit ang inaabangan niya ay ang muling pagbisita ni Dan na nagbigay sa kanya ng kaunting pag-asa. Gusto niyang malaman kung anong balita sa pakikipag-usap nito sa amo. Nabanggit kaya nito na gusto niyang magtrabaho? Sana magandang balita ang dala niya, sa loob-loob niya.

Sumigla ang mukha ni Irene nang makita ang pagpasok ni Dan sa pintuan may bitbit itong mga prutas at iba pang pagkain.

“Para sa’yo, Miss Irene,” inilapag nito sa maliit na mesa.

“Para sa’kin ba ‘yan? Naku! salamat nag-abala ka pa..” nakangiting sabi niya.

“Wala ‘yon..kay boss talaga galing ang lahat ng ‘yan.”

“Ang bait talaga ng boss mo. Pakisabing maraming salamat sa mga tulong niya. Ngapala…kumusta na? Nabanggit mo ba sa kanya?” ang tinutukoy niya ay ang kanilang napag-usapang trabaho. Napangiti si Dan at tumingin sa kanya.

“Ikaw nga itong kukumustahin ko, eh, tinanggal na pala ang benda sa mukha mo,” pansin nito habang pinagmamasdan siya. Bahagyang napayuko si Irene sahil sa hiya.
Binalewala ito ng lalaki at tumikhim, “Ngapala, Miss Irene, may maganda akong balita.”
“Talaga?!” napaangat siya ng tingin kay Dan.
“Binanggit ko na kay Sir ang sinabi mo, titingnan daw niya. Ang totoo niyan gusto ka rin naman tulungan ng boss ko. Kaya lang kailangan pa niya makakuha ng iba pang impormasyon tungkol sa’yo,” anitong umupo sa tabi ng kanyang hospital bed.
“I-impormasyon?”

“Tungko sa—“ naputol ang pagsasalita ni Dan nang marinig ang mahinang katok sa pintuan. Pumasok ang isang lalaki kaya napatingin sila pareho.

“Ah, nandito na pala si Sir Brent, kaibigan siya ng amo ko. Siya na ang bahalang makipag-usap sayo. Sige, lalabas na muna ako, Miss Irene,” agad itong tumayo.

Tumango lang siya kay Dan at muling tumingin sa lalaking kapapasok lang.
Isang matangkad na guwapong lalaking bilugin ang mukha, maputi at medyo wavy long hair ito. Sa tindig pa lang nito ay tila may kaya ito sa buhay. Ngumiti ito at sumenyas pa kay Dan habang palabas ng silid.

“Thank you, Dan, p’wede mo na kaming iwan, ako na ang bahala rito,” ang sabi nito habang papalapit sa kanyang higaan. Medyo nailang si Irene sa lalaki.

“Kumusta ka na, Miss Irene? I’m Brent,” naglahad ito ng kamay saglit na kinamayan niya ito at mabilis rin binawi ang kanyang kamay. Nakatingin lang ito sa kanya na tila sinusuri ang kabuuan ng kanyang mukha. Nababakas sa mga mata nito ang lungkot habang nakatingin sa kanya. Naaawa ba ito sa kalagayan niya o napapangitan sa itsura niya? Inilihis na lang niya ang kanyang tingin sa lalaki.

“Sinabi sa akin ni Dan ang lahat tungkol sayo at kung papaano ka nauwi sa trahedyang ito. Sinabi rin niya sa akin na gusto mo raw magtrabaho sa kaibigan ko? Tell me ano bang natapos mo?” tanong nito habang nakapamulsa.

“Sir, hindi po ako nakatapos…second year college lang po ako, dahil nagtrabaho na agad ako. Hindi na kasi kayang tustusan ng mga magulang ko kung dalawa kami mag-aaral sa kolehiyo. Kaya huminto muna ako at ‘yong nakababata kong kapatid muna ang nag-aaral,” tugon niya.

Kinuha ni Irene ang salamin dahil gusto sana niyang itakip ito sa mukha niya para maiwasan niya ang pagtitig sa kanya ni Brent. Ngunit hindi niya naiwasang nakita ang mukha sa salamin bagay na ikinagulat niya. Muntik na niya itong mabitiwan. Ganoon na pala kapangit ang itsura niya. Nag-iwan ng malalaking peklat sa kanyang magkabilang pisngi at sa noo. Gusto niyang maiyak sa kanyang itsura pero pilit niyang itinago ang nararamdaman sa harap ni Brent.
Bakas naman sa mukha ng lalaki ang pagkaawa sa kanya at tila alam nito na hindi siya komportable.

Tumikhim ito, “Sa ngayon kasi, Miss Irene, wala kasing bakanteng position sa kompanya..” Napangiti si Brent ng alangan sabay napakamot sa batok.

“Kahit anong trabaho po, Sir, madali naman po akong matuto,” pagpupumilit niya. Hindi siya puwedeng umuwi na ganito ang itsura niya tapos wala pa siyang dalang pera. Pag nagkataon ay mas lalong malulungkot ang kanyang mga magulang.
Hindi kumibo ang lalaki. Biglang nalungkot si Irene. Dahil ba pangit na siya? Kaya hindi na siya pwedeng magtrabaho? Tila bumagsak ang mundo ni Irene, hindi niya namalayan ang pag-agos ng kanyang mga luha sa kawalan ng pag-asa.

Lalong naawa si Brent at dahan-dahang lumakad palapit sa kanya. Umupo ito sa gilid ng kanyang hospital bed.

Napabuntong-hininga ito, “Pero maari ka naming tulungan…I mean ng kaibigan ko. but it come with a price…like everything else.”
Hinihintay pa rin ni Irene ang susunod na sasabihin ng lalaki.

“Puwede ka naming tulungan. We can hire the best doctor to fix your face, I mean my friend will do anything to help you,” dugtong pa nito.

“Si Mr. Flores?”

Tumango si Brent, “Yeah, si Mr. Flores. Maibabalik sa dati ang mukha mo or mas maganda pa. Makakapagtrabaho ka at babalik ang confidence sa sarili mo…pero may kapalit.”

“A-Ano pong kapalit?” biglang natakot siya sa narinig.

“It’s like your freedom, Irene…” Saglit na natigilan si Irene at napalunok.

“My freedom?..” usal niya.

“Pero pag-isipan mo, Miss Irene. Anyway hindi naman ito sapilitan since ikaw naman itong gustong makapagtrabaho. Sinasabi ko lang ang magiging consequences ng lahat kapag tinanggap mo ang offer na tulong sa iyo ni Mr. Flores. At least you know. Hindi kana mabigla sa bandang huli.”

Hindi alam ni Irene kung papayag ba siya o hindi pero mukhang wala naman siyang magandang pagpipilian. Kung babalik siya sa probinsiya na ganito ang mukha niya mas lalong magiging miserable ang buhay niya. Sa palagay niya ay wala rin naman tatanggap pang trabaho sa kanya nang ganito ang pangmumukha niya lalo na’t hindi naman siya nakatapos.