Browse stories

I Live My Life For You

Language: fil

Matapos makaligtas sa paglubog ng bangkang sinasakyan sa Guimaras, nagdesisyon si Ratchelle na umuwi ng Isla La Carmella para ayusin ang relasyon niya sa magulang niya at pakasalan ang unang lalaking minahal niya na si Vic-Vic. Subalit sa gabing nakatakda na niyang sabihin kay Vic-Vic na mahal niya ito ay idineklara naman nito na ikakasal na ito sa kontrabida niyang pinsan na si Joanne Jean. Wasak na wasak ang mundo niya nang gabing iyon. At paggising niya kinabukasan ay katabi na niya ang mortal niyang kaaway na si Orion – ang gusgusin at mukhang di naliligong artist na itinatanghal sa…

Available chapters

  1. Chapter 1
  2. Chapter 2
  3. Chapter 3

Chapter 1

Umuwi ka na sa wedding anniversary nina Tito Fredo at Tita Maureen. We miss you already. I have something important to tell you. Please come home. I am waiting.
Bumuntong-hininga si Ratchelle nang mabasa ang text na iyon ng kababatang si Vic-Vic o Vicencio. Ito na ang nakikiusap na umuwi siya ng San Carlos kung saan naroon ang magulang na hindi niya nakikita sa loob ng walong taon.
Nasa isa siya sa munting isla ng Guimaras para sa island-hopping tour niya kasama ang mga kaibigan. Abala ang mga ito sa pagpapa-picture habang nagkasya na lang siya sa pag-upo sa buhanginan habang nakatitig sa text message sa kanya. Nag-message sa kanya si Vic-Vic matapos ang mahabang panahon. Mukhang mahalaga ang sasabihin nito sa kanya.
“Uy! Nagse-senti ka naman mag-isa dito,” sabi ni Jaideelyn at umupo sa tabi niya. “Kanina mo pa tinititigan ‘yang cellphone mo. May problema ba?”
“Wala,” aniya at tipid na ngumiti.
Inagaw ni Che-Che ang cellphone sa kanya. “Uy! Text galing kay Vic-Vic.” Binasa nito ang mensahe. “We miss you already. I have something important to tell you. Please come home. I am waiting.”
“Sino si Vic-Vic?” tanong ni Armhine na siyang pinakamatanda sa kanila at mas maraming alam pagdating sa pag-ibig. Isa itong romance novelist kaya naman madalas ay dito sila nagtatanong pagdating sa love kahit na di rin maganda ang record nito sa pag-ibig.
Vic-Vic used to be her bestfriend. Ito rin ang first love niya. Pero nasira ang lahat ng pinagsamahan nila matapos siyang ibuko ng bruhang pinsan niyang si Joanne Jean na in love siya dito. Sinabi nito na mas gusto nitong magkaibigan lang sila.
Hindi lang si Vic-Vic ang nawala sa kanya mula nang dumating si Joanne Jean sa buhay niya. Mas naunang nawala sa kanya ang mga magulang niya. Siya ang nag-iisang anak nina Fredo at Maureen Ramirez. Sabi ng tatay niya ay may pagka-maton siyang kumilos dahilan para ma-frustrate ang nanay niya tuwing gusto nitong kumilos siya na parang babae.
Nang mamatay ang Tita Joan niya na kapatid ng nanay niya ay sa kanila naiwan ang anak nitong si Joanne Jean. Mas matanda si Joanne sa kanya ng ilang buwan. She was her exact opposite. While she was brainy and brawny, she was like a young lady. Kahit na di matataas ang grades nito sa school ay mas natutuwa dito ang mga magulang niya dahil magaling itong kumanta at sumayaw. Guwardiyado din ito ng tatay niya dahil ito ang maraming manliligaw. At sa huli ay lumalabas na parang siya ang etsa-puwera sa pamilya. May babalikan pa ba siyang pamilya kung wala na siyang halaga sa mga ito?
“Halika na! Baka maiwan pa tayo ng flight natin. Next destination na tayo,” yaya sa kanila ni Yrene.
Pinilit niyang maging masaya sa mga sumunod na lugar na pinuntahan niya subalit bumabalik pa rin ang isip niya sa naiwang mahal sa buhay sa Isla La Carmella. Anong klaseng pagtanggap ang matatanggap niya sa pag-uwi niya? Ibibigay na ba ng mga ito ang pagmamahal na nararapat sa kanya bilang anak? Hindi pa rin niya alam. Hindi pa rin nawawala ang sakit sa puso niya sa pag-reject ng mga ito sa kanya. Kailangan pa niya ng panahon.
“Babangga na tayo!”
Umangat ang mata niya sa sigaw na iyon ni Jaidyleen at sa mismong mga mata niya ay nakita niya kung paanong bumangga ang katig ng bangka sa malaking limestone na nakausli sa dagat. Nahigit niya ang hininga nang unti-unting lumubog ang bangka nila. Kinilabutan siya dahil ilang beses na siyang nakasakay ng bangka at lumaki sa tabing-dagat pero hindi pa niya naranasan na malubugan ng bangka. Ngayon lang.
“Walang bibitaw sa bangka!” narinig niyang sigaw ng bangkero. “Walang bibitaw!”
Tumili siya dahil pinasok ng tubig ang bangka at tumilapon siya sa labas. “M-Mamamatay na tayo!” narinig niyang sigaw ni Che-Che na hindi marunong lumangoy.
“It’s okay. It’s okay. May lifevest tayo,” sabi ni Armine na bagamat kalmado ay umiiyak na. “A-Ayoko pang mamatay. May anak ako. Hindi ko pa tuluyang naihahanda ang kinabukasan niya. Ni hindi niya alam kung sino ang tunay niyang ama,” narinig niyang sabi ni Armhine na mahigpit ang hawak sa kawayang tinatalian ng bubong ng bangka nila.
Pumikit siya at tahimik na umiyak. Lumaki siya sa tabing-dagat pero matagal na panahon na siyang di lumalangoy sa dagat. Di rin niya naranasang lumangoy kasama ang naglalakihang mga alon o malubugan ng bangka. Pakiramdam niya ay katapusan na niya.
Ayaw pa niyang mamatay. Hindi pa siya bumabalik sa pamilya niya sa Isla La Carmella. Kung mabubuhay lang siya doon ay ibababa niya ang pride niya. Babalik siya sa pamilya niya. Ipapakita niyang siya ang anak na ipagmamalaki ng mga ito. Sasabihin niya kay Vic-Vic na mahal niya ito. Tutuparin na niya ang pangarap niya.
Sana lang ay mabigyan pa siya ng pangalawang pagkakataon na mabuhay. Sa pagkakataong ito ay hindi na niya iiwan ang mga mahal niya sa buhay.

HINDI magkandatuto si Ratchelle sa pagsasakay ng mga bagahe niya sa cart. Sa wakas ay tumapak na siya sa airport ng Calbayog, Samar. Nang huling manggaling siya doon sampung taon na ang nakakaraan ay mangilan-ngilan pa lang ang flight doon. Ngayon ay maganda na ang airport at ang mga facilities nito.
Katulad niya ang siyudad na iyon na sumasabay sa panahon. Marami na ring nagbago sa kanya. Hindi na siya ang dalagang umalis ng Maynila na ang tanging bitbit ay pangarap niya. Buo na siya ngayon at natupad na halos niya ang pangarap niya. She was home. Almost home. Ang kailangan lang niya ay sumakay ng bangka at sa loob ng apat na oras ay nasa munting isla muli siya ng La Carmella. Handa siyang patunayan sa lahat ng taong di naniwala sa kanya na naabot niya ang inakala ng marami na imposible.
Siguro naman ay maipagmamalaki na siya ng mga magulang niya. Isa na siya ngayong accounting head ng isang kilalang outsourcing company at nakapagbiyahe na rin sa abroad. Sa wakas ay maniniwala na ang mga ito sa kakayahan niya. Hindi na rin masasabi ng mga ito na malaking pagkakamali na umalis siya ng La Carmella para sa pangarap niya.

Chapter 2

Tinawagan niya sa cellphone ang Tito Francey niya nang makuha na ang mga bagahe niya. "Tito, nasa Calbayog na po ako."
Ang Tito Francey niya ang nakatatandang kapatid niya at nag-alaga sa kanya sa Manila. Parang ito lang din ang naniwala sa mga pangarap niya noon.
"Handa ka na ba?" tanong nito.
"Handa na po ako,” aniya sa mas determinadong boses. Dati ay parang ayaw pa niyang bumalik ng La Carmella kahit na nakikiusap ang magulang niya. Pakiramdam niya ay wala pa siyang napapatunayan. Ayaw niyang masisi o mapagtawanan. Di naman madali ang buhay niya bago niya narating ang kinalalagyan. Dumanas din siya ng kabiguan. Pero dahil sa bagong buhay na ibinigay sa kanya, kahit pa siguro wala pa siyang napatunayan ay uuwi siya. Walang ibang mas mahalaga sa kanya ngayon kundi makasama ang pamilya niya.
"Ipakita mo sa kanila ang narating mo. Be proud. Huwag kang magpapatalo sa bruhang Joanne Jean na 'yan. Ikaw ang tunay na anak. Sampid lang ang isang 'yan.”
“Hindi po ba kayo dadalaw dito?”
“Alam mo namang allergic sa akin ang tatay mo. Masyadong maliit ang La Carmella para sa aming dalawa. Okay sa akin kung kayo man lang ang magkasundo. Masaya na ako doon.”
Bata pa lang ay may sibbling rivalry na ang tatay niya at Tito Francey niya. Simple lang ang pangarap sa buhay ng tatay niya habang ang Tito Francey naman naman niya ay mataas ang ambisyon. Ang tanging nais ng tatay niya ay mamuhay sa Isla La Carmella habang ang Tito Francey naman niya ay mas gustong sa Maynila mag-aral at makarating ng ibang bansa.
Para sa ama niya ay kahihiyan ang dala ng tiyuhin niya dahil umuwi ito ng La Carmella na isa nang ganap na bading at ayaw nang pakasalan ang babaeng itinakda para dito. Inatake sa puso ang lolo niya at dahil doon ay nawala ang maraming lupain sa pamilya nila.
Nabawi lang ang lahat ng iyon nang umuwi ng Isla La Carmella si Francisco mula sa pagtatrabaho bilang accountant sa Europe at muling binili ang mga ari-ariang nawala sa kanila. Isang bayani ang tingin niya dito at ng lolo niya na ikinasama ng loob ng tatay niya.
Sa palagay niya ay ang Tito Francey lang niya ang nakakaintindi sa kanya. Dahil dito ay nabuo ang pangarap niyang mag-aral sa Maynila at bumuo ng mas magandang buhay doon. Nangako ang tiyuhin niya na susuportahan ang pag-aaral niya sa Maynila subalit ayaw ng ama niya. Di daw magandang impluwensiya ang maidudulot ng tiyo niya sa kanya at ilan nang kababayan nila ang umuwing bigo sa pakikipagsapalaran sa Maynila. Bakit daw hindi na lang siya masiyahan na maging bihasa sa pagluluto at tumulong maliit na restaurant ng nanay niya katulad ng gusto ni Joanne Jean. Wala siyang balak makihati ng pangarap kay Joanne Jean.
Kaya naman sumampa siya ng bangka kasama ang Tito Francey niya at ang baon niya ay ang sumpa ng ama niya na uuwi din siyang bigo at talunan. At patutunayan daw nitong mali siya.
Tiniyak niyang di siya babalik ng Isla La Carmella na isang talunan. Nagsumikap siya, nag-aral na mabuti at gusto niya na pagbalik niya ay di na siya pwede pang ikumpara kay Joanne Jean. Hindi na siya magiging anino nito. At ipagmamalaki na siya ng mga magulang niya.
Ito ang araw na iyon. Gumawa siya ng tamang desisyon sa buhay niya. Hindi siya napahamak. Naging maayos ang buhay niya. Di lahat ay minamalas. At higit sa lahat, gusto niyang ipakita na di isang salot ang Tito Francey niya sa pamilya nila.
“Ibibigay ko na lang po ang pasalubong ninyo kay Mama at sa ibang kamag-anak natin.”
“Pasekreto na lang, ha? Alam mo naman baka mag-ala-Rambo na naman ang tatay mo kapag nabanggit ako. At balitaan mo ako tungkol kay Vic-Vic of your life."
"Opo, Tito,” aniya at di mapigilang ngumiti.
"Huwag mong kalimutan ang mga strategy na itinuro ko sa'yo kung paano mo siya aakitin. Di ka na bumabata. Oras na para isuko ang Bataan."
Natawa na lang siya nang maisip si Vic-Vic at ang strategy ng Tito Francey niya. Inayos niya ang Bulgari shades niya at hinaplos ang buhok niya. She was ready to get him. Nakahanda na ang ngiti niya. Nakahanda na rin ang sasabihin niya. Sa sopistikada niyang damit at metikulosang make up natitiyak niyang maganda siya.
“Ratchelle?” said the husky voice of a man at her back.
Nagtayuan agad ang balahibo sa batok niya nang marinig ang boses na iyon. So manly, so earthy and knee-buckling. Boses pa lang ay parang hinahaplos na nito ang balat niya. Bumilis ang tibok ng puso niya. Natitiyak niyang kay Vic-Vic ang boses na iyon. Ito lang ang may kakayahan na magparamdam ng ganito sa kanya.
Abot hanggang tainga ang ngiti niya nang humarap dito. “Hi…” Nawala ang ngiti niya nang makita ang guwapo at matangkad na lalaki sa harap niya. He looked rugged and very manly. Ang babaeng pinagkakaguluhan ng mga kababaihan. Ang lalaking kayang magpatunaw ng buto sa isang ngiti lang. “…Orion.”
Si Orion ang huling taong inaasahan niyang makikita doon. Ito ang lalaking kinaiinisan niya noong high school siya. Di naman ito kaguwapuhan at laging mukhang gusgusin. Magulo ang buhok at minsan ay may punit o pintura pa ang damit. Hindi niya alam kung bakit hinahabol ito ng mga babae samantalang mukhang di ito naliligo. She detested his type. Mukhang walang patutunguhan sa buhay.
At mukhang tama siya. Hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang itsura nito. May kahabaan ang buhok nito na parang dinaanan ng bagyo. Parang di nagsa-shampoo at nagsusuklay. Nakasuot ito ng checkered black and red polo na mukhang maayos pero pagdating sa pantalon nito ay may punit at may mantsa ng pintura. Pati ang rubber shoes nito ay may pintura din.
“Orion, anong ginagawa mo dito?” tanong niya.
"Ano bang tanong 'yan?" Ibinuka nito ang mga bisig at niyakap siya. “Sweetheart naman! Hindi mo ba ako nami-miss?”

Chapter 3

Natigagal si Ratchelle nang lumukob sa kanya ang init ng katawan ni Orion. It was not part of her fantasy at all. She hated him! Pero bakit hindi iritasyon ang nararamdaman niya? Pakiramdam niya ay nakalutang siya habang yakap nito. Ano bang nangyayari sa kanya?
At anong ginagawa niya at nagpapayakap siya dito sa katirikan ng araw, sa public place pa. Hindi ito ang lalaking inaasahan niyang susundo sa kanya. Si Vic-Vic ang kailangan niya. Si Vic-Vic ang dapat na susundo sa kanya at hindi ito.
Itinulak niya ito palayo. “Orion, b-bakit ikaw ang nandito? N-Nasaan si Vic-Vic?” tanong niya at nagpalinga-linga. Baka naman gusto lang siyang sorpresahin ni Vic-Vic. O baka nag-park lang ng sasakyan. Inilabas niya ang cellphone at tinawagan ang numero ni Vic-Vic.
Narinig niya ang ring nito at may sumagot. "Hello."
"Hello. Nasaan ka na?"
"Sweetheart, ganyan mo ba ako ka-miss? Kasama mo na nga ako, kailangan mo pa akong tawagan sa telepono."
Nahigit niya ang hininga nang mabosesan si Orion. Nang lumingon siya ay nakatutok ang tainga sa telepono at nakangisi sa kanya. "Hoy! Bakit nasa iyo ang cellphone ni Vic-Vic?"
"Sa akin 'to. Nakiki-text lang siya sa akin."
Mariin siyang pumikit at naggiyagis ang ngipin. My Love pa ang pangalan ni Vic-Vic sa contact niya. Parang gusto niyang burahin ang number. "Bakit wala siyang cellphone?" angil niya.
"Parang di mo kilala si Vic-Vic. Masyadong makaluma at walang hilig sa mga gadget. Di daw niya kailangan ng cellphone at di niya kailangan ng textmate. Saka may kahirapan ang signal sa isla."
Namaywang siya. "Nasaan si Vic-Vic?"
"Nasa isla."
Nasa isla pa? Anong petsa na. "Ano? Anong oras pa siya dadating para sunduin ako?"
"Ako nga ang sundo mo."
Bumagsak ang balikat niya at ang puso niya sa labis na pagkadismaya niya. “Bakit ikaw?”
Hindi man lang ba nagprisinta si Vic-Vic na sunduin siya? At bakit sa dinami-dami ng susundo sa kanya, bakit ito pa? Hindi niya ito kasundo.
Pinisil nito ang baba niya. “Kung makasimangot ka parang gusto mo ng kiss ko.”
Matalim niya itong tiningnan. “Hoy, Orion! Katirikan ng araw, pinag-iinit mo ang ulo ko. Hindi ako humahalik sa kumag na tulad mo. Umalis-alis ka nga sa harapan ko! Kainis ka! Kung ikaw ang sundo ko, ako na lang mag-isa ang uuwi sa La Carmella."
"Huwag! Mag-aalala si Mang Fredo. Ibinilin ka sa akin. Saka may importanteng trabaho si Vic-Vic ngayon. Di niya pwedeng iwan."
"Mas importante pa sa akin?" nagtatampo niyang tanong. Sampung taon silang di nagkita. Ito ang dahilan kung bakit umuwi siya pagkatapos ay hindi siya nito paglalaanan ng panahong sunduin. Baka mamaya ay may babae itong kasama. Di niya naitanong kung may nobya na ito. Ang alam lang niya ay wala pa itong asawa dahil na rin sa balita ng isang pinsan nito na dumalaw sa Maynila at nasalubong niya sa mall.
"Importante ka naman sa akin. Nandito ako, di ba?" anito at inangat ang kamay na parang hahaplusin ang mukha niya. Pigil niya ang hininga habang hinihintay ang paghaplos nito. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya.
Sunud-sunod na busina ang gumising sa kamalayan niya at ibinaba nito ang kamay. Isang pick up truck ang nasa harap nila. "Heto na pala si Berting."
"Sir Orion, nasaan na po ang mga isasakay na bagahe?" tanong ng driver na sa palagay niya ay nasa singkwenta na.
"Heto po," aniya at itinuro ang laman ng cart.
Napakamot sa ulo si Mang Berting. "Marami palang bagahe. Puno na po sa likuran."
"Sige po sa harapan na lang," wika ni Orion at isinakay ang bagahe niya.
"Teka paano ako? Saan ako sasakay?" tanong niya.
"Huwag kang mag-alala. May isa pa akong sasakyang dala. Ipapauna lang natin ang mga bagahe sa pier para maikarga na sa bangka."
"Whatever. Gusto ko nang makapunta sa isla. Anong oras na?" aniya at tiningnan ang gold-studded watch niya.
Inilahad nito ang kamay. “This way.”
Isang motorsiklo ang naghihintay sa kanila sa di kalayuan. Inabot nito ang helmet sa kanya. “D-Diyan tayo sasakay?” tanong niya at itinuon ang tingin sa single motorcycle."Akala ko ba sasakyan?"
"Sasakyan naman 'to. Astig pa! Ito ang baby ko."
Sinapo niya ang noo. "Nakikita mo ba ang itsura ko? Pasasakayin mo ako diyan. Tirik na tirik ang araw at puro alikabok ang daan. Nananadya ka ba? Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana nagrenta na lang ako ng sasakyan. Wala akong tiwala sa 'yo."
“Malapit lang naman 'yan. Maingat akong magmaneho,” sabi nito. Isinuot na nito ang helmet sa ulo niya nang mapansin nito ang pag-aatubili niya. Nakikiliti siya ng pabango nito. She was aware of his presence. Paano pa kaya kapag sumakay siya sa motor nito at halos magkadikit na ang mga katawan nila? “I am driving. Sa palagay mo ba may gagawin akong masama sa iyo?” tanong nito sa husky na boses.