Browse stories

Finding Carrot Man 2: He's the One

Language: fil

Isang astiging reporter na mataas ang pangarap ni Madison. Nang lumabas ang balita tungkol sa viral na si Carrot Man, nag-unahan ang iba’t ibang media outlet na mahanap ito at makakuha ng exclusive interview. Kung makukuha niya iyon, tiyak na ikasisikat niya. Higit pa doon, may lihim siyang pagsinta sa lalaki nang minsan siya nitong iligtas sa gusot na kinasangkutan niya. He was her hero. Isa lang ang makakatulong sa kanya na mahanap ito - si Lerome, ang tourism head at matalik na kaibigan ni Carrot Man. Ito lang ang nakakaalam ng pasikot-sikot sa Barlig at makapagtuturo sa kanya kung…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

“Barlig is the Shangri La on the Edge. It is the only town in Mountain Province with intact virgin forest. Its lush vegetation, rice terraces, clean and unspoiled lakes and majestic waterfalls and Mt. Amuyao as the ninth highest peak in the country, the town of Barlig is indeed worth the visit.”
Magkasalubong ang kilay ng reporter na si Madison Jane Urbano habang iniisa-isa ng tourism head ng Barlig, isang munisipyo sa Mountain Province angi ba’t ibang likas na yaman ng lugar. Kasama ang ibang mga reporter ay umakyat sila ng Barlig para i-cover ang press tour na ihinanda ng munisipyo para i-promote ang turismo ng naturang bayan.
Walong oras ang biyahe niya mula Baguio kung saan nakabase ang regional office ng Star Network. Walong oras na puro bangin at fog. Hindi naman siya nagrereklamo kung malayo ang biyahe pero para mag-cover ng isang tourism feature na wala pang limang minuto na tatagal sa ere, she didn’t know it if was worth it. She wanted something big. Isang balita na pag-uusapan ng mahabang panahon di lang sa Cordillera Region kundi sa ibang panig ng bansa. At di siya papayag na umalis ng Barlig hangga’t di niya dala ang magandang balita na hinahanap niya.
“Hayyy! Paradise naman talaga kung ganyan kaguwapo ang tourism head, isama mo pa ang mga guwapong tour guide. Sino ang mag-aakala na punung-puno pala ng guwapong Igorot ang town na ito? Dito lang pala sila nagtatago,” kinikilig na sabi ng kaibigan niyang si Arbie na writer naman para sa isang travel adventure magazine. “Kung alam ko lang, sana noon pa ako nag-cover dito.”
Halos lumuwa ang mga mata nito sa mga guide na nasa gilid ng stage. Umaakyat ang mga ito at isa-isang idini-discuss ang magagandang tourist spot ng bawat baranggay. Pati na rin ang produktong maipagmamalaki ng mga ito.
“Pwede silang isama sa tourist spots na babalik-balikan mo. Ngayon pa lang ayoko nang umalis,” kinikilig na pagpapatuloy ng kaibigan niya.
“Pwede ba mag-focus na lang tayo sa trabaho?” pabulong niyang angil dito at nagte-take down ng notes sa steno pad niya kung saan siya mas sanay. Kailangan pa rin niyang gawin ang trabahong ibinigay sa kanya.
“Uy! Grabe siya o! Para namang presidential debate o isang serious investigative news ang ikino-cover natin. We are here to explore this paradise. Wala namang masama kung mag-relax tayo, appreciate the beauty of nature,” sabi nito at inilahad ang kamay sa mga tourist guide. “Maghanap ng boyfriend. Tutal kabe-break lang namin ng kumag kong ex at ikaw NBSB pa rin hanggang ngayon.”
“Not interested,” aniya sa malamig na boses. Kailangan ba talagang ipagdiinan na NBSB siya? Di naman siya naghahanap ng boyfriend. Wala iyon sa plano niya hangga’t hindi pa niya naaabot ang mga pangarap niya, hangga’t di pa natutupad ang mga plano niya.
Tinalikuran muna niya ang pagkakaroon ng crush o pakikipag-date nang mag-nineteen siya at mapatay ang ama niya ng isang drug addict na gusto itong nakawan. Ulila na siya sa ina na namatay noong ipanganak siya. Wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili niya. At kailangan niyang tuparin ang mga pangarap nila ng ama. Gusto niyang sundan ang yapak nito bilang isang batikang journalist.
“Come on. I-explore natin ang lugar na ito. We are here to chill and relax. Nandito tayo para engganyuhin ang mga tao na tangkilikin ang turismo ng Barlig. At kailangan ma-feel din ng mga audience mo kung gaano ka ganda ang lugar na ito kasama na ang mga guwapong boys. Benta tiyak iyan.”
Umikot ang mga mata niya. “Pass.”
Siniko siya nito. “Tingnan mo ang speaker nila ngayon. Di ba crush mo si Vic Zhou ng F4? Ayan na siya. Baka siya na ang destiny mo.”
Ibinalik niya ang tingin sa speaker na nagpapaliwanag sa magagandang tanawin na makikita nila sa community cluster ng Kadaclan. Parang bumalik siya sa pagiging bata at gustong magtitili nang mapagmasdan ang lalaking animo ay miyembro ng F4 na si Vic Zhou. Una niyang napansin ang may kahabaang buhok ng lalaki na naka-curl ang dulo paikot sa maliit nitong mukha. He had expressive and kind eyes. Maganda ang ilong nito na bumagay sa maliit nitong mukha. At nang ngumiti at lalaki ay may dimples pa ito. Nakasuot ito ng black T-shirt na may tatak ng logo ng Barlig Tourism.
Napangalumbaba si Madison. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa pagiging teenager kung saan kahit nagkaklase sila ay nai-imagine pa rin niya ang nakaraang episode ng Meteor Garden kung saan hinalikan ni Hua Zhe Lei si San Chai sa pisngi.
“Bet ko rin ang mga Kpop at mas masaya kung di na ako gagastos sa mahal nilang ticket pag may concert dito. Pak na pak na si Igorot F4. Siya na lang ang mamahalin ko sana. Pero dahil friend kita, sa iyo na. Gusto mo kunin natin ang number niya?” pilyang alok ng kaibigan.
“Ayoko nga. Baka isipin paniya babae pa ang unang gumagawa ng moves,” tanggi naman niya.
“Hindi iyan. Sabihin mo nabitin ka sa tour at gusto mo siyang makilalang mabuti.”
“Sira. E di parang ako pa naghahabol no’n.” Mataas naman ang pride niya bilang babae.
“Hay naku! Barlig ka ba?” tanong nito.
“Bakit?” nakakunot ang noo niyang tanong.
“Kasi ikaw na lang ang last virgin forest.” Saka ito humalakhak dahilan para mainsulto siya. Ano ba ang problema sa pagiging virgin at kung di umiikot ang buhay niya sa paghahabol sa lalaki o pagkakaroon ng boyfriend?
“Tumigil ka na nga diyan!” angil niya dito.
“Yes, Miss Urbano from Star Network?” anang head ng tourism na si Lerome Marquez. “Is there any problem with my statement?”
“Nothing, Mr. Marquez,” aniya at bahagyang napayuko.
“Are you sure? Maybe there is anything I can help you with.” Nahimigan niya ang bahagyang panginginig ng boses ng lalaki. Kahit naman sinong speaker ay maiinsulto kung may basta na lang sumingit sa pagsasalita nito. Now she looked unprofessional. Di niya alam kung bakit wala siyang maisagot na palusot sa lalaking ito.
“Actually, may gustong malaman si Madison,” sabi ni Arbie. “Nahihiya lang siya.”
Nagtataka niyang nilingon ang kaibigan. “Anong tanong? Wala naman akong itatanong.”
“Gusto daw niyang malaman kung single at available ka pa,” anang kaibigan niya sa malambing na boses.
“What?” bulalas niya at pinukol ng matalim na tingin ang kaibigan. “Wala naman akong sinasabi...”
Nanatiling naka-focus ang tingin nito kay Lerome at di pinansin ang protesta niya. “Gusto daw niyang malaman kung single ka pa.”
Nagtawanan ang mga nasa paligid at iniisip marahil na mas inuuna pa sniya ang lalaki kaysa sa trabaho. Di siya inimbitahan doon para manlalaki. Di alam ni Madison kung paanong magtatago sa nanunuyang tingin ng mga kasamahan. She had always prided herself as a professional.Tapos ay pinagmumukha siya ng kaibigan ngayon na starry-eyed teenager. Nasapo na lang niya ang noo. Nakakahiya talaga!
Tumikhim si Lerome. He looked a bit uncomfortable and annoyed. “I think there is a right venue for this...”
“He is single,” sagot ni Mr. Dimples sa bahagyang pormal na boses. Akala mo ay bahagi talaga ng talk ang sinagot nitong tanong. “Inuuna niya ang kapakanan nitong town kaysa magka-girlfriend.”
“Ikaw na lang. Single ka pa?” tanong ni Arbie.
“Yes, I am,” kampanteng sagot nito at ngumiti kaya lumabas ang dimple nito.
Tumikhim si Lerome. “As I was saying...”
Sa pagkakataong ito ay may ngiti sa labi ni Madison nang bumalik sa pakikinig sa speaker. Di nawala sa isip niya ang sagot ni Mr. Dimples Hua Zhe Lei - single pa ito.
At sa unang pagkakataon ay na-excite siya di dahil sa secret mission niya sa Barlig kundi dahil sa marami pang ngiti mula kay Mr. Dimples na makikita niya sa tatlong araw na pananatili niya doon.

Chapter 2

NANGINGINIG na ang tuhod ni Madison sa pagod. Matapos ang maigsing opening program nila ay napasabak agad sila sa paglakad. Noong una ay chill lang siya. Sabi sa kanya ay malapit lang naman ang pupuntahan nila sa mismong town - ang Barlig Rice Terraces lang, ang hot spring sa ibaba at ang waterfalls.
“Magpapahinga lang ako,” sabi ng dalaga at sumalampak sa damuhan sa gilid ng trail. Pawis na pawis na siya sa kabila ng malamig na panahon.
“Nakakainis ka naman! Maiiwan na tayo ni Lerome,” angal ni Arbie at pumadyak. “Tingnan mo nga. Tayo na ang nasa hulihan ng pila.” At saka tinanaw ang isahang pila ng mga gustong reporters at local officials na patungo sa falls.
Maang niyang tiningnan ang kaibigan. “Mas inaalal mo pa talaga siya kaysa sa kalagayan ko. Kapag pinilit ko pang maglakad, bubuhatin na ninyo ako sa stretcher.”
Hindi naman kasi biro ang nilalakad nila para sa tour nila. Tumawid sila sa pilapil ng rice terraces at ngayon ay nasa gitna na ng kagubatan. Nakakapaglakad naman siya kapag nasa Baguio pero hindi ganito katinding alay lakad. Magandang pagmasdan ang kapaligiran pero di biro ang kailangang pagdaanan para marating. Nakapag-cover naman siya ng malalayong lugar pero di ganito kalayo. Napasubo siya sa assignment na ito.
“Baka kasi gabihin na tayo, Madison,” sabi ni Janz. “Anong oras na? Lahat sila madami nang shots pagdating natin. Hahanap pa ako ng magandang anggulo at baka konti lang ang oras natin don. Maglalakad pa tayo pabalik sa bayan. Dapat kasi si Reda Belle na lang ang isinama dito. Hindi pa masungit iyon.”
Ibig-ibig nang hambalusin ng backpack niya ang mukha ng kasamahan. Kailangan talagang i-bring up pa ang reporter na gusto nito? Parang nananadya.
Pero naunawaan din niya kung saan nanggagaling ang mga ito lalo na si Janz. Mabigat ang equipment na dala nito. Pare-pareho na silang pagod at lahat ay gusto na lang gawin ang trabaho at magpahinga.
“Sige na. Ako na ang bahala kay Ma’am Madison. Susunod na lang kami.”
Pumitlag siya nang makita na nakatayo si Mr. Dimples sa harap niya. Habang halos panawan na siya ng ulirat dahil sa pagod, isang anghel ang tingin niya dito nang mga oras na iyon. Habang gusto na siyang iwan ng iba, ito naman ang maiiwan sa tabi niya.
Nakarinig siya ng kaluskos at ang pagpapaalam ni Janz at Arbie. Pero wala na siyang pakialam dahil nakatunghay lang siya sa guwapong mukha ni Mr. Dimples. Kung alam lang niya na ito ang makakasama niya, kanina pa sana siya nagpagud-paguran. She felt like a giddy teenager. Sabay na-consciou siya sa itsura niya. She could imagine herself right now - magulo ang buhok, pawisan, hulas ang ganda at lupaypay sa damuhan. Hindi ito ang gusto niyang itsura kapag kasama niya ang lalaking gusto niya. Ito nga ang unang pagkakataon na nagsolo sila at pwedeng magkausap tapos ay below sea level ang ganda niya.
Hindi siya atat sa guwapo. Pero minsan lang ang moment na ito. Bigla niyang binuksan ang backpack niya at hinalughog ang loob. Nasaan na ang make up niya? Kailangan niyang simplehan ng retouch bago tuluyang harapin ang lalaking ito.
“Ano ang hinahanap mo?” tanong ni Mr. Dimples sa kanya.
“Yung ano... Yung...”
“Tubig? Pagkain? Gutom ka na ba?”
Huminga siya ng malalim. Paano niya sasabihin dito na kailangan niyang mag-retouch para maganda-ganda naman siya habang kasama ito? Mukha lang niya ang makikita nito sa mga sandaling iyon.
Nagulat siya nang ilabas nito sa bag ang isang litrong bote ng mineral water, nilagang saging na saba at Cloud 9 chocolate bar saka inalok sa kanya. “Heto, Ma’am. Mukhang naubos na ang tubig ninyo.”
“Nainom ko na kanina.”
“Heto pa. Kailangan ninyo na makabawi ng lakas.”
“Salamat,” usal niya at kinuha ang bote ng tubig.
Nakalimutan na niya ang pagpapaganda nang sunggaban ang bote ng tubig at tunggain. Uhaw na uhaw na siya. Saka na siya magre-retouch. Survival na ang pinag-uusapan dito. Bagamat sanay siya na kailangang maging maganda sa harap ng camera, aanhin naman ang ganda kung dehydrated na siya? Kailangan muna niyang mabuhay. Kinuha din niya ang saging at halos mapangalahati iyon sa isang kagat. Nang maubos na niya ang isang saging at namumuwalan siya ay saka niya nakita na nakatitig sa kanya si Mr. Dimples na parang amuse na amuse sa kanya.
Pumihit siya patalikod at saka tumungga ng tubig. Taragis! Epic fail na naman. Ano ba, Madison? Wala ka nang poise sa harap ni Mr. Dimples. Wasak na wasak ka na.
Bakit ba hindi siya sanay sa pagpapa-cute sa mga lalaki? Di naman kasi siya interesado dati. Sa trabaho niya, one of the boys siya. Kailangan niyang makipagsabayan sa mga lalaki. May pagka-siga pa siya minsan kapag sila-sila lang ng mga kasamahan. Di lang niya alam kung maa-appreciate ng gaya ni Mr. Dimples.
“Cowboy pala kayo, Ma’am.”
“Huh?” usal niya at nilingon ang lalaki. Nakangiti ito sa kanya habang kumakain din ng saging na saba.
“Wala kasi kayong arte. Dalawa lang kayong babaeng kasama dito pero di ka natakot. Di rin kayo maselan sa pagkain.”
Nakangiti ito. Ibig sabihin ay okay lang dito kahit wala na siyang alindog at wala siyang poise. Natawa siya. Wala naman pala siyang dapat na ipag-alala. “Wala iyon. Trabaho kasi. Pero di ako sanay sa mahabang lakaran. Pasensiya na. Nakakapaglakad din naman ako sa Baguio pero di ganito at di ganito kalayo.”
“Naku, Ma’am. Nagsisimula pa lang tayo.”
“Hindi ako nagrereklamo, just to be clear. Hindi lang ito ang inaasahan ko. Sa Sagada kasi convenient ang karamihan sa mga tourist spot na nai-cover ko. May mangilan-ngilan lang na kailangan ng mahabang lakaran.”
Tumango-tango ang lalaki. “Alam ko malayo pa kami sa Sagada sa pagiging tourist destination, Ma’am. Ngayon pa lang kami nag-o-organize ng mga tour. Halos lahat ng destinations namin kailangang lakarin pero makikita naman ninyo kung gaano katahimik ang lugar namin at kung gaano kalinis. Kahit na malayo ang lakaran, mababawi naman po kapag nakita na ninyo ang pakay ninyo.”
“Lahat ng destination ninyo ganoon ba?” tanong nito. “Hindi ba nakakapagod iyon sa inyo kung guide kayo?”
Nakangiti itong sumagot at uminom ng tubig. “Ma’am, naniniwala kasi ako na ang magagandang tourist destination dito sa Barlig ay parang babaeng sinusuyo. Kahit na ilang bundok pa ang akyatin o ilog na tawirin basta makita lang ang kagandahan. Kapag nakita mo na, mawawala na ang pagod mo.”
Mukhang passionate ito sa trabaho nito o ipinagmamalaki nito ang lugar nito. Pero dahil nabanggit nito ang tungkol sa babae, di kaya in love ito ngayon?
“Sabi mo kanina single ka. Pero may nililigawan ka na?”
Tipid itong ngumiti. “Busy pa sa trabaho, Ma’am.”
“Pero may gusto kang babae.”
“Sa ngayon, gusto ko munang mag-focus sa trabaho, Ma’am. Full force pa kami sa tourism. Kailangan kong suportahan si Lerome.”
“Ganoon?” nakataas ang kilay niyang tanong. Paano naman makakasingit ng love life si Mr. Dimples kung bad influence ang kaibigan nitong workaholic. Di man lang siya mabigyan ng chance. Itinukod niya ang siko at nangalumbaba. “Pero na-inlove ka na?”
Tumayo ito at may tinabas nabuho sa kabila ng trail. “Na-in love na rin.”
“Anong nangyari?”
Nakita niya ang paglungkot sa mga mata nito. “Wala na iyon, Ma’am. Past is past. Saka matagal na iyon.” Kinayas nito ang kahoy at saka inabot sa kanya. “Para sa inyo.”
“Anong gagawin ko diyan?” Ipanghahampas ba niya sa babaeng nagdala ng lungkot nito?
“Pangtungkod ninyo, Ma’am. Mas magiging komportable ang paglakad ninyo kung may tungkod. Lumakad po tayo kapag handa na kayong umalis.”
Gamit ang tungkod ay tumayo siya. “I am ready.”
“Kayo ang bahala, Ma’am.”
“Huwag na ma’am. Nakakatanda naman. Call me Madison.”
“Madison.” Inilahad nito ang kamay sa kanya. “I’m Jeyrick. At kung kailangan mo ang tulong ko o may gusto kang itanong tungkol sa Barlig, nandito lang ako.”
Kinamayan niya ito. “Nice meeting you, Jeyrick.”
Jeyrick. Pero parang mas gusto pa rin niya ang Mr. Dimples.

Chapter 3

Masayang kausap si Jeyrick at maraming kwento. Feeling dalaginding tuloy siya habang naglalakad sila sa gitna ng gubat. Kung ganito naman kaguwapo ang magiging guide niya, baka araw-arawin niya ang pagpapa-tour sa Barlig. Ikinuwento nito sa kanya ang iba’t ibang folktale ng Barlig.
Nalilibang siya nang nalilibang sa kwento nito nang makaramdam ng pagod na naman. “Malayo pa ba?” hinihingal niyang tanong.
“Malapit na lang, Ma’am.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Sinabi rin sa akin iyan kanina ni Lerome pero halos isang oras na tayong naglalakad.”
“Malapit po iyan. Basta umuusad tayo, makakarating din tayo sa paroroonan. Isipin na lang ninyo ang magandang lugar na naghihintay sa inyo. Parang pag-ibig. Na sa kabila ng hirap ninyo, makakamit mo rin ang kaligayahan,” paliwanag nito.
Kailangan pa ba talaga niyang pumunta sa falls at maglakad ng pagkalayo-layo samantalang heto na nga si Jeyrick kasama niya? Pwede namang ito na ang pag-ibig niya. Masaya na siya kahit sumalampak lang sila sa gitna ng gubat. Ayaw niya sa pag-ibig na nakakapagod.
Madison, nasa trabaho ka. Hindi ka nakikipag-date. Hindi ka nandito para magpa-cute. Hindi ikaw si Arbie. May misyon ka. Ang maging astiging broadcast-journalist. Do you really want to mess up your mission by gallivanting around?
Pasimple niyang nilingon si Jeyrick at di maiwasang ngumiti nang makita ang dimples nito habang nagsasalita at nagkukwento tungkol sa kung bakit mabundok daw ang Barlig. Hindi naman siya masyadong interesado sa kwentong-bayan na iyon at pwedeng niyang i-refute gamit ang scientific explanation. But he was a good story teller. Really charming. Di naman siguro masama kung i-enjoy niya ang company ni Jeyrick kahit sandali.
Na-excite siya nang makita ang waterfalls. Di iyon kataasan pero ilang cascade iyon mula sa taas at malawak ang last cascade. Malinis ang tubig at nakaka-relax ang tunog ng agos nito. May mga bata din na naliligo at abala naman ang kasamahan niya na kumuha ng video.
“Wow!” usal ni Madison. “This is magical.”
“At bagay ang diwata na gawa ninyo sa ganito kagandang lugar,” humahangang sabi ni Jeyrick sa kanya.
“Really? Mukha akong diwata?” kinikilig niyang tanong.
Ang haba ng nanlalagkit na buhok ni Madison. Partida, di pa siya nagsuklay nang maayos at di rin siya nakapag-retouch ng make up. Pwede na rin siguro siyang maging dealer ng mantika sa pagka-oily pero mukha pa rin siyang diwata sa paningin nito. Ayaw niyang maniwala pero dahil si Jeyrick ang may sabi ay naniniwala siya. Paano pa kaya kapag nasa normal na siyang ganda?
“Yes. Diwata na naligo sa talon pero nawalan ng pakpak kaya hindi na nakalipad pabalik sa langit,” singit ni Lerome na parang nakapaghilamos na sa tubig ng alls at mukhang preskong-presko sa basa nitong buhok na nakahawi sa mukha.
Nakatulala lang si Madison dito. “Diwata ako?”
Bakit ba nagkalat ang mga guwapo sa lugar na ito? At bakit ako affected samantalang wala naman siyang dimples at di siya kahawig ni Hua Zhe Lei? At bakit nahihipnotismo ako sa kanya samantalang parang hindi siya masaya na makita ako?
He had a bored look in his eyes when he looked at her. “Diwatang nawawala. Akala ko kung saan na kayo napunta ni Jeyrick o kung ano nang nadisgrasya ka na. Ipapahanap ko na sana kayo.”
“Napagod lang ako. Nabigla kasi ako sa ganito kahabang lakaran. Pero okay na ako. Nakarating na ako dito sa falls,” sabi niya at naghilamos ng tubig. “This is nice. Malamig ang tubig. Pwede bang inumin ang tubig dito?”
“Kung ngayon pa lang hindi mo na kaya, paano pa sa mga susunod na destinasyon natin. Baka hindi mo kayanin ang terrain. Sayang naman kung susukuan mo agad,” sa halip ay sabi ni Lerome.
Napikon siya nang mahimigan ang iritasyon sa boses nito. Tiningala niya ito, He was glowering at her. Nakapamaywang sa likuran niya na parang hari ito ng mundo. Parang napakalaking kasalanan ang konting delay sa pagdating niya. Magagawa pa rin naman niya ang trabaho niya lalo na’t nakakuha siya ng information kaninang kasama niya si Jeyrick.
“Hindi ako susuko, Mister. Alam ko kung ano ang trabaho ko. At wala pa akong trabahong inurungan. Huwag mong maliitin ang kakayahan ko dahil di ko mo naman alam kung ano ang kaya kong gawin,” palaban niyang sagot sa head ng tourism. Ano bang problema nito sa kanya? Guest pa rin naman siya doon at di naman niya ito amo para kwestiyunin ang trabaho niya.
“Lerome, baka gusto ni Madison na makita ang falls mula sa taas. Nandoon ang kasamahan niya at maganda ang anggulo doon,” singit ni Jeyrick at inilahad ang kamay sa kanya. “Aalalayan na kita, Madison.”
“Excuse me. Gagawin ko lang ang trabaho ko,” malambing na sabi ni Lerome at saka nakangiting tinanggap ang kamay ni Jeyrick. She was still there to enjoy her job. At hindi niya hahayaan ng impaktong head ng tourism para sirain ang araw niya.


KNOCKOUT si Madison nang makabalik sa sasakyan. Hindi biro ang nilakad nila pabalik kahit pa sabihing mas magaan na iyon dahil nag-enjoy siya sa company kasama si Jeyrick. Sakay ng sasakyang provided ng network ay umidlip siya habang patungo sa kung saan sila magpapalipas ng gabi. Magaganda pa rin ang shots na nakuha nila at nakatulong ang kwento ni Jeyrick tungkol sa folklore ng lugar na iyon. Pero alam niya na kailangan niyang bumawi kinabukasan at patunayan sa mayabang na head ng tourism na si Lerome na ipinadala siya ng istasyon niya sa trabahong iyon dahil magaling siya at higit pa ang kaya niyang gawin.
Pagtigil ng sasakyan ay kusa naman siyang nagising. Di pa man siya nakakababa ay nakahanda na si Jeyrick para tulungan siya sa mga gamit niya. “Ako na ang magbubuhat ng gamit ninyo, Ma’am,” prisinta ni Jeyrick at binuhat ang maleta niya.
“Hindi na. Kaya ko na ito. Saka may gulong naman iyan.”
“Madudumihan pa ang maleta ninyo kapag pinagulong sa lupa, Ma’am. Iingatan ko ang gamit ninyo.” At idinala na ng binata sa malaking log cabin ang maleta niya. Parang walang anuman dito ang bigat ng dalahin.
“Wow! What a hunk!” usal ni Arbie na nakisabay sa sasakyan nila. “Napaka-gentleman naman ng F4 mo. Gusto ko rin yatang magpabuhat kay Lerome.”
“Wow! What a hunk!” usal ni Arbie na nakisabay sa sasakyan nila. “Napaka-sweet naman ng F4 mo. Close na close na kayo."