Browse stories

Lost in Seoul (Filipino)

Language: fil

Sa loob ng anim na taon ay ipinagluksa ng puso ni Cheska si Darryl Kang, ang half-Korean, half-Filipino doctor na chatmate niya. Magkikita na sana sila nito noon nang maaksidente ito habang papunta sa airport. Ni hindi niya nasabi dito na mahal niya ito. And for six years, her life was full of what-have-beens and might-have-beens. Di niya magawang makipag-date sa ibang lalaki. Lagi niyang naiisip si Doc Darryl. Only he was not Darryl. He was Carter Meneses, ni walang katiting na dugong Koreano. She found herself following him around. Dahil di niya ito maiwan, napadpad siya sa Seoul at…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

“So, you are finally meeting him?” tanong ng kaibigan ni Cheska na si Mikaella.
Cheska had a smug smile on her lips when she fixed the collar of her checkered dress. Bagong bili niya iyon pati na rin ang boots para sa pagsundo sa kay Darryl sa airport. Take note. Hindi niya iyon binili sa ukay-ukay kundi sa mall. Tinipid niya ang baon niya sa loob ng isang buwan bilang paghahanda sa pagkikita nila ng lalaki. Manggagaling ito sa South Korea.
Nineteen years old siya at third year Accountancy student sa Lyceum of the Philippines. Ka-boardmate niya si Mikha at Psychology naman ang kinukuhang course. Mabait naman ang kaibigan niya pero kadalasan ay kontrabida. Dina-dissect nito lagi ang kilos at mga pangyayari sa paligid. Pinakakontrabida ito sa lahat pagdating sa pag-ibig niya.
“Yes. Sabi ko naman sa iyo magkikita rin kami at mapapatunayan ko sa iyo na hindi immature love lang ang nararamdaman ko sa kanya,” aniya at parang batang binelatan ang kaibigan.
Humalukipkip ang kaibigan at sumandal sa poste ng double deck bed habag pinagmamasdan siya sa pag-aayos sa boots niya. “Come on. Malalaman mo lang iyan kung nagkita talaga kayo. Iba ‘yung na-in love ka dahil nakita mo siya at di dahil sa ilusyon lang.”
“Hindi nga siya ilusyon!” giit niya sa babae. “Magkikita na kami.”
“You know what I mean. Iba ang ipinapakita niya sa chat at mga emails niya sa iyo. Iba kapag nakaharap mo na ‘yung tao at nakasama. Iba ‘yung na-in love ka dahil sa mga sinasabi niya sa iyo na gusto niyang marinig at iba kapag kaharap mo na. Mas malalaman mo ang ugali. Mas malalaman mo rin kung totoo talaga ang ipinapakita niya sa iyo.”
“Totoo naman ang ipinapakita sa akin ni Doc Darryl kahit na sa email lang kami magkausap. Ramdam ko ang kabutihan ng puso niya lalo na ang pagtulong niya sa mga nangangailangan.”
Doc Darryl Kang or Kang Jung Rin was a half-Korean, half-Filipino doctor. Isa itong oncologist sa isang ospital sa Jeju Island sa South Korea. Nasa 5’10” ito, matipuno ang katawan at parang kape at gatas ang kulay ng balat. Singkit ang mga mata nito at matangos ang ilong. Mas mukha itong Pinoy kaysa sa Koreano pero guwapo pa rin.
Pinsan ito ni Jaimee na nakilala niya sa isang youth camp nang pumunta ako sa Bataan. Si Doc Darryl ang unang nag-message sa kanya sa email dahil nagpasalamat ito sa pagtulong niya sa mga batang may sakit na cancer. Nagpakilala din ito bilang pinsan ng kaibigan niyang si Jaimee. Nakita daw kasi nito na pareho silang nag-volunteer ng pinsan nito. Nalaman niya na libre pala itong tumutulong sa mga batang may cancer sa South Korea at gusto din daw nitong mag-volunteer sa Pilipinas balang-araw. Mula noon ay lagi silang magkausap sa chat. Nagpapadala ito ng pictures at madalas din siya nitong kumustahin tungkol sa pag-aaral niya at sa exam niya.
Di niya ugaling makipaglapit sa mga lalaki. Ilag nga siya sa mga ito dahil na rin sa bilin ng tatay niya na umiwas siyang makipagkaibigan sa mga lalaki para iwas daw sa pagkakaroon ng boyfriend. Pero iba si Doc Darryl. He made her feel good about her self. Wala naman kasi itong pakialam sa kung ano ang itsura niya. Di gaya ng ibang mga lalaking nakakasalamuha niya na puro magaganda lang ang pinapansin. Deadma ang mga wallflower gaya niya.
Isang linggo na ang nakakaraan nang sabihin sa kanya ni Doc Darryl na gusto siya nito. Napapatawa daw kasi niya ito sa mga kakenkoyan niya. Maganda daw ang personality niya. Ayaw nga niyang maniwala noong una pero sinabi sa kanya ng kaibigan niyang si Jaimee na humihingi pa ng tip ang pinsan nito kung ano ang gusto niya sa lalaki. Nakakakilig! Ayaw ko na lang ipagsabi sa iba dahil baka sabihan na nahihibang siya. Wala naman kasing maniniwala na ang isang guwapo at makisig na doktor ay magkakagusto sa Plain Jane na gaya niya.
Siguro ganoon ang isang lalaking matured na. Hindi na pisikal ang hinahanap sa isang babae kundi kung ano ang pagkatao nito, ang character nito. Kaya naman mas gusto niya ang matured na lalaki na gaya ni Doc Darryl, hindi mga isip-bata na tulad ng mga kaedad niya.
“Sino ba naman ang hindi maghihinala sa kanya? Ni hindi ka kinakausap kahit sa voice chat o kaya sa video chat. Ni walang social media account,” sabi ni Mikha at tiningnan ang kuko nito.
“Hindi naman kasi lahat ng tao may social media account. Ako rin mismo ang ayaw na makipag-voice chat o makipag-video chat sa kanya.” Nahihiya kasi siya dahil nagfi-freeze siya kapag kausap niya ang lalaking gusto niya. Baka mapahiya lang siya o kaya ay magkamali-mali siyang sasabihin dito. “Saka kailangan bang magkita muna bago malaman kung mahal mo talaga ang isang tao? Mag-chat man kami o magkita, totoong tao pa rin naman kami pareho. Kung ano ang nararamdaman niya, ine-express namin sa isa’t isa. Totoo na iyon para sa akin.”

Chapter 2

Umasim ang mukha ng kaibigan. “I will reserve my judgment. Gusto ko muna siyang makilala.”
“Bakit kailangan masyadong maraming requirement para malaman kung true love o hindi? May mature at immature pa. Ang hirap sa iyo puro ka kasi aral. Puro ka based sa libro. Subukan mo kayang mabuhay sa mundo naming mga ordinaryong tao, ‘no? Hindi ba sapat na basta naramdaman ko at alam ko na love iyon?”
“Because love and relationships are not as simple as they seem.”
“Na-in love ka na ba kaya mo nasasabi iyan?” Inilahad ni Cheska ang mga palad. “Subukan mo rin kasing makaramdam. Ewan ko lang kung magamit mo pa ‘yang psychology-psychology mo kapag nabaliw ka sa pag-ibig. Walang matino kapag na-in love. Walang logic-logic pero masaya naman. Kagagamit mo ng brain cells mo di ka na makaramdam kung paano maging masaya.”
Pagak na tumawa ang kaibigan. “Che, hindi mo ako kaaway. Worried lang ako sa iyo. And this is not about me. This is about you. Ikaw lang ang inaalala ko. Bilang kaibigan mo, ako ang pinakaunang magiging masaya kung talagang nagkakagustuhan kayo ng lalaking iyan at totoo sa iyo.”
Bumuga siya ng hangin. “Sorry. Ayoko lang ng kanegahan ngayon. Gusto ko lang maging masaya. Naiintindihan mo ba ako? Kung totoo na gusto rin ako ni Doc Darryl at may pag-asa kaming dalawa, kailangan ko nang magplano para sa future namin.”
It was silly. Pero nararamdaman niya na sila talaga ang para sa isa’t isa. Kaya naman naplano na niya ang buhay nilang dalawa. Pupunta siya sa South Korea kapag nakapasa na siya sa board exam at ganap nang CPA. Magpapakasal sila sa Pilipinas at sa Korea. Magkakaroon sila ng dalawang mga anak.
Pero para sa immediate future, sinabi ng binata sa kanya na tutulungan daw siya nito na makarating sa South Korea. Ipapasyal daw siya nito sa Jeju Island na siyang pinakapaborito nitong lugar sa mundo. Nakaplano na nga kung saan-saan sila pupunta at kung anu-ano ang gagawin nila. Habang siya naman ay nangako na ipapasyal ito sa pagpunta nito sa Pilipinas kasama ang pinsan nitong si Jaimee. Sembreak niya kaya naman wala siyang pasok. Sa halip na umuwi sa probinsiya ay inilaan niya ang bakasyon para makasama si Darryl.
This is it! Ito na ang simula ng forever nila ng binata.
“Basta gusto kong makausap ang Darryl na iyan isa sa mga araw na ito,” anitong diskumpiyado pa rin hanggang ngayon. “Ako ang pinagbilinan nila Tita Medy habang nandito ka sa Maynila. Gusto nilang matiyak na okay ka lang. Alalahanin mo na di mo pa rin lubusang kilala ang Darryl na iyan. Ni hindi nga kilala ng magulang mo ang Jaimee na iyan. Parating na ba siya? Gusto ko siyang makausap.”
“Oo na. Dadaanan niya ako dito. Paalis na sila ng Bataan,” aniya at inilabas ang cellphone. Matagal pa naman ang dating ng flight ni Darryl. Huling chat nila ng lalaki ay papunta pa lang ito sa Jeju International Airport. May limang oras pa bago lumapag ang flight nito sa Pilipinas. Siya lang ang excited na magpaganda.
“unnie….” unnie ang tawag nito sa kanya na “ate” sa Korean.
“O, Jammie! Ready na ako. Malapit na ba kayo?”
“Si Oppa Darryl kasi…”
“Bakit? Na-delay ba ang flight niya? Okay lang naman iyon.”
“H-Hindi na siya makakarating.”
“Oh!” malungkot niyang usal. “May emergency ba?”
“Naaksidente ang sinasakyan niyang kotse papuntang airport. Bumangga sa isa pang kotse. Dead on the spot si Oppa. Wala na siya, Ate. Patay na si Oppa Darryl. H-Hindi mo na siya makikita.”
Patay na si Darryl? Patay na ang lalaking pinapangarap niya. Hindi na niya ito makikita. DI na niya ito makakasama. “H-Hindi pwede. Di siya pwedeng mamatay. M-Magkikita pa kami. Hindi ko pa nasasabi sa kanya na mahal ko siya. Mamamasyal pa kami. Marami pa kaming plano.”
Humikbi ang kaibigan sa kabilang linya. “I’m sorry.”
“Hindi!Darryl!” sigaw niya at napaupo sa sahig. Nawalan ng kulay ang paligid. Napalitan ng kalungkutan ang saya sa puso niya. Gumuho ang mundo niya. Parang tumigil sa pagtibok ang puso niya.
Nagdilim ang lahat sa paligid ni Cheska.


“Bakit hindi mo sinabi na may taning ang buhay mo?” sabi ni Tristan Choi sa kasintahang si Emelyn Chang. Nakaupo ang babae sa wheel chair at namumutla habang nakapaligid ang mga puno na iba’t ibang shades ng brown ang kulay. Naglalagas na ang mga iyon. Kagaya ng buhay ng babae na malapit nang malagas.
Umubo ang namumutlang si Emelyn. May itim na bilog ang paligid ng mga mata nito. Iginugupo ito ng cancer at bilang na ang mga araw. “Natatakot ako na masaktan ka. Ayokong makita mo na nahihirapan ako.”

Chapter 3

Nakuyom ni Tristan ang palad. “Mas maaga mo akong pinatay nang inakala kong iniwan mo ako kay Harvey. Alam mo ba kung gaano kasakit ang maiwan nang hindi man lang nagpapaalam? Alam mo ba kung gaano kasakit na mapuno ng kasinungalingan? Kung gaano kita kinamuhian samantalang dapat nasa tabi mo ako at kasama mong lumalaban?”
Sunud-sunod ang subo ni Cheska ng ice cream cake habang tumutulo ang luha. Di niya inaalis ang tingin sa Smart TV na nagpapalabas ng video stream ng Tagalized Koreanovela. Dalawang oras na siyang nakakabad sa TV at bugbog na bugbog na ang puso niya dahil sa sakit. Pero wala siyag pakialam. Ito lang ang pagkakataon na nakakaramdam siya.
“Mabuti ka nga nakasama mo pa siya. Buti nga ikaw nalaman mo pa na may taning ang buhay niya bago siya mawala sa mundo. Paano naman ako? Ni hindi ko nakita si Doc Darryl. Ni hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanya. Ni hindi ko nasabi na mahal ko siya,” hikbi niya at tuluyang nauwi sa hagulgol.
Nagyakapan na ang dalawang bida at nangakong magsasama hanggang sa huling sandali ng buhay ng mga ito. Napadapa siya sa kama at ipinagpatuloy ang pag-iyak. Wala na siyang pakialam kung mamatay man ang bidang babae sa huli at sundan ito ng bidang lalaki. Dahil nagluluksa pa rin ang puso niya para sa isang pag-ibig na naputol bago pa man mapagbigyan. Walang forever pero mas mas masakit ang never - dahil never silang nagkita o nagkasama ni Doc Darryl. And it was unfair.
Natigil siya sa pag-iyak nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto niya. “Sabi na nga ba, nandito ka lang at nagdadrama habang umuubos ng isang galon na ice cream.”
Gulat siyang lumingon at nakita ang kaibigang si Mikha na nakasuot pa ng sexy strappy dress at three-inches gladiator shoes, hawak nito ang sequined clutch bag. She looked like a lethal warrior princess. “Anong ginagawa mo dito?”
“Dahil naramdaman ko na nandito ka lang at nagkukulong.”
“Di ba date ninyo ni June sa Tagaytay?” tanong niya at bumangon.
Magkaiba na sila ng apartment na tinitirhan ng kaibigan. Nakatira siya sa apartment na boyfriend nitong si June ang landlord sa Quezon City. Malapit iyon sa outsourcing company kung saan nagtatrabaho siya bilang accountant. Habang ang dalaga naman ay nakatira sa isang apartment sa BGC Taguig kung saan nagpa-practice ito bilang online psychologist. Malayo na ang narating nila sa buhay pero parang fairy godmother pa rin niya ito na naka-rescue kapag kailangan niya o kahit di niya ito kailangan. May susi sila sa apartment ng isa’t isa at makakapunta sa kanya-kanyang bahay na parang pag-aari nila iyon. Ni hindi niya naulinigan ang pagpasok nito.
Umupo ito sa kama niya at inalis ang gladiator shoes. “Well, pwede kaming mag-date ng ibang araw. Hindi naman aalis ang restaurant na iyon. Pero ikaw, minsan ka lang makikipag-date pero palpak pa.”
“Paanong palpak? Sumipot naman ako sa coffee shop,” paglilinaw niya at pinahid ang luha.
“Sumipot ka nga pero kung successful ang date ninyo, hindi ka nag-iiyak sa telenovela at nilalantakan ang chocolate cake,” anang kaibigan at pilit kinuha ang mangkok ng cake sa kanya. Mas marami kasing mailalaman iyon kaysa sa platito. “Akin na iyan.”
Lalo niyang niyakap ang mangkok. “Huwag ka ngang kontrabida. Di ba pwedeng umuwi ako dahil huling gabi na ng Koreanovela na pinapanood ko?”
“Yung totoo. Anong nangyari sa date ninyo?” tanong nito at tinitigan siya na parang tumatagos sa kaluluwa niya. Her friend knew her too well. Di niya kayang magtago dito. “Tinaguan mo ba siya o nagpanggap ka na masakit ang tiyan mo? O kaya naman naghanap ka ng signs kung lalaki din ang type niya para lang may rason ka para ayawan siya.”
Her epic fail strategies. Gusto naman niyang pagbigyan ang mga magulang niya kapag nagrereto ng ka-date niya. Pero kapag kaharap niya ang mga lalaking iyon ay nakakadama lang siya ng lungkot. Wala siyang maramdamang excitement. May hinahanap siya na wala doon. Spark maybe? Kung anuman ang kulang, alam niyang di sapat iyon para aksayahin pa nila ang panahon ng isa’t isa.
But her family see that as a failure. Pangarap ng mga ito na magka-asawa siya at magkaanak. O kaya ay magka-boyfriend man lang. At di titigil ang mga ito hangga’t hindi siya nagkakaroon ng matinong ka-date at eventually ay mahanap ang lalaki para sa kanya.
Sumandal siya sa headboard ng kama. “Ayoko na talagang um-attend sa date na iyon dahil pagod na pagod na ako. Pero pinagbigyan ko si Mama dahil kinakapatid ko si Retchie at naging crush ko siya noong high school ako.”
“That is a good start,” anang kaibigan at hininaan ang TV dahil commercial naman.
“For a good thirty minutes, we discussed about our old school. Kung saan na kami nakarating at masasabi ko na impressive ang record niya. Kaya naman gustong-gusto siya ng parents ko dahil accomplished engineer sa isang international construction company. So, he travels a lot.”