Browse stories

Finding Carrot Man 4: Forever Means By Your Side

Language: fil

Di pa man sikat, laos na. Iyan ang taguri kay Paloma ng showbizlandia na isang dating sikat na singer. Hirap na siyang makakuha ng singing engagement at kahit mga simpleng acting roles. Nang kumalat ang picture ni Carrot Man, ang lalaking minsan niyang minahal, naisipan ng management niya na kailangan niyang hanapin ang lalaki para maibalik ang tambalan nila at bumango ulit siya sa mga tao. Pero sa kabila ng katakot-takot na hirap niya sa binata para mahanap ito ay ipinagtabuyan lang siya ng lalaki. Alam niya sa puso niya na hindi na kasikatan ang habol niya mula dito kundi ang pagmamahal…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

Mabilis ang pagtapik ni Paloma sa paa niya habang nasa waiting room. Natetensiyon siya habang nasa waiting area at hinihintay na ipatawag ng mga judges sa singing competition na Ikaw ang Star. Mula sa pumasa sa first round of audition ay haharap sila sa celebrity judges. Mula sa isang daang pumasa ay pipili ng dose na ipapadala sa Maynila para makalaban ang iba pang kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Malapit na niyang matupad ang mga pangarap niya. Pero naroon pa rin ang takot sa puso niya na baka hindi siya mapasok sa kompetisyon. Maraming magagaling. At nag-aalala siya na baka gaya ng ibang nasalihan niyang contest ay hindi siya nakakabilang sa pinakamagagaling.
Mariin siyang pumikit habang naririnig sa isipan niya ang boses ng Tiya Bevz niya. Kapag hindi ka pa nakapasok dito, ano nalang ang mangyayari sa atin? Mawawala na tayo ng bahay. Mawawala pa ang bar. Paano na kayo mag-aaral ni Bernardo sa magagandang eskwelahan ninyo ngayon? Mawawala ang lahat ng magagandang bagay na mayroon kayo ngayon. Magiging mahirap na tayo.
Malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat niya. Na parang siya na lang ang pwedeng sumagip sa pamilya niya. Ang tiyahin na lang at ang pinsang si Bernardo ang pamilya niya. Iniwan siya sa mga ito ng nanay niya noong sampung taong gulang na siya at di na siya binalikan. Di rin niya kilala kung sino ang kanyang ama.
Habang hiwalay naman ang tiyahin niya sa asawa nitong direktor. Binuhay sila ng tiyahin sa pagiging singer nito sa mga hotel at bar. Nagtayo din ito ng sariling bar subalit nang nakaraang taon lang ay nalugi iyon dahil nagkaproblema sa IRS ang business partner nitong nasa Amerika.
Hirap na itong humanap ng mapapasukan dahil marami nang mas maganda at mas batang performer dito. Ang tanging pag-asa na lang ng tiyahin ay maging sikat siyang mang-aawit at magkaroon ng exposure sa telebisyon. Mas maraming oportunidad ang magbubukas sa kanya lalo na kapag nakarating siya sa Maynila
Pakiramdam niya kapag di siya nakapasok sa susunod na round ay tuluyan nang masisira ang pamilya niya at pangarap.
Napapitlag siya nang may humawak sa balikat niya. “O! Tensiyonado ka na naman.”
“Jeyrick!” aniya at awtomatikong ngumiti.
“Bumili lang ako ng pagkain natin tapos anu-ano na naman ang iniisip mo,” nakakunot ang noo na sabi ng lalaki.
“Kinakabahan kasi ako. Paano kung hindi ako makapasa?” Paano kung magkalayo na tayong dalawa? Paano kung hindi na tayo magkita?
Inabutan siya ng binata ng carrot cake. “O! Kumain ka muna. Paborito mo iyan.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Carrot cake? Alam mo na bawal sa lalamunan ko ang...”
“Kailangan mo ng reward. Magaling ka sa audition kanina. Di ba maganda naman ang comment ng judges?” tanong nito sa kanya.
“Oo. Pero may mga sabit din naman ako. Nakaalalay ka lang sa akin kaya maganda ang performance natin.”
Kinuha nito ang carrot cake sa kanya at inilapit sa bibig niya. “Kagat.”
Bumukha ang bibig niya dahil gusto pa niyang ipaliwanag dito ang alalahanin niya pero sa huli ay kumagat siya ng carrot cake gaya ng utos nito. Saka niya na-realize na gutom pala siya. Kinuha niya ang carrot cake mula sa binata at siya na mismo ang sumubo. Di na siya kumibo habang kumakain at inabutan siya nito ng tubig. Habang siya ay kinakabahan ay prenteng-prente lang si Jeyrick na parang di ito kasali sa kompetisyon.
“Hindi ka ba kinakabahan sa resulta?” tanong niya dito.
Umiling ito. “Hindi. Kumanta na ako. Bahala na ang mga judges sa akin. Nagawa ko na ang parte ko at dapat ganoon din ang gawin mo.x
“Paano nga kung hindi ako napasok?” Malakas ang pakiramdam niya na mapapasok si Jeyrick. Gusto ito ng mga hurado. Kahit ang mga staff at iba pang kalahok na kasama nila sa waiting room ay puro papuri dito.
“Makakapasok ka. Magtiwala ka lang sa Diyos. Kapag para sa iyo, para sa iyo. At kapag hindi, may dadating pang mas maganda...”
Umiling si Paloma. “Wala nang ibang pagkakataon, Jeyrick. Ito na ang huling pagkakataon para sa akin.” Mawawala na sa kanya ang pamilya niya, ang pangarap niya pati ang binata kapag di siya nakapasok. Di niya alam kung saan siya pupulutin.
Naging seryoso ang binata at tinitigan siya sa mga mata. “Paloma, may ipinangako na ba ako sa iyo noon na hindi ko tinupad?”
“W-Wala.”
“Hindi ba sinabi ko sa iyo na walang imposible basta kasama mo ako. Dahil gagawin ko ang lahat para sa iyo.”
“Pero paano nga iyon?” giit niya.
“Basta. Kahit anong mangyari, matutupad ang mga pangarap mo. Oo nga pala. May ikukwento ako sa iyo tungkol sa kay Lolo Pio noong panahon ng Martial Law.”
Sa huli ay nagawa siyang patawanin ng binata at alisin ang alalahanin niya. Si Jeyrick ang nagdadala ng saya sa buhay niya. Habang napaka-seryoso ng buhay niya, nagagawa nitong parang simple lang ang lahat. Lumaki siya na iniisip na mahalaga ang pera at katanyagan dahil di ka maaapi. Kay Jeyrick ay natutunann niya na maari kang masaya kahit na simple lang ang buhay. Kung pwede lang sanang kalimutan na lang ang lahat ng problema niya.
Maya maya pa ay isa-isa nang nagkaubusan ang mga kalahok. May lumalabas ng luhaan sa mini theater ng hotel at mayroon din namang masaya. “Smile. Be confident. Gusto nila ng star at hindi isang di pa man kumakanta mukha nang talunan,” bilin ng Tiya Bevz niya habang nire-retouch ang make up niya at nakaismid na nilingon si Jeyrick na tahimik lang na nakaupo sa isang tabi habang nakayuko. “Basta tiyakin mo na hindi ka lalabas ng kuwarto na iyan nang wala kang star. Maliwanag?”
Tumango si Paloma. Kaya niya ito. Naniniwala siya na makakapasa siya dahil iyon ang sinabi ni Jeyrick sa kanya. Magkasama sila sa labang ito. Di siya nito iiwan.
Magkahawak-kamay silang umakyat ng binata entablado. Sila na pala ang huling haharap sa mga hurado. Tatlo sa kilalang singer sa bansa ang hurado sa You’re A Star.
“Pareho kayong magaling,” sabi ni Leliosa, ang dating Broadway singer. “Paloma, I like the fact that you sing an original song. Hindi ganoon kasuwabe pero may potential. Mas mahahasa ka pa kung idadala ka sa next round.”
“You are like a siren when you sing, Paloma” anang rock icon na si Randall. “While Jeyrick has that cool, soothing voice that could take you to places. Pwede na nga siyang maging recording artist ngayon.”
“Pero kahit na pareho kayong magaling, isa lang ang pipiliin namin sa inyo. Isa lang ang maaring pumasa sa susunod na round at maidadala namin sa Manila,” sabi ng record label producer na si TJ Javellana.
Umiling si Paloma at nilingon si Jeyrick. “Di pwede...”
“Ayos lang kahit di ako mapasok,” nakangiting sabi ni Jeyrick at pinisil ang kamay niya. “Ikaw na iyan. Kahit na hindi ako mapili, basta mapasok ka lang.”
Nagpatuloy si TJ Javellana. “You are moving on to the next round of You Are A Star... Jeyrick!”

Chapter 2

Pumitlag si Paloma nang maalimpungatan sa pagkakatulog dahil sa biglang pag-vibrate ng smartphone niya. Humihingal siya. Wala na siya sa auditorium kung saan ginanap ang singing competition. Nasa loob na siya ng sasakyan at nasa gitna ng traffic sa kung saang probinsiya. Malamig ang aircon pero pawis na pawis siya.
“Sagutin mo na ‘yang phone mo,” ungol ng pinsan niyang si Bernardo pero mas gusto nitong tawaging Hepburn. “Malamang si Mama na naman iyan.”
“Pwede bang ikaw na lang ang sumagot?”
“At sesermunan ako tungkol sa utang ng ex-boyfriend ko na di ko nabayaran? Huwag na. Kanya-kanya muna tayong pakikibaka kay Mama,” sabi nito at muling pumikit saka ikinatang ang ulo sa headrest ng upuan.
Personal assistant at publicist niya ang pinsan. Suma-sideline din ito bilang showbiz reporter minsan. Isa rin itong maimpluwensiyang blogger na may malaki ang kinikita sa dami ng viewers nito.
Mula nang umalis ng Baguio at pumunta sa Maynila para lumaban sa singing contest at reality show na You Are A Star, marami nang nagbago sa buhay niya. Naging finalist lang siya sa naturang patimpalak pero maraming oportunidad ang dumating sa kanya. Anim na taon na ang lumipas. Anim na taon na pero nagsisimula na siyang mapagod sa mundo ng showbiz. She just wanted to get away and be normal for a while.
Isang tingin na puno ng simpatya ang ibinigay sa kanya ng driver na si Mang Abner mula sa rearview mirror ng sasakyan. Kapag di siya sumagot ay tiyak na ito naman ang kukulitin ng tiyahin. She might as well face her aunt.
Huminga muna siya ng malalim bago sinagot ang tawag. “Hello, Tita Bevz!”
“Bakit ngayon ka lang tumawag? Nasaan ka na?” natatarantang tanong nito. Na akala mo ay isa siyang teenager na di umuwi sa oras ng curfew.
Ang tiyahin niya ang tumatayong manager niya. Ito ang nagdedesisyon di lang sa career kundi maging sa personal niyang buhay, schedule at pati finances niya. Mula nang magkaroon siya ng magandang careeer sa pagkanta ay kasama din ito na umayos ang buhay. Natupad na ang pangarap nila. Pero malaki ang naging kapalit kay Paloma.
“Papunta po sa Baguio,” sagot ng dalaga.
“Anong ginagawa mo diyan sa Baguio? Bumalik ka na dito. May gustong kumausap sa iyo...”
Ngumiwi siya dahil high pitch ang tiyahin. “Hindi po pwede. Kasal po nina Jimarah at Rjan. ‘Yung mga kaklase ko noong college. Nakalimutan ba ninyo?”
“Pero nandito si Thirdy.”
“Ano daw po ang kailangan niya?” tanong ng dalaga sa matabang na boses.
“Gusto daw niyang makipagbalikan sa iyo.”
Isa pang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga at minasahe ang sentido. Nadagdagan na naman ang pagod niya nang marinig ang pangalan ng dating nobyo “Ayoko po. Ayoko nang magpanggap, Tiyang. Kumuha na lang po siya ng ibang babae para pagandahin ang image niya.”
Si Thirdy Concepcion ay isang sikat na singer, host at aktor sa Pilipinas. He was the ultimate hottie. Maraming mga kababaihan ang nagkakandarapa na mapansin lang nito. Ito rin ang naging host ng You’re A Star at naging kaibigan niya kalaunan.
Subalit may lihim na katauhan ang lalaki - he was gay. Nang magsimulang kwestiyunin ng media at mga fans ang pagkatao nito dahil nakuhanan ito ng picture na may kayakap na lalaki sa Boracay, kinailangan nito ng babaeng magpapanggap na nobya nito. Nang mga panahon na iyon ay nauubusan na si Paloma ng mga projects at may mga bago na ring nanalo sa ibang singing contest na mas naging paborito ng mga tao at binibigyan ng pagkakataon na mas sumikat. Nagkakasya na lang siya na tumugtog sa kung saan-saang bar at pa-extra-extra sa mga show.
Dahil kaibigan ng tiyahin niya ang manager ni Thirdy kaya naka-seal na ang deal bago pa man masabi sa kanya na aakto siyang nobya ng lalaki sa publiko. Wala siyang nagawa. Di na siya nakatutol. Naging nobya siya ng lalaki sa loob ng tatlong taon. Nagkasama siya sa mga pelikula, teleserye, at dumami din ang shows niya. She even had her own endorsements.
Hanggang makipaghiwalay siya sa lalaki anim na buwan na ang nakakaraan. Di na kasi niya masikmura ang pagpapanggap. Pakiramdam niya ay di na niya pag-aari ang buhay niya. Habang hinihigpitan siya ng tiyahin na makipaglapit sa ibang lalaki dahil makakasira sa reputasyon ni Thirdy bilang nobya nito, ito naman ay patuloy sa pakikipagrelasyon sa kung sinu-sinong lalaki.
She wanted freedom. She wanted a life. A real one.
“Alalahanin mo na namemeligro na naman ang career mo,” paalala ng tiyahin.
“At sino po ang may kasalanan no’n? Hindi ba si Thirdy mismo ang nanggigipit sa akin kaya nag-urungan ang mga projects ko?”
Talented naman siya. Mas magaling pa nga siya kaysa sa ibang artist diyan na wala sa tono at idinadaan sa ganda. Pero sadyang malakas si Thirdy. Tanging ilang malalapit na kaibigan at kakilala na lang ang tumutulong sa kanya. Sanay siya sa hirap. Doon siya galing. Pero ang hindi niya matanggap ay nagsisikap naman siya sa buhay at nagtatrabaho ng maayos para lang gaguhin.
“Ito naman. Gusto ngang makabawi sa iyo nu’ng tao. Mula nang mag-break kayo, umugong na naman kasi ang bali-balita na miyembro siya ng federacion. Kaya kailangan niya ang tulong mo. Magtulungan lang kayo. Bumalik ka dito at mag-usap kayo,” anang tiyahin sa malumanay na tono. She would willingly lick Thirdy’s ass.
Naggiyagis ang ngipin ni Paloma. “Pwede po ba sa akin naman ang araw na ito? Kasal po ito ng mga kaibigan ko. Alam ninyo naman na matagal ko na silang hindi nakikita. Ako po ang kakanta sa kasal nila.”
“May bayad ba ‘yang pagkanta mo? Di mo ata idinaan sa akin iyan. Alalahanin mo na may cut pa rin ako bilang manager mo.”
Nanlaki ang mga mata ni Paloma. “Tita, di ko po sila kliyente. Ito po ang regalo ko sa kasal nila ng mga kaibigan ko.”
“Oo na. Wala na akong sinabi. Basta pag-isipan mo ang offer sa iyo ni Thirdy. Kapapagamot mo lang sa padrasto mo na kay Thirdy galing ang pinampa-bypass operation.”
“Tita, isang taon ko pong tinrabaho iyon,” giit niya. Di direktang nagbibigay ng pera si Thirdy sa kanya dahil binabayaran din niya iyon.
“At hindi pa tapos ang resort ninyo dahil wala ka namang pumapasok na project nitong huli. Si Thirdy na daw ang bahala sa pagpapatapos sa resort ninyo. Hindi mo siya kailangang bayaran ng kahit isang kusing. Basta maging girlfriend ka niya ulit. Just to get his military father off his back.”
“Sige po. Pag-iisipan ko po,” mahina niyang usal at pinindot ang off button ng cellphone para di na siya bulabugin pa ng tiyahin.
Latang-lata si Paloma. Pakiramdam niya ay nakipaggulpihan siya samantalang wala pa silang sampung minutong nag-usap ng tiyahin. Nakakapagod. Akala niya ay matatakasan niya ang tiyahin at si Thirdy para mapahinga siya. Hindi rin pala.
Pumihit ang pinsang si Hepburn paharap sa kanya. “Anong problema ni Mother?”
“Nandoon daw si Thirdy at gustong makipagbalikan sa akin.”
Humalakhak ito. “Bet na bet ka talaga ng reyna ng mga paminta. Bakit kasi di na lang siya mag-come out sa closet? Ako na lang ang magpapanggap na jowa niya. Kahit libre pa basta matikman ko lang siya.”
“Baliw! Hindi ko maintindihan kung bakit ako pa rin ang pinipilit niya. Madami naman diyang ibang babae na pwedeng magpanggap na girlfriend niya.”
“Dahil hindi ka naman madaldal. Mukha ka pang submissive na girlfriend. Sunud-sunuran sa gusto niya. Kita mo nga kahit nakipag-break ka wala kang sinabing masama sa kanya. Sabi mo maayos naman ang break up ninyo at friends kayo pero siya itong gumagawa ng paraan para gipitin ka.” Kumuha ito ng mineral water sa cooler at inabot sa kanya. “Pero kaya mo pa ba siyang balikan?”
“Kaya nga nakipag-break ako dahil hindi ko na kayang magpanggap. Gusto ko naman maging totoo ako sa sarili ko. I must admit I am not that good of an actress.”
Mula nang pumasok siya sa mundo ng showbiz ay parang hindi na niya pag-aari ang sarili niya. Kailangan niyang gumalaw ayon sa inaasahan sa kanya ng ibang tao. Kailangan niyang magpanggap na masaya, magpanggap na nagmamahal. Sa likod at harap ng camera ay kailangan niyang umarte.

Chapter 3

“Pero aminin mo rin na goodbye showbiz ka na kapag hindi kayo nagkabalikan ni Thirdy. Mahihirapan ka nang makahanap ng new projects. Ang mga sumisikat ngayon na pa-la ocean deep ay ‘yung mga may video scandal.”
Matalim niya itong tiningnan. “Alam mo na di ako ganoong babae.”
“Okay. Magiging stable ang economy mo kung may makakadikit ka na malakas ang kapit tulad ng vice president ng isang malaking TV network siguro?”
“Hindi ako ganoon kadesperada.”
Hindi iilang beses siyang nakatanggap ng indecent proposal mula sa mga mayayaman at mai-impluwensiyang tao. Mula sa one night stand hanggang sa pagiging mistress. Pinangatawanan niya na hindi siya prostitute at di niya ibebenta ang dangal niya para lang sumikat o magkapera. Iba naman ang sitwasyon nila ni Thirdy. Arte lang ang lahat sa kanila. Di niya kailangang isanla ang katawan at kaluluwa niya.
“Sige. Kung ayaw mong balikan si Diwatang Thirdy bilang pretend girlfriend, paano ka makakaahon sa krisis na ito? Wala kang natapos na kurso. Magkano na lang ang ipon mo dahil ibinigay mo sa nanay mo at sa mga kapatid mo sa probinsiya. Di rin magiging operational ang resort mo kung di tapos. Nganga ka.”
“Oo na. Kaya nga pag-iisipan ko.”
Di siya magpapaka-ipokrito. Ang pagsampa niya sa Maynila ay hindi ang simula ng masayang buhay para sa kanya. Masalimuot ang daan sa pagtupad sa mga pangarap. It was a dog eats dog world. At kapag di ka makikipagsabayan sa agos, tiyak na mapag-iiwanan siya. Maraming talentado sa showbiz na hindi nagtatagal. Kundi dahil sa kawalan ng karisma ay kawalan ng koneksyon.
She left her old life behind. Hindi na niya kayang balikan iyon. Wala na siyang babalikan. Pero isang lalaki ang mukhang nagbabadya mula sa nakaraan niya - si Jeyrick. Kumusta na kaya siya? Magkikita kaya kami mamaya?

“FRIEND, hindi talaga ako makapaniwala na nandito ka,” tili ni Jimarah nang batiin niya ito. Reception na ng newly weds ang inabutan ni Paloma sa hardin ng Skyland Lodge na nasa boundary ng La Trinidad at Baguio.
Papadilim na noon at lumulubog na ang araw. Mistulang nasa fairy tale land siya dahil naiilawan ng maliliit na bumbilya ang mga puno sa paligid.
Niyakap ng dalaga ang kaibigan. “Pwede ko ba namang ma-miss ito? Nangako ako na dadating ako.”
“Akala ko kasi hindi ka na naman makakarating,” may halong tampong sabi nito.
Ilang beses na siya nitong naimbitahan pero laging tinututulan ng tiyahin niya dahil nahahanapan siya nito ng mga gig at show para daw strike while the iron is hot.
Di niya maiwasang mainggit sa kaibigan na magandang-maganda sa suot na wedding gown at katabi ang first love nitong si Rjan. Sinong mag-aakala na magkakatuluyan ito at ang dati nitong mortal na kaaway?
“Siyempre di ko palalampasin ang kasal ninyo. Na-traffic lang kami ni Hepburn sa Pangasinan. May dumating daw na pulitiko,” aniya at nilingon ang pinsan.
“Congratulations,” bati ni Hepburn at kinamayan ang mga bagong kasal.
“Hi, Bernardo! Ang guwapo-guwapo mo naman. May girlfriend ka na ba?” tanong ni Jimarah dito.
Tumirik ang mga mata ng pinsan. “Wala, ateng. Pero boyfriend meron. Itong si Ate Paloma ang single. Break na break na sila ni Thirdy Concepcion.”
“Speaking of single, akala ko talaga nang di ka agad dumating dahil magkasama kayo ni Jeyrick,” kaswal na sabi ni Rjan.
“Si Jeyrick? Nandito siya?” tanong ni Paloma at nagpalinga-linga.
Pakiramdam ng dalaga ay may nagkarambolang billiard balls sa loob ng dibdib niya at nayanig nang mabanggit ang pangalan ni Jeyrick. Nasa paligid lang ba ito? Nakita na ba siya nito? Kanina pa ba ito nakatingin sa kanya? May kasama ba itong girlfriend o asawa? Mas maganda ba sa kanya?
“Wala pa nga. Dadaan daw sa Bauko. Tutulong lang daw siya saglit sa bukid ng kaibigan niya. Ewan ko ba naman sa isang iyon. Isa din sa di mahagilap agad. Kapag sinusubukan naming yayain sa mga lakaran, di nagpaparamdam. Magpaparamdam iyon kapag tapos na ang lakad. Himala nga na nag-confirm na dadating dito pero mukhang drawing na naman,” anang si Rjan at napapalatak.
Bumuka ang bibig ni Paloma para magtanong kung ano nang nangyari kay Jeyrick at kumusta na ang buhay nito pero sa huli ay nagsabi siya sa kaibigan na pupunta na siya sa mesa nila ng pinsan. Sa kabila ng ibang mga bisita na nais magpa-picture at humihingi ng autograph ay di niya maiwasang igala ang mata sa paligid, nagbabaka-sakali na makita si Jeyrick.
Nagulat na lang siya nang basta itong mag-quit sa You’re A Star. Ayon sa tiyuhin nito ay mas pinili ng binata na umuwi sa Kadaclan sa Mountain Province. Wala namang nabanggit kung may emergency sa pamilya nito. Di pumapasok ang tawag niya dahil walang signal ang cellphone nito kaya nawalan na sila ng contact sa isa’t isa. Pinadalhan niya ito ng sulat pero di naman ito sumasagot. Hindi na rin daw ito bumalik pa sa eskwelahan nang sumunod na semestre.
Parating na ang binata. Anong dapat niyang gawin kapag dumating na ito at nagkaharap na sila? Maraming tanong sa isip niya. Marami siyang gustong sabihin dito. Pero hindi niya alam kung ano ang uunahin niya. O kung mahalaga pa ba iyon. O kung mahalaga pa ba siya dito gaya ng dati.
It has been six years. Ano ba ang dapat sabihin sa taong nagsabi na mahal niya ako pero basta na lang siyang naglaho?
Hindi kaya nawala si Jeyrick sa buhay niya noon ay dahil may nagawa siyang mali? Kaya ba sa kabila ng tagumpay niya ay di pa rin niya iyon mahawakan nang matagal?
Nagulat siya nang sikuhin siya ni Burn. “Iniisip mo si Jeyrick, ‘no? Excited ka nang dumating ang ex mo?”
Siniko din niya ito. “Huwag kang maingay,” pabulong niyang saway dito saka ngumiti sa dating class president nila noong first year sa tapat ng mesa. “Hindi naman naging kami.”
“Fine. Muntik lang. Ako lang naman ang nakakaalam sa “the one who got away” mo.” Kinagat nito ang cherry sa cocktail drink. “Ano na kaya ang itsura niya ngayon? May asawa’t anak na kaya siya? ‘Yung mga bata ba na kasama niya sa Facebook anak niya? Wala kasing caption”
Nanlaki ang mga mata niya. “Nahanap mo ang Facebook niya? Ini-stalk mo siya?”
Tumirik ang mga mata nito. “Di naman masyado. Saka two years ago pa ‘yung Facebook niya. Di na updated. Huwag mong sabihing di mo siya in-stalk?”
Iniwas niya ang tingin dito. “Matagal na akong nag-move on.”
Mula nang hindi na niya ma-contact si Jeyrick at di na nito sinagot ang sulat niya ay unti-unti na siyang nawalan ng pag-asa dito. Nag-focus na lang siya sa pagtatrabaho gaya ng bilin ng tiyahin niya.
Kahit nang mauso ang social media, ilang beses niyang sinubukan na hanapin ang binata sa internet pero pinipigilan niya ang sarili. Para saan pa? Para i-torture lang ang sarili niya? Masaya ito pero siyang nagpatuloy sa pangarap niya ay nagpapanggap at miserable lang sa buhay.
Di nagtagal ay tinawag na siya ng wedding coordinator para sabihin na siya na ang kakanta para sa first dance ng bride at groom. I Love the Way You Love Me ang theme song ng mga ito. Nang ipikit niya ang mga mata ay isang alaala ang bumalik sa kanya.
“I love the feel of your name on my lips...”
Hindi boses niya ang naririnig niya kundi ang boses ng lalaking una niyang narinig na kumanta ng kanta na iyon. Habang nagbabayo ng palay anim na taon na ang nakakaraan ay kinanta iyon ni Jeyrick iyon habang nakatitig sa kanya.
Nang dumilat siya ay nakita niya ito na nakatayo ang isang lalaki ilang metro mula sa dance floor. Mahaba ang buhok nito na lagpas sa balikat, nakasuot ng cream na jacket at maong na pantalon. It was Jeyrick.
Ilang beses na niyang nakikita ang binata sa imahinasyon niya. Sa loob ng ilang taon ay nakikita niya ito kapag nagpe-perform sa harap ng maraming tao. Pero pagkurap niya ay naglalaho din ito. Baka maglaho din ito pagkurap niya. Ang kaibahan lang sa imahinasyon niya ngayon ay nag-mature na ito. But he was still as handsome as ever. Kaya pa rin nitong palambutin ang tuhod niya.
Pumikit ulit siya at pagdilat niya ay nakita pa rin niyang nakatayo si Jeyrick sa tapat niya. Nakatitig pa rin ito sa kanya. Hindi ito naglaho gaya ng dati. Nang umangat ang gilid ng labi nito at lumabas ang malalim nitong dimples.
Totoo nga. Si Jeyrick nga ang nasa harap niya. At sa halip na panoorin ang bride at groom sa pagsasayaw ay sa kanya ito nakatitig.
Tuluyan nang nakalimutan ni Paloma ang lyrics ng kanta.