Browse stories

The Sensual Intruder

Language: fil

Kiev Lazaredos was running away from trouble. Pumasok sa suite niya sa resort ang girlfriend ng pinsan niya at tinangka siyang i-seduce. Nang di niya ito patulan ay inakusahan siya nito na gusto niya itong gahasain. Wala siyang choice kundi tumalon sa terrace ng kuwartong katabi niya. Maswerte siya dahil bukas iyon at doon pansamantalang nagtago. Paalis na sana siya nang magising ang lasing na babaeng umookupa ng silid. It was Estefania Realejos. Brokenhearted ito dahil sinabihan itong boring at frigid ng dating nobyo. Akala nito ay siya ang gigolo na magtuturo dito kung paano maging…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1



“Bendita, break na kami ni Pierre. Sabi niya parang hindi daw ako babae. Pakiramdam daw niya parang robot o computer ang girlfriend niya.”
Napahagulgol ng iyak si Estefania. Wala siyang pakialam pinagtitinginan sila ng ibang mga guest nasa bar ng Sea Coral Beach Resort sa Bohol at palubog pa lang ang araw ay umiinom na siya. She should have done this a few days ago. Mahigit isang linggo na silang break ng nobyong si Pierre. Pero kinailangan niyang pigilin ang emosyon niya kasama na pati ang luha niya dahil ayaw niyang maapektuhan ang trabaho niya. Pero ngayong nasa bakasyon na siya ay pwede na siyang magwala kung gusto niya.
Tatlong buwan pa lang niya itong boyfriend. ito ang first boyfriend niya at matagal niya itong hinintay. Akala niya ito na ang lalaking pakakasalan niya at makakasama habambuhay. Kaya naman gumuho ang lahat ng pangarap niya nang sabihin nitong ayaw na nito sa kanya.
Binayo ni Benedicto Sangandaan aka Bendita ang mesa. Pa-girl ang bestfriend niya pero lumabas ang pagiging lalaki nito pagdating sa pagdepensa sa kanya. Nakataas tuloy ang kilay ng bartender dahil mukhang gusto nang manapak ni Bendita. “Ang kapal ng face ng Pierre na iyon. Pagkatapos mong mag-give way sa kanya para siya na ang maging head ng department ninyo dahil nga mahal mo siya at halos ikaw na ang gumawa ng trabaho niya, ito pa ang sasabihin niya sa iyo.” Ipinilig nito ang ulo at napatungga ng vodka nang wala sa oras kahit bawal iyon dahil naka-duty ito bilang manager ng bar. “Hindi ko sukat akalain na magagawa niya ito sa iyo. Akala ko pa mandin maswerte ka dahil sa wakas napansin ka ng Prince Charming mo.”
Magkaibigan sila ni Bendita mula high school. The nerd and the gay. Elementary pa lang kasi ay pumipilantik na ang daliri nito. Ito ang umaalo sa kanya kapag binu-bully siya ng ibang insecure na estudyante dahil matalino siya. Habang siya naman ang taga-depensa dito sa ibang tao pati sa pamilya nito nang sa wakas ay magladlad na ito. Kaya naman kahit nang sa Bohol na nag-settle ang pamilya nito at doon nag-aral ng college ay hindi naputol ang bond nila.
Si Bendita ang saksi sa pag-ibig niya kay Pierre. High school pa lang kasi ay crush na niya ito. Mas senior ito sa kanya ng dalawang taon. Matangkad ito, mestizo at laging ngumingiti sa kanya kapag nakakasalubong niya sa corridor. Pareho silang officer ng Science Club. Saksi siya sa mga nagiging crush nito at girlfriend at si Bendita ang iniiyakan niya kapag nakikita niyang may kasama si Pierre na iba.
Nang maka-graduate si Pierre ay nagawan pa niya ng paraan na makita ito dahil pinsan ni Bendita ang isa sa barkada nito. Kaya naman Computer Engineering din niya ang kinuha niyang kurso. At maswerte siya na mapasok din sa kompanya kung saan parte si Pierre.
Tatlong taon na siya sa kompanya nang sa wakas ay mapansin at ligawan siya nito. Isang buwan lang siyang nagpakipot dahil ayaw niyang isipin nito na easy siya. Masaya siya sa loob ng tatlong buwan na nobyo niya ito. She thought everything was perfect. Nangangarap na nga siya kung anong design ng wedding gown niya sa kasal nila.
Nagsimula lang ang problema nang gusto ni Pierre na maging mas intimate sila. His kisses became hotter and she was not comfortable with it. She told him that she needed more time to get used to it. Hindi naman kasi siya ang babae na sanay sa intimacy. She allowed him a few light kisses but she thought it was enough.
Nang gusto nitong may mangyari sa kanila ay lalo siyang nataranta. Doon na nagsimula ang matinding pagtatalo nila. She wanted to be a virgin bride. Iyon ang regalo niya sa magiging asawa niya. Pero para kay Pierre ay isang malaking kalokohan iyon. Wala na daw virgin bride sa panahong ito. At saka siya nito hinamon ng hiwalayan. Hindi daw nito matatagalan ang isang frigid na girlfriend. Pinagtitiyagaan na nga daw nito ang pagiging manang niya at nerd. Pati ba naman daw ang kaunting intimacy ay hindi niya ibibigay.
“Masakit kasi hindi naman ako ganoon kawalang kwentang girlfriend,” wika niya at nagsalin ng vodka sa baso. Nanginginig na siya at nanlalabo ang paningin. “Ibinibigay ko ang buong suporta ko sa kanya. Sa trabaho at sa pamilya niya lagi ko siyang tinutulungan.”
“Oo naman. Kulang na lang ikaw na ang magpaaral sa mga kapatid niya. Hindi ka na nga natutulog sa dami ng utos niya sa iyo. Sa totoo lang gusto kitang batukan kasi di ko sukat akalain na hahayaan mong gawin niya iyon sa iyo.”
Ngumisi siya at itinaas ang baso. “Ikaw nga nagbibigay pa ng pang-tuition sa naging boyfriend mo. So I thought that’s fine.”
Hinatak nito ang buhok niya. Tumawa lang siya kahit halos mapunit ang anit niya. Sa palagay niya ay lasing na siya. Tumawa siya habang umiiyak. “Gagang-gaga ka talaga. Iba iyon.”
“Walang ipinagkaiba iyon. Bading, babae, lahat nagmamahal. Hindi ko nga lang alam na ganito pala kasakit ang magmahal.” At muling pumatak ang luha sa mata niya. Awang-awa siya sa sarili niya dahil sampal sa pagiging babae niya ang ginawa ni Pierre. Parang pinapatay siya. “Ibinigay ko naman ang best ko. Ang lahat ng pang-unawa ko kapag siya ang nagkukulang sa akin. Minsan mukha na akong alila niya pero okay lang. Bakit hindi sapat ang totoong ako at ang kaya kong ibigay sa kanya? Sobra-sobra pa ang gusto niyang hingin.”
Akala niya ay okay lang dito na mabait, matalino, masipag at independent ang girlfriend nito. Iyon pala ay mas gusto nito ang mas maganda at mapagbigay na babae. Hindi naman siya ganoon.
“Baka naman may pagkukulang ka nga. Hindi mawawala ang intimacy sa isang relasyon. Walang spice ang isang relasyon kung walang intimacy. Hindi pwedeng hanggang titigan at kiligan lang ang pag-ibig. That’s boring.” Ginalaw nito ang salamin niya. May grado ang mata niya pero mas gusto niya ang salamin kaysa sa contact lens. “Look at you. Mukha kang hinukay sa baul ng lola ko.”

Chapter 2


Tinampal niya ang kamay nitong nakaturo sa kanya. “Heh! Hindi ko naman sinasabi na hindi ko pinapahawak ang dulo ng daliri ko. Hindi naman ako galing sa baul ng ninuno mo. Hindi lang ako mahilig sa public display of affection. At lalong hindi ko pa kayang ibigay sa kanya ang sarili ko. Pero di ibig sabihin noon frigid na ako, di ba? Di ibig sabihin boring akong humalik. O kaya ‘yung pakiramdam niya na humahalik ako sa computer. Sobra naman siya.”
“Huwag talagang tatapak ang Pierre na iyan sa Bohol. Ipapa-salvage ko talaga siya bago pa niya maitapak ang paa niya. Walang siyang karapatan na sabihin iyon kahit totoong boring kang humalik o parang computer ang hinahalikan niya. Wala man lang siyang pakundangan.”
Napahagulgol siya ng iyak. “Ibig sabihin naniniwala kang boring akong humalik. Na parang computer ako sa lamig.”
“You not exactly Miss Sensuality either. Dati ko pa sinasabi sa iyo na dapat mong i-workout ang personality mo. Hindi pwedeng mukha ka lang doormat.”
“Anong gagawin ko? Sabi niya sa akin bumalik daw ako sa kanya kapag ako na ang babaeng babagay sa kanya. Kapag di na daw ako frigid at marunong na daw akong humalik. Bumalik daw ako sa kanya kapag pwede ko nang ibigay ang sarili ko sa kanya at hindi na ako mag-iinarte. Kapag ako na daw ang babaeng bagay sa kanya.”
Dapat ay magkasama silang magbabakasyon sa Bohol. Gusto kasi niyang dalawin si Bendita. Nang mag-break sila ay ipina-cancel na ni Pierre ang trip na iyon subalit pinili niyang magtuloy. Parang pinapatay kasi siya habang nakikita ito. Nahihirapan siyang magtrabaho. Pakiramdam niya ay sasabog na lang na dam ang emosyon niya. Masakit sa kanya lalo na’t mukhang nakikipag-flirt dito ang pamangkin ng may-ari ng kompanya na si Cesca.
Isang buwan pa lang si Cesca sa kompanya. She was beautiful, sophisticated, lively and flirty. Everything that she was not. Nakuha agad nito ang paghanga ng maraming kalalakihan sa kompanya dahil sa sexy nitong pananamit at sunny personality. Di kaila sa kanya na pini-flirt nito si Pierre. At ngayong break na sila ni Pierre, he was fair game. Hindi na niya mapipigilan si Cesca na lumapit dito. Wala na siyang karapatan kay Pierre.
Siguro nga ay ganoong klaseng babae ang gusto ni Pierre. Ganoon din kasi ang mga dating nobya nito. Si Cesca ang tipong maipapainggit sa mga kaibigan nito. Di tulad niya na di man lang nito maipagmalaki.
According to Pierre, she was too cold, too formal and too analytical for his tastes. Hindi daw ito makahinga kapag magkasama sila.
“Maraming guwapo dito sa Bohol, my dear. Aba! Mamili ka ng ipapalit mo kay Pierre. Mula sa pang-fling hanggang for keeps. Maraming husband material dito. May Kano, European, mga singkit at mga native. Tutulungan pa kitang mamili.”
Umiling siya at yumukyok sa mesa. “Hindi ko kailangan ng ibang lalaki.”
“Mag-move on ka na kay Pierre. Huwag mong gulpihin ang puso mo sa kanya. May mga lalaking makaka-appreciate sa iyo.”
Inangat niya ang ulo. “Hindi. Hindi ko kailangan ng ibang lalaki. Babalik ako ng Manila at ipapakita ko sa Pierre na iyan na hindi ako frigid. Pwede akong maging katulad ng babaeng gusto niya. Magsisisi siya na pinakawalan niya ako. Magsisisi siya na hiniwalayan niya ako at ipapakain ko sa kanya ang lahat ng mga masasakit na salitang sinabi niya sa akin.”
Nagsalubong ang kilay nito. “Paano mo naman gagawin iyon?”
“Ikuha mo ako ng lalaki.”
“Anong klaseng lalaki? ‘Yung magagamit mo para magselos siya? Guwapo ba at matangkad?” Pumalakpak ito. “Marami akong kaibigan na pwedeng makasama mo kung magpapa-picture ka. Tapos i-post mo sa Facebook.” Humalakhak ito ng malakas. “Tama. Kailangan mo ng lalaking mas guwapo sa kanya. Makakaganti ka sa kanya kapag naipagpalit mo siya sa ibang lalaki. Cheers to that!” Itinaas nito ang baso ng alak at uminom.
Tinampal niya ang balikat nito. “Hindi. Kalangan ko ng lalaking magtuturo sa akin kung paano maging babae. Kaya ikuha mo ako ng lalaking nagbebenta ng panandaliang aliw. A gigolo.”
Sumargo ang alak sa ilong ni Bendita at nagkandaubo-ubo ito. Kumuha siya ng tissue at inabot dito. “Luka-luka kang talaga, Estefania!” singhal nito sa kanya. “Gagawin mo pa akong bugaw. Bawal iyon dito. And please don’t do that to yourself. You are a decent woman. Hindi mo kailangang bumili ng lalaki. Ganyan ka na ba kadesperada na makabawi sa Pierre na iyon?”
She grimaced. Ano naman ang masama sa ideya niya? “I just need a man. Tuturuan lang niya ako kung paano humalik at maging babae. Hindi kailangang may mangyari sa amin. Alam ko naman ang limit ko. Gusto ko lang mawala ang inhibition ko. He will teach me how to be a real woman. A sensual one. This is purely business. Kaya kailangan ko ng isang lalaking professional. Alam niya kung hanggang saan ang hangganan niya. Do I have to make him sign a contract?”
Napamaang ito sa kanya. “Parang gusto ko nang maniwala kay Pierre na parang computer ka. Ano ba ‘yang pinagsasasabi mo?”
“Gusto kong gumawa ng paraan para mabago ang personality ko. Ayoko nang maging parang computer. Ayoko nang maging masyadong formal at analytical. Ito lang ang naiisip kong paraan para maayos ang problema ko. Ang pinakamadaling paraan,” giit niya. Gusto niyang bawiin ang mga nawala sa kanya kasama na ang pride niya at ang pagkatao niya.
Sinenyasan nito ang isang waiter para i-clear ang mesa nila. “Alam mo lasing ka na, Estafania. Ihahatid na kita sa kuwarto mo. Magpapadala din ako ng kape at aspirin para mahimasmasan ka. Mag-usap na lang tayo kapag matino ka na.”
Inalalayan siya nitong tumayo at naglakad papunta sa kuwarto niya. Nasa second floor pa ang kuwarto niya kaya mabagal ang paglakad nila. Yumakap siya dito. “Please help me, Bendita. Ikaw ang bestfriend ko.Ikaw lang ang pwedeng makaintindi sa pinagdadaanan ko. Kaya nga sa iyo ako nagpapatulong para ikaw na ang mamili ng lalaking very professional. Maipapaliwanag mo ang sitwasyon ko. At siyempre hindi rin niya ako sasamantalahin. Can you find me the man that I need? Para sa kaligayahan ko naman ito.
“Oo na. Basta matulog ka muna,” anito at binuksan ang kuwarto niya.
Ibinagsak nito ang katawan niya sa kama. Umiikot ang paningin niya pero malinaw sa kanya ang tono nito. Wala itong interes na pagbigyan siya. Gusto lang nito na tumahimik siya. “Hindi mo naman ako tutulungan, eh!”
Tinanggal nito ang sandals niya. “Wala ka sa sarili mo, Estefania.”
Ipinatong niya ang kamay sa noo niya. “Baka mas gusto mo na humatak na lang ako ng lalaki diyan sa tabi-tabi? Tutal ayaw mo naman akong tulungan.”
“Okay! Shut up!” angil nito at kinumutan siya. “I will see what I can do. Basta magpahinga ka na. Okay?”
Pinisil niya ang pisngi nito. “Thank you, best. Pwede bang buksan mo na rin ‘yung terrace para sa akin? Mas gusto ko ang fresh air kaysa sa aircon.”
“O sige. Para mahimasmasan ka.”
Hindi na niya naintindihan pa ang ibang sinabi nito dahil unti-unti nang bumabagsak ang mga mata niya. Isa lang ang malinaw sa kanya. Hinding-hindi siya bibiguin ni Bendita.

Chapter 3



Nananakit na ang balikat ni Kiev nang sa wakas ay dumaong sila harap ng resort. Madilim na noon ang gabi at low tide na kaya nahirapan siyang i-maniobra ang eight-metre niyang motorboat. Dapat ay nakabalik na sila ng resort bago pa man lumubog ang araw. Subalit masyadong nag-enjoy ang mga kliyente niya mula sa Switzerland at gusto pang manood ng sunset sa isang secluded beach. Hindi na niya nagawang umangal. The money was good. Who was he to complain? Babalik ang mga ito sa Bohol at magre-refer pa ng ibang kliyente.
Humalik sa labi niya si Marsella at idinikit sa kanya ang katawan nito na naka-skimpy bikini lang. “Thanks, Kiev! We had a great time.”
“So do I, Marsella.” Ngumiti siya sa iba pang kasama nito. “We’ll go fishing next time, Carlo. That would be fun.” Hilig din kasi nito ang mangisda dahil may magandang fishing lake daw sa Switzerland na gusto nitong laging puntahan.
“When I go fishing, I will surely hook you,” anang si Marsella at kumindat. Inulan ng kantiyawan ang bangka.
Isang nahihiyang ngiti ang ibinigay niya dito. “I am afraid I have to pass, Marsella. I am not a good company tonight. I am dead tired.”
She pouted and let her fingers crawl to his bare bronzed chest. Mukhang sanay itong mang-akit at sanay din itong makuha ang gusto. “I can soothe your tiredness away.”
“I will see what I can do. Just be careful.”
Inutos niya sa isa pang miyembro ng crew niya na samahan ang mga customers pabalik ng resort. Madilim na kasi noon at malayo sila sa mismong beach. Mahirap maglakad sa gabi lalo na’t may mga sea urchin na nagkalat sa seabed. Masakit kapag natinik ng spike niyon. They were highly poisonous as well.
Pumaswit ang crew niyang si Baste na tumigil sa pag-aayos ng mga supplies nila sa cooler. “Nakakainggit ka talaga, Boss. Iba na talaga ang guwapo. Palay na ang lumalapit sa manok. Tukain na iyan.”
“Baka mapahiya lang ang pagod dahil pagod na. Kaya hindi pwedeng pilitin. The sea is quite bitchy today,” mahina niyang usal.
Kinuha ang motorboat niya para mag-island hopping at diving. Kalmado pa ang dagat nang umalis sila noong umaga. Subalit mahirap pagkatiwalaan ang dagat. Bandang hapon nang magbago ang panahon. Masyadong nag-enjoy ang mga ito sa diving. Nang maubusan ng oxygen ay picnic naman sa isang secluded beach ang pinagkaabalahan ng mga ito. Nang pabalik na ay lumakas ang hangin kaya nahirapan silang bumiyahe pabalik ng resort.
Kahit siya na sanay sa dagat ay sumusuko din sa hamon niyon. Lumaki siya sa dagat. Ang tatay niya ay seaman din kaya lalo siyang naging fascinated sa dagat. Naging marine engineer siya. Walong taon din siyang nagtrabaho sa barko hanggang nagdesisyon bumalik ng Pilipinas. Bumili siya ng tatlong high-powered motorboat na pinaparentahan niya sa mga turista na gustong mag-island hopping at diving. May sarili rin siyang fruit farm sa bayan ng Bilar na itinuturing na Baguio ng Bohol. Part owner din siya sa resort ng pamilya na itinayo ng tatay at tiyuhin niya. Siya at ang pinsan niyang si Jovic ang namamahala niyon. Sa pag-boom ng turismo sa lalawigan ng Bohol ay hindi na niya kailangan pang mangibang-bayan. He was earning enough.
Nasa Canada ang mga magulang niya para magbakasyon at dalawin ang kapatid niyang bunso na si Candida. Nakapag-asawa na kasi ito doon. Wala naman daw kasing mapapala sa kanya ang mga magulang niya dahil wala pa sa bokabularyo niya ang mag-asawa.
Nagagalit na nga ang mga ito sa kanya dahil sa dinami-dami daw ng babae sa Bohol ay wala pa siyang napipili. The sea would always be his mistress. Lagi siyang tinatawag niyon. Mas nasasakyan niya ang ugali ng dagat kaysa sa mga babae.
Nahihirapan talaga siyang mamili dahil karamihan ng babaeng nagugustuhan niya ay short fling lang ang gusto. Karamihan sa mga ito ay bakasyunista at mas gusto ang ingay ng magulong siyudad. Kung may wife material man siyang nakikilala, iyon ay mga taga-Bohol na mismo at ayaw naman sa kanya ng pamilya dahil hindi daw maganda ang reputasyon niya sa babae.
Buhay na ang resort kahit na gabi na. Umiwas siya sa mataong parte ng resort. Nasalubong niya sa hallway ang bar manager na si Benedicto pero mas gusto nito ang tawag na Bendita. “Good evening, Sir Kiev. May date ba kayo ngayong gabi? Available ako.”
Tumawa lang siya sa biro nito. “Pang-ilan ka na sa tinanggihan ko ngayong gabi.” Pumalatak siya. “Wala ako sa mood makipag-date ngayon. Nagulpi ako sa dagat. Masyadong maalon kanina.”
“Tumatanda na siguro kayo, Sir.”
Tumalim ang mata niya. “Kung ikaw kaya ang ipakain ko sa dagat para manatili siyang kalmado?”
“Boss, virgin lang ang effective na alay at hindi na ako virgin.”
Hilig niyang makipagbiruan sa mga tauhan niya. Parang isang pamilya kasi sila doon. “Dumating na ba ang kaibigan mo at ang boyfriend niya?” tanong niya.
Bigla itong lumungkot. “Nag-break na sila, Sir. Mag-isa nga lang dumating ang kaibigan ko. Brokenhearted tuloy siya.”
“Makaka-recover iyan sa Bohol. Walang umaalis ng Bohol na brokenhearted pa rin,” puno ng kompiyansa niyang sabi. The island has its healing effect. “Malay mo Boholano pa ang maging boyfriend niya dito.”
“Sana nga, Sir. Hindi na niya dapat sayangin ang ganda niya sa Pierre na iyon. Bakit ba may mga lalaki na gustong manakit ng mga babae?”
Itinaas niya ang mga kamay. “Inosente ako diyan. Ako ang sinasaktan ng mga babae. Paano? Amoy malansa na ako. Maliligo muna ako.”
Tumingkayad si Bendita at sininghot siya. “Mabango pa rin kayo, Sir.”
“Bendita, anong ginagawa mo kay Kiev?” pagalit na tanong ni Rosenda na nakabantay sa reception. Nobya rin ito ng pinsan niyang si Jovic.
“Nagbibiruan lang kami, Ma’am Rosenda,” mapagpakumbabang wika ni Bendita. “Si Sir Kiev kasi…”
“Di maganda na nagbibiruan kayo ng ganyan. Baka kung anong isipin ng mga customers natin. Bumalik ka na sa bar dahil marami tayong customers ngayon,” utos ni Rosenda dito.
“Sige po. Babalik na po ako sa trabaho, Ma’am,” sarkastikong wika ni Bendita kahit na mas mataas ang pwesto nito kay Rosenda. Sa totoo lang ay di niya gusto na nagpapatawag ito ng Ma’am sa ibang tauhan nila mula nang maging nobya ito ni Jovic. Parang hindi tama. Parang kung umasta na ito ay asawa ng may-ari. Subalit di naman niya makontra dahil ayaw niyang magtalo sila ni Jovic.