Browse stories

Right Here Waiting For You

Language: fil

Nagluksa ang puso ni Nailah nang maglaho si Carson nang di man lang nito naibabalik ang pagmamahal sa kanya. But he stayed inside her heart for five years. Hindi madali para sa kanya na kalimutan ito habang ang lahat ay naka-move on na sa pagkawala nito. Ikakasal na ang dati nitong nobya sa kapatid niya. Subalit buhay pala ang binata at para maging madali ang transition ng buhay nito, kailangang magpanggap ang lahat na normal pa ang lahat - na ito pa rin ang mahal ni Andrea at di natuloy ang kasal ng kapatid niya. Di rin masabi ni Nailah dito na mahal niya ito.

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

Carson: Anong kailangan kong gawin para makuha ang Espada ng Kapayapaan?
Haring Sung Won: Kailangan mong gamutin ang mahal na Prinsesa Hanjin.
Isang magandang babae na may tuwid at mahabang buhok ang nasa tabi ng hari. Subalit walang kahit anong ekspresyon sa mukha nito. Nakatitig lang sa kawalan.
Carson: Anong nangyari sa kanya?
Haring Sun Won: Mula nang mamatay ang kanyang ina sa harap niya, nagkaganyan na siya. Ginawa na namin ang lahat pero wala pa rin siyang reaksyon. Di tumatawa, di umiiyak at di rin nasasaktan. Kung makakakuha siya ng reaksyon mula sa iyo sa loob ng dalawampu’t apat na oras, mapapasaiyo ang Espada ng Kapayapaan.
Carson: At kung hindi ko magawa iyon?
Iginuhigit ng mahal na hari ang daliri sa leeg nito. Lumunok si Senyorito Carson. Paano ko matutulungan ang prinsesa? Hindi ako psychologist. Di ako magician. I’m dead.

Humagikgik si Nailah sa sitwasyong kinalalagyan ni Senyorito Carson, ang bida sa comics na iginuguhit niya. Ang pamilya nito ang tagapag-ingat ng mahahalagang historical artifacts sa pamilya. Subalit dahil sa pagtutol nito na bantayan iyon, kusang nawawala ang mga artifacts at kailangan nitong bumalik sa unang panahon para maibalik iyon kasalukuyan. Pero puro kapalpakan naman ang dinaranas nito.
Sinimulan niya iyon tatlong taon na ang nakakaraan mula nang mag-aral ng Anthropology si Carson sa UP Diliman. Na-inspire siya sa masasayang kwento nito kapag nasa site at sa mga natutuklasan nitong mga artifacts. Nag-take up din si Nailah ng AB History dahil na-inspire siya sa mga inaaral nito. She wished she could go in an adventure with him. Kaya kahit na weakness niya ang history at may alok sa kanya na mag-Fine Arts dahil pakiramdam niya ay mas mapapalapit siya kay Carson sa kursong pinili niya.
Siniko siya ng kaibigan at kaklaseng si Mingming. “Nailah, hoy!”
Napapitlag siya at galit itong sinulyapan. “Bakit ba?”
“Tawag ka ni Sir.”
Bigla siyang tumingin sa harap kung saan nakatitig sa kanya ang instructor nila para sa German History. “Miss Valenzuela, kindly read the next paragraph.”
Nakangiti siyang tumayo at bahagyang sinulyapan Mingming. Hindi niya alam kung ano ang susunod na babasahin. Kung ililipat niya ng page ang libro niya ay mahahalata siyang di nakikinig sa idini-discuss nito.
Pasimple nitong itinuro kung saan na ang babasahin niya. Saka niya kinuha ang libro nito. “On September 3, 1833, Benjamin Day launched the New York Sun. It catered to popular mass and captured the interest of readers through sensational topics. That’s when newspaper started to sell like chocolates.”
“Hotcakes, Miss Valenzuela,” pagtatama ng professor niya.
“Ha?” Niyuko niya ang binabasa. Hotcake nga iyon at di chocolate. “Hotcakes,” nakangiti niyang pagtatama. Nasundan iyon ng tawanan ng mga kaklase niya. Saan ba naman niya chocolate na iyon?
“Are you daydreaming, Miss Valenzuela?”
“Errr.. No, Sir!” tanggi niya.
“Hans, mukhang ikaw ang pinangarap ni Nailah! Bigyan mo nga ng chocolate mamaya,” wika ni Steve, isa sa kaklase niya.
“Bibigyan ko talaga siya ng chocolate kahit di mo pa sabihin. Para naman sagutin na niya ako,” mayabang na sabi ni Hans. “Matatapos na tiyak ang pagpapakipot niya kapag binigyan ko siya ng chocolate.” Umugong ulit ang kantiyawan.
Matalim niyang tiningnan si Hans. Akala nito ay makukuha siya sa chocolate. Ilang beses na siya nitong niyayang mag-date pero lagi niyang tinatanggihan. Pag-aaral lang ang focus niya at di rin siya interesado sa ibang lalaki. Wala pa ngang sariling trabaho at paaral pa ng magulang pero love life na ang iniisip.
“Silence, class!” saway ni Dr. Soriano. “You may take a seat now, Miss Valenzuela. Mr. Nicholas, read the next one.”
“Magpasalamat ka dahil nakalusot ka kay Sir,” bulong ni Mingming sa kanya nang umupo siya. “Pero mukhang di ka nakalusot kay Kumander Yabang.”
“Hayaan mo siya. Hanggang hangin lang naman ang ipagmamalaki niyan,” sabi niya at nag-concentrate na sa lesson.
Hindi agad umuwi si Nailah matapos ang klase niya. May practice pa si Mingming at gusto nito na sabay silang umuwi. Nagmiryenda siya sa isa sa mga mesa sa paligid ng school ground kaysa sa university canteen. Mas tahimik kasi doon at mas makakapag-isip siya para sa susunod na eksena sa kwento ni Senyorito Carson. Kailangan na lang niyang pag-isipan kung ano ang solusyon ng bida niya sa panibagong problema na kinakaharap nito. Kapag ganitong pagkakataon at di kinakaya ng research, kay Carson siya nagtatanong.
Magugulat na lang ito kapag ipinakita niya dito ang mga nagawa na niyang graphic novels. Sa coupon bond lang niya iginuhit iyon at for personal use lang. Ireregalo lang niya kay Carson sa birthday nito at sa nalalapit nitong graduation.
“Nailah babe, mukhang mag-isa ka lang diyan. Sasamahan na kitang mag-lunch,” sabi ni Hans at umupo sa tapat niya. Kasunod nito ang mga kabarkada sa likuran. May itsura naman si Hans at malakas ang dating. Nanalo pa nga ito ng Mister San Fabian at maraming kaklase niya ang may crush dito. Hindi lang talaga niya ito feel. Babaero pa ito kaya ekis agad ito sa kanya matapos siyang mauto, tiyak na ibang babae naman ang puntirya nito. Hindi siya uto-uto.
“Mas gusto ko na mapag-isa,” mariin niyang sabi at kumagat ng banana cue. Sinadya niyang lakihan ang subo para madismaya ito sa katakawan niya at kawalan ng poise. “Mas okay na ako dito na mag-isa. Ayoko talaga na naaabala.”
“May bagong bukas na restaurant ang tita ko. Masarap ang cake nila doon,” sabi ng lalaki na parang nang-aakit.
“Salamat pero ibang babae na lang siguro ang yayain mo. May boyfriend na kasi ako,” aniya at pilit na ngumiti.
“Sino? Bakit wala ka namang ipino-post sa Facebook mo?”
Itinaas niya ang noo. “Boyfriend ko si Carson Arellano.”
Napanganga si Hans. “May boyfriend ka? Seryoso?”
“May magkakagusto pa pala sa kanya bukod sa iyo, Hans?” kantiyaw ng kaibigan ni Hans at si Gilbert. Kung makapuna akala naman ay kaguwapuhan.
Tumaas ang kilay niya. “Excuse me. Ano ako, charity case ng kaibigan mo?” Simple lang siyang mag-ayos pero di naman siya ganoon kapangit.

Chapter 2

“Oo. Lalo na kung sa comics lang makikita ang boyfriend mo,” pang-aasar ni Boris at nahigit ni Nailah ang hininga nang makitang hawak nito ang folder niya na may naka-lettering iyon na Senyorito Carson. Naglalaman iyon ng mga drawing niya.
“Ibalik mo sa akin iyan,” utos niya at tinangkang bawiin iyon.
Subalit mabilis na ipinasa ni Boris kay Hans ang folder at binuklat-buklat ng lalaki. “Hans. Isang batang archaeologist. At bumabalik siya sa nakaraan ng Korea para makuha ang Espada ng Kapayapaan? Ang galing naman ng boyfriend mo.”
“Ilusyon lang pala,” anang si Gilbert at nakakainsultong nagtawanan ang mga ito. Iniisip siguro na nababaliw na siya. O hindi siya magkaka-boyfriend kung hindi lang dahil sa isang ilusyon.
“Pwede mo namang totohanin na magka-boyfriend. Ako na lang,” nakangising alok ni Hans. “Date na tayo?”
“Ayoko talaga sa iyo,” tanggi niya at pilit na inagaw dito ang folder.
Sinambilat nito ang braso niya. Bakas ang pagka-insulto sa anyo nito. “Bakit ba masyado kang maarte? Ano ba ang ipinagmamalaki mo, ha?”
Pumiglas siya. “Bitiwan mo ako!”
“Kung hahalikan mo ako, ibabalik ko sa iyo ang drawing mo.” Sinubukan nitong ilapit ang mukha sa kanya.
Nahindik siya. “Ayoko sa iyo!” At tinapakan ang paa nito.
Nabitiwan siya nit. “Fuck!” Natulala siya nang itaas nito ang kamay upang sampalin siya.
Gusto niyang sumigaw o kaya ay umiwas pero nanigas ang buong katawan niya. Bumalik siya sa panahon nang nanghihingi ang tatay niya ng pera sa nanay niya at siya ang binalingan nitong saktan.
“Oras na dumapo ang palad mo sa kay Nailah, babaliin ko ang kamay mo.”

SAKA lang nakagalaw si Nailah nang marinig ang tinig ng tagapagligtas niya. Nilingon niya ito. Matangkad ang lalaki, di bababa sa anim na talampakan. Nakasuot lang ito ng plain white T-shirt, pantalong butas pa sa bandang tuhod, Converse na sneakers at cap na tumatabing sa mukha nito. Nakasukbit ang backpack sa balikat nito. Mukhang naligaw lang ito doon para mamasyal dahil naka-uniform silang lahat.
“Huwag ka ngang makialam dito. Sino ka ba?” angil ni Hans.
Inangat nito ang cap. “Carson Arellano. At girlfriend ko lang naman ang gusto mong saktan.”
“Carson?” mahinang usal ng dalaga habang nakatitig sa moreno nitong mukha. Hindi agad niya ito nakilala dahil mas mahaba na ang buhok nito na nakaikom sa baba nito. Laging naka-brush up ang buhok nito sa mga post sa internet kaya nakakapanibago.
Anong ginagawa nito doon? Ang akala niya ay sa isang linggo pa ito dadating mula sa Maynila.
“Ilan kayong lalaki pero pinagtutulungan ninyo ang nag-iisang babae. Hindi ba kayo nahihiya sa mga sarili ninyo?” sermon ni Carson sa mga ito. Parang di ito nasisindak samantalang tatlo ang kaharap nito. At wala itong ideya kung ano ang dahilan kaya naghahari-harian si Hans sa eskwelahan nila.
“Bro, pamangkin si Hans ng mayor dito. Kaya kung ako sa iyo, huwag kang makialam. Baka mapasama ka,” sabi ni Gilbert at isinuntok pa ang nakakuyom na kamao sa palad.
Lumapit ang lalaki at tumayo sa mismong harap ni Hans nang walang takot. That was really Carson. Wala itong kinatatakutan. Gumuhit ang ngiti sa labi niya nang bahagyang umurong si Hans. Mas matangkad kasi si Carson dito.
“Kung gusto mo magharap kami ng tito mong mayor. Siya ang mapapasama kapag nakulong ka dahil sa harassment. Ano sa palagay mo?” nakangising tanong ni Carson at saka luminga sa paligid. Nagtitinginan na ang ibang tao sa kanila. Kumaway si Carson sa mga ito. “Hoy! ‘Yung pamangkin ni Mayor nangha-harass ng babae. Kuhanan daw ninyo siya ng video at gawing viral. Di daw siya natatakot ipakita sa mundo kung gaano siya kabastos sa babae.”
Kanya-kanya namang labas ng cellphone ang mga estudyante. Kahit anong klaseng tsismis ay di palalampasin ng mga ito.
Biglang binitawan ni Hans ang kamay ni Nailah at nakangising humarap sa mga tao. “W-Wala ito. N-Nagpa-practice lang kami sa play namin.” Kumaway pa ito sa mga tao. “Manood kayo ha?”
“Booo!” sigawan ng mga tao.
“B-Bro, uuwi muna ko sa amin. May family emergency lang,” anang si Boris at nagtatakbo palayo.
Maingat na inilapag ni Gilbert ang folder ng drawing niya sa mesa. “S-Sige, Hans. Mag-CR muna ako ha? Kita na lang tayo mamaya sa klase.” At tumalilis agad at nagtungo sa ibang direksyon.
Napalunok si Hans nang makitang mag-isa na lang ito. Iniwan na ito ng mga kaibigan nitong animo’y lintang nakadikit dito kapag may mapapakinabangan. Pero tatakasan naman ito sa oras ng problema.
Alanganin ang ngiti ni Hans nang harapin sila. “Pasensiya na, boss. Nadala lang ako ng eksena.”
Humalukipkip si Carson. “Sa akin ka lang hihingi ng pasensiya? Hindi naman ako ang sinaktan ang hinarass mo.”
“Nailah, pasensiya na,” yukong-yuko na sabi ni Hans. “B-Biro lang naman t-talaga iyon. Di ka na mabiro. S-Sorry na. Basta huwag lang kayong magsumbong sa uncle ko. B-Baka putulin niya ang allowance ko. Anong gusto mong gawin?”
Nabaligtad ang sitwasyon. Kulang na lang kasi ay lumuhod ito sa harap niya at sambahin siya. She suddenly felt powerful. Ano kaya ang pwede niyang iutos sa pinakahambog niyang kaklase?
“Mag-sorry ka sa Facebook account mo. Mag-sorry ka sa lahat ng kasalanan mo di lang sa akin kundi pati sa ibang babae,” anang si Nailah habang itinatapik ang daliri sa baba. “Madali lang iyon ‘di ba?”
“Baka pwedeng iba na lang…” apela pa nito.
Inilabas ni Carson ang cellphone. “Kung I-post ko na lang kaya ang ginawa mo sa Facebook account ko? Tapos magbibigay ako ng reward sa mga magbibigay sa akin ng video sa ginawa mo kay Nailha. Ano sa palagay mo?”
Nanginginig din na inilabas ni Hans ang cellphone. “G-Gagawin ko na. M-Magpo-post na ako. M-Magso-sorry na ako.”
Ngumiti si Nailah kay Carson. Nagawa nitong ayusin ang problema nang hindi ginagamit ang impluwensiya ng pamilya nito. Higit sa lahat ay pinrotektahan siya nito. He was her hero.
“Fool! Mga wala naman palang ipagmamalaki, akala mo kung sino nang maghari-harian! Tssss!” usal ni Carson matapos paalisin si Hans na mangiyak-ngiyak sa kahihiyan. “Di na uso mga sira ulo ngayon.”
“Carson?” Nakatitig siya dito. Ni ayaw niyang kumurap. Baka kasi mamaya ay epekto lang ito ng imahinasyon niya. Gusto niyang haplusin ang guwapo nitong mukha para patunayang di ito ilusyon pero baka maglaho lang ito. At sa huli ay mapapalitan ng karima-rimarim na anyo ni Hans.
Hinawakan nito ang balikat niya at biglang sumilay ang pag-aalala sa anyo. “Are you okay?” Napailing ito. “What a silly question. Paano ka magiging okay matapos ang pananakot ng mga bugoy na iyon sa iyo?” Hinawakan nito ang nanlalamig niyang kamay. “Gusto mo ba ng coffee? Saan ba may cafe dito?”
“Carson!” sigaw niya sa pangalan nito at mahigpit itong niyakap. Bigla siyang bumulalas ng iyak. “Carson!”

Chapter 3

“O! Bakit ka umiiyak?” tanong nito. “May iba pa bang ginawa ang mga gago na iyon na hindi ko alam?” At kinuyom nito ang palad.
“Hindi. Di naman sila ang dahilan kung bakit ako umiyak. Na-miss lang kita. Two years ka kasing di nagpakita sa akin.”
Sa halip na magbakasyon sa hacienda, pinili nito na mag-volunteer sa archaeological sites sa South America. Si Senyora Gemalyn na lang ang dumadalaw dito sa Maynila. Pero di pumayag ang babae na di umuwi si Carson para sa kaarawan nito sa isang linggo.
Dalawang taon na nagkakasya na lang na mag-message dito sa Facebook o kaya ay mag-text dito na madalas ay di naman nito nasasagot dahil busy ito sa pag-aaral. Nami-miss niya ang kakulitan nito. Higit sa lahat ay ang pag-alalay nito sa kanya. Mula nang sagipin ng mga Arellano ang pamilya niya mula sa ama niya, lalong naging malapit sa kanya si Carson. Hanggang nang maging dalaga siya, alam niyang hindi kapatid ang turing niya sa binata. He was special. Itinangi niya ito sa puso niya at umaasa na sa muli nilang pagkikita, makita nito na hindi siya ang nene na kinukulit nito dati.
Tinapik nito ang ibabaw ng ulo niya. “Huwag ka nang umiyak, musang. Nandito na nga ako.”
Musang. His little muse. Or a pesky wild cat. Iyon ang term of endearment ni Carson para sa kanya.
“At nanggugulat ka pa rin hanggang ngayon. Napaaga yata ang dating mo,” komento na lang niya at kumalas sa pagkakayakap nito. “Akala ko sa isang linggo ka pa dadating.”
“Isasabay ko na kayo ng kuya mo pabalik ng hacienda. Susunduin natin siya sa review school.” Nagre-review para sa board exam ng Accountancy ang kapatid niya. “Isa pa, gusto ko munang mamasyal. Kapag bumalik agad ako sa hacienda, baka di na ako palabasin pa ni Mama.”
Hindi na nga ito bata. He was a grown man. He was already twenty-three. Noong una ay ayaw pa itong payagan ng ina na mag-aral sa Maynila. He spent a year at San Fabian University. Pinakuha ito ng Business Management ni Donya Gemalyn. Ayaw kasi na malayo ang binata sa hacienda. Kapag daw sa Maynila o kaya ay naging archaeologist ito balang-araw, baka iwan nito ang ina. Pero ipinaliwanag ni Carson na gusto nitong maging archaeologist gaya ng namayapang. He was thirsty for adventure. Walang nagawa si Donya Gemalyn kundi pagbigyan ang binata.
Hindi ito nagsama ng maid o katuwang sa bahay. Sa halip na sa isang apartment o condo, pinili ng binata na tumira sa isang dormitoryo. Tutol man, walang nagawa si Donya Gemalyn. Katwiran din ng nanay niya, mabuti nang maturuan si Carson na tumayo sa sarili nitong mga paa. Kaya naman kahit kaninang nakipag-laban ito sa grupo ni Hans di nito binanggit ang impluwensiya ng inang si Donya Gemalyn o ang kapangyarihan ng isang Arellano. He was just him. Ginamit lang nito ang utak nito para maisahan ang mga gustong manakit sa kanya. Hindi ito senyorito. Lalo lang niya itong nagustuhan.
“Hindi ko naman alam kung saan mo gustong mamasyal. Wala namang mall dito,” sabi niya sa lalaki. Malamang ay hinahanap nito ang malalaking mall at nagtataasang gusali sa Maynila. Wala silang ganoong pasyalan.
“Basta doon sa maraming magagandang babae mo ako dalhin.” Binigyan niya ito ng matalim na tingin. Talaga lang ha? Dalawang taon na niya itong na-miss at gusto pa nito na humanap ng ibang babae? Parang gusto niya itong hampasin ng folder ng drawing niya sa mukha. “O, huwag kang sumimangot. Alam ko na favorite mo ang chocolate. Ibinili kita ng favorite mo na Cadbury. Hindi ko nakakalimutan.” At inilabas ang malaking bara ng tsokolate na parang di niya mauubos kahit na isang buwan niyang papakin.
“Thank you, ha?” padarag niyang sabi at kinuha ang tsokolate mula dito.
“O, bakit parang di ka masaya sa chocolates? I thought you like it.” Nagsalubong ang kilay nito. “Huwag mong sabihin na ginagaya mo pa ‘yung mga babae na mahilig pa sa diet.”
“Kunyari ka pa na ayaw sa mga babaeng nagda-diet. Ikaw nga itong nagpapahanap ng maganda at sexy.”
“Selos ka naman,” anito at magaang pinisil ang pisngi niya.
“Hindi ako nagseselos,” tanggi niya at iniwas ang tingin dito. “Sigurado ako na magpapa-cute ka lang sa mga babae na iyon. Ide-date mo, paaasahin tapos ibe-break. Alam ko na mga style mo.”
Napamaang ito. “Ako? Sa palagay mo ganoon ako sa mga babae. Paninirang-puri iyan. Paano mo naman nasabi iyan?”
Itinuloy niya ang pagkain ng banana cue. “Sa kay Kuya Lance. Sinabi na niya sa akin ang modus operandi mo sa Maynila.. Ikinukwento mo raw sa kanya. Kaya maganda daw na mamulat ako sa gawain ng mga katulad mo para daw hindi ako mauto ng iba. Kaya nga hidni ko pinatulan si Hans dahil alam ko pareho lang naman ang karakas ninyo.”
Kinuha nito ang banana cue niya at kumagat. “Huwag mong sabihin na kapareho ko ang Hans na iyon. Oo, marami na akong naka-date. Pero di ko sila pinilit kahit kailan. Di ko pa naman naranasan na tanggihan pero kung sakaling may umayaw sa akin, di ko ipipilit ang sarili ko. Naiintindihan mo?”