Browse stories

Last Night in Boracay

Language: fil

Sayaka thought had it all - nakakapagbiyahe siya kapag gusto niya, may magandang trabaho siya bilang manager ng isang resort sa Boracay and she had admirers and followers as a social media influencer. Malayo ito sa buhay niya sa probinsiya ng Pandan kung saan wala siyang nakikita kundi mga palayan at mga taong masaya na sa buhay sa bukid. But everything crashed on her head and she lost everything when Boracay closed down. Isa lang ang napagbuntunan niya ng sisi - si Riego, ang kababata niyang nabasted niya. Parte kasi ito ng environmental group na nagpasara sa Boracay. Nagwalwal siya sa sa…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

“AKALA ko pagod ka sa hosting kaya di ka nakasama sa celebration party ko. Nakakatampo ka talaga,” bungad ni Kambry kay Sayaka nang makasabay ito papasok sa gate ng Pandan National High School. Nakangiti ito at kumaway sa mga bumabati dito na akala mo ay may korona pang nakapatong sa uo nito. Maaliwalas ang anyo ni nito pero alam niyang masama ang loob nito sa kanya.
Pare-pareho silang nasa huling taon sa Pandan National High School. At nang nakaraang gabi, siya ang host ng pageant at ang kaibigan naman niya ang may hawak ng korona. Suki silang limang magkakaibigan ng extra-curricular activities at excited na silang maka-graduate.
“Pagod naman talaga ako. Di ba nasabi sa iyo ni Ysadora?” tanong niya.
“Oo. Na-bad trip ka daw kay Riego kaya ka umuwi,” tukoy nito sa kaklaseng gustong manligaw sa kanya. “Akala ko pa mandin okay kayo dahil hinilot niya ang pulikat mo at may nakakita na ihinatid ka niya kagabi.”
“Correction. Hindi niya ako ihinatid. Binuntutan niya ako hanggang makauwi. Pero ganoon pa rin, bad trip ako sa kanya.”
“Mabait at matalino naman si Riego. Matulungin pa sa pamilya. Ano bang inaayawan mo sa kanya?” tanong ng kaibigang si Henri na pumitas ng bulaklak ng rosal na nadaanan nila at inipit sa tainga.
Tumirik ang mata niya. “Sabihin ba naman sa akin na huwag na mas maganda na sa Pandan na lang daw ako at huwag umalis dahil delikado daw ang buhay sa labas ng bayang ito at baka magaya pa daw ako sa nanay ko.”
Kinuha ang nanay niya ng tiyahin nito sa Japan para makatulong sa bahay at pinag-aral. Pero na-in love ito sa kaklaseng Hapones pero tinakasan lang ito at iniwang luhaan. Umuwi ang nanay niya sa Pilipinas, di nakatapos ng pag-aaral at namatay nang ipanangak siya.
Buong buhay niya, lagi siyang ikinukumpara sa nanay niya at minamaliit. Sa araw-araw yata na ginawa ng Diyos kailangang ipaalala sa kanya ng lola at mga tiyahin ang kahinaan ng nanay sa lalaki. Kung paano nito sinayang ang magandang pagkakataon para makapag-aral sa ibang bansa at iahon ang pamilya sa hirap. Na isa siyang malaking pagkakamali. Isama pa ang mga tsismosa at parang may sakit kung tratuhin siya dahil wala siyang magulang.
Kaya nga gustong-gusto na niyang makaalis sa bayang iyon. Gusto na niyang magpakalayo-layo at patunayan sa lahat ng tagadoon na magiging matagumpay siya at di magagaya sa nanay niya. Hindi siya mauuto o mapapaikot ng kahit sinong lalaki.
May kanya-kanyang crush at manliligaw ang mga kaibigan niya pero pinangatawanan nila ang pangako sa isa’t isa na di muna magbo-boyfriend hangga’t di natutupad ang pangarap nilang makatapos ng pag-aaral at makapagbiyahe sa iba’t ibang lugar sa mundo. Squad goals nila iyon.
(Please note to editor 2. Ito lang po ‘yung pangarap ng grupo nila. Iba lang siguro ‘yung impression ninyo na feeling ninyo mababa lang ang achievement ni Sayaka kumpara sa pangrap niya. Ito lang naman po talaga iyon. Mataas na ito kumpara sa maburo lang siya sa bayan nila at walang natapos o narating.)
Suportado nilang magkakaibigan ang pangarap ng isa’t isa. Katulad niya, nangangati na rin ang paa ng mga ito na lumabas ng Pandan. Doon na sila ipinanganak at lumaki. Wala silang ibang alam na buhay kundi ang buhay sa bayan na iyon. Ayaw nilang manatiling sa magazine o sa TV lang nakikita ang magagandang lugar. Ilang buwan na lang, makaka-graduate na sila. Makakalaya na rin sila.
Plantsado na halos lahat sa plano nila. May tiyahin si Ysadora na may boarding house sa Maynila. May scholarship din na inaalok ang provincial government nila at may allowance pa. Pinaghahandaan niya ang exam para doon. May ninang din siya na may tour agency na nakabase sa Maynila. Pwede din daw siyang mag-part time job dito. Kulang na lang ay ang approval ng pamilya niya. Pero payagan man siya o hindi, walang makakapigil sa mga pangarap niya.
Pagpasok sa clasroom ay lapitan siya ni Riego. May dala itong pink na teddy bear at inabot sa kanya. “Para sa iyo, Sayaka. Sana magustuhan mo.”
Alanganin siyang ngumiti. “Alam mo, Riego, mas maganda siguro kung ibigay mo na lang ‘yang teddy bear sa kapatid mong bunso. Matutuwa pa iyon.”
“Salamat sa pag-alala sa mga kapatid ko pero pinag-ipunan ko talaga ito para sa iyo. Gusto kasi kita. Gusto kong maging boyfriend mo,” anitong may kalakasan at lumunok. Mukhang di lang pera kundi pati lakas ng loob nito inipon nito para lang sabihin sa kanya ang nararamdaman.
Tiningnan niya ang cute na teddy bear na parang nakangiti sa kanya at nagmamakaawa na kunin na niya ito at yakapin. Hirap sa buhay ang binata. Bantay sa palaisdaan ang ama nito at naglalako ng gulay at isda ang ina. May apat pang mas batang kapatid ang binata. ‘Di madali ang buhay nito.
Huminga siya ng malalim. “Nakakahiya naman sa magulang mo na ako ang pinag-aaksayahan mo ng pera at panahon. Sa ganitong edad natin, dapat naka-focus lang tayo sa pag-aaral.”
“Nagpaalam naman ako kina Nanay at Tatay na liligawan kita. Okay lang daw sa kanila. Kaya sana tanggapin mo na itong regalo ko.”
“Nagpapatawa ka ba? Wala ka ngang makain, gusto mo pa ng girlfriend? Sa palagay mo ba magugustuhan kita? Anong ipapakain mo sa akin?”
Natigagal si Riego. Di marahil nito inaasahan na iyon ang isasagot niya. Umaasa ba ito na sa taas ng pangarap niya, ito ang pipiliin niyang makasama? “Grabe ka namang magsalita. Wala namang masama kung gusto ko lang dito sa Pandan.”
“Kaya nga di tayo bagay at wala kang aasahan sa akin. Wala dito sa Pandan ang buhay na pangarap ko. At lalong hindi ikaw ang gugustuhin kong makasama. Maliwanag ba?”
“Tama na iyan,” saway ng kaklase nilang si Albert sa kanila. “Hayaan mo na iyang si Sayaka. Marami namang babae diyan na di ka mamaliitin at ang pagmamahal mo.” Sinibat siya ng matalim na tingin ng lalaki bago inakay palayo si Riego.
Nagtitinginan din ang ibang kaklase niya at pinagtsitsismisan sila ng iba. Nakadama siya ng hiya sa sarili. Di naman masama ang ugali niya. Di rin siya kilalang matapobre o mapang-api ng kapwa. Alam niya kung ano ang pakiramdam ng maliitin at apihin. Gusto sana niyang magpaliwanag sa mga ito pero mawawalan din ng saysay ang pagtataboy niya kay Riego kung gagawin niya iyon.
Itinaas niya ang baba at nagmartsa papunta sa upuan sa likuran. Sinundan siya ng mga kaibigan at pinaligiran siya. “Sayaka, grabe ka naman doon sa tao. Ang aga-aga may eksena agad?” usisa agad ni Henri at tinabihan siya.
“Pinag-uusapan ka tuloy ng mga kaklase natin. Pati si Albert iniwanan ako at galit pa yata sa akin. Iko-congratulate na sana ako nung tao,” nanghihinayang na usal ni Kambry. Alam naman niya na isa sa rason kaya gusto nitong manalo sa pageant para may rason ang class president nilang si Albert na kausapin ito at suportahan. Mas madalas kasi ay di ito pinapansin ng binata.
“Ang bait-bait no’n. Bakit ipinahiya mo?” sumbat ni Rosvalia.
“Di ko kailangan ng mabait. Kailangan ko ‘yung may pangarap tulad ko.” Kahit siya nga lang sapat na sa sarili niyang pangarap. HIndi niya kailangan ng lalaking tutulong sa kanya.
“Sino ba naman ang taong walang pangarap?” tanong ni Ysadora.
“Dito lang niya gusto - ang maging magbubukid o bantay sa palaisdaan o tindero. Naman! I want to travel the world. Pangarap natin iyon, ‘di ba?”
“Pero kailangan mo bang maging masungit sa kanya?” tanong ni Rosvalia at namaywang. “Pwede mo namang sabihin nang di ka nakakasakit ng damdamin ng iba.”
“Umiiyak pa ata,” ani Kambry at lumingon sa kabilang row.
Pinigil niya ang sarili na sulyapan man lang si Riego. Nakakakonsensiya na man talaga na saktan ang tao na walang ipinakita kundi kabutihan sa kanya. Tinampal niya ang sulatan ng armchair. “Ang kulit kasi niya. Sinabi ko na ngang wala siyang aasahan sa akin. Saka mabuti iyan para matauhan siya. Sayang lang ang oras, pera at panahon niya. Mas mabuti nang maging totoo ako kaysa maging paasa. Magpapasalamat pa siya sa akin balang-araw.”
Nagsisimula pa lang siya sa mga pangarap niya at walang makakapigil sa kanya na abutin iyon. Hindi ang kahit sinong lalaki o ang pag-ibig. Hindi si Riego Salvacion.

Chapter 2

Hindi maalis ang ngiti ni Sayaka habang di maubos ang dating schoolmates niya na nagpapa-picture sa kanilang magkakaibigan. Alumni homecoming nila sa Pandan National High Schools. Punong-puno ang malawak na school ground ng paaralan na ngayon ay coveredb gymnasium na at excited na magkita-kita ang lahat. Di magkamayaw sa balitaan ang lahat -mula sa tsismis kung sino ang naghiwalay, nagkatuluyan, nagkaanak nang walang asawa, at naging kabit. Samu’t sari na at halu-halo na ang kwento ng mga ito pero di nawawala ang pag-uusisa sa buhay nilang magkakaibigan mula nang mawala sila sa Pandan.
Nakaladlad sa blog at social media accounts ang nangyayari sa kanilang magkakaibigan. They were professional bloggers now. Kanya-kanya silang topic tungkol sa pagkain, events, fashion at leisure. Pare-pareho silang nagbibiyahe sa iba’t ibang lugar at naiimbitahan ng iba’t ibang establishments at negosyo para I-review sa blog nila. Mistulang celebrity sila dahil may libo-libo silang followers at binabayaran ang mga post nila.
“Wow! Sikat na kayo,” ani Hiyasmin, ang salutatorian ng klase nila at asawa na ngayon ng isang konsehal. Di ito nakapag-college dahil nagpakasal agad. Pero mukhang maayos naman ang buhay nito ngayon bilang asawa ng pultiko at may dalawang anak na. “Kayo yata ang pinakasikat sa batch natin at sa buong Pandan. Aba! Ipinagmamalaki ko kayo sa asawa ng gobernador. Sabi ko kaklase ko kayo. Follower n’yo sila at ang mga amiga niya.”
“Nakakainggit talaga ‘yung trip n’yo sa Maldives,” sabi naman ni Tessa Marie na isa sa muse ng batch nila pero ngayon ay mukhang haggard dahil sa asawa nitong babaero kahit walang matinong trabaho. “Sino ang boyfriend mo? Mayaman ba?”
“Hindi kailangan ng babae ng boyfriend para lang makapag-travel at abutin ang mga pangarap niya. Kaya nga nagtatrabahong mabuti,” paliwanag niya sa mga ito. Di na bago sa kanya ang paniniwala na may mayaman siyang boyfriend na foreigner kaya sila nakakapagbiyahe na magkakaibigan. Di alam ng mga ito na diskarte at sipag lang kaya nakakapagbiyahe sila.
Suki sila ng mga travel at may sponsor ang trip nila. Siyempre, di iyon maiintindihan ng mga kaharap niya. Pakiramdam niya napaka-backward pa rin ng Pandan. Makaluma pa rin kung mag-isip. Marami nang nabago sa mundo, marami na siyang naranasang iba’t ibang kultura at iba’t ibang tao at pananaw pero ganoon pa rin ang Pandayan at ang mga tao doon. Kahit pa sabihing sikat sila sa paningin ng mga ito, mababa pa rin ang tingin sa kanila.
Gusto nilang makilalang magkakaibigan dahil sa sarili nilang pagsisikap. At sa palagay niya, hindi iyon magiging madali sa paningin ng mga tao na nakakulong sa makalumang pag-iisip.
“Saan ang next destination n’yo?” tanong ni Cali na isa nang guro ngayon sa Pandan National High School.
“Social media manager ako ng isang resort sa Boracay,” sagot ni Sayaka.
Hindi madali ang magbiyahe sa iba’t ibang probinsiya at bansa nang kulang ang pera kaya naman pumasok sila sa iba’t ibang klaseng trabaho - host sa cruise, tourist guide, host ng parties, masahista, waitress, yoga at zumba instructor pati English tutor. Di niya ikinahihiya iyon.
Pero sa pagkakataong ito pinili niyang manatili sa isang lugar para magkaroon ng mas stable na trabaho. Di lang basta pangtsismisan ang social media kundi nagagamit na rin iyon sa pagpopromote ng negosyo at produkto.
“Di ba kayo nagkikita ni Riego? Sa Boracay din siya nagtatrabaho,” ani Tessa Marie.
“Really? Si Riego Salvacion?” tanong niya.
“Ayun siya!” sabi ni Tessa Marie at kumaway pa. “Riego! Punta ka naman dito.”
Nilingon ni Sayaka ang direksyon ng kinawayan ni Tessa Marie. Naintriga siya kung ano nang ang itsura ng dating manliligaw na binasted niya. Isang morenong lalaki na naka-man bun at may five o’clock shadow ang naglalakad palapit sa kanila. Habang nagsisikap na maging pormal ang iba, chino polo at pantalong maong lang ang suot nito. Akala mo naglalakad ito sa beach sa gaan ng lakad nito. Parang natuyuan siya ng laway dahil sa suot nitong white polo na nakahakab sa matipunong katawan nito at nagpapakita ng malapad nitong balikat. Nakalimutan niyang huminga nang magtama ang mga mata nila. Parang sinasagaan siya ng rumaragasang tren dahil may hipnotismo ata ito. His eyes were as dark as night. Nakitaan niya ng kislap ng galit doon pero ngumiti din. He had the most beautiful smile.
Di na bago sa kanya ang makakita ng guwapo at lalaking magaganda ang katawan. Nagsawa na nga siya sa dami ng nakabalandrang katawan sa beach na napuntahan niya sa Pilipinas at sa ibang bansa. Kaya di niya maintindihan kung bakit apektado siya ng lalaking ito na ngiti pa lang ulam na.
Itatanong sana niya kung sino ito nang tuluyan itong lumapit kay Tessa Marie at humawak sa baywang ng babae. “Hi! Kumusta na? Sumexy ka lalo ah!”
Humagikgik ang babae at hinampas sa dibdib ang lalaki. “Ano ka ba, Riego? Baka marinig iyan ng asawa ko at magselos.”
“Sayang nahuli na ako. Dapat kasi ikaw ang niligawan ko dati.”
Nakailang kurap pa si Sayaka bago tuluyang naproreso ng utak niya na ang lalaking minsan na niyang binasted ang kaharap niya. Mukhang alagang-alaga ni Riego sa sarili. Wala naman siyang duda sa kaguwapuhan nito. Mga bata pa lang ay guwapo na ito at crush pa ng ibang schoolmates nila. Pero malakas na ang kompiyansa nito sa sarili at di mahiyain. Nagagawa na nga nitong makipag-flirt sa ibang babae kahit na pabiro. Samantalang dati ay halos malusaw ito sa hiya kapag nilalapitan siya.
So ito lang naman ang lalaking sinayang ko.
“Si Sayaka single pa rin. At sa Boracay din siya nagtatrabaho,” kwento ni Hiyasmin.
“Really?” he asked in a lazy drawl then gave her an equally chill smile. “Hello, Sayaka. Small world. Akala ko hindi ka na babalik sa PIlipinas. Sawa ka na ba sa abroad?”
“May magandang job offer lang sa Bora. Mabuti na lang pwede akong magtrabaho at magsulat kahit na saan ko gusto,” puno ng kompiyansa niyang sabi. “How about you?. Akala ko di ka aalis ng Pandan pero kita mo nga naman, sa Boracay ka pa napadpad.”
“Taga-Hambil Island ang lola ko na malapit lang sa Boracay. Doon na kami lumipat pagka-graduate ko dito dahil mahina na ang katawan ni Lola at walang mag-aalaga sa kanya. Sa Boracay na rin ako nagtrabaho”

Chapter 3

“Anong trabaho mo sa Boracay?” tanong niya.
“I am part of a non-government organization and an environmental group - who wants to help in rehabilitating Boracay - Save the Earth.”
“Rehab? Aayusin ninyo ang Boracay? What’s wrong with Boracay?” naguguluhang tanong ni Sayaka.
His face suddenly looked horrified. “Everything. Mula sa mga hotel at lodge na di pasado sa sanitation at idinidirekta ang mga dumi nila sa dagat sa halip na sa sewerage system. Masyado nang maraming establishments at tao kaysa sa kakayanin ng isla. Madumi na ang tubig. The island polluted and abused. Dapat ipasara iyon.”
“The best island in the world, ipapasara ninyo? You must be kidding. Imposible iyon.”
“Posible iyon kung may political will ang namumuno,” matigas na sabi nito at mistulang tigas din ng itim na diamante ang mga mata nitong nang iikot ang mga mata sa mga kasama. “At oras na makita ng pangulo kung gaano kalaki ang problema sa Boracay, maiintindihan niya ang ipinaglalaban namin.”
Napaungol siya dahil nagtriple pa ang kakisigan nito ngayong may ipinaglalaban ito. Wake up, Sayaka. Hindi ito ang oras para pagnasaan mo si Riego. Banta siya sa trabaho mo.
“That is silly. Maraming tao ang kumukuha ng kabuhayan sa Boracay.” Kasama na siya. “At malaki ang kitang mawawala sa turismo kung gagawin iyon. Sa palagay mo ba makatarungan na ipasara iyon at di iisipin kung paano kakain ang mga nawalan ng hanapbuhay sa isla? Paano kung wala silang ipon di gaya ng malalaking business owners? Mamamatay ba sila sa gutom?”
Ipinako siya ng matalim nitong tingin. Parang lalo itong nairita sa kanya. “For fifty years, pinagkakitaan ang isla nang di iniisip kung ano ang epekto nito sa isla mismo. Ngayon pa nga lang madumi na ang tubig. Hihintayin pa ba na mag-alisan ang mga tao at patay na ang isla bago umaksyon? Anong klaseng isla ang ipapamana ko sa magiging anak ko? And what? Ie-encourage mo pa ang mas maraming turista doon at nang lalong maabuso ang isla?”
“E bakit parang kasalanan ko ang nangyari sa Boracay? Di pa nga ako nagsisimula sa trabaho ko, parang ako na sinisisi mo,” defensive niyang sabi.
“You are part of the industry. Do you even think for a second about the impact of the influx of tourists? Di mo ba naisip na baka isa ang resort mo sa nagdudumi sa isla? Puro pera na lang ba ang nasa isip mo at ang ambisyon mo?”
Nahigit niya ang hininga. “Sandali lang ha? Namemersonal ka na yata.”
Humarang na sa kanila si Tessa Marie. “Mga bata, nandito tayo sa reunion para magsaya at magkumustahan. Relax lang tayo. Inom muna.” At sinenyasan nito ang waiter na may dalang cocktail drinks sa tray. “Marami rin pagkain diyan.”
“Oo nga. Dapat masaya lang,” ani Hiyasmin.
“I am sorry. Nadala lang ako ng emosyon ko,” malumanay na sabi ng binata at inikot ang mga mata sa kasama. “Let’s forget about it.”
Sorry? Parang di naman ito mukhang apologetic sa kanya. Sa mga kasama lang nila ito paranng humingi ng tawad samantalang siya ang sinindak at inakusahan nito. At sasabihin nito na kalimutan lang ang lahat?
Kalimutan mo mukha mo. Ganoon-ganoon na lang ba makakalimutan mga sinabi mo? And your half-assed sorry is not good enough.
“Excuse me. Pupunta lang ako sa bar,” sabi niya sa mga kasama at parang hinihilang goma ang mga labi niya nang ngumiti. “Ituloy n’yo lang ang kwentuhan ninyo.”
Tinapik niya ang mobile bar at sinenyasan ang waiter para umorder ng tequila. Wala siyang oras para makipagplastikan. Baka kung ano pa ang magawa niya kay Riego sa inis niya. Porke’t gumuwapo lang ito nang tatlong paligo, may ipinaglalaban sa kalikasan at nagka-muscles, kung mata-matahin siya nito sa harap ng ibang tao akala mo insekto siya sa paningin nito.
Tinungga ang tequila at hinayaang gumuhit sa lalamunan niya ang mainit na alak. Saka niya sinimsim ang hiwa ng lime. Kahit na lumalaban ang alak, mas palaban pa rin ang alingawngaw ng masasakit na salita ni Riego. “Gagong iyon. Mukhang pera daw ako at ambisyosa. E di ako na ang mukhang pera at ambisyosa. Judgmental masyado. Siya na ang bayani. Bayani nga pero kung makahusga ng kapwa akala mo perfect. Buset siya!” usal niya at dinilaan ang asin na nasa labi niya saka umorder ulit ng isa pang shot ng tequila. Nakakasira talaga ng gabi.
“Ang aga namang inom niyan,” ani Cali nang samahan siya ng kaibigan sa bar.
“Mukhang bad trip ka,” puna ni Ysadora na kasunod nito.
Nilingon niya si Riego na kausap ang isa sa konsehal ng bayan na mas mataas ang branch sa kanya. Malamang nagpapaka-Mr. Earth na naman ito. “Pabida kasi ‘yung Riego na iyon. Mukha daw akong pera at ambisyosa. Porke’t environmental activist na siya ngayon o kung anuman ang tawag niya sa sarili niya, siya lang ang kakampi ni Mother Earth at kalaban na ang iba.”
Kumunot ang noo ni Cali. “That is not the Riego that I know. Baka naman na-misinterpret mo lang. Alam mo minsan masyadong passionate ang tao sa nasasabi niya, di niya napapansin na nakakasakit siya ng ibang tao. Pero di naman iyon ang intesyon niya.”
“People change. Oo, di na si Riego ‘yung Riego na mahiyain na nakilala natin. Pero dinig na dinig nang akusahan niya ako na gagawin ko ang lahat pa sa ambisyon at pera.”
Humagikgik si Ysadora. “Baka malamang bitter pa rin siya dahil sa pambabasted mo sa kanya.”
“Grabe! Ang ganda ko tapos di na siya naka-move on.” Sinimsim ulit niya ang lime. “Wag ko lang makita iyan sa Boracay, titisurin ko talaga siya.”
“At least may ipinaglalaban siya ngayon. Sabi mo ayaw mo sa lalaking parang walang pangarap. Ayan! Di lang siya basta may pangarap. Gusto pa niyang sagipin ang mundo.” Sinapo ni Cali ang pisngi at gumapang pababa sa leeg nito. “Oh, boy! His beach body is sexy. Mga ganyan ang type mo, ‘di ba?”
Umirap si Sayaka. “Hadlang siya sa pangarap ko. Ipapasara daw niya ang Boracay. At nang sabihin ko na imposible iyon, parang sa akin niya isinisi ang lahat ng kasalanan ng mga sumalahula sa Boracay. Kulang na lang sa akin niya isisi pati pagkabutas ng ozone layer. Sige nga. Tama ba na sa akin siya manggalaiti samantalang di pa nga ako nagsisimula sa trabaho ko?”
“I got it. Masyado nga siyang nadala sa nararamdaman niya at ipinaglalaban niya. Iwasan mo na lang siguro siya ngayong gabing ito para di kayo mag-clash. Huwag mo siyang titisurin o sasabuyan ng drinks. We are classy women. Nakakahiya sa mga fans,” paalala ni Ysadora.
“Sige. Sa Boracay ko na lang siya titisurin. Basta huwag na lang niya akong kakausapin ulit o ipapahiya sa mga tao. Wala akong pakialam kung cliche o hindi pero bad trip talaga siya. Tch!”
At isang beses pa niyang inirapan si Riego nang makitang nakatingin ito sa kanya. Nang ngumisi ito sa kanya na parang masaya ito dahil alam nitong nasira nito ang gabi niya, muntik na niya itong bigyan ng dirty finger. Asshole. Guwapo nga, asshole naman. Kung kasing bakit lang sana siya ng dati, baka ako pa ang manligaw sa kanya ngayon.
“Don’t let him ruin your night,” untag sa kanya ni Cali na may hawak na margarita sa isang kamay. “Nagsisimula na silang magkagulo sa dance floor. Magpapaiwan ba tayo?”
A confident grin formed on Sayaka’s lips then flipped her hair. “Come on. Let’s show them how we party.”